Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Larong May Ginagayang Tauhan Dumating kamakailan ang aking bagong computer. Balak ko lamang maglaro ng ilang laro ngunit ang nangyari ay gumugol ako ng halos 16 na oras nang walang-hinto sa paglalaro! Noong matanto ko kung anong nangyari, kaagad-agad kong binura ang lahat ng laro sa aking computer. Gayunman, nang maglaon, nadama ko na marahil ay medyo lumabis naman ako. Ngunit nang linggo ring iyon, ang inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . May Panganib ba sa mga Larong May Ginagayang Tauhan?” ay dumating. (Agosto 22, 1999) Natanto ko ang panganib na ginagawa ng mga larong iyon sa akin. Pinasasalamatan ko si Jehova sa pagbubukas sa aking mga mata sa panganib na ito.
L. H., Brazil
Mayroong laro sa kard na usung-uso sa Hapon. Marami sa mga kard ang may pangalang sataniko, halimbawa, “Curtain of the Black Devil.” Labis akong nahumaling sa larong ito anupat muntik nang nasira ang aking espirituwalidad. Nang dakong huli ay natuklasan ng aking ina ang aking mga kard at itinapon ang mga ito. Nakadarama pa rin ako ng pagkagiliw sa mga kard na iyon. Ngunit pagkabasa sa artikulong ito, ang pagkagiliw na iyon ay naglaho. Lubhang nakatulong sa akin ang artikulo.
K. N., Hapon
Paggamot Nang Walang Dugo Ako’y 11 taóng gulang, at natatangi para sa akin ang artikulong “Talaga Nga Bang Kailangan ang Pagsasalin ng Dugo?” (Agosto 22, 1999) Ang kapatid kong babae ay dalawang beses nang naoperahan sa puso. Hiniling ng aking mga magulang na isagawa ito nang walang dugo. Akala ko’y mamamatay siya, ngunit tatlong taon na ang nakalilipas, at mabuti naman siya!
C. S., Estados Unidos
Maling Kabayo! Talagang nasiyahan ako sa artikulong “Pamilihan sa Oktubre—‘Ang Pinakamatandang Pang-Internasyonal na Pamilihan ng Kabayo sa Europa.’” (Marso 22, 1999) Ngunit namangha ako na makitang ang larawan ng isang matipunong skewbald ay pinanganlang “matipunong piebald.”
S. P., Timog Aprika
Maalam sa kabayo ang aming mambabasa! Ayon sa British Skewbald and Piebald Association, ang matipunong piebald ay may mga marka lamang na itim at puti—di-tulad ng skewbald na ipinakita sa aming larawan. Humihingi kami ng paumanhin dahil sa hindi namin ito napansin.—ED.
Genes Ako’y 16 na taóng gulang, at interesadung-interesado ako sa molecular biology. Ang seryeng “Paglutas sa Hiwaga ng Iyong ‘Genes’” (Setyembre 8, 1999) ay isang ekselenteng pagkakatimbang sa pagitan ng simple at ng komplikado. Nabasa ko ang isang aklat na masusing nagpaliwanag sa mga lihim ng DNA. Sa labis kong pagkamangha, sinaklaw ng inyong artikulo ang lahat ng materyal na iyon ngunit sa isang mas nauunawaan at madaling maintindihan na mga termino.
S. R., Pransiya
Salamat sa mga artikulo, nakakuha ako ng mataas na marka sa pagsusulit ko sa biyolohiya. Ang inyong paglalarawan sa mga nucleic acid at kung paano sila nauugnay sa mga katangiang naipamamana ay napakasimple at kumpleto!
D.A.N., Brazil
Ako’y isang guro sa elementarya, at matagal ko nang pinag-iisipan kung paano ko matutulungan ang aking mga estudyante na maunawaan ang komposisyon ng katawan ng tao. Nasumpungan kong simple ang impormasyon sa mga artikulong ito upang maunawaan ng aking mga estudyante, bagaman kabilang dito ang ilang mahihirap na terminong makasiyensiya. Ginawa ng Gumising! na lubhang madaling maunawaan ang mga ito.
K. M., Lesotho
Takot sa Paglipad Salamat! Sa Lunes ang kauna-unahang pagsakay ko sa eroplano, at ako’y labis na nangangamba hinggil dito. Sa palagay ko ang pangunahing dahilan ay dahil hindi ko naiintindihan kung paanong ang isang napakalaking makina ang sa wari’y makatatakas sa grabidad. Kaya tuwang-tuwa akong makita ang artikulong “Ano ang Kailangan Upang Mapanatiling Lumilipad ang mga Ito?” (Setyembre 8, 1999) Ang mabatid na gayon na lamang ang pag-iingat na ginagawa ng mga kompanya ng eroplano upang matiyak na ligtas ang kanilang mga eroplano—anupat ini-x-ray pa nga ang mga ito—ay nakatulong sa akin na maging higit na relaks sa pagsakay sa eroplano. Kaya sa kabila ng aking pangamba, iingatan ko ang artikulong ito at sasakay ako sa eroplanong iyon!
T. T., Estados Unidos