Isang Buháy na Pananampalataya sa Gitna ng Trahedya
Isang Buháy na Pananampalataya sa Gitna ng Trahedya
HALOS 60 taon na ang nakalilipas, tumanggap si Mina Esch ng isang postkard mula sa kaniyang asawa, si Peter. Ang sulat-kamay na mensahe ay maikli at malabo. Sa kabila nito, siya ay masaya at naginhawahan na matanggap ito. Ang asawa ni Mina ay isang bilanggo sa kampong piitan sa Buchenwald, na ipinadala roon ng pamahalaang Nazi dahil sa pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova. Nakatatak sa likod ng postkard ang tuwirang pananalita na: “Ang bilanggo ay nananatiling isang matigas-ang-ulo na Estudyante ng Bibliya [gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova] . . . Dahil lamang dito, inaalis sa kaniya ang pribilehiyo sana na maaaring lumiham.” Ang mensaheng ito ang nagpabatid kay Mina na naging matatag sa kaniyang pananampalataya si Peter.
Ang postkard, na marupok at naninilaw na ngayon, ay ipinahiram sa Museum of Jewish Heritage—A Living Memorial to the Holocaust, na matatagpuan sa Battery Park, Lunsod ng New York. Kalakip ang isang larawan ni Peter Esch, ang postkard ay nakikibahagi sa paglalahad ng maliit na bahagi ng isang napakalaking trahedya ng tao—ang Holocaust—kung saan anim na milyong Judio ang namatay. Ang mahalagang eksibit ng museo ay naglalaman ng mahigit na 2,000 larawan at 800 mga bagay tungkol sa kasaysayan at kultura na naglalarawan sa mga karanasan ng Judiong komunidad mula noong mga taon ng 1880 hanggang sa kasalukuyan, kabilang na ang Holocaust. Bakit angkop na dako ang Museum of Jewish Heritage upang itanghal ang liham ni Peter Esch?
“Ang mandato ng museo ay katawanin ang kasaysayan ng mga Judio,” ang paliwanag ng istoryador ng museo na si Dr. Jud Newborn. “Pinag-usig ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang pagiging Saksi ni Jehova. Ang mga Saksi ay pinag-usig dahil lamang sa kanilang relihiyosong mga paniniwala at dahil hindi sila naniniwala sa pagtatangi ng lahi, sa panunumpa ng katapatan sa isang masama at makasanlibutang diktador. At hindi sila naniniwala sa pagsuporta sa kaniyang digmaan. . . . Ang mga Judio ay nakipaglaban upang mapanatili ang kanilang mga simulain at ang kanilang pananampalataya laban sa makapangyarihang pagsalansang. Ipinagdiriwang ng museo ang gayong espirituwal na pakikibaka. Sa dahilang ito, ang institusyong ito ay kumikilala rin at humahanga sa pananampalataya ng mga Saksi ni Jehova noong panahon ng Nazi.”
Sa pansamantalang tahanan nito sa Museum of Jewish Heritage, isang simpleng liham ang naglalarawan sa pakikipaglaban ng isang tao na ang katapatan kay Jehova ay nalagay sa pagsubok. Nakaligtas si Peter Esch sa matinding pagsubok sa kampo ng Nazi, na buo ang kaniyang pananampalataya.
[Larawan sa pahina 31]
Museum of Jewish Heritage, sa Lunsod ng New York
[Mga larawan sa pahina 31]
Si Esch, isa sa mga Saksi ni Jehova, ay nakulong mula 1938 hanggang 1945 dahil sa pagtangging talikuran ang kaniyang mga paniniwala