Isang Tiyak na Pag-asa
Isang Tiyak na Pag-asa
HALOS 2,000 taon na ang nakalilipas, si Jesus, na kadalasang tinatawag na ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman, ay di-makatarungang hinatulan ng kamatayan. Habang nakabayubay siya sa pahirapang tulos, isang manggagawa ng kasamaan na nakabayubay sa tabi niya ang may panunuyang nagsabi: “Ikaw ang Kristo, hindi ba? Iligtas mo ang iyong sarili at kami.”
Nang pagkakataong iyon, isa pang manggagawa ng kasamaan na bibitayin din ang sumaway sa lalaki: “Hindi mo ba kinatatakutan man lamang ang Diyos, ngayon na ikaw ay nasa gayunding hatol? At tayo nga ay makatarungang magkaganito, sapagkat tinatanggap natin nang buo ang nararapat sa atin dahil sa mga bagay na ating ginawa; ngunit ang taong ito ay walang ginawang anumang lihis.” Pagkatapos ay bumaling siya kay Jesus at nagsumamo: “Alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.”
Si Jesus ay sumagot: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Makakasama kita sa Paraiso.”—Lucas 23:39-43.
Si Jesus ay may kamangha-manghang pag-asa na inilagay sa harapan niya. Ganito ang napansin ni apostol Pablo na epekto ng pag-asang ito kay Jesus, na sinasabing: “Dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan.”—Hebreo 12:2.
Kabilang sa “kagalakang” inilagay sa harapan ni Jesus ay ang pamumuhay muli na kasama ng kaniyang Ama sa langit at ang panunungkulan sa dakong huli bilang Tagapamahala ng Kaharian ng Diyos. Karagdagan pa, tataglayin din niya ang kagalakan ng pagtanggap sa langit sa subok at pinagkatiwalaang mga alagad niya na kasama niyang mamamahala sa lupa bilang mga hari. (Juan 14:2, 3; Filipos 2:7-11; Apocalipsis 20:5, 6) Ano, kung gayon, ang ibig sabihin ni Jesus nang pangakuan niya ang nagsisising manggagawa ng kasamaan na siya ay mapupunta sa Paraiso?
Ano ang Pag-asa Para sa Manggagawa ng Kasamaan?
Ang lalaking iyon ay hindi naging kuwalipikado na mamahalang kasama ni Jesus sa langit. Hindi siya kabilang doon sa mga sinabihan ni Jesus na: “Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok; at nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian.” (Lucas 22:28, 29) Subalit, nangako si Jesus na makakasama niya ang manggagawa ng kasamaan sa Paraiso. Paano matutupad ang pangakong iyon?
Ang unang lalaki at babae, sina Adan at Eva, ay inilagay ng Diyos na Jehova sa Paraiso, isang hardin ng kaluguran na tinawag na Eden. (Genesis 2:8, 15) Ang Eden ay nasa lupa, at nilayon ng Diyos na ang buong lupa ay maging isang paraiso. Gayunman, sinuway nina Adan at Eva ang Diyos at sila’y pinalabas sa kanilang magandang tahanan. (Genesis 3:23, 24) Ngunit inihayag ni Jesus na ang Paraiso ay maisasauli at na masasakop nito ang buong lupa.
Nang tanungin ni apostol Pedro si Jesus kung anong gantimpala ang tatanggapin niya at ng kaniyang kapuwa mga apostol sa pagsunod sa kaniya, si Jesus ay nangako: “Sa muling-paglalang, kapag ang Anak ng tao ay umupo sa kaniyang maluwalhating trono, kayo na sumunod sa akin ay uupo rin mismo sa labindalawang trono.” (Mateo 19:27, 28) Kapansin-pansin, sa ulat ni Lucas hinggil sa pag-uusap na ito, sa halip na sabihing “sa muling-paglalang,” si Jesus ay sinipi na nagsasabing “sa darating na sistema ng mga bagay.”—Lucas 18:28-30.
Samakatuwid, kapag umupo si Jesu-Kristo sa kaniyang maluwalhating trono sa langit, kabilang yaong mga mamamahalang kasama niya, siya ay magtatatag ng isang matuwid na bagong sistema ng mga bagay. (2 Timoteo 2:11, 12; Apocalipsis 5:10; 14:1, 3) Sa pamamagitan ng makalangit na pamamahala ni Kristo, matutupad na ang orihinal na layunin ng Diyos para sa buong lupa na maging isang paraiso!
Sa panahon ng pamamahalang ito ng Kaharian, tutuparin ni Jesus ang kaniyang pangako sa kriminal na kasama niyang namatay. Kaniya itong bubuhaying-muli, at ang taong iyon ay magiging makalupang sakop ni Jesus. Pagkatapos
ay bibigyan ng pagkakataon ang manggagawa ng kasamaan na abutin ang mga kahilingan ng Diyos at mabuhay magpakailanman sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian. Tiyak na magagalak tayo sa salig-Bibliya na pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa!Maaaring Magkaroon ng Kahulugan ang Buhay
Gunigunihin ang maibibigay na kahulugan sa ating buhay ng gayong dakilang pag-asa. Matutulungan tayo nito na ipagsanggalang ang ating mga isip mula sa mga kasakunaang bunga ng negatibong pag-iisip. Ang pag-asang iyan ay inihalintulad ni apostol Pablo sa isang mahalagang bahagi ng espirituwal na baluti. Sinabi niya na kailangan nating isuot “ang pag-asa ng kaligtasan” “bilang isang helmet.”—1 Tesalonica 5:8; Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4.
Ang pag-asang iyan ay nakapagbibigay buhay. Sa Paraisong darating, ang kalungkutan ay mapapalitan ng luha ng kagalakan habang ang ginigiliw na mga mahal sa buhay ay binubuhay muli ng “Diyos na nagbabangon ng mga patay.” (2 Corinto 1:9) Pagkatapos ay malilimutan na ang pagkasiphayo dahil sa kahinaan sa pisikal, kirot, at di-pagkakakilos, sapagkat “aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa.” Ang laman ng isang tao ay ‘magiging sariwa pa kaysa noong kabataan,’ at siya ay ‘babalik sa mga araw ng lakas ng kaniyang kabataan.’—Isaias 35:6; Job 33:25.
Sa panahong iyon, kapag “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may-sakit,’ ” ang pagkasira ng loob dahil sa isang namamalaging karamdaman ay magiging isang naglalahong alaala na lamang. (Isaias 33:24) Ang kahungkagan ng malubhang panlulumo ay mapapalitan ng “pagsasaya hanggang sa panahong walang takda.” (Isaias 35:10) Ang kawalang-pag-asa dahil sa sakit na nakamamatay ay maglalaho kasama na mismo ang kamatayan, ang sinaunang kaaway ng sangkatauhan.—1 Corinto 15:26.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Panatilihing malapit sa isipan ang kahanga-hangang pag-asa ng bagong sanlibutan ng Diyos