Pinahahalagahan ng mga Ruso ang Kalayaan sa Pagsamba
Pinahahalagahan ng mga Ruso ang Kalayaan sa Pagsamba
SAPOL NANG MABUWAG ANG UNYONG SOBYET NOONG 1991, ANG MGA NANINIRAHAN DOON AY NAGTAMASA NA NG HIGIT NA KALAYAAN SA PAGSAMBA SA DIYOS. ANG GAYONG KALAYAAN AY PINAHALAGAHAN DIN NIYAONG MGA NANDAYUHAN SA IBANG BANSA.
PARA sa maraming naninirahan sa dating Unyong Sobyet, ang kalayaang magtipon nang hayagan upang sumamba sa Diyos ay isang di-malilimot na kasiyahan—isang bagay na ipinagkait sa kanila sa loob ng maraming dekada.
Pagkatapos ng Rebolusyong Bolshevik noong 1917, naging mapanganib ang pagbabasa ng Bibliya sa Russia, at iilang tao lamang ang nagsapanganib ng kanilang kalayaan upang magawa ito. Naiiba naman ang mga Saksi ni Jehova. Sa katunayan, sinipi ng magasing Newsweek ng Abril 16, 1956—halos 44 na taon na ang nakalilipas—ang isang kabataan sa Silangang Alemanya na nagsabi: “Walang nagbabasa ng Bibliya maliban sa mga Saksi ni Jehova.” Subalit, dahil sa pagdaraos ng mga pulong para sa pag-aaral ng Bibliya at pangangaral ng mensahe ng Bibliya, ang mga Saksi ay ipiniit sa mga bilangguan at sa mga kampo ng sapilitang pagpapatrabaho. Gayunman, saanman sila magpunta, nakatuon ang kanilang pansin sa kanilang salig-Bibliyang pag-asa, gaya ng ipinakikita sa kalakip na kahon.
Nang mabuwag ang Unyong Sobyet noong 1991, ang mga Saksi roon ay nagdaos ng pitong kombensiyon na nagtatampok ng isang programa sa pagtuturo ng Bibliya. Lahat-lahat, 74,252 ang dumalo. Noong 1993, makalipas lamang ang dalawang taon, 112,326 ang nagtipon sa walong kombensiyon na katulad niyaon sa 4 sa 15 dating republika ng Unyong Sobyet. * Marami sa libu-libong iyon ang gumugol ng mahahabang taon sa mga bilangguan at mga kampo ng sapilitang pagpapatrabaho ng Sobyet. Labis-labis ang pasasalamat ng tapat na mga Kristiyanong ito dahil sa kanilang kalayaang sumamba sa Diyos nang walang hadlang.
Taun-taon mula 1993, ang mga tao mula sa dating mga republikang Sobyet ay nagpapahalaga sa pribilehiyo na malayang magpulong sa Kristiyanong mga pagtitipon sa kani-kanilang sariling
lupain. Halimbawa, noong nakaraang taon, isang kabuuang bilang na 282,333 mga Saksi ni Jehova at mga kaibigan nila ang labis na natuwa sa pagsamba habang nagsasama-sama sa 80 “Makahulang Salita ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon na idinaos sa dating mga republikang Sobyet. At isang kabuuang bilang na 13,452 ang nabautismuhan.Bagaman waring nakapagtataka, noong isang taon ay nagkaroon din ng mga kombensiyon sa wikang Ruso sa iba pang bansa sa daigdig. Isang kabuuang 6,336 katao ang dumalo sa apat na pagtitipon na katulad niyaon sa mga bansa sa labas ng dating Unyong Sobyet! Saan idinaos ang mga ito? At bakit gayon na lamang kainteresado sa Bibliya ang napakaraming tao na nagsasalita ng wikang Ruso? Isaalang-alang muna natin sa maigsi ang huling tanong.
Inaamin Nilang May Espirituwal na Pangangailangan
Ang Russia ay may mayamang kasaysayan sa relihiyon. Ang nagagayakang mga katedral nito, na itinayo noong nakalipas na daan-daang taon, ay kabilang sa pinakabantog sa Sangkakristiyanuhan. Gayunman, sinikap ng Simbahang Ruso Ortodokso, gaya ng Simbahang Romano Katoliko, na manatiling walang-kaalam-alam sa Bibliya ang mga tao.
“Ang Bibliya,” paliwanag ng kamakailang aklat na The Russian Tragedy—The Burden of History, “ay hindi kailanman naging pangunahing bahagi ng Ortodoksiyang Ruso.” Ang resulta, ayon sa isang Rusong iskolar sa relihiyon na si Sergei Ivanenko, ay na “ang kawalan ng kaalaman sa Bibliya ng mga mananampalatayang Ortodokso ang umakay sa katotohanan na mas maraming miyembro ng parokya ng mga simbahang Ortodokso ang higit na madaling maimpluwensiyahan ng mga pamahiin, okultismo, at mahika kaysa sa mga di-mananampalataya.”
Gayundin ang naging obserbasyon ng bantog na Rusong manunulat na si Tolstoy. Sumulat siya: “Kumbinsido ako na ang teoriya ng doktrina ng simbahang [Ruso Ortodokso] ay isang katusuhan at nakapipinsalang panlilinlang, at ang gawain nito ay isang koleksiyon ng pinakamasasamang pamahiin at panggagaway, na lubusang nagpapalabo sa buong kahulugan ng Kristiyanong turo.”
Ang kalagayang ito ay napatunayang angkop na angkop sa pagbangon ng Komunismong Sobyet taglay ang ateistikong propaganda at kilalang kasabihan nito: “Ang relihiyon ang opyo ng bayan.” Gayunman, di-nagtagal at ang Komunismo mismo ay naging isang anyo ng relihiyon, na karaniwan nang tinatawag na Pulang Relihiyon. Subalit ang Pulang Relihiyon ay hindi nagtagal. Nang bumagsak ang Estadong Sobyet noong 1991, milyun-milyong tao ang nalito at hindi malaman kung saan babaling. Dahil sa pampatibay-loob ng mga Saksi ni Jehova, libu-libong Ruso ang humanap ng mga kasagutan sa Bibliya.
Bilang resulta ng mainam na sistema sa edukasyon, ang mga Ruso ay napabilang sa mga pinakamarunong bumasa’t sumulat sa buong daigdig. Kaya naman, maraming Ruso ang hindi lamang naging mga mambabasa ng Bibliya kundi naging mga mangingibig din naman ng mga turo nito.
Kasabay nito, lalo na noong dekada ng mga taóng 1990, daan-daang libong tao mula sa dating Unyong Sobyet ang nandayuhan sa ibang bansa, gaya ng Alemanya, Gresya, at Estados Unidos. Ano ang naging bunga?Kalayaan sa Pagsamba sa Alemanya
Noong ika-18 at ika-19 na mga siglo, maraming Aleman ang lumipat sa Russia. Ang pinakabantog ay ang 15-taóng-gulang na si Sophie, na humalili sa kaniyang asawa bilang tagapamahala ng Russia noong 1762. Sa loob ng kaniyang mahabang pamamahala, inanyayahan ni Sophie, na nang maglaon ay nakilala bilang Catherine the Great, ang mga magsasakang Aleman na manirahan na sa Russia. Pagkatapos, nang salakayin ng Alemanya ang Unyong Sobyet noong Digmaang Pandaigdig II, karamihan sa mga may lahing Aleman ay inilipat sa Siberia at sa mga republikang Sobyet na gaya ng Kazakhstan, Kyrgyzstan, at Uzbekistan. Kamakailan, maraming Aleman na marunong ng wikang Ruso, gayundin ang iba pa mula sa dating Unyong Sobyet, ang lumipat sa Alemanya upang tamasahin ang mas mabuting kalagayan sa ekonomiya.
Noong Disyembre 1992, ang kauna-unahang kongregasyon sa wikang Ruso sa Alemanya ay itinatag sa Berlin. Noong nakaraang taon, 52 kongregasyon at 43 mas maliliit na grupo ang naitatag anupat bumuo ng tatlong sirkito sa wikang Ruso sa Alemanya. Nagkaroon ng pinakamataas na bilang ng dumalo na 4,920 sa “Makahulang Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon sa wikang Ruso sa Cologne, na idinaos mula Hulyo 30 hanggang Agosto 1, kung saan 164 ang nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova. Bago nito, noong Abril 1, sa mga kongregasyon sa wikang Ruso sa Alemanya, 6,175 ang dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus.
Mga Ruso sa Estados Unidos
Ang Estados Unidos din ay dinagsa ng mga taong nagsasalita ng wikang Ruso mula sa dating Unyong Sobyet. Nag-ulat ang The New York Times: “Sa pagitan ng 1991 at 1996, ang mga Ruso ang pinakamabilis-dumaming grupo ng mga dayuhan sa Brooklyn. Sa loob ng panahon ding iyon, ang Immigration and Naturalization Service ay nagpapasok sa Estados Unidos ng mahigit sa 339,000 dayuhan mula sa dating Unyong Sobyet.”
Pagkaraan, sinabi ng Times ng Enero 1999 na noong nakaraang dekada, mga 400,000 Judio mula sa dating Unyong Sobyet ang nandayuhan sa New York City at sa palibot nito. Karagdagan pa, libu-libong Ruso ang nanirahan sa iba pang bahagi ng Estados Unidos nitong nakalipas na mga taon. Halimbawa, dumagsa sa hilagang California ang mga 35,000 bagong dayuhang Ruso, anupat naging ikatlo ito sa pinakamalaking sentro
ng mga dayuhan mula sa dating Unyong Sobyet kasunod ng New York at Los Angeles. Ang mga taong ito na nagsasalita ng wikang Ruso ay tumugon din sa pagkakataong mapag-aralan ang Bibliya, at daan-daan sa kanila ang naging mananamba ng tunay na Diyos, si Jehova.Noong Abril 1, 1994, ang kauna-unahang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa wikang Ruso ay naitatag kamakailan sa Estados Unidos sa Brooklyn, New York. Nang bandang huli, pinasimulan ang mga kongregasyon sa wikang Ruso sa Pennsylvania, California, at Washington. Nagsimula na rin ang mga grupo sa pag-aaral sa maraming iba pang bahagi ng bansa.
Kauna-unahan sa Estados Unidos
Noong Agosto 20 hanggang 22, isang pinakamataas na bilang ng dumalo na 670 mula sa buong Estados Unidos at Canada ang buong-pananabik na dumalo sa kauna-unahang pandistritong kombensiyon sa wikang Ruso na ginanap sa New York City. Lahat ng pahayag ay binigkas sa wikang Ruso, at isang kumpleto-sa-kostiyum na drama, na nagtatampok sa salaysay ng Bibliya tungkol kina Jacob at Esau, ang ipinalabas ng mga miyembro ng Russian Congregation sa Los Angeles, California. Tunay ngang isang tampok na bahagi iyon sa kombensiyon.
Ang isa pang tampok na bahagi ng kombensiyon ay ang bautismo ng 14 katao, na pawang makikita sa kalakip na larawan. Ang ilan ay naglakbay nang mga 4,000 kilometro mula sa Portland, Oregon, at mula sa Los Angeles at San Francisco, California, upang mabautismuhan sa kombensiyon sa New York City. Noon, ang 14 na ito ay naninirahan sa mga republika ng Armenia, Azerbaijan, Belarus, Moldova, Russia, at Ukraine. Isinisiwalat ng kanilang mga karanasan kung gaano nila pinahahalagahan ang kaalaman ng Diyos at ang kalayaan ng pagsamba sa kaniya.
Si Svetlana (nasa unahang hanay, pangatlo mula sa kaliwa) ay lumaki sa Moscow. Sa edad na 17 ay nagpakasal siya sa isang bantog na mang-aawit na malaki ang tanda sa kaniya, at noong 1989, dumating sila sa Estados Unidos kasama ang kanilang sanggol na lalaki. Palaging nagbibiyahe ang kaniyang asawa, at pagkalipas ng limang taon ay naghiwalay sila.
Nang makilala ni Svetlana ang isang kamanggagawang Saksi, binabalaan siya ng kaniyang mga kaibigan na huwag siyang makisama sa tinagurian nila na “isang sekta na kokontrol sa [kaniyang] buhay at sasamsam sa lahat ng [kaniyang] salapi.” Subalit, gusto niyang matutuhan ang itinuturo ng Bibliya. Hinggil sa pangalan ng Diyos na ipinakita sa kaniya sa Bibliya, sinabi niya: “Talagang humanga ako na tanging ang mga Saksi lamang ang nagpapakilala niyaon.”
Nang nasa kabataan pa, si Andrei (nasa hanay sa likod, pangatlo mula sa kaliwa) ay umalis sa kanilang tahanan sa Siberia para higit pang pasulungin ang kaniyang pagsasanay bilang isang atleta
sa ngayo’y St. Petersburg. Di-nagtagal pagkaraan nito, nabuwag ang Unyong Sobyet, at noong 1993, si Andrei, sa edad na 22, ay nandayuhan sa Estados Unidos. Ganito ang paliwanag niya: “Naisip ko ang Diyos at nagsimula akong magsimba sa Simbahang Ruso Ortodokso. Minsan, habang ipinagdiriwang ang Rusong Pasko ng Pagkabuhay, buong magdamag akong namalagi sa loob ng simbahan sa pagsisikap na mapalapit sa Diyos.”Nang mga panahong ito ay nakilala ni Svetlana si Andrei, at sinabi nito sa kaniya ang hinggil sa mga bagay na natututuhan niya sa pag-aaral ng Bibliya. Pumayag si Andrei na sumama sa kaniya sa pulong ng mga Saksi ni Jehova, at pagkaraan ay tinanggap niya ang isang pag-aaral sa Bibliya. Ikinasal sila noong Enero 1999. Nang mabautismuhan sila sa kombensiyon, sila’y masayang-masaya.
Si Pavel (nasa hanay sa likod, pang-apat mula sa kaliwa) ay ipinanganak malapit sa Qaraghandy, Kazakhstan, ngunit pagkaraan ay lumipat sila sa Nal’chik, Russia. Ang malaking lunsod na ito ay malapit sa Chechnya at Dagestan, na pinangyayarihan ng napakaraming labanan. Unang nakilala ni Pavel ang mga Saksi roon noong Agosto 1996, subalit nandayuhan siya sa San Francisco nang sumunod na buwan. Nasangkot siya sa droga at naging ama ng isang anak na babae, na naiwan sa Russia kapiling ng ina nito.
Karaka-raka pagdating sa Estados Unidos, nakipag-ugnayan si Pavel sa mga Saksi ni Jehova at tinanggap niya ang isang pag-aaral sa Bibliya. Itinuwid niya ang kaniyang buhay at isinulat sa ina ng kaniyang anak ang hinggil sa kaniyang bagong-tuklas na paniniwala. Ang babaing ito ngayon ay nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova, at may plano itong pumunta sa Estados Unidos upang sila ni Pavel ay makapagpakasal at magkasamang makapaglingkod kay Jehova sa California kasama ng kanilang anak.
Si George (nasa hanay sa likod, pangalawa mula sa kaliwa) ay ipinanganak at lumaki sa Moscow. Dumating siya sa Estados Unidos noong 1996, at nang sumunod na taon ay pinakasalan niya si Flora, na tubong Azerbaijan. Nagsimba si George sa Simbahang Ruso Ortodokso, subalit pagkabasa niya ng magasing Bantayan, nagkaroon siya ng mga katanungan hinggil sa doktrina ng Trinidad. Bilang tugon sa kaniyang liham sa Samahang Watch Tower, tumanggap siya ng brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad? Noong 1998, silang dalawa ni Flora ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Ngayon ay nagpaplano na rin si Flora na magpabautismo.
Ang isa pang tampok na bahagi ng kombensiyon ay ang pagtanggap ng mga pagbati mula sa Moscow, kung saan 15,108 ang nagkakatipon sa kanilang kombensiyon noong dulong sanlinggo ring iyon. Tuwang-tuwa ang mga delegado sa New York City nang marinig nila ang patalastas na 600 ang nabautismuhan doon! Iyan ay lalo nang totoo dahil sa masasamang ulat sa pahayagan at telebisyon na nagsimulang lumabas sa Estados Unidos at sa ibang lugar nang linggong iyon bago ang petsa ng kombensiyon.
Ang Nagaganap Noon sa Moscow
Noong Hulyo 21, 1999, pumirma sa kontrata ang mga Saksi para gamitin ang Olympic Stadium na malapit sa sentro ng Moscow at katabi lamang ng isang malaking simbahan ng Ruso Ortodokso. Subalit isang linggo bago magsimula ang kombensiyon, naging maliwanag na magkakaroon ng pagtutol. Pagsapit ng Miyerkules, Agosto 18, hindi pa rin naipagkakaloob ang pahintulot na magamit ang istadyum, bagaman nabayaran na ang upa para roon. Idiniin sa mga opisyal na, gaya ng ipinakikita ng kahon sa pahina 28, ang mga Saksi ni Jehova ay isang legal na kinikilalang relihiyosong organisasyon sa Russia.
Palibhasa’y 15,000 delegado sa kombensiyon ang naghahandang dumalo sa Biyernes ng umaga, ang mga Saksing kinatawan ay nagsimula nang mabahala. Ang ilang delegado ay maglalakbay patungong Moscow mula sa mga lunsod at bayan na milya-milya ang layo. Sa wakas, pagkalipas ng ilang oras na pag-uusap, mga alas 8:00 n.g., noong Huwebes, Agosto 19, natutuwang ipinabatid ng pangasiwaan ng istadyum sa mga Saksing kinatawan na puwede nang ituloy ang kombensiyon. Ipinatalastas ng administrasyon ng lunsod na wala silang tutol sa kombensiyon.
Libu-libo ang humugos sa istadyum kinabukasan ng umaga. Ang mga boluntaryong Saksi ay magdamag na nagtrabaho upang ihanda ang pagdating ng mga ito. Naroroon din nang unang umagang iyon ang mga miyembro ng media, na antimano’y sinabihan hinggil sa pagtutol na idaos ang kombensiyon. “Binabati namin kayo!” bulalas ng isa sa kanila. “Natutuwa kaming mabalitaan na tuloy ang inyong kombensiyon.”
Halimbawa ng Maayos na Paggawi
Nadama ng pangasiwaan ng istadyum na makabubuti kung gagawa sila ng mga hakbanging panseguridad. Kaya naman, ang mga guwardiya na may detektor ng metal na gaya ng ginagamit sa pag-eeksamin sa mga pasahero sa mga paliparan
ay ipinuwesto sa lahat ng pasukan. Nakakalat din ang mga pulis sa loob ng istadyum. Nagpatuloy ang kombensiyon sa maayos na paraan sa kabila ng isang masamang banta.Noong Sabado ng hapon, may tumawag sa telepono na nagsasabing may inilagay na bomba sa istadyum. Natanggap ang banta nang malapit nang matapos ang ikalawa sa huling pahayag sa araw na iyon. Kaya, sa kahilingan ng pangasiwaan ng istadyum, nagbigay ng isang maigsing patalastas na lisanin agad ang istadyum. Nang sumunod ang bawat isa sa maayos na paraan, humanga ang mga opisyal at mga pulis sa istadyum. Ngayon lamang sila nakakita ng gayon! Tinanong nila kung iyon ay inensayo.
Walang nakitang bomba, at ng sumunod na araw, ang programa ay pinahaba upang isama ang hindi naiharap noong Sabado. Nagustuhan ng pangasiwaan ng istadyum ang kombensiyon.
Sa Gresya at sa Ibang Lugar
Noong huling dulong sanlinggo ng Agosto at noong unang dulong sanlinggo ng Setyembre, ginanap din ang mga pandistritong kombensiyon sa wikang Ruso sa Gresya—sa Atenas muna at pagkatapos ay sa Tesalonica. Isang kabuuang bilang na 746 ang dumalo, at 34 ang nabautismuhan. May 8 kongregasyon sa wikang Ruso sa Gresya at 17 mas maliliit na grupo na binubuo ng mga dayuhan mula sa dating timugang mga republika ng Unyong Sobyet. Ang mga ito’y nagpupulong sa wikang Ruso at sa iba pang wika na ginagamit ng mga dayuhan.
Isa sa mga nabautismuhan sa Atenas ay si Victor. Siya’y dating ateista, subalit noong Agosto 1998 ay dumalo siya sa internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Atenas, kung saan nabautismuhan ang kaniyang asawa. Sinabi niyang hangang-hanga siya sa pag-ibig na ipinakita ng mga delegado anupat naudyukan siyang mag-aral ng Bibliya.
Isang lalaking nagngangalang Ighor ang tumanggap ng isang kopya ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa at pagkabasa rito ay itinapon na niya ang kaniyang mga imahen. Sinimulan pa nga niyang ipakilala ang kaniyang sarili na isa sa mga Saksi ni Jehova. Matapos lumiham sa tanggapang pansangay sa Atenas at madalaw ng mga Saksi noong Nobyembre 1998, agad siyang dumalo sa pulong ng kongregasyon sa unang pagkakataon at hindi na siya lumiban mula noon. Ngayon, matapos bautismuhan, tunguhin ni Ighor na maging isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova.
Ang mga taong nagsasalita ng wikang Ruso ay nandayuhan sa iba pang bansa sa daigdig na hindi namin nabanggit. Marami rin sa mga taong ito ang natutuwa sa kanilang kalayaan na makapag-aral ng Bibliya at hayagang makapagtipon upang sumamba sa Diyos. Para sa kanila, ang pribilehiyong ito’y isang di-malilimot na kasiyahan!
[Talababa]
^ par. 5 Ang sumusunod ay ang 15 republika, na ngayo’y nagsasarili nang mga bansa: Armenia, Azerbaijan, Belarus, Estonia, Georgia, Kazakhstan, Kyrgyzstan, Latvia, Lithuania, Moldova, Russia, Tajikistan, Turkmenistan, Ukraine, at Uzbekistan.
[Kahon sa pahina 22]
Mga Rusong May Pag-ibig sa Bibliya
Inilarawan ni Propesor Sergei Ivanenko, isang iginagalang na Rusong iskolar sa relihiyon, ang mga Saksi ni Jehova bilang mga taong talagang deboto sa pag-aaral ng Bibliya. Sa kaniyang kamakailang aklat sa wikang Ruso, O lyudyakh, nikogda nye rasstayushchikhsya s bibliey (Ang Bayan na Hindi Kailanman Nawalan ng Kanilang mga Bibliya), isinulat niya ang tungkol sa kanilang kasaysayan noon sa Unyong Sobyet: “Kahit na sila’y humantong sa bilangguan dahil sa kanilang katapatan sa kanilang paniniwala, ang mga Saksi ni Jehova ay nakagawa ng paraan upang magamit ang Bibliya.” Upang ilarawan ito, ikinuwento niya ang sumusunod na karanasan.
“Bawal noon sa mga bilanggo na magtaglay ng Bibliya. Sinasamsam ang mga Bibliya kapag nagsasagawa ng paghahalughog. Sa isa sa mga kampo sa gawing hilaga, ang isa sa mga Saksi ni Jehova ay isang elektrisyan at itinago niya ang mga aklat ng Bibliya sa isang yunit ng transpormer na may napakataas na boltahe ng kuryente. Bawat bahagi ng Bibliya ay itinali sa isang partikular na alambre, at tanging ang lalaking iyon lamang ang nakaalam kung aling tali ang hihilahin upang ilabas iyon—halimbawa, ang Ebanghelyo ni Mateo—nang hindi nakukuryente na maaaring ikamatay. Mangyari pa walang nangyari sa lahat ng pagsisiyasat, gaano man kasigasig ang paghahanap ng mga guwardiya, kung kaya ang pambihirang Bibliyang ito ay hindi natuklasan.”
[Kahon sa pahina 28]
Muling Naiparehistro ang mga Saksi ni Jehova sa Russia
Mahigit nang isang siglo ngayon na aktibong nagpapahayag ang mga Saksi ni Jehova hinggil sa Kaharian ng Diyos sa Russia. Gayunman, dahil sa pagbabawal ng pamahalaan, ang mga Saksi ay hindi muna nakatanggap ng legal na pagkilala kundi noon lamang Marso 27, 1991. Noong panahong iyon, sila’y nakarehistro sa ilalim ng pangalang Administrative Center of the Religious Organizations of Jehovah’s Witnesses in the U.S.S.R.
Noong Setyembre 26, 1997, isang batas na pinamagatang “Sa Kalayaan ng Budhi at Relihiyosong Samahan” ang pinagtibay. Ang bagong batas na ito ay buong-lawak na napabalita sa buong daigdig. Bakit? Sapagkat ang pangmalas ng marami ay ipinasa ang batas na ito upang tangkaing ipagbawal ang mga relihiyosong gawain ng maliliit na relihiyon sa Russia.
Kaya naman, sa kabila ng pinaghirapang pagkakarehistro ng mga Saksi ni Jehova noong 1991, ang bagong batas ng Russia hinggil sa Kalayaan ng Budhi ay humihiling sa kanila, at sa lahat ng iba pang relihiyosong organisasyon, na muling magparehistro. Nagbangon ito ng ilang katanungan. Ipinahihiwatig ba nito na ang mga awtoridad sa Russia ay babalik na naman sa isang patakaran ng paniniil sa mga Saksi ni Jehova? O itataguyod kaya nito ang pagpaparaya sa relihiyon at kalayaan sa pagsamba na ginarantiyahan sa ilalim ng Constitution of the Russian Federation?
Sa wakas ay dumating ang sagot. Laking tuwa ng mga Saksi nang muling tanggapin ang legal na pagkilala matapos mag-isyu ang Ministri ng Katarungan ng Russia ng isang sertipiko ng rehistro para sa “Administrative Center for Jehovah’s Witnesses in Russia,” noong Abril 29, 1999!
[Larawan sa pahina 23]
Ang kauna-unahang pandistritong kombensiyon sa wikang Ruso sa Estados Unidos
[Larawan sa pahina 24]
Ang drama sa Bibliya na ipinalabas sa New York ng Russian Congregation sa Los Angeles
[Larawan sa pahina 25]
Ang 14 na ito na nabautismuhan sa New York ay mula sa anim na dating mga republika ng Unyong Sobyet
[Larawan sa pahina 26, 27]
Mahigit sa 15,000 ang nagtipon sa Olympic Stadium sa Moscow