‘Magiging Ibang-Iba ang Ating Daigdig’
‘Magiging Ibang-Iba ang Ating Daigdig’
Ang pagsisikap na kanselahin ang isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Moscow noong Agosto ay pumukaw ng labis na atensiyon. (Tingnan ang pahina 27 at 28 para sa mga detalye.) Iniulat ni Andrei Zolotov, Jr., sa The Moscow Times ng Agosto 21, 1999, na “sinabi ni Vladimir Kozyrev, katulong na direktor ng sports complex, na hindi tutol ang administrasyon na idaos ang pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya na hindi niya alam kung saan nanggaling ang utos [na kanselahin ito].”
Sa isang liham na inilathala sa The Moscow Times pagkalipas ng isang linggo, pinuri ng isang mambabasa ang pahayagan dahil sa paglalathala ng “tunay na walang-kinikilingang” artikulo at sinabi na ito ay “talagang karapat-dapat sa atensiyon ng mga mambabasa.” Sinabi niya: “Ang inyong paglalahad hinggil sa matitinding problema na nakaharap ng mga Saksi ni Jehova sa paghahanda para sa kanilang taunang kombensiyon [ay nagbunyag] sa di-makatarungang pagtrato [sa kanila].”
Pagkatapos ay sinabi ng sumulat ng liham na ang mga Saksi ni Jehova “ay kilalang-kilala sa daigdig (at ngayon ay maging sa Russia) . . . Sila ay . . . kilalang-kilala bilang magigiliw, mababait, at maaamong tao na napakadaling pakitunguhan, na hindi kailanman nanggigipit sa ibang tao at laging naghahangad ng kapayapaan sa kanilang pakikipag-ugnayan sa iba anuman ang relihiyosong paniniwala ng mga ito kahit na mga Ortodoksong Kristiyano man, Muslim o mga Budista. Walang tumatanggap ng suhol, lasinggero o mga sugapa sa droga sa gitna nila, at ang dahilan nito ay napakasimple: Sinisikap lamang nila na paakay sa kanilang salig-Bibliyang mga paninindigan sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa o sinasabi. Kung sinikap lamang ng lahat ng tao sa daigdig na mamuhay kasuwato ng Bibliya gaya ng ginagawa ng mga Saksi ni Jehova, magiging ibang-iba sana ang ating malupit na daigdig.”
Pinatutunayan ng mga awtoridad na nagsiyasat sa mga Saksi ni Jehova at nakikitungo sa kanila nang tuwiran na totoo ang paglalarawan sa itaas. Halimbawa, ang gayong mga awtoridad ang nagbigay ng mga pahintulot sa mga Saksi upang maitayo ang maganda at bagong Assembly Hall na ito sa St. Petersburg, Russia. Nang ialay ito noong Setyembre 18, ang bulwagan ay napuno ng 2,257 maliligayang tagamasid, at 2,228 pa ang nakinig sa programa sa mga Kingdom Hall sa St. Petersburg at sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa karatig na Solnechnoye.