Ano ang Kahulugan ng Lahat ng Ito?
Ano ang Kahulugan ng Lahat ng Ito?
KUNG susuriin mo ang moral na mga pamantayan sa nakalipas na mga taon, makikita mo ang isang maliwanag na kalakaran. Walang alinlangan, lalo pang bumababa ang mga pamantayang moral ng dumaraming bilang ng mga tao. Ano ang tunay na kahulugan nito?
Nangangahulugan ba ito na ang buong sibilisasyon natin at ang buong sangkatauhan ay tiyak na mapapahamak, anupat malapit nang malipol, gaya ng sinasabi ng ilang indibiduwal? O ang gayong mga pagbabago ay bahagi lamang ng normal na pagbabagu-bago ng mga bagay-bagay sa kasaysayan?
Ang huling nabanggit ang siyang inaakala ng maraming tao. Minamalas nila na isa lamang kausuhan ang pagguho ng moral sa ating panahon anupat isa sa maraming pabalik-balik na pangyayari sa buong kasaysayan. Lubos silang umaasa na sa dakong huli ang pangkalahatang tendensiya ay muling babalik sa dati at maisasauli ang mas mataas na mga pamantayan sa moral. Tama kaya sila?
Ang “mga Huling Araw”
Isaalang-alang natin ang mga katotohanan sa liwanag ng isang aklat na malawakan nang tinanggap bilang awtoridad sa mga usaping moral sa loob ng maraming siglo—ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Talagang nakapagbibigay-liwanag na ihambing ang daigdig ngayon sa makahulang paglalarawan ng Bibliya tungkol sa pinakamahalagang panahon sa kasaysayan ng tao. Ito ang yugto ng panahon na tinatawag nito na “mga huling araw” o ang “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (2 Timoteo 3:1; Mateo 24:3) Gaya ng ipinahihiwatig ng mga pananalitang iyan, ang yugtong ito ay ang pagkakakilanlan ng tiyak na katapusan ng isang panahon at pasimula ng isang bagong yugto ng panahon.
Inihula ng Salita ng Diyos na ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” ay palatandaan ng mga huling araw. Upang matulungan ang matamang mga tagamasid na makilala ang mga huling araw, nagbibigay ang Bibliya ng ilang detalye na kung pagsasama-samahin ay naglalaan ng malinaw na paglalarawan, o kabuuang tanda, ng naiibang yugto ng panahong ito.
Masasamang Pag-uugali ng mga Tao
Pansinin ang isa sa mga bahagi ng tandang ito na kapansin-pansin sa ngayon: ‘Ang mga tao ay magtataglay ng anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.’ (2 Timoteo 3:2, 5) Walang ibang yugto sa kasaysayan ang kakikitaan ng gayon na lamang katindi at lubusang sekularisasyon. Ang Diyos ay malawakang tinanggihan bilang ang tanging awtoridad, at ang karamihan sa mga tao ay hindi tumatanggap sa Bibliya bilang ang tanging pinagmumulan ng katotohanan. Mangyari pa, umiiral pa rin ang relihiyon, subalit kakaunti ang impluwensiya ng marami sa mga ito. Ang mga ito’y panlabas na anyo lamang.
Binabanggit ng Bibliya ang isa pang bahagi ng tanda: “Ang mga tao ay magiging . . . walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis,” at “dahil sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.” (2 Timoteo 3:2, 3; Mateo 24:12) Ang salitang Griego na isinaling “mabangis” ay nangangahulugan ng “kawalan ng damdamin at pakikipagkapuwa,” bukod pa sa ibang bagay. Sa ngayon ay pabata nang pabata ang nagiging totoong “mabangis” anupat gumagawa ng higit pang mararahas na krimen.
Karagdagan pa, ang mabilis na pag-unlad ng teknolohiya at ekonomiya, at ang kasakimang lumitaw kasabay nito, ay nagpangyari sa parami nang paraming tao na talikdan ang mga dating pamantayan. Yamang hindi iniintindi ang iba, ginagamit nila ang anumang sistema, kahit ang di-matapat na mga paraan pa nga, para makuha nila ang pinakamalaki hangga’t maaari upang mapalugdan ang kanilang makasariling mga hangarin. Ang pagdami ng pagsusugal ay isa pang
patotoo ng pagkamakasarili, at ang estadistika ng mga krimen sa nagdaang ilang siglo ay buong linaw na nagpapatunay rito.Ang isang aspekto na totoong palasak sa panahon natin ay ang isang ito: “Ang mga tao ay magiging . . . maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:2, 4) Ang isang halimbawa nito ay na ibig ng mga tao ang kaluguran sa laman, subalit ayaw nila ang pananagutan ng may isang kabiyak sa buong buhay nila. Nagbubunga ito ng napakaraming nasirang mga ugnayang pampamilya, malulungkot na kabataang hindi nakadarama ng kaugnayan sa kanilang pamilya, nagsosolong mga magulang, at mga sakit na naililipat ng pagtatalik.
Ang isa pang aspekto ng tanda ay na “ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi.” (2 Timoteo 3:2) Ayon sa magasing Aleman na Die Zeit, “ang nagpapatakbo ng sistema [sa ekonomiya ngayon] ay ang pagiging makasarili.” Higit kailanman, ang paghahangad sa salapi ang pinakamahalagang bagay sa buhay ng maraming tao. Dahil sa makasariling hangaring ito, ipinagwawalang-bahala ang iba pang kabutihang-asal.
Mga Pangyayari sa Daigdig
Bukod sa paglalarawan sa pagkasira ng mga pamantayan ng tao, inihula rin ng Bibliya na ang mga huling araw ay makikilala rin sa pamamagitan ng kakaibang mga kaguluhan na makaaapekto sa pamilya ng tao. Halimbawa, sinasabi nito na “ang bansa ay titindig laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba’t ibang dako ay mga salot at mga kakapusan sa pagkain.”—Lucas 21:10, 11.
Maliban sa ika-20 siglo, wala pang yugto ng panahon sa kasaysayan na kung saan pagkarami-raming tao ang nasangkot sa napakaraming yumayanig-sa-daigdig na malalaking kapahamakan sa loob ng gayon na lamang kaikling yugto ng panahon. Halimbawa, mahigit sa 100 milyon katao ang namatay sa mga digmaan noong mga panahong
iyan, isang bilang na lalong higit ang dami kaysa sa bilang ng mga namatay sa digmaan sa ilang nagdaang mga siglo na pinagsama-sama. Idinulot sa atin ng ika-20 siglo ang dalawang digmaan na lubhang naiiba kaysa sa alinmang naganap anupat tinawag ang mga ito na mga digmaang pandaigdig. Ang mga pangglobong alitan na tulad nito ay hindi pa nangyari kailanman bago nito.Isang Masama at Maimpluwensiyang Puwersa
Isinisiwalat din ng Bibliya ang pag-iral ng isang makapangyarihan at masamang espiritung nilalang, “ang tinatawag na Diyablo at Satanas,” na ang layunin ay tuksuhin ang mga tao na lumihis mula sa tunay na mga pamantayan at isadlak sila sa kasiraan sa moral. Sinasabi nito na sa panahon ng mga huling araw, siya ay bumaba sa lupa, “na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.”—Apocalipsis 12:9, 12.
Ang Diyablo ay inilalarawan sa Bibliya bilang ang “tagapamahala ng awtoridad ng hangin, ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.” (Efeso 2:2) Ipinahihiwatig nito na ang Diyablo ay may malakas na impluwensiya sa maraming tao, na madalas ay hindi nila namamalayan, gaya ng kung paanong minsan ay hindi natin namamalayan ang isang di-nakikitang dumi sa hangin.
Halimbawa, ang impluwensiya ni Satanas ay nakikita sa maraming makabagong pamamaraan ng komunikasyon: mga video, pelikula, telebisyon, Internet, pag-aanunsiyo, aklat, magasin, at mga pahayagan. Maraming materyal, lalo na yaong nakatuon sa walang-muwang na mga kabataan, ay punung-puno ng labis at nakasusuklam na mga kalakaran, gaya ng pagtatangi ng lahi, okultismo, imoralidad, at sadistang karahasan.
Maraming taimtim na tao ang napahanga sa pagkakatulad ng paglalarawan ng Bibliya sa mga huling araw at sa aktuwal na mga pangyayari sa daigdig sa panahon natin ngayon. Totoo, may ilang mga pangyayari sa kasaysayan bago pa ang ika-20 siglo na sa ilang paraan ay waring naaangkop sa paglalarawan ng Bibliya. Subalit sa panahon lamang ng ika-20 siglo, at ngayo’y ng ika-21 siglo, masasaksihan ang lahat ng bahagi ng tanda.
Ang Dumarating na Bagong Yugto ng Panahon
Kapuwa mali ang pangmalas niyaong mga naniniwala na ang sangkatauhan ay mawawasak at niyaong mga nag-aangkin na magpapatuloy ang mga bagay na gaya ng dati. Sa halip, malinaw na ipinakikita ng Bibliya na ang kasalukuyang lipunan ng sanlibutang nangingibabaw sa lupa ay papalitan ng isang lubos na bagong bagay.
Matapos itala ni Jesus ang ilang bahagi ng tanda ng mga huling araw, sinabi niya: “Sa ganitong paraan kayo rin, kapag nakita ninyo na nagaganap ang mga bagay na ito, alamin ninyo na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” (Lucas 21:31) Ang makalangit na Kaharian ng Diyos ang pangunahing tema ng pangangaral ni Jesus. (Mateo 6:9, 10) At hinirang siya ng Diyos upang maging Hari ng Kahariang ito, na isang pamahalaan na malapit nang mamamahala sa buong lupa.—Lucas 8:1; Apocalipsis 11:15; 20:1-6.
Sa katapusan ng mga huling araw, aalisin ng makalangit na Kaharian ng Diyos sa ilalim ng pamamahala ni Kristo ang lahat ng mga kaaway nito—ang Diyablo at yaong mga sumusuporta sa kaniya—at papalitan ng isang matuwid na bagong sanlibutan ang kasalukuyang lipunan na salat sa moral. (Daniel 2:44) Sa bagong sanlibutang iyon, tatamasahin ng mga taong may matuwid na puso ang walang-hanggang buhay sa isang lupa na ginawang paraiso.—Lucas 23:43; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4.
Yaong mga nasusuklam sa pagkasira ng moral sa ngayon at nakauunawa na natutupad ang tanda ng mga huling araw sa mga pangyayari sa kasalukuyan ay makaaasa ng isang kamangha-manghang hinaharap. Dahil dito, nagpapasalamat tayo sa Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na nagmamalasakit sa atin at may maluwalhating layunin para sa kaniyang nilalang, ang lupa.—Awit 37:10, 11, 29; 1 Pedro 5:6, 7.
Inaanyayahan ka ng mga Saksi ni Jehova na pag-aralan ang higit pa tungkol sa ating maibiging Maylalang at sa pag-asa na buhay sa isang sanlibutan na malinis sa moral, na inilalaan niya para sa mga nagsusuring indibiduwal. Gaya ng sinasabi sa Bibliya, “ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
[Larawan sa pahina 10]
Tatamasahin ng mga taong may matuwid na puso ang walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa