Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Nagkakaisang Europa—Bakit Ito Mahalaga?

Isang Nagkakaisang Europa—Bakit Ito Mahalaga?

Isang Nagkakaisang Europa​—Bakit Ito Mahalaga?

NAG-IINUMAN ng champagne ang mga tao. Pinagliliwanag ng mga kuwitis ang himpapawid. Ano ba ang okasyon? Isang bagong milenyo? Hindi, ang pangyayaring ito ay masasabing higit na mahalaga kaysa sa basta pagpapalit ng mga numero sa mga kalendaryo sa daigdig. Ito ay noong Enero 1, 1999. Ang bago at iisang uri lamang ng pera para sa European Union (EU)​—isang uri ng salapi na tinatawag na euro​—​ay opisyal na inilunsad sa araw na iyon.

Minamalas ng maraming taga-Europa ang paggamit ng isang panlahatang pera bilang isang makasaysayang hakbang sa matagal nang hinahangad na pagkakaisa sa Europa. Pinuri ng pahayagang Olandes na De Telegraaf ang paglulunsad ng euro bilang ang “korona sa pag-iisa ng Europa.” Sa katunayan, pagkalipas ng mga dekada ng mga pangarap, diplomasya, at mga pagkaantala, ang pagkakaisa ng Europa ay waring mas malapit na higit kailanman.

Ipagpalagay na, maaaring magtaka ang mga taong naninirahan sa labas ng Europa kung bakit gayon na lamang ang pananabik dito. Maaaring tila walang gaanong epekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay ang pagdating ng euro at ang mga pagsisikap na pagkaisahin ang Europa. Gayunman, ang pag-iisa ng Europa ay bubuo ng isa sa pinakamalaking grupong pang-ekonomiya sa daigdig. Kaya mahirap na ipagwalang-bahala ang isang nagkakaisang Europa​—saanman naninirahan ang isang tao.

Halimbawa, sinabi kamakailan ng Assistant Secretary of State ng Estados Unidos na si Marc Grossman sa mga tagapakinig na taga-Hilagang Amerika: “Ang ating kasaganaan ay nauugnay sa Europa.” Bakit? Kabilang sa mga dahilan na kaniyang binanggit ay na “isa sa bawat 12 manggagawa sa pagawaan sa Estados Unidos ay nagtatrabaho sa isa sa 4,000 negosyo na pag-aari ng mga taga-Europa na nasa Estados Unidos.” Gayundin, iniulat na maaaring makaapekto sa presyo ng inaangkat na mga paninda ang bagong pera ng Europa​—at maging ang presyo ng sangla​—sa mga bansang malayo sa Europa.

Maaaring makinabang ang papaunlad na mga bansa. Paano? Ganito ang sabi ng isang pag-aaral: “Ang pagpapalit ng euro sa iba’t ibang mga salapi sa Europa ay magpapadali sa mga ugnayang pangkalakalan sa EU ng papaunlad na mga bansa.” Isa pa, humula ang ilan na makikinabang ang mga kompanya ng Hapon at ng Estados Unidos na nagnenegosyo sa Europa. Ngayong naitatag na ang euro, wala nang pabagu-bagong mga halaga ng palitan sa pagitan ng mga bansa sa Europa. Magiging mas matipid na ang pagnenegosyo sa Europa.

Kung nagbabalak kang maglakbay sa Europa, maaari mo ring madama ang mga kapakinabangan ng pagkakaisa ng Europa. Di-magtatagal at makabibili ka na ng mga paninda at mga serbisyo sa iba’t ibang mga bansa sa Europa sa pamamagitan ng iisang pera, ang euro, na halos kasinghalaga ng dolyar ng Estados Unidos. Lilipas na ang mga panahon ng nalilitong mga turista na gumagamit ng mga gulden, franc, lira, deutsche mark, at pambulsang mga calculator.

Gayunman, ang pagkilos ng Europa tungo sa pagiging napagkaisa na kontinente ay nag-aalok ng isang bagay na higit na kahali-halina​—ang pag-asa. Isip-isipin na lamang, ilang dekada lamang ang nakalipas ay nasadlak ang Europa sa digmaan. Kung isasaalang-alang iyan, ang pag-iisa ng Europa ay isang kahanga-hangang kababalaghan. Napansin ito ng mga tao sa palibot ng daigdig.

Hindi makapaniwala ang marami kung magiging makatotohanan ngang asam-asamin ang pandaigdig na pagkakaisa. Talagang ito’y isang nakapananabik na pag-asa! Ang mga pagsisikap ba ng Europa tungo sa pagkakaisa ay magpapalapit sa tao tungo sa isang nagkakaisang daigdig? Bago sagutin ang tanong na iyan, kailangan nating gumawa ng isang matapat na pagsusuri sa pag-iisa ng Europa. Anu-anong balakid sa landas tungo sa pagkakaisa ang kailangan pang alisin?

[Kahon/Chart sa pahina 4]

PAGPAPASIMULA NG PAGKAKAISA?

Hindi naman talaga bago ang ideya ng pagkakaisa ng Europa. Sa paano ma’y nagkaroon ng pagkakaisa noong panahon ng Imperyong Romano, na nasa ilalim noon ng pamamahala ni Carlomagno, at pagkatapos ay sa ilalim ni Napoléon I. Sa gayong mga kalagayan ang pagkakaisa ay batay sa puwersa at pananakop. Gayunman, pagkalipas ng Digmaang Pandaigdig II, ang ilang bansa na giniyagis ng digmaan ay nakadama ng pangangailangan para sa kapayapaan salig sa pagtutulungan. Umasa ang mga bansang ito na ang gayong pagtutulungan ay aakay hindi lamang sa pagbangon nila sa ekonomiya kundi gayundin sa pagbabawal sa digmaan. Ang sumusunod ay ilan sa makasaysayang mga hakbang tungo sa kasalukuyang situwasyon:

1948 Daan-daang lider ng pulitika sa Europa ang nagtipon sa The Hague, Netherlands, at sumumpa: “Hindi na kami muling makikipagdigma sa isa’t isa.”

1950 Nagsimulang magtulungan ang Alemanya at Pransiya upang ipagsanggalang ang kanilang mga industriya ng uling at bakal. Marami pang bansa ang sumama sa kanila, at ito ang umakay sa pagbuo ng European Coal and Steel Community (ECSC). Nagsimulang gumana ang ECSC noong 1952 at kabilang dito ang Belgium, Italya, Kanlurang Alemanya, Luxembourg, Netherlands, at Pransiya.

1957 Ang anim na mga miyembro ng ECSC ay bumuo pa ng dalawang iba pang organisasyon: ang European Economic Community (EEC) at ang European Atomic Energy Community (Euratom).

1967 Sumama ang EEC sa ECSC at Euratom upang buuin ang European Community (EC).

1973 Tinanggap ng EC ang Denmark, Ireland, at ang United Kingdom.

1981 Sumali ang Gresya sa EC.

1986 Sumali ang Espanya at Portugal sa EC.

1990 Ang EC ay lalo pang pinalaki nang magsanib ang Kanluran at Silangang Alemanya, sa gayo’y napapasok ang dating Silangang Alemanya sa organisasyon.

1993 Ang mga pagsisikap tungo sa mas malaking pagkakaisa sa ekonomiya at pulitika ng mga miyembro ng EC ay umakay sa pagbuo ng European Union (EU).

2000 Ang EU ay binubuo ng 15 miyembrong bansa​—Alemanya, Austria, Belgium, Denmark, Espanya, Finland, Gresya, Ireland, Italya, Luxembourg, Netherlands, Portugal, Pransiya, Sweden, at ang United Kingdom.

[Larawan sa pahina 3]

Papalitan ng euro ang maraming uri ng pera sa Europa

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Ang mga Euro at mga sagisag ng euro sa pahina 3, 5-6, at 8: © European Monetary Institute