Pagpapatiwakal—Ang Nakakubling Epidemya
Pagpapatiwakal—Ang Nakakubling Epidemya
SINA JOHN AT MARY * ay malapit nang mag-60 at nakatira sa isang maliit na bahay sa kabukiran ng Estados Unidos. Si John ay unti-unting namamatay dahil sa emphysema at congestive heart failure. Hindi talaga lubos-maisip ni Mary ang buhay kung wala si John, at hindi niya makayanan ang kirot na nakikita siyang unti-unting nanghihina, na nangangapos sa paghinga. May mga suliranin din sa kalusugan si Mary at maraming taon nang nagdurusa dahil sa panlulumo. Nag-aalala si John nitong bandang huli dahil nagsasalita si Mary ng tungkol sa pagpapatiwakal. Ang kaniyang pag-iisip ay lalong nagugulumihanan dahil sa panlulumo at sa lahat ng gamot na iniinom niya. Sinabi niyang hindi niya makakayanan na isiping siya’y mag-iisa.
Maraming gamot sa bahay—mga pildoras para sa puso, antidepressant, at tranquilizer. Isang madaling araw, si Mary ay nagpunta sa kusina at basta nagsimula na lang uminom ng mga pildoras. Hindi siya tumigil hanggang sa nakita siya ni John at inagaw ang mga pildoras mula sa kaniya. Tinawagan niya ang rescue squad habang unti-unti siyang nakoma. Nananalangin siya na sana’y hindi pa huli ang lahat.
Kung Ano ang Isinisiwalat ng Estadistika
Sa nakalipas na mga taon marami na ang naisulat tungkol sa dumaraming bilang ng pagpapatiwakal sa gitna ng mga kabataan—at angkop naman, sapagkat anong trahedya ang hihigit pa kaysa sa di-napapanahong kamatayan ng isang kabataan, na punung-punô ng buhay at pangarap? Gayunman, hindi nababanggit sa mga ulong-balita ang katotohanan na patuloy na tumataas ang bilang ng nagpapatiwakal sa karamihan ng mga bansa habang ang isa’y nagkakaedad. Totoo ito maging ang pangkalahatang bilang man ng pagpapatiwakal sa isang partikular na bansa ay mataas o mababa, gaya ng ipinakikita ng kahon sa naunang pahina. Ang
pagsulyap sa mga estadistikang ito ay nagsisiwalat din sa paglaganap ng nakakubling epidemyang ito sa buong daigdig.Iniulat noong 1996 ng U.S. Centers for Disease Control na ang bilang ng mga pagpapatiwakal sa gitna ng mga Amerikano na may edad 65 at mas may-edad pa ay mabilis na tumaas nang 36 na porsiyento mula noong 1980. Ang ilan sa pagtaas nito ay dahil sa mas maraming bilang ng may-edad nang Amerikano—ngunit hindi ito ang buong dahilan. Noong 1996 ang aktuwal na bilang ng pagpapatiwakal sa gitna ng mga mahigit sa 65 ang edad ay tumaas din nang 9 na porsiyento, sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 40 taon. Sa mga kamatayan na nauugnay sa pinsala, mas maraming may-edad nang Amerikano ang namatay dahil sa pagkahulog at pagkabunggo sa mga sasakyan. Sa katunayan, maging ang nakababahalang mga bilang na ito ay maaaring napakababa pa rin. “Ipinapalagay na ang pagpapatiwakal ay lubusang hindi binabanggit sa mga estadistika na salig sa sertipiko ng dahilan-ng-kamatayan,” ang sabi ng A Handbook for the Study of Suicide. Idinagdag pa ng aklat na tinataya ng ilan na ang aktuwal na bilang ay dalawang beses na mas mataas kaysa sa iniulat na estadistika.
Ang resulta nito? Ang Estados Unidos, tulad ng maraming iba pang bansa, ay nagdurusa mula sa nakakubling pambuong daigdig na epidemya ng pagpapatiwakal ng mga mamamayang may-edad na. Ganito ang sabi ni Dr. Herbert Hendin, isang dalubhasa sa problemang ito: “Sa kabila ng katotohanan na ang bilang ng pagpapatiwakal sa Estados Unidos ay patuloy na tumataas at kapuna-punang habang nagkakaedad ang tao, ang pagpapatiwakal sa gitna ng may-edad nang mga tao ay hindi gaanong napapansin ng publiko.” Bakit gayon? Sinabi niya na bahagi ng suliranin ay na yamang ang bilang ng pagpapatiwakal sa may-edad nang mga tao ay dati nang mataas, “hindi ito gaanong nakagigimbal kung ihahambing sa nakabibiglang pagtaas ng pagpapatiwakal ng kabataan.”
Labis na Kahusayan
Bagaman nakagugulat, ang mga estadistikang ito ay basta mga numero lamang na walang damdamin. Hindi naipadarama ng mga ito ang kalungkutan ng buhay dahil sa kawalan ng minamahal na kabiyak, ang kabiguan dahil sa nawalang kalagayan ng pagiging di-umaasa sa iba, ang pagkasira ng loob dahil sa di-gumagaling na sakit, ang damdamin ng labis na kawalang kaligayahan at kalungkutan dahil sa malubhang panlulumo, ang kawalang pag-asa dahil sa isang nakamamatay na sakit. Ang malungkot na katotohanan ay na samantalang ang mga kabataan ay maaaring magtangkang magpatiwakal bilang pabigla-biglang reaksiyon sa pansamantalang mga suliranin, ang may-edad nang mga tao ay kadalasang napapaharap sa mga suliranin na para bang permanente at di-malulunasan. Bunga nito, kadalasang mas determinado nilang pinag-iisipan ang pagpapatiwakal kaysa mga kabataan at isinasagawa ito taglay ang labis na kahusayan.
“Ang pagpapatiwakal ay hindi lamang palasak sa gitna ng may-edad nang mga tao, kundi ipinakikita rin mismo ng paraan ng pagpapatiwakal ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng matanda at bata,” ang sabi ni Dr. Hendin, sa kaniyang aklat na Suicide in America. “Lalo nang kapuna-puna ang pagkakaiba sa katumbasan ng mga tangkang pagpapatiwakal sa aktuwal na pagpapatiwakal sa gitna ng may-edad nang mga tao. Sa populasyon sa pangkalahatan, ang katumbasan ng tangkang mga pagpapatiwakal sa aktuwal na mga pagpapatiwakal ay tinatayang 10 sa 1; sa gitna ng mga kabataan (15-24), ito ay tinatayang 100 sa 1; at sa gitna niyaong mahigit sa 55, ito ay tinatayang 1 sa 1.”
Nakababahalang estadistika! Talagang nakapanlulumo ang tumanda, manghina sa pisikal, at magdusa sa kirot at karamdaman! Hindi kataka-taka na marami ang nagpapatiwakal. Gayunman, may matinding dahilan upang pakamahalin ang buhay—maging sa ilalim ng lubhang mahihirap na kalagayan. Isaalang-alang ang nangyari kay Mary, na nabanggit sa pasimula.
[Talababa]
^ par. 2 Binago ang mga pangalan.
[Chart sa pahina 3]
Bilang ng Pagpapatiwakal sa Bawat 100,000 Tao, Ayon sa Edad at Kasarian
Mga Lalaki/Mga Babae Edad 15 to 24
8.0/2.5 Argentina
4.0/0.8 Gresya
19.2/3.8 Hungary
10.1/4.4 Hapon
7.6/2.0 Mexico
53.7/9.8 Russia
23.4/3.7 Estados Unidos
Mga Lalaki/Mga Babae Edad 75 and Up
55.4/8.3 Argentina
17.4/1.6 Gresya
168.9/60.0 Hungary
51.8/37.0 Hapon
18.8/1.0 Mexico
93.9/34.8 Russia
50.7/5.6 Estados Unidos