Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Gladyola—Isang Pambihirang Bulaklak na Maselan ang Kagandahan

Ang Gladyola—Isang Pambihirang Bulaklak na Maselan ang Kagandahan

Ang Gladyola​—Isang Pambihirang Bulaklak na Maselan ang Kagandahan

Halos lahat ay humahanga sa maselan na kagandahan ng namumulaklak na pananim, ang isang namumukod-tanging halimbawa nito ay ang gladyola. Dahil sa napakapopular nito, ang gladyola ay komersiyal na itinatanim sa ilang bansa, pati na sa Israel at sa Netherlands. May mga taniman din ng gladyola sa Estados Unidos na nagpapadala ng kanilang mga produkto sa mga mahilig magtanim ng bulaklak sa buong daigdig.

Ang kahanga-hangang pamilya ng gladiolus ay dumami na anupat binubuo ng mahigit na 2,000 uri, na nagtataglay ng lahat ng maiisip na kulay, pagkakaiba-iba ng kulay, at kayarian. Paano nagawa ng mga nagtatanim ng bulaklak ang tila walang-katapusang pagkasari-sari na ito ng iisang bulaklak?

Paglikha ng Bagong mga Uri

Ang nagtatanim ay gumagamit ng isang instrumento, gaya ng iskoba na yari sa buhok ng kamelyo, upang alisin ang mga polen sa stamen, ang panlalaking bahagi, ng isang bulaklak at inililipat ito sa stigma, ang pambabaing bahagi, ng ibang bulaklak. Ang polen ay karaniwang inilalagay sa pinakamababang maliliit na bulaklak, o mga bulaklak, ng halaman mismo. Kapag naisagawa na ito, ang bulaklak ay isinasara at tinatalian upang hindi mabago ng likas na mga nagsasagawa ng polinasyon, gaya ng mga bubuyog o langaw, ang magiging mga bulaklak nito. Upang matamo ang isang partikular na kulay o anyo, ang isang uri ng gladyola ay pinagtatawid-lahi sa ibang uri na nagtataglay ng ninanais na mga katangian.

Hindi ito nangangahulugan na ang bagong uri, o halamang supling ng dalawang uri, ay isang bagong uri ng bulaklak. Ang potensiyal para sa gayong uri ay dati nang naroon, nasa loob ng masalimuot na henetikong kodigo ng gladyola. Sa pamamagitan ng pinipiling pagpapalahi ng iisang uri, maaaring makamit ang hinahangad na mga kulay ng gladyola na mula sa nakasisilaw na puti hanggang sa maitim na pula o matingkad na purpura. May mga gladyola na animo’y may mantsa, batik-batik, may pileges, at dobleng maliliit na bulaklak. Ang ilan ay may bahagyang halimuyak pa nga.

Maselan na Kagandahan

Masdan mong mabuti ang mga bulaklak na nakalarawan dito, at pansinin ang maraming iba’t ibang uri ng gladyola. Anong ganda ng isa na nakikita rito na tinatawag na Pulchritude! Habang bumubukadkad ang mga talulot nito, isinisiwalat nito ang malambot, may rapols, kulay lilang mga gilid na may mas matingkad na lila sa mga dulo nito. Sa pang-ilalim na mga talulot, na patungo sa pinaka-tubo ng bawat maliit na bulaklak, ay magandang kulay ng matingkad na rosas at purpura.

Ang isa pang uri, na tinatawag na Orchid Lace, na nakikita rin dito, ay nagbibigay ng impresyon na napakaselan nito anupat ang pinakamarahang paghipo ay makapipinsala rito. Ang maliliit na bulaklak nito ay nakasandal sa tangkay, habang ang mahahabang stamen ay nakausli mula sa gitna ng bawat makulay na pinaka-tubo ng halaman. Ang ibang uri ay nagtataglay ng makahulugang mga pangalang gaya ng Glittering Star, Dream’s End, Red Alert, Peerless, at Silver Moon.

Pagtatanim ng Gladyola

Bukod pa sa pagkuha ng mga binhi mula sa mga bulaklak, inaani ng mga nagtatanim ng gladyola ang mga corm, ang tulad-bombilyang pang-ilalim na bahagi sa tangkay ng bulaklak. Tinitipon rin nila ang mga cormel, ang maliliit at pangalawahing corm na tumutubo sa pangunahing corm.

Ang karamihan ng itinatanim na gladyola ay pinalaki mula sa mga uring galing sa Aprika. Kaya, ang mga ito’y nag-ugat sa tropiko, wika nga, at lubhang sensitibo sa klima. Hindi man maligtasan ng mga ito ang malalamig na taglamig sa ilang lupain, subalit nabubuhay sila kung panahon ng maiinit na buwan ng tag-init.

Sa mas malalamig na klima ang mga corm ay dapat hukayin sa katapusan ng panahon ng pagtatanim at maingat na linisin. Mabubuo ang isang bagong corm, at ang pag-aalis ng matanda at patay na corm sa pinakaibaba ng tangkay ay magpapadali sa bagong corm na magkaugat. Isa pa, ang sinlaki ng gisantes na mga cormel na nakakumpol sa bawat corm ay dapat alisin. Sa taglamig, kapuwa ang mga cormel at mga corm ay dapat na ilagay sa isang tuyo at katamtaman ang lamig na dako na may temperaturang hindi nagyeyelo.

Kapag naitanim, ang bawat cormel ay mag-uusbong ng maninipis na dahon, at sa pagtatapos ng panahon ng pagtatanim, ang cormel ay magiging isa nang magulang na corm. Kapag itinanim ang mga corm na ito sa susunod na panahon ng pagtatanim, ito’y magiging mayabong at namumulaklak na adultong mga halaman.

Sa mas maiinit na klima, ang pagtatanim ay makapagpapasimula sa mga unang buwan ng tagsibol. Ang panahon ng pagtatanim ay hindi gaanong mahirap sa mas maiinit na klima. Pinakamainam, ang mga cormel at mga corm ay dapat na itanim sa mamasa-masa at bahagyang maasidong lupa. Ang mga ito ay dapat na itanim sa maaraw na lugar, yamang hindi gusto ng gladyola ang lilim.

Ang mga cormel ay maaaring isabog sa walong-centimetro ang lalim na tudling at pagkatapos ay tabunan ng lupa. Sa kabilang dako naman, ang mga corm ay dapat na itanim sa lalim na labintatlong centimetro. Upang maiwasan ang pagsisiksikan sa isang hardin sa bahay, ang mga corm na katamtaman ang laki ay dapat na itanim nang mga tatlong pulgada ang agwat at ang mas malalaking corm nang apat hanggang limang pulgada ang agwat. Kung lilinisin at maingat na itatanim mo ang iyong mga corm ng gladyola, pagkaraan ng ilang buwan, ikaw ay gagantimpalaan ng di-mailarawang pagtatanghal​—ang makulay at maselan na kagandahan ng mga gladyola.

[Larawan sa pahina 16]

Orchid Lace

[Larawan sa pahina 16, 17]

Coral Dream

Monet

Dream’s End

Sunsport

[Larawan sa pahina 17]

Pulchritude