Ang Vasa—Mula sa Kasakunaan Tungo sa Pagiging Atraksiyon
Ang Vasa—Mula sa Kasakunaan Tungo sa Pagiging Atraksiyon
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA SWEDEN
ANG Agosto 10, 1628, ay isang magandang araw noon ng tag-init sa Stockholm, ang Swekong kabisera. Ang mga tao’y nagdagsaan sa mga pantalan nang ang maringal na pandigmang bapor ng hari, ang Vasa, matapos ang tatlong taon ng pagkakagawa, ay tumulak sa kaniyang kauna-unahang paglalayag upang sumama sa hukbong-dagat ng Sweden.
Ang Vasa ay hindi isang ordinaryong bapor-pandigma. Hinangad ni Haring Gustavus II Adolphus Vasa na ito’y maging ang pinakamakapangyarihan sa daigdig. Sinasabi ng ilan na iniutos niyang gumawa pa ng ikalawang kubyerta para sa mga baril matapos niyang mabalitaan na ang mga Danes ay gumagawa noon ng isang barko na may dalawang kubyerta para sa mga baril. Ayaw niyang may hihigit pa sa barkong nagtataglay ng kaniyang apelyido.
Ang paglalayag nito ay nilayon upang itanghal ang kaniyang maharlikang kapangyarihan at dakilang tagumpay. Ito’y nasasandatahan ng 64 na baril at napapalamutian ng mahigit sa 700 nililok at mga dekorasyon. Ang halaga nito ay katumbas ng mahigit sa 5 porsiyento ng kabuuang produkto ng bansang Sweden. Ang makapangyarihang makinaryang pandigma at lumulutang na pagtatanghal ng sining na ito na marahil ang pinakamagarbong barko na nagawa saanman nang panahong iyon. Hindi nga kataka-takang buong pagmamapuring nagsigawan ang mga tao habang dumaraan ito sa mga pantalan ng Stockholm!
Pagkawasak at Kahihiyan
Gayunman, mahigit-higit pa lamang sa isang kilometro na nakapaglalayag ang Vasa nang isang malakas na bugso ng hangin ang nakapagpatagilid dito. Pumasok ang tubig sa bukás na lusutan ng mga baril sa tagiliran nito, at lumubog ito. Ito na marahil ang pinakamaikling kauna-unahang paglalayag sa kasaysayan ng hukbong-dagat!
Napatigagal ang mga nanonood. Naglaho ang dakilang tagumpay ng Hukbong-Dagat ng Sweden, hindi dahil sa digmaan o sa nagngangalit na bagyo sa laot ng karagatan, kundi dahil lamang sa isang simpleng bugso ng hangin sa sarili nitong daungan. Nakapagdulot pa ng malaking panghihilakbot ang pagkamatay ng mga 50 pasahero nito. Sa halip na maging isang kapurihan sa bansa, ang Vasa ay nangahulugan ng pagkabigo at kahihiyan.
Bumuo ng isang pangkat na panghukuman upang alamin kung sino ang dapat managot sa kahiya-hiyang kapahamakang ito. Subalit walang sinuman ang naparatangan, marahil dahil na rin sa sangkot kapuwa ang hari at ang pangalawa sa pinakamataas na kumander sa hukbong-dagat ng Sweden, si Vice Admiral Klas Fleming.
Ang mga tagagawa ay napilitang mag-eksperimento ng mga disenyong noon lamang nila ginawa dahil sa utos ng hari. Sa gayon, naging walang-wala sa proporsiyon ang Vasa. Minsan bago ang paglubog nito, isinaayos ni Admiral Fleming na subukin ang katatagan nito. Magkakaagapay na tumakbo ang tatlumpung kalalakihan mula sa isang panig ng barko tungo sa kabilang panig. Pagkatakbo nang tatlong ulit natanto ng admiral na kung itutuloy pa ito, lulubog ang barko noon din. Kaya pinahinto niya ang pagsubok ngunit hindi niya pinatigil ang kauna-unahang paglalayag nito. Dahil sa pagkakadawit ng mga importanteng personalidad gaya ng hari at ng admiral, iniurong ang demanda.
Noong 1664-65, nabawi ng isang dating opisyal ng hukbong Sweko ang karamihan sa mga baril ng Vasa sa pamamagitan ng isang simpleng aparato sa pagsisid. Pagkaraan nito ay unti-unti nang nalimutan ang Vasa habang palalim nang palalim itong lumulubog sa burak na 30 metro ang lalim mula sa ibabaw.
Naiahon Mula sa Burak
Noong Agosto 1956, isang baguhang arkeologo, si Anders Franzén, ang gumamit ng isang core sampler upang itaas ang isang piraso ng oak mula sa ilalim. Maraming taon na niyang sinusuri ang matatandang dokumento at sinasaliksik ang pinakasahig ng dagat sa paghahanap sa Vasa. Sa wakas ay natagpuan din niya ito. Sa pamamagitan ng maselan na operasyon ng pagsagip, ang Vasa ay naiahon mula sa putik at maingat na hinila itong buung-buo sa ilalim ng tubig patungo sa naghihintay na daungan.
Noong Abril 24, 1961, napuno na naman ng mga nagsisigawang tagapanood ang mga pantalan ding iyon sa Stockholm. Makalipas ang 333 taon sa ilalim ng dagat, ang Vasa ay muling lumitaw—sa pagkakataong ito bilang isang atraksiyon sa mga turista at isang kayamanan para sa mga pandagat na mga arkeologo. Mahigit sa 25,000 kagamitan ang nagsiwalat sa kawili-wiling mga detalye hinggil sa ika-17-siglong bapor-pandigmang ito at nagbigay rin ng naiibang kaunawaan hinggil sa kontemporaryong paraan ng paggawa ng bapor at nililok na mga gawang-sining.
Bakit kaya naingatang mabuti ang Vasa at ang mga bagay sa loob niyaon? Ang ilang dahilan ay sapagkat bago pa lamang ito nang ito’y lumubog, ang putik ay may pampreserbang epekto, at ang sumisira-ng-kahoy na mga uod-dagat ay hindi nabubuhay sa tubig na walang gaanong asin.
Ang Vasa ay may mga 120 tonelada ng pabigat. Kinakalkula ng mga eksperto na higit sa doble ang kailangan nito upang maging matatag, ngunit wala na itong lugar na mapaglalagyan. Gayundin, ang gayong dagdag na bigat ay magiging dahilan upang ang mga lusutan ng baril sa ibabang bahagi ay higit pang malulubog sa tubig. Napakaringal ng hitsura nito, ngunit dahil sa pagiging mabuway nito kung kaya humantong ito sa kasakunaan.
Sa ngayon, bilang ang pinakamatandang naingatan, kumpleto, at ganap na mapagkakakilanlang barko sa daigdig, ito’y ligtas na nakalagay sa loob ng sarili nitong museo. Doon ay 850,000 bisita taun-taon ang tumitingin sa ipinagmamalaki ng hari noong ika-17 siglo, na halos hindi nabago ng panahon dahil sa kapahamakang iyon noong 1628. Ito’y isang paalaala sa kahibangan niyaong mga nasa awtoridad na, dahil sa labis na pagtingin sa sarili at kawalang-ingat, ay nagwalang-bahala sa mahuhusay na pamamaraan sa paggawa ng barko.
[Larawan sa pahina 24]
Haring Gustavus II Adolphus Vasa
[Credit Line]
Foto: Nationalmuseum, Stockholm
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Makalipas ang mahigit sa 300 taon sa pinakasahig ng dagat, ang “Vasa” ay isa na ngayong atraksiyon sa daigdig
[Credit Line]
Genom tillmötesgående från Vasamuseet, Stockholm
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Målning av det kapsejsande Vasa, av konstnär Nils Stödberg