Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Madulang Kasaysayan ng Isang “Lupain ng Pagkakaiba-iba”

Ang Madulang Kasaysayan ng Isang “Lupain ng Pagkakaiba-iba”

Ang Madulang Kasaysayan ng Isang “Lupain ng Pagkakaiba-iba”

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL

ITO’Y tinawag na ang “lupain ng mga pagkakaiba-iba”​—at may mabuting dahilan. Bagaman ang Brazil ay pangunahin nang isang tropikal na bansa, ang klima nito ay nagkakaiba-iba mula sa subtropikal sa timog hanggang sa ekwatoryal sa rehiyon ng Amason. Ang kasaysayan ng Brazil ay kakikitaan din ng pagkakaiba-iba. Sa nakalipas na mga taon, ang napakalawak na lupaing ito​—na ang laki ay sumasaklaw ng 8,511,999 kilometro kuwadrado, na may 7,400-kilometrong baybayin​—ay naging tahanan ng mga taong mula sa maraming iba’t ibang kultura.

Ang pagkamapagpatuloy ang isa sa unang mga katangian na napansin ng mga Portuges nang dumating sila sa Brazil 500 taon na ang nakalipas. Tunay, sa pagsulat kay Haring Manuel I ng Portugal noong taóng 1500, inilarawan ni Pero Vaz de Caminha ang malayang pakikisalamuha ng katutubong mga Braziliano sa kanilang mga bisitang Portuges at pagyapos sa mga ito. Subalit ano ba ang ginagawa ng mga Portuges sa Brazil?

Noong Marso 9, 1500, si Pedro Álvares Cabral ay naglayag mula sa Portugal kasama ng isang plota ng mga barko. Balak niyang magtatag ng isang istasyon ng pangangalakal sa Calicut, India. Gayunman, bago marating ang kaniyang patutunguhan, dumaong si Cabral sa baybayin ng ngayo’y estado ng Bahia sa Brazil. Ang petsa ay Abril 23, 1500.

Sinasabi ng ilang mananaliksik na alam na ng mga Portuges ang pag-iral ng Brazil at na ang paghinto roon ni Cabral ay hindi nagkataon lamang. * Sa paano man, waring ang tanging kalakal na maiaalok ng Brazil ay ang brazilwood, isang punungkahoy na kilala sa matingkad na pulang tina nito. Bagaman may maliwanag na potensiyal ito, mas malaki ang halaga ng mga pampalasa o rekado mula sa India.

Kaya sa loob ng sampung taon, ang Brazil ay ipinaupa ng Portugal kay Fernando de Noronha ng Portugal, na nagtipon ng brazilwood at nagbayad ng buwis sa Soberanya ng Portugal. Subalit gusto ring palawakin ng iba pang mga bansa sa Europa ang kanilang komersiyo sa Bagong Daigdig, at walang nagawa si Noronha upang sugpuin ang ilegal na kalakalang isinasagawa ng mga nabiganteng Pranses, Ingles, at Kastila. Palibhasa’y natatakot na baka maiwala nila ang Brazil, sinimulan ng Portuges ang pananakop noong 1532. Ang paggawa ng asukal ang naging unang malakas na negosyo ng Brazil.

Ang pagmimina ng ginto at diamante ay naging maunlad na mga negosyo noong ika-18 siglo. Sa pagsisimula ng ika-19 na siglo, ang produksiyon ng latex na galing sa puno ng goma ay naging isang mahalagang kabuhayan sa rehiyon ng Amason. * Nang maglaon, ang pagsasaka ng kape ay gumanap ng isang bahagi sa urbanisasyon ng Brazil, anupat nagtustos ng pananalapi para sa paggawa ng perokaril at sa modernisasyon ng mga daungan ng Santos at Rio de Janeiro. Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, kalahati ng kape sa daigdig ay inaani sa Brazil, at ang São Paulo ang naging pangunahing sentro ng kabuhayan sa Brazil.

Nakalulungkot, ang pang-aalipin ay gumanap ng bahagi sa kasaysayan ng Brazil. Sa pasimula, ginamit ng mga Portuges ang mga taga-India upang magputol at maghatid ng brazilwood. Nang maglaon, ang mga taga-India ay pinagtrabaho sa mga taniman ng tubo. Kalunus-lunos, maraming katutubo ang nahawa sa mga sakit na dala ng mga Europeo at namatay dahil dito. Upang palitan ang mga manggagawang ito, ang Portugal ay nagpasok ng mga alipin mula sa Aprika.

Sa nakalipas na mga taon, milyun-milyong Aprikano ang dinala sa Brazil bilang mga alipin, at dinala nila ang kanilang kultura at henetikong pamana. Ang impluwensiyang iyon ay makikita sa popular na musika na gaya ng samba at sa capoeira (isang sistema ng labanan) gayundin sa mga pagkaing gaya ng feijoada, na itim na balatong na nilulutong kasama ng karne ng baboy, longganisa, at tapa. Sa wakas, noong 1888, inihinto ang pang-aalipin sa Brazil. Mga 750,000 katao​—karamihan ay nagtrabaho sa mga taniman​—ang pinalaya.

Mula noong ika-19 na siglo patuloy, milyun-milyong dayuhan ang dumagsa sa Brazil, kabilang na ang mga Aleman, Hapones, Italyano, Kastila, at mga Polako gayundin ang mga lahing Suiso at Syro-Lebanes. Ang Brazil ay isang magandang lugar na pamuhayan. Napakarami nitong halaman at hayop. Karaniwan na, ang Brazil ay malaya sa likas na mga sakuna. Walang mga digmaan, lindol, bulkan, bagyo, o malalaki’t malalakas na alon. Kaya, bakit hindi alamin ang tungkol sa Brazil sa pamamagitan ng pagdalaw sa ilang kilalang tanawin nito? Masisiyahan ka sa katulad na pagkamapagpatuloy at likas na kagandahan na hinangaan ng mga Portuges 500 taon na ang nakalipas.

[Mga talababa]

^ par. 6 Nang lagdaan ng mga Portuges at mga Kastila ang Treaty of Tordesillas noong 1494, hinati nila ang lupain sa kanluran ng Timog Atlantiko. Kaya, sinasabi ng ilan na tinangkang kunin ni Cabral ang lupain na nakatalaga na sa Portugal.

^ par. 8 Tingnan ang Gumising!, Mayo 22, 1997, pahina 14-17.

[Mapa/Mga larawan sa pahina 16, 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

REHIYON NG AMASON

ESTADO NG BAHIA

Brasília

Rio de Janeiro

São Paulo

Santos

Iguaçú Falls

[Mga larawan]

1. Pedro Álvares Cabral

2. Treaty of Tordesillas, 1494

3. Mga tagapagdala ng kape

4. Iguaçú Falls, gaya ng makikita sa panig ng Brazil

5. Ipixuna Indian

[Credit Lines]

Culver Pictures

Sa kagandahang-loob ng Archivo General de Indias, Sevilla, Espanya

Mula sa aklat na Brazil and the Brazilians, 1857

FOTO: MOURA

[Mga larawan sa pahina 18]

1. Maraming puma sa Brazil

2. Mga orkid sa kagubatan ng Amason

3. Tradisyunal na kasuutan sa Salvador, Bahia

4. Isang macaw

5. Copacabana Beach, Rio de Janeiro. Ang Brazil ay may mahigit na 7,000 kilometro ng magandang baybayin

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng São Paulo Zoo

[Larawan sa pahina 19]

Brasília​—kabisera ng Brazil mula noong 1960

[Larawan sa pahina 19]

São Paulo​—ang sentro ng kabuhayan ng Brazil

[Credit Line]

FOTO: MOURA

[Picture Credit Line sa pahina 16]

© 1996 Visual Language