Ang Pangmalas ng Bibliya
Angkop Bang Sambahin si Jesus?
SA PAGLIPAS ng mga siglo, marami sa Sangkakristiyanuhan ang sumasamba kay Jesu-Kristo na para bang siya ang Diyos na Makapangyarihan sa Lahat. Gayunman, iniukol mismo ni Jesus ang pansin at pagsamba tangi lamang sa Diyos na Jehova. Halimbawa, nang sulsulang gumawa ng isang gawang pagsamba sa Diyablo, sinabi ni Jesus: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.” (Mateo 4:10) Nang maglaon ay tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinuman sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isa na makalangit.”—Mateo 23:9.
Sa isang Samaritana, inilarawan ni Jesus ang uri ng pagsambang dapat iukol ng indibiduwal sa Diyos. Ang kanilang pagsamba ay dapat na nakasalig sa espiritu at katotohanan. Sa katunayan, “hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.” (Juan 4:23, 24) Oo, ang mapitagang pagsamba ay dapat na sa Diyos lamang ipahayag. Ang pag-uukol ng pagsamba sa sinuman o sa anupaman ay magiging isang anyo ng idolatriya, na hinahatulan kapuwa sa Hebreo at Griegong Kasulatan.—Exodo 20:4, 5; Galacia 5:19, 20.
‘Ngunit,’ maaaring ikatuwiran ng ilan, ‘hindi ba ipinahihiwatig ng Bibliya na dapat din nating sambahin si Jesus? Hindi ba sinabi ni Pablo sa Hebreo 1:6: “Hayaang sumamba sa kaniya [kay Jesus] ang lahat ng mga anghel ng Diyos”?’ (King James Version) Paano natin uunawain ang tekstong ito sa liwanag ng sinasabi ng Bibliya hinggil sa idolatriya?
Pagsamba Ayon sa Bibliya
Una, dapat muna nating unawain ang ibig sabihin ni Pablo rito sa salitang pagsamba. Ginamit niya ang Griegong salita na pro·sky·neʹo. Sinasabi sa Unger’s Bible Dictionary na ang salitang ito ay literal na nangangahulugang ‘hagkan ang kamay ng isa bilang tanda ng pagpipitagan o upang magpakita ng paggalang.’ Sinasabi sa An Expository Dictionary of New Testament Words, ni W. E. Vine, na ang salitang ito ay “nangangahulugan ng isang gawang pagpipitagan, patungkol man sa tao . . . o sa Diyos.” Noong panahon ng Bibliya, karaniwan nang kalakip sa pro·sky·neʹo ang literal na pagyukod sa isang tao na may mataas na katayuan.
Isaalang-alang ang isang talinghaga na ibinigay ni Jesus tungkol sa isang alipin na hindi makabayad ng malaking halaga ng salapi sa kaniyang panginoon. Isang anyo ng Griegong salitang ito ang lumilitaw sa talinghagang ito, at sa pagsasalin dito, ang King James Version ay nagsasabi na “ang alipin samakatuwid ay sumubsob, at sumamba [isang anyo ng pro·sky·neʹo] sa kaniya [sa hari], na nagsasabi, Panginoon, pagtiisan mo ako, at babayaran kong lahat sa iyo.” (Mateo 18:26; amin ang italiko.) Nagkakasala ba ang lalaking ito ng idolatriya? Hindi naman! Nagpapakita lamang siya ng uri ng pagpipitagan at paggalang na nararapat sa hari, ang kaniyang panginoon at nakatataas.
Ang gayong mga pangangayupapa, o pagpapahayag ng paggalang, ay karaniwan na sa Silangan noong panahon ng Bibliya. Pitong ulit na yumukod si Jacob nang makaharap niya ang kaniyang kapatid na si Esau. (Genesis 33:3) Ang mga kapatid ni Jose ay nagpatirapa, o nangayupapa, sa harap niya bilang paggalang sa kaniyang posisyon sa korte ng mga Ehipsiyo. (Genesis 42:6) Sa liwanag na ito, higit nating mauunawaan ang nangyari nang makita ng mga astrologo ang batang si Jesus, na kinikilala nila bilang “ang isa na ipinanganak na hari ng mga Judio.” Gaya ng pagkakasalin sa King James Version, sinasabi sa atin ng salaysay na sila’y “sumubsob, at sumamba [pro·sky·neʹo] sa kaniya.”—Mateo 2:2, 11.
Kung gayon, maliwanag na ang salitang pro·sky·neʹo, na isinaling “sumamba” sa ilang salin ng Bibliya, ay hindi lamang para sa bukod-tanging uri ng pagsambang nararapat sa Diyos na Jehova. Maaari rin itong tumukoy sa paggalang at pagpaparangal na ipinakikita sa ibang tao. Sa pagsisikap na maiwasan ang maling pagkaunawa, isinalin ng ilang salin ng Bibliya ang salitang pro·sky·neʹo sa Hebreo 1:6 bilang “gumalang sa kaniya” (New Jerusalem Bible), “parangalan siya” (The Complete Bible in Modern English), “yumukod sa kaniya” (Twentieth Century New Testament), o “mangayupapa sa kaniya” (New World Translation).
Nararapat si Jesus sa Pangangayupapa
Nararapat ba si Jesus sa gayong pangangayupapa? Oo naman! Sa kaniyang liham sa mga taga-Hebreo, ipinaliwanag ni apostol Pablo na bilang ang “tagapagmana ng lahat ng bagay,” si Jesus ay ‘umupo sa kanan ng Karingalan sa matatayog na dako.’ (Hebreo 1:2-4) Samakatuwid, “sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.”—Filipos 2:10, 11.
Higit sa lahat, malapit nang gamitin ni Kristo ang itinaas na posisyong ito at ang kakambal nitong malawak na kapangyarihan bilang pinuno upang baguhin ang lupang ito tungo sa isang pangglobong paraiso. Sa ilalim ng patnubay ng Diyos, at bilang resulta ng haing pantubos ni Jesus, aalisin niya sa lupa ang lahat ng kalungkutan, kirot, at lumbay para sa kapakinabangan niyaong mga magpapasakop sa kaniyang matuwid na pamamahala. Hindi ba kung gayon nararapat lamang na siya’y ating parangalan, igalang, at pangayupapaan?—Awit 2:12; Isaias 9:6; Lucas 23:43; Apocalipsis 21:3, 4.
“Isang Diyos na Humihiling ng Bukod-Tanging Debosyon”
Gayunman, ang Bibliya ay maliwanag na nagpapahiwatig na ang ating pagsamba—sa diwa ng relihiyosong pagpipitagan at debosyon—ay dapat na iukol lamang sa Diyos. Inilarawan siya ni Moises bilang “isang Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” At pinapayuhan tayo ng Bibliya na ‘sambahin ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at dagat at mga bukal ng mga tubig.’—Deuteronomio 4:24; Apocalipsis 14:7.
Tiyak na may mahalagang bahaging ginagampanan si Jesus sa tunay na pagsamba, isa na nararapat parangalan at igalang. (2 Corinto 1:20, 21; 1 Timoteo 2:5) Siya ang tanging daan na sa pamamagitan niya’y makalalapit tayo sa Diyos na Jehova. (Juan 14:6) Alinsunod dito, makabubuti para sa mga tunay na Kristiyano na iukol ang kanilang pagsamba tangi lamang sa Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat.