Isang Gamit sa Pagtuturo ng mga Karapatang Pantao
Isang Gamit sa Pagtuturo ng mga Karapatang Pantao
ANG disisyete-anyos na estudyanteng si Rut Jiménez Gila, na nakatira sa Granada, Espanya, ay inanyayahan ng kaniyang guro na sumulat ng isang sanaysay tungkol sa mga karapatang pantao. Ilang linggo pagkatapos makumpleto ang atas, ipinagbigay-alam sa kaniya ng Europeong lupon ng mga tagasuri sa Brussels, Belgium, na siya ang napili, pati na ang iba pang mga estudyante mula sa Espanya, upang kumatawan sa kaniyang bansa. Pagkatapos ay isinulat niya ang sumusunod na liham sa mga tagapaglathala ng magasing Gumising!
“Kailangan ko ng pinakabagong impormasyon may kinalaman sa mga karapatang pantao, at ang labas ng ‘Gumising!’ ng Nobyembre 22, 1998, na ‘Magkakaroon Pa Kaya ng mga Karapatang Pantao Para sa Lahat?,’ ay tamang-tamang nagbigay ng kung ano nga ang hinahanap ko. Upang ilarawan ang mga pang-aabuso sa mga karapatang pantao, pinili ko rin ang impormasyon mula sa iba pang mga artikulo ng ‘Gumising!’ tungkol sa kinabukasan ng mga kababaihan at tungkol sa Holocaust. [Tingnan ang mga labas ng Abril 8, 1998, at Agosto 8, 1998.] Sa panahon ng aking pananaliksik, natalos ko na ang ‘Gumising!’ ay naglalaman ng impormasyon na hindi ko masumpungan sa ibang mga magasin o mga reperensiyang akda. Humanga rin ako sa mga larawan, at isinama ko ang ilan sa mga ito sa aking report.
“Dahil sa aking sanaysay na nagwagi ng gantimpala, nagbakasyon ako ng isang linggo sa Finland, kung saan nakapagsalita pa ako tungkol sa mga karapatang pantao at naipaliwanag ang kahalagahan ng magasing ‘Gumising!’ sa pagtatampok ng mahahalagang usapin na gaya ng isang ito.
“Maraming-maraming salamat sa pagiging laging una sa pagpapabatid sa amin ng tungkol sa mga pangyayari sa daigdig. Patuloy nawa kayong pagpalain ni Jehova, upang milyun-milyong tao ang patuloy na makinabang mula sa impormasyong ito.”
[Mga larawan sa pahina 15]
Si Rut at ang kaniyang sertipiko ng paglahok