Isang Daigdig na Gumon sa Paninigarilyo
Isang Daigdig na Gumon sa Paninigarilyo
SI Bill ay isang mabait na tao, isang matalinong tao, isang malakas na tao. Mahal niya ang kaniyang pamilya. Gayunman, nagsimula siyang manigarilyo noong bata pa siya. Noong magkaedad na siya ay kinamuhian niya ang bisyo. Kahit na habang humihitit siya ng sigarilyo, masikap niyang binabalaan ang kaniyang mga anak na lalaki laban sa paninigarilyo, na sinasabing walang-kuwenta ito. May mga pagkakataon pa nga na nilalamukos niya ng kaniyang malalakas na kamay ang isang pakete ng sigarilyo at inihahagis ito sa silid, at isinusumpang ito na ang kaniyang huling sigarilyo. Subalit, sa sandaling panahon ay bumabalik siya sa paninigarilyo—sa simula ay palihim, pagkatapos ay lantaran.
Si Bill ay namatay dahil sa kanser 15 taon na ang nakalipas, pagkaraan ng mga buwan ng nakapangingilabot na kirot. Kung hindi sana siya naninigarilyo, posibleng buháy pa siya ngayon. May asawa pa sana ang kaniyang kabiyak; may ama pa sana ang kaniyang mga anak na lalaki.
Ang kamatayan ni Bill, bagaman kalunus-lunos ito sa kaniyang pamilya, ay hindi natatangi. Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mga sakit na nauugnay sa tabako ay pumapatay ng mga apat na milyon katao sa bawat taon, o isang tao sa bawat walong segundo. Ang paggamit ng tabako ang pangunahing maiiwasan na sanhi ng sakit sa buong daigdig. Kung magpapatuloy ang kasalukuyang antas ng paninigarilyo, sa loob ng 20 taon ang paninigarilyo ay magiging ang numero unong sanhi ng kamatayan at kapansanan sa daigdig, na pumapatay ng mas maraming tao kaysa sa pinagsama-samang pinatay ng AIDS, tuberkulosis, pagkamatay ng ina, mga aksidente sa sasakyan, pagpapatiwakal, at pagpatay ng tao.
Ang mga sigarilyo ay pumapatay. Ngunit saanman ay may mga naninigarilyo. Sa buong daigdig, hindi kukulangin sa 1.1 bilyon katao ang mga naninigarilyo, ang sabi ng WHO. Nangangahulugan iyan ng humigit-kumulang sangkatlo ng mga adulto sa daigdig.
Tinataya ng mga tagasuri na bagaman nagbabayad na ngayon ang mga kompanya ng tabako ng daan-daang milyong dolyar dahil sa mga demanda laban sa kanila, maliit pa rin ang halagang ito kung ihahambing sa kanilang tubo na multibilyong dolyar. Sa Estados Unidos lamang, tinatayang 1.5 bilyong sigarilyo ang ginagawa ng mga pagawaan ng tabako bawat araw. Sa buong daigdig, ang mga kompanya ng tabako at mga monopolyo ng gobyerno ay nagbebenta ng mahigit na limang trilyong sigarilyo sa bawat taon!
Bakit napakaraming tao ang nananatili sa isang bisyo na nakamamatay? Kung ikaw ay isang naninigarilyo, paano ka makahihinto? Ang mga tanong na ito ay sasagutin sa susunod na mga artikulo.