Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mga Paslit at TV
Iminumungkahi ng American Academy of Pediatrics na huwag papanoorin ng telebisyon ang mga batang wala pang dalawang taon, ang ulat ng The Toronto Star. Ipinakikita ng pagsasaliksik tungkol sa unang bahagi sa pagsulong ng utak na nangangailangan ang mga sanggol at mga paslit ng tuwirang pakikipag-ugnayan sa kanilang mga magulang at sa iba pang mga nag-aalaga. Ang panonood ng TV ay maaaring “makagambala sa ugnayan na tumutulong sa pagsulong ng kanilang mga kasanayang sosyal, emosyonal at pangkaalaman.” Gayunman, hindi sang-ayon ang lahat ng mga dalubhasa. Halimbawa, sinasabi ng Canadian Pediatric Society na ang panonood ng de-kalidad na programa na may patnubay ng magulang sa sukdulang haba na 30 minuto bawat araw ay naglalaan sa bata ng “pagkakataon na maturuan ng isang magulang.” Gayunman, sumang-ayon ang dalawang organisasyon na hindi dapat magkaroon ang mga paslit ng mga telebisyon o mga computer sa loob ng kanilang mga silid-tulugan at na hindi dapat gamitin ang TV bilang yaya. Yamang makaaapekto ang panonood ng TV sa kalusugan ng mga kabataan, iminumungkahi na “pasiglahin ang mga bata na maglaro sa labas, magbasa ng mga aklat o sagutan ang mga palaisipan o maglaro ng mga larong pinag-iisipan.”
Kabiguan sa Trabaho
Bakit ba nauubusan ng pasensiya o nagiging marahas pa nga ang ilang tao sa trabaho? Ayon sa sikologong taga-Toronto na si Sam Klarreich, maaaring hindi lamang basta kaigtingan ang dahilan kundi ang mababang pagtitiis sa kabiguan. Naniniwala siya na nagsisimula ang kondisyong ito sa ilang empleado na nakadaramang “hinihilingan [sila] na magtrabaho nang labis-labis at pagkatapos ay malalaman na ang kanilang kikitain ay hindi katumbas ng ipinagtrabaho nila,” ang ulat ng pahayagang Globe and Mail. Nagbababala si Klarreich na ang matagal na pagkagalit ay “isang lubhang di-nakapagpapalusog na damdamin” na maaaring magdulot ng mga istrok o mga atake sa puso. Pinasisigla niya ang mga empleado na matutong tanggapin ang mga kabiguan at makipag-usap sa mga nagpapatrabaho sa kanila at mahinahong talakayin kung gaano karaming trabaho ang makatotohanang kaya nilang gawin. Sa kabilang panig, pinapayuhan ni Klarreich ang mga nagpapatrabaho na maging alisto sa mga empleado na tila nakadarama na ng pagkasaid at bigyan sila ng karagdagang tulong, bawasan ang ilan sa kanilang mga trabaho, o imungkahi na magpahinga sila ng isang araw.
Pinasisigla ng Pag-awit ang Damdamin
Natuklasan ng mga siyentipiko na ang pag-awit ay nagpapalabas ng mga kimikal sa utak na nagpaparelaks at nagpapasaya sa iyo, ang ulat ng pahayagang Aleman na Stuttgarter Nachrichten. Sinabi ng mga mananaliksik na ang pag-awit ay nagpapakilos sa “mga molekula ng emosyon” sa utak. Kaya, “ang pag-awit ay sinasabing hindi lamang para ipahayag ang mga damdamin kundi upang lumikha rin ng mga ito,” ang sinabi ng ulat. Napansin ng mga guro sa musika na maraming tao sa ngayon ang nakadarama na ang pag-awit ay “makaluma” o na ang kanilang mga tinig ay hindi masyadong maganda, at sa gayo’y ipinauubaya na lamang nila ang pag-awit at musika sa media. Gayunman, ipinakikita ng pagsasaliksik na ito na ang mga tao ay nakikinabang kapag sila mismo ang umaawit.
Pagnanakaw sa Pananim
Sa ilang mga estado sa Alemanya, nagrereklamo ang mga magsasaka tungkol sa pagdami ng pagnanakaw sa mga pananim, ulat ng Siegener Zeitung. Balde-balde kung kumuha ang mga magnanakaw ng mga pipino at tala-talaksang asparagus ang ikinakarga sa mga minivan. Sa isang kaso ay ninakaw nila ang 7,000 tanim na strawberry. Bagaman ang ilan ay maaaring magnakaw ng pagkain dahil sa kanilang lumulubhang kalagayan sa pananalapi, tila minamalas naman ito ng iba bilang isang libangan. Nag-ulat ang mga magsasaka na nakakita sila ng “ibat-ibang uri ng mga kotse” malapit sa mga bukirin na ninakawan. Kadalasang malayo ang mga bukirin sa mga tahanan ng mga nagmamay-ari nito, at sa mga bukiring ito ay lalong naging pangahas ang mga magnanakaw. Iminungkahi ng isang kasangguni na kalatan ng mga magsasaka ang kanilang mga pananim ng dumi upang mahadlangan ang mga magnanakaw.
Maaaring Mabuhay Nang Mas Malawig ang mga Aktibo sa Lipunan
Ayon sa isang bagong pag-aaral ng Harvard University, ang may-edad na mga tao na nakikibahagi sa mga gawain sa lipunan, gaya ng pagtungo sa simbahan, mga restawran, mga palaro, at mga sinehan, ay nabubuhay ng katamtamang dalawa at kalahating taon na mas mahaba kaysa sa mga taong hindi gaanong aktibo sa lipunan. Malaon nang ipinagpapalagay na ang pisikal na bahagi ng gayong mga gawain ang siyang nakatulong sa mga tao, ang sabi ni Thomas Glass ng Harvard, na nanguna sa pag-aaral. Gayunman, idinagdag niya na ang pag-aaral na ito ay naglalaan “marahil ng pinakamalakas na kaugnay na ebidensiya na taglay natin hanggang sa kasalukuyan na ang pagkakaroon ng makabuluhang layunin sa dapit-hapon ng buhay ay nagpapahaba ng buhay.” Tinukoy ni Glass na ang paggawa ng higit pa, anuman ang gawain, ay nagpahaba ng buhay sa halos lahat ng kaso.
Pinakamatatandang Nawasak na Barko sa Daigdig
Natagpuan ng mga dalubhasa sa karagatan ang mga labí ng dalawang sasakyang pandagat ng mga taga-Fenicia na mula pa noong mga 750 B.C.E., ang ulat ng magasing Pranses na Sciences et avenir. Ang 15- at 18-metrong mga barko, na nakahimlay sa baybayin ng Israel sa lalim na halos 500 metro, ang pinakamatatandang barko na natagpuan kailanman sa karagatan. Ang mga barko ay naglayag mula sa daungan ng Tiro na may dala-dalang mga Griegong banga ng alak na gawa sa luwad, na marahil ay patungo sa Ehipto o sa lunsod ng Cartago sa Hilagang Aprika. Gaya ng sinipi sa International Herald Tribune, ang nakatuklas sa mga barko, si Robert Ballard, ay nagsabi: “Ang labis na lalim ng mga karagatan, ang kawalan ng sikat ng araw, ang labis na mga presyon, ay tila nag-iingat sa kasaysayan nang higit kaysa sa ating inakala.” Sinabi ng mga mananaliksik na ang pagkatuklas na ito ay “makatutulong upang pasimulan ang isang buong bagong kabanata sa pagsasaliksik sa sinaunang kulturang pandagat na ito.”
Unang Pinipili Upang Makapagrelaks
Sa isang bagong pag-aaral, 1,000 katao sa 30 iba’t ibang bansa ang tinanong kung aling gawain ang mas gusto nila upang mabawasan o maalis ang kaigtingan. Sa buong daigdig, 56 na porsiyento niyaong mga kinapanayam ang tumukoy na musika ang kanilang unang pinili, ang ulat ng Reuters news agency. Sa Hilagang Amerika, unang pinili ng 64 na porsiyento ang musika, kung ihahambing sa 46 na porsiyento sa maunlad na Asia. Sa pangkalahatan, pumangalawa ang panonood ng TV, na sinundan ng paliligo o pagsi-shower. “Kapag iisipin mo ang halaga ng musika at ang pagiging madali nitong makuha sa pamamagitan ng radyo, TV, mga personal na CD player, ng Internet at marami pang ibang bagong channel,” ang sabi ni Tom Miller, direktor ng pag-aaral sa Roper Starch Worldwide, “hindi kataka-taka na mahigit sa kalahati ng daigdig ang nakikinig sa musika upang makapag-relaks.”
Karalitaan—Isang Pandaigdig na Suliranin
Ang presidente ng World Bank, si James D. Wolfensohn, ay nagpahayag ng pagkabahala kamakailan tungkol sa patuloy na karalitaan sa daigdig. Sinabi ni Wolfensohn na sangkatlo ng anim na bilyong tao sa daigdig ang nabubuhay pa rin sa labis na karalitaan, ang ulat ng pahayagang La Jornada ng Lunsod ng Mexico. Idinagdag pa niya na kalahati ng mamamayan sa daigdig ang nabubuhay sa halagang wala pang dalawang dolyar bawat araw; at ang isang bilyon, ng wala pang isang dolyar. Bagaman ipinagmamapuri niya ang pagsulong na nagawa sa pamamagitan ng World Bank sa pakikipaglaban sa karalitaan, nagbigay si Wolfensohn ng mga bilang na nagpapakita na ang suliranin ay malaganap at malayo pang mapagtagumpayan ito. Sinabi niya: “Kailangang kilalanin natin na ang karalitaan ay isang pandaigdig na suliranin.”
Kapag Nag-aalinlangan, Itapon Ito
Ang ilang amag, tulad niyaong matatagpuan sa blue cheese, ay ligtas kainin. Ngunit ang ilan ay maaaring mapanganib, lalo na sa mga tao na mahina ang kalusugan, ang babala ng UC Berkeley Wellness Letter. Ang mga amag sa tinapay at mga produktong mula sa butil ang ilan sa pinaka-nakalalason. Kadalasang ang nakikitang amag ay parang nag-uugat na gaya ng sinulid na bumabaon sa pagkain. Isa pa, ang mga lason na ginawa ng amag ay hindi mapapatay sa pamamagitan ng pagluluto. Ang Wellness Letter ay nagrerekomenda:
◼ Ilagay sa repridyeretor ang mga inani kung maaari, at gamitin ang mga ito bago amagin.
◼ Itapon ang maliliit na prutas, gaya ng mga berry o mga ubas, na inaamag. Hugasan lamang ang prutas kung kakainin mo na ito, yamang nagiging dahilan ng amag ang halumigmig.
◼ Ang maliliit na bahaging may amag ng malalaki at matitigas na mga prutas at mga gulay, tulad na mga mansanas, patatas, cauliflower, o mga sibuyas, ay basta maaaring alisin na lamang. Ang inaamag na malalambot na prutas, gaya ng peaches at mga melon, ay dapat na itapon.
◼ Maaaring isalba ang ibang bahagi ng inaamag na kesong matigas sa pamamagitan ng paghiwa sa panlabas na bahagi nito nang di-kukulangin sa 2-3 centimetro mula sa amag. Pero itapon ang inaamag na malambot na keso at yogurt, kasama na ang inaamag na tinapay, karne, tirang pagkain, mani, peanut butter, arnibal, at mga minatamis.
Mas Ligtas na Pag-iihaw
“Malaon nang ikinababahala sa kaligtasan ng pagkain ang hindi sapat na pagkakaluto ng karne, ngunit sa nakalipas na mga taon, ang labis na pagkakaluto—lalo na ang pagsunog at pagtusta ng karne, manok at isda sa ihawan sa bakuran—ay iniuugnay sa higit na pangmatagalang panganib sa kalusugan,” ang sabi ng pahayagang National Post ng Canada. Kapag ang karne ay niluto sa mataas na temperatura, nabubuo ang nagdudulot ng kanser na mga sangkap na tinatawag na heterocyclic amines (HCAs). Iminumungkahi ng ulat na ang paggamit ng isang simpleng pambabad na may “maasim na sangkap, tulad ng katas ng kalamansi, katas ng dalandan o suka,” ay maaaring magpangyaring higit na ligtas ang pag-iihaw. Sa paulit-ulit na mga pagsubok, ang mga mananaliksik sa American Institute for Cancer Research ay “nakatuklas na ang binabaran na mga pagkain ay nagtaglay ng 92% hanggang 99% mas kakaunting HCAs kaysa sa mga katapat nitong hindi binabaran—at walang ipinagkaiba kung ang mga ito man ay naibabad na sa loob ng 40 minuto o dalawang araw.”