Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Inamin ng Kompanya ng Tabako na Sanhi ng Kanser ang Paninigarilyo
Pagkatapos ng mga dekada ng pakikipagtalo hinggil sa mga natuklasan ng iba’t ibang awtoridad sa medisina, inamin ngayon ng Philip Morris, ang pinakamalaking pagawaan ng sigarilyo sa Estados Unidos, na ang paninigarilyo ay sanhi ng kanser sa baga at ibang nakamamatay na mga sakit. Isang pahayag mula sa kompanya ang nagsasabi: “May malawakang pagsang-ayon sa medisina at siyensiya na ang paninigarilyo ay sanhi ng kanser sa baga, sakit sa puso, emphysema at iba pang malulubhang sakit sa mga naninigarilyo.” Binanggit ng The New York Times na “dati, ipinaggigiitan ng kompanya . . . na ang paninigarilyo ay isang ‘salik na nagpapatindi sa panganib’ o isang ‘salik na nakaaapekto’ sa mga sakit tulad ng kanser sa baga, at hindi ito ang sanhi ng mga sakit.” Gayunman, sa kabila ng pag-aming ito, sinasabi ng kompanya: “Ipinagmamalaki namin ang aming mga sigarilyo at ang mga kampanya sa pag-aanunsiyo na sumusuporta sa mga ito sa loob ng mga taon.”
Nawawalang mga Palatandaan
Ang malalaking kamalig para sa mga butil ay unti-unting nawawala sa mga parang sa kanlurang Canada. Naabot ang pinakamataas na bilang ng dami ng malalaking kamalig para sa mga butil noong 1933 nang may 5,758 nito ang nakakalat sa lalawigan. Mula noon, bumaba ang bilang sa 1,052. Ang dahilan? Isa sa mga nakasaksi sa pagwasak ng isang malaking kamalig para sa mga butil ang malungkot na nagsabi: “Lubhang nagbago na ang panahon. Ang agrikultura ay basta negosyo na lamang ngayon. Ang pampamilyang mga bukid ay nawawala na. Gayundin ang malalaking kamalig.” “Ang mga parang na walang malalaking kamalig ay makakahawig ng Venice na walang mga kanal, ng New York na walang matataas na gusali o ng Britanya na walang mga taberna,” ang ulat ng magasin na Harrowsmith Country Life. Ang mga grupong may pantanging interes ay kumikilos upang panatilihin ang itinuturing na arkitektural na sagisag ng mga kapatagan sa Canada. Isang malaking kamalig para sa mga butil ay ginawang museo at isa ay naging teatrong kainan.
Kahit Kailan ay Walang Sapat na Panahon
Sa buong Europa, parami nang paraming tao ang nakadarama na sila’y minamadali, ang ulat ng pahayagan sa Alemanya na Gießener Allgemeine. Totoo rin ito maging ang mga tao man ay nagtatrabaho sa labas ng tahanan, gumagawa ng gawaing-bahay, o naglilibang. “Mas kaunti ang tulog ng mga tao, mas mabilis ang kanilang pagkain, at nadarama nilang sila’y higit na minamadali sa trabaho kaysa noong nakaraang 40 taon,” ang sabi ng sosyologong si Manfred Garhammer, ng Bamberg University. Natuklasan niyang ang pang-araw-araw na pamumuhay ay bumilis sa lahat ng bansa sa Europa na kaniyang pinag-aralan. Ang mga kagamitan na nilayong makabawas sa manu-manong paggawa sa bahay at ang kabawasan sa oras ng pagtatrabaho ay hindi nagdulot ng “maalwang lipunan” o ng “saganang panahon.” Sa halip, sa pangkalahatan, ang oras sa pagkain ay nabawasan nang 20 minuto at ang pamamahinga sa gabi nang 40 minuto.
Ang Pagkagumon ng Australia sa Sugal
“Isang malubhang isyu sa ngayon sa kalusugan sa Australia ang pagsusugal, na direktang nakaaapekto sa di-kukulanging 330,000 pusakal na mga sugarol,” ang ulat ng The Australian. Ayon sa pahayagan, mahigit sa 1 sa bawat 5 elektronikong kasangkapan sa pagsusugal sa buong daigdig ay masusumpungan sa Australia, kung saan 82 porsiyento ng mga adulto ay nagsusugal. Isang komisyon na nagsusuri sa industriya ng pagsusugal sa Australia ang nakatuklas na 2.3 porsiyento ng mga adultong Australiano ay may malubhang suliranin sa pagsusugal. Sa mga ito, 37 porsiyento ang nag-isip na magpatiwakal, mahigit sa 11 porsiyento ang nagtangkang magpatiwakal, at 90 porsiyento ang nagsabi na sila’y matinding nanlumo bunga ng kanilang pagsusugal. Ang komisyon ay nag-utos na baguhin ang pagpapatakbo ng mga pasugalan at nagmungkahi na magpaskil ng mga babala sa lugar ng sugalan.
Paglaban sa Kaigtingan
Nakadarama ka ba ng kaigtingan? Gaya ng iniulat sa El Universal, iminumungkahi ng Mexican Institute of Social Security ang sumusunod na mga alituntunin upang malabanan ang tensiyon. Matulog hanggang masapatan ang kahilingan ng iyong katawan—sa pagitan ng anim at sampung oras sa isang araw. Kumain ng isang almusal na kumpleto at timbang, isang pananghalian na katamtaman ang dami, at isang hapunan na magaan. Gayundin, malawakang iminumungkahi ng mga eksperto na bawasan mo ang pagkain ng mga matatabang bagay, limitahan ang dami ng asin na iyong ginagamit at, pagkalampas ng 40 taóng gulang, bawasan ang pagkonsumo ng gatas at asukal. Sikaping maglaan ng panahon para sa tahimik na pagbubulay-bulay. Higit pang mababawasan ang kaigtingan sa pamamagitan ng patuluyang pagmamasid sa kalikasan.
Gandang Nakalalason
Isang kosmetikong proseso na nagsasangkot ng pagtuturok ng botulin na isang nakamamatay na lason ay kasalukuyang ginagamit upang tanggalin ang mga kulubot sa mukha, ang ulat ng The Toronto Star. Pinaparalisa ng lason ang piling mga kalamnan sa mukha, na sa loob ng ilang araw ay lumalambot, na nagpapangyaring mawala ang mga kulubot. Ang pagpapagamot ay tumatagal nang mga apat na buwan at nagdudulot ng mas relaks at batang kaanyuan sa pasyente. Gayunman, may kabayaran ito. Nagbababala ang ulat na “nawawala ang mga kulubot sa mga gumamit nito, ngunit nawawala rin ang kakayahan nilang itaas ang kanilang mga kilay kapag nagugulat, paabutin ang ngiti hanggang sa kanilang mga mata, [at] sumimangot.” Nasasangkot dito ang pagiging handa na “paralisahin ang mga bahagi sa iyong mukha alang-alang sa kagandahan ng kabataan,” ang sabi ng pahayagan.
“Kanino Panig ang Diyos?”
“Hindi ko intensiyong hamakin ang mga paniniwala ninuman,” ang sulat ng kolumnista sa isports na si Sam Smith, “subalit hindi ba’t labis na ang pampublikong pagpapakita ng pagiging relihiyoso sa isports? Bakit nananalangin ang mga manlalaro ng football pagkatapos nilang makapuntos ng isang [touchdown]?” Ang mga manlalaro ring iyon na nag-uumpukan para manalangin pagkatapos ng isang laro ay makikita ring “nagmumura sa mga reporter” sa silid-bihisan o “nagsisikap na manakit ng mga manlalaro” sa kainitan ng laro, ang sabi ni Smith. Ang pag-iisip na mas pabor ang Diyos sa isang koponan kaysa sa isa ay “waring humahamak sa paniniwala sa Diyos,” ang sabi niya. Kaya, ang kaniyang artikulo ay nagtapos: “Huwag nating gawing isang relihiyosong gawain ang isports.”
Mapanganib na mga Hanapbuhay
Ano ang sampung pinakamapanganib na hanapbuhay? Ayon sa mga bilang na natipon ng U.S. Bureau of Labor Statistics, ang mga nagtotroso ang nangunguna sa listahan na may 129 ang namamatay sa bawat 100,000 manggagawa, samantalang ang mga mangingisda at mga trabahador sa barko ay pumapangalawa at pumapangatlo na may 123 mangingisda at 94 na trabahador sa barko ang namamatay sa bawat 100,000 manggagawa. Itinala sa paraang pababa ang bilang, ang iba pang mapapanganib na hanapbuhay ay yaong sa mga piloto ng eroplano, manggagawa ng kayariang metal, minero, manggagawa sa konstruksiyon, tsuper ng taksi, tsuper ng trak, at mga manggagawa sa bukid. Gayunman, “ang pangkalahatang bilang ng nakamamatay na mga kapinsalaan habang naghahanapbuhay—4.7 sa bawat 100,000 namamasukan—ay bumaba ng mga 10 porsiyento” sa loob ng nakaraang limang taon, ang ulat ng Scientific American.
Matatalinong Ibon!
“Ang mga maya sa Calcutta ay nakaiiwas sa malarya,” ang ulat ng magasin sa Pransiya tungkol sa kalikasan na Terre Sauvage. Napansin ng mga eksperto na kasabay ng paglaganap ng malarya, mas malalayo ang nililipad ng mga ibon upang maghanap ng dahon ng isang puno na kilala sa pagkakaroon ng matapang na likas na kinina, isang gamot laban sa malarya. Bukod sa ginagamit ng mga ibon ang mga dahon upang sapinan ang kanilang mga pugad, maliwanag na kinakain ng mga ibon ang mga ito. “Ang mga maya, na mahilig sa mga lunsod at takot sa malarya, ay waring nakasumpong ng paraan upang iligtas ang kanilang mga sarili,” ang sabi ng magasin.
Maruming Salapi
Mahigit sa 99 na porsiyento ng mga salaping papel sa London ay namantsahan ng cocaine, ang ulat ng pahayagang Guardian. Sinuri ng mga eksperto ang 500 salaping papel at nasumpungang 496 ang may bahid ng nasabing droga. Nagsisimulang mabahiran ang mga salaping papel kapag ang mga ito’y hinawakan ng mga nagdodroga. Mababahiran naman ng mga salaping papel na ito ang iba pang salapi kapag ang mga ito’y inaayos ng mga makina sa bangko o ang mga ito’y itinatagong magkakasama. Sa Britanya, ang cocaine ay naging ang pinakamabilis lumaganap na drogang pinaglilibangan ng mga nasa edad 20 hanggang 24. Ayon sa Youth Awareness Project na nakahimpil sa London, gumagamit ang mga tin-edyer ng cocaine dahil nadarama nilang pinagaganda nito ang kanilang reputasyon at pinalalakas sila nito.
“Pinakapangkaraniwang Impeksiyon na Nakukuha sa Dugo”
“Hindi kukulangin sa 2.7 milyong Amerikano ang may virus na hepatitis C, kung kaya’t sa Estados Unidos, ito ang pinakapangkaraniwang impeksiyon na nakukuha sa dugo,” ang sabi ng isang ulat ng Associated Press. Ang hepatitis C ay pangunahin nang naipapasa sa ibang tao sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik o sa pamamagitan ng nahawahang dugo. Ang pinakananganganib na magkaroon ng sakit na ito ay ang mga naghihiraman ng karayom na nagtuturok ng droga at ang mga taong nakikipagtalik nang hindi gumagamit ng condom. Gayunman, ang impeksiyon ay maaari ring kumalat sa pamamagitan ng mga nagtatato at nagsasagawa ng acupuncture na hindi lubusang naglilinis ng kanilang mga kagamitan. Ang mga taong nasalinan ng dugo ay nanganganib din. Bawat taon, mga 1,000 katao sa Estados Unidos ang tumatanggap ng bagong atay dahil sa hindi na gumagana ang kanilang mga atay dahilan sa virus.