Mas Masama ba ang Moral sa Ngayon Kaysa Noon?
Mas Masama ba ang Moral sa Ngayon Kaysa Noon?
KUNG tatanungin mo ang mga istoryador ng, “Ang moral ba ng mga tao sa ngayon ay mas mabuti o mas masama kaysa noon?” baka sumagot ang ilan na mahirap ihambing ang moral ng magkakaibang yugto ng panahon. Maaaring ipalagay nila na ang bawat panahon ay dapat hatulan ayon sa sariling kalagayan nito.
Halimbawa, isaalang-alang ang pagdami ng marahas na krimen sa Europa sapol noong ika-16 na siglo. Pangkaraniwan na ang pagpatay noong nakalipas na 400 taon. Malimit na inilalagay ng mga tao ang batas sa kanila mismong mga kamay, at ang alitan ng angkan ay pangkaraniwan na.
Gayunman, isinulat ng mga istoryador na sina Arne Jarrick at Johan Söderberg sa aklat na Människovärdet och makten (Dignidad at Kapangyarihan ng Tao) na ang yugto ng panahon sa pagitan ng 1600 at 1850 ay “kakikitaan ng pagkakaroon ng tunay na sibilisadong panlipunang buhay” sa ilang lugar. Naging mas mahusay ang mga tao sa pagsasaalang-alang sa pangangailangan ng iba—sila’y naging mas makatao. Halimbawa, sinasabi ng ibang istoryador na hindi gaanong karaniwan ang pagnanakaw at mga krimen noong ika-16 na siglo kaysa sa ngayon. Kaunting-kaunti ang nangyayaring pagnanakaw ng mga organisadong gang, lalo na sa mga nasa lalawigan.
Mangyari pa, pumasok ang pang-aalipin, at nagbunga ito ng ilan sa pinakakahindik-hindik na mga krimen sa kasaysayan—ang pagdukot ng mga mangangalakal na Europeo sa mga tao sa Aprika at ang brutal na pagtrato sa milyun-milyong mga aliping ito sa mga lupaing pinagdadalhan sa kanila.
Kaya, kung ating babalikan ang nakalipas na mga siglo, malamang na matutuklasan natin na kapag minalas sa panig ng kasaysayan, ang ilang kalagayan ay mas mabuti, samantalang ang iba naman ay mas malala. Gayunman, isang bagay na totoong ibang-iba at talagang malubha—ang totoo, wala pang katulad—ay naganap sa ika-20 siglo at nagaganap hanggang sa kasalukuyan.
Ang Ika-20 Siglo—Isang Malaking Pagbabago
Ganito ang sinabi ng mga istoryador na sina Jarrick at Söderberg: “Noong mga dekada ng 1930, ang insidente ng pagpaslang at pagpatay ay minsan pang dumami, at nakalulungkot, sapol noon ang kalakarang ito ay nagpatuloy sa loob ng mahigit na kalahating siglo.”
Ayon sa maraming komentarista, nagkaroon ng napakalaking pagbagsak ng moral sa panahon ng ika-20 siglo. Isang sanaysay tungkol sa pilosopiya ng moral ang nagsasaad: “Maliwanag na mauunawaan ng isa na ang pangmalas ng lipunan hinggil sa sekso at kung ano ang
karapat-dapat na paggawi ay nagbago nang malaki sa nakalipas na 30 hanggang 40 taon—mula sa lipunan na kumikilala sa kung ano ang wastong moral, sa pamamagitan ng mahihigpit na panuntunan, tungo sa mas maluwag at indibiduwalistang pangmalas.”Ito’y nangangahulugan na ang seksuwal na paggawi at iba pang aspekto ng moralidad ay mga bagay na sa ngayo’y nadarama ng nakararaming indibiduwal na mapagpapasiyahan nila mismo. Para ilarawan ito, binabanggit ng sanaysay ang mga estadistikang nagpapakita na noong 1960, 5.3 porsiyento lamang ng lahat ng bata sa Estados Unidos ang mga anak sa ligaw. Noong 1990, ang bilang ay naging 28 porsiyento.
Sa isang lektyur sa University of Notre Dame, inilarawan ng senador ng Estados Unidos na si Joe Lieberman ang moral sa ating panahon bilang “hungkag sa prinsipyo, . . . kung saan ang tradisyunal na mga pangmalas sa tama at mali ay unti-unting naglalaho.” Ayon kay Lieberman, ang kalakarang ito ay “sumisibol na sa karamihan ng dalawang henerasyon.”
Sekularisasyon
Ano ang sinasabi ng mga istoryador at iba pang analista sa kung ano ang dahilan sa kapansin-pansing pagbabagong ito sa ika-20 siglo? “Ang isa sa mga pagbabago sa lipunan noong nakalipas na dalawang siglo ay ang sekularisasyon,” ang sabi ng aklat na Människovärdet och makten. Ang sekularisasyon ay nangahulugan na “maaaring bigyan ang mga tao ng pagkakataon na manindigan sa ganang sarili nila hinggil sa iba’t ibang pangmalas. Ang ideyang ito . . . ay nagsimula sa gitna ng mga pilosopo ng Kaliwanagan noong ika-18 siglo, na siyang mga nanguna sa . . . pagtatakwil sa Bibliya bilang ang tanging pinagmumulan ng katotohanan.” Kaya naman, ang mga relihiyon, lalo na yaong sa Sangkakristiyanuhan, ay hindi sinasangguni para sa moral na patnubay hindi gaya noong nakalipas na mga panahon.
Subalit bakit ang isang pilosopiyang nabuo noong ika-18 siglo ay gumugol ng mahigit na 200 taon bago naging popular? “Ang ideyang ito ay hindi agad na lumaganap sa publiko,” ang sabi ng nabanggit na aklat. “Ang pagsulong tungo sa sekularisasyon ay mabagal.”
Bagaman naging mabagal nga ang paglaganap ng kalakarang nagtatakwil sa kinaugaliang mga pamantayang moral at mga kagalingang Kristiyano sa halos 200 taóng nagdaan, bumilis naman ito nang husto noong ika-20 siglo. Ito lalo na ang nangyari sa nakalipas na ilang dekada. Bakit nagkagayon?
Pagkamakasarili at Kasakiman
Ang isang matinding salik ay ang mabilis na pag-unlad sa teknolohiya at kabuhayan sa lipunan noong ika-20 siglo. Isang artikulo sa magasing pambalita na Die Zeit sa Alemanya ay nagsabi na tayo’y namumuhay sa isang “napakasulong na yugto ng panahon at hindi, gaya noong nakaraang mga siglo, sa isang daigdig na kilala sa pagiging walang pag-unlad.” Ipinaliwanag ng artikulo na ito ang umakay sa isang sistema ng malayang ekonomiya, na nakasalig sa kompetensiya at inuudyukan ng pagkamakasarili.
“Ang pagkamakasariling ito,” ang pagpapatuloy
ng artikulo, “ay hindi mapatitigil ng kahit anumang bagay. Bunga nito ay lumalago ang kalupitan na siyang makikita sa ating pang-araw-araw na buhay, gayundin ang katiwalian, na sa maraming bansa ay umabot na hanggang sa pamahalaan. Iniisip lamang ng mga tao ang kanilang sarili at ang lubusang pagbibigay-kasiyahan sa kanilang mga pagnanasa.”Nasuri ng sosyologong si Robert Wuthnow, ng Princeton University, sa pamamagitan ng masusing pagsusurbey, na ang pansin ng mga Amerikano sa ngayon ay higit na nakatuon sa salapi kung ihahambing sa nakalipas na henerasyon. Ayon sa pagsusuri, “ikinatatakot ng maraming Amerikano na nadaig na ng paghahangad sa salapi ang ibang moral na kagalingan gaya ng paggalang ng tao sa iba, katapatan sa trabaho at pakikibahagi sa kanilang mga komunidad.”
Lumala pa ang kasakiman sa lipunan dahil sa pinagkalooban ng maraming mga ehekutibo sa negosyo ang kanilang mga sarili ng malalaking kita ng salapi at malalaking pakinabang sa pagreretiro samantalang hinihimok ang kanilang mga empleado na maging katamtaman sa kanilang mga hinihiling. “Ang suliranin hinggil sa paghahangad ng kita niyaong mga nangunguna sa negosyo ay na ang kanilang mga saloobin ay nakaiimpluwensiya anupat lalo nilang pinabababa ang pamantayang moral ng mga tao sa pangkalahatan,” ang puna ni Kjell Ove Nilsson, katulong na propesor sa etika at direktor ng teologo sa Christian Council of Sweden. “Mangyari pa, ito ay may mapangwasak na epekto sa moralidad—sa lipunan at gayundin sa personal na antas.”
Ang Kultura ng Media
Ang isa pang malaking salik na nagiging sanhi ng mabilis na pagbagsak ng moral sa huling kalahati ng ika-20 siglo ay ang kultura ng media. “Ang mga tagapaghatid ng bagong mga pamantayan ay ang mga prodyuser sa telebisyon, mga taong kilala sa larangan ng pelikula, mga tagaanunsiyo ng moda, ang mga gangsta rapper, at ang maraming iba pang maimpluwensiyang tao na bahagi ng masalimuot na elektronikong kultura ng media,” ang sabi ni Senador Lieberman. “Ang mga tagapagpausong ito ay may napakalakas na impluwensiya sa ating kultura at partikular na sa ating mga anak, at madalas na kakaunti o wala silang nadaramang pananagutan sa nakasasamang pamantayan na ipinalalaganap nila.”
Bilang halimbawa, binanggit ni Lieberman ang isang rekording na ginawa ng isang banda ng heavy metal na tinaguriang Cannibal Corpse.
Detalyadong inilalarawan ng mga mang-aawit ang tungkol sa panggagahasa sa isang babae habang ito’y tinututukan ng patalim. Siya at ang isang kasamahan ay nakiusap sa recording company na huwag ilabas ang rekord na iyon. Subalit gaya ng paglalahad ni Lieberman, nabigo sila.Kaya naman ngayon ay mahigpit na nakikipagpaligsahan ang responsableng mga magulang sa kultura ng media hinggil sa kung sino ang makaiimpluwensiya at magpapalaki sa kanilang mga anak. Subalit paano naman ang mga pamilyang hindi palaisip ang mga magulang? “Sa gayong mga kaso,” sabi ni Lieberman, “hindi nahahamon ang kultura bilang tagapagpauso, at ang pagkadama ng bata sa kung ano ang tama at mali at ang mga priyoridad niya sa buhay ay hinuhubog pangunahin na ng kung ano ang natututuhan niya mula sa telebisyon, sa sinehan at sa CD player.” At hindi pa natatagalan, ang Internet ay maaari nang idagdag sa talaan.
Pagbabalik sa “Isang Moral Noong Stone Age”
Paanong kitang-kita sa mga kabataan ang epekto ng negatibong mga impluwensiyang ito? Halimbawa, nitong mga taóng nakaraan lamang, mas maraming bata at mga tin-edyer ang gumawa ng malulupit na karahasan laban sa ibang bata gayundin sa mga adulto.
Isang nakagigitlang pangyayari ang naganap sa Sweden noong 1998. Dalawang batang lalaki, lima at pitong taóng gulang, ang sumakal sa kalaro nilang apat na taóng gulang hanggang sa ito’y mamatay! Marami ang nagtanong: Wala bang taglay na likas na pagpipigil ang mga batang ito upang udyukan silang huminto kapag sila’y lumalampas na sa ilang tiyak na limitasyon? Ganito ang nagbibigay-liwanag na komento ng isang saykayatris sa bata: “Ang pagpipigil laban sa pagpapakalabis ay isang bagay na kailangang matutuhan,” ang sabi niya. “May kaugnayan dito ang tungkol sa . . . kung sino ang mga huwaran ng mga batang ito at kung ano ang natututuhan nila mula sa mga adultong nasa paligid nila.”
Isang nahahawig na katotohanan ang mapapansin rin sa mararahas na mga kriminal. Ayon kay Sten Levander, isang propesor ng sikayatriya sa Sweden, nasa pagitan ng 15 at 20 porsiyento ng lahat ng mga bilanggo ngayon ang mga psychopath—mga taong labis na makasarili, walang empatiya, at hindi makaunawa o ayaw unawain ang ideya ng pagkaalam ng tama at mali. Napansin ng mga tagamasid na kahit ang mga paslit at mga kabataan na waring matino ay pumupurol ang pagkasensitibo sa moral. “Nanumbalik tayo sa isang moral noong Stone Age,” ang pahayag ni Christina Hoff Sommers, isang propesor ng pilosopiya. Napansin niya na kapag napaharap ang kaniyang mga kabataang estudyante sa tanong hinggil sa kung ano ang tama at ano ang mali, karamihan sa kanila ay totoong walang katiyakan ang tugon. Pagkatapos ay sasagot sila na walang gayong bagay na tulad ng tama o mali. Naniniwala sila na dapat isaalang-alang ng bawat tao kung ano ang pinakamabuti para sa kaniya.
Kamakailan lamang, marami sa kaniyang mga estudyante ang tumutol hinggil sa simulain ng namumukod-tanging dignidad at kahalagahan ng buhay ng tao. Halimbawa, nang tanungin kung ano ang gagawin nila kapag napaharap sila sa pagpili sa pagitan ng pagliligtas sa buhay ng kanilang alagang hayop o sa buhay ng isang tao na hindi nila kilala, marami ang nagsabi na pipiliin nila ang hayop.
“Ito’y hindi dahilan sa ang mga kabataan ay ignorante, walang-tiwala, malupit, o mapanlinlang,” sabi ni Propesor Sommers. “Sa tahasang salita, sila’y walang pangmalas sa kung alin ang tama o mali.” Sinasabi niya na maraming kabataan sa ngayon ang aktuwal na nagtatanong kung mayroon nga bang tama o mali, at sa palagay niya, ang ganitong saloobin ay naghaharap ng isa sa malalaking panganib sa lipunan.
Kung gayon, ang pagbagsak ng moral sa panahon natin ay isang katotohanan. Marami ang nangangamba na baka magkaroon ito ng nakatatakot na resulta. Ang artikulo sa Die Zeit na binanggit sa simula ay nagsasabi na ang ekonomiya ng malayang pamilihan sa ngayon ay maaaring unti-unting “sumasamâ at marahil balang araw ay guguho gaya ng nangyari sa sosyalistang sistema kamakailan lamang.”
Ano ang tunay na kahulugan ng lahat ng ito? At anong uri ng hinaharap ang maaari nating asahan?
[Mga larawan sa pahina 6, 7]
“Ang mga tagapaghatid ng bagong mga pamantayan ay ang mga prodyuser sa telebisyon, mga taong kilala sa larangan ng pelikula, mga tagaanunsiyo ng moda, mga gangsta rapper . . .”