Ang Pangmalas ng Bibliya
Kung Paano Haharapin ang Pagkasiphayo
ANG pagkasiphayo ay karaniwan sa lahat ng tao, sa isang antas sa paano man. Gayunman, para sa ilan ang mga damdamin ng kalungkutan ay nagiging napakasidhi anupat waring mas mabuti pang mamatay kaysa sa mabuhay.
Ipinakikita ng Bibliya na kahit na ang mga tapat na lingkod ng Diyos ay nakaranas din ng mga problema at mga panggigipit na humahantong sa pagkasiphayo. Isaalang-alang halimbawa, sina Elias at Job—kapuwa nagtamasa ng mabuting kaugnayan sa Diyos. Pagkatapos tumakas para iligtas ang kaniyang buhay mula sa balakyot na si Reyna Jezebel, si Elias ay ‘nagsimulang humiling [kay Jehova] na ang kaniyang kaluluwa ay mamatay na.’ (1 Hari 19:1-4) Ang matuwid na taong si Job ay dumanas ng sunud-sunod na mga sakuna, pati na ng isang karima-rimarim na karamdaman at ng kamatayan ng sampung anak. (Job 1:13-19; 2:7, 8) Ang kaniyang pagkasiphayo ay nagpangyari sa kaniya na magsabi: “Pipiliin ko pang mamatay kaysa sa lahat ng aking mga pagdurusa.” (Job 7:15, The New English Bible) Maliwanag, ang pagkabalisa ay naging lubhang matindi para sa tapat na mga lalaking ito ng Diyos.
Para sa ilan sa ngayon, ang pagkasiphayo ay maaaring manggaling sa makirot na mga epekto ng pagtanda, sa pagkamatay ng isang kabiyak, o sa malulubhang suliranin sa pananalapi. Nasusumpungan naman ng iba na ang walang-tigil na kaigtingan, nagtatagal na mga epekto ng isang traumatikong karanasan, o mga problema sa pamilya ang nagpapangyari sa kanila na makadama na sila ay waring sinisiklut-siklot sa gitna ng karagatan, anupat sa bawat alon ay mas mahirap marating ang dalampasigan. Ganito ang sinabi ng isang lalaki: “Nakadarama ka ng kawalang-halaga—parang walang maghahanap sa iyo minsang ikaw ay mawala. Kung minsan ang kalungkutang nadarama ng isa ay mahirap tiisin.”
Sa ilang kaso naman ay bumubuti ang mga kalagayan, anupat nakadarama ng ginhawa sa matinding panggigipit na ito. Subalit kumusta kung hindi magbago ang ating mga kalagayan? Paano makatutulong sa atin ang Bibliya upang maharap natin ang pagkasiphayo?
Makatutulong ang Bibliya
Si Jehova ay may kakayahan at kapangyarihan na alalayan sina Elias at Job sa kanilang mga suliranin. 1 Hari 19:10-12; Job 42:1-6) Kay laking kaaliwan para sa atin ngayon na malaman iyan! Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang Diyos ay kanlungan at kalakasan para sa atin, isang tulong na kaagad na masusumpungan sa panahon ng mga kabagabagan.” (Awit 46:1; 55:22) Bagaman ang mga damdamin ng pagkasiphayo ay waring hindi natin makakaya, si Jehova ay nangangako na aalalayan niya tayong mabuti sa pamamagitan ng kaniyang kanang kamay ng katuwiran. (Isaias 41:10) Paano natin makukuha ang tulong na ito?
(Ipinaliliwanag ng Bibliya na sa pamamagitan ng panalangin “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa [ating] mga puso at sa [ating] mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Dahil sa ating kabagabagan, maaaring wala tayong makitang lunas sa ating problema. Gayunman, kung tayo’y ‘magmamatiyaga sa pananalangin,’ mababantayan ni Jehova ang ating mga puso at mga isipan, anupat naglalaan sa atin ng lakas na kailangan natin upang makapagbata.—Roma 12:12; Isaias 40:28-31; 2 Corinto 1:3, 4; Filipos 4:13.
Makikinabang tayo sa pamamagitan ng pagiging espesipiko sa ating mga panalangin. Bagaman ang ating mga kaisipan ay mahirap ipahayag, dapat tayong makadama ng kalayaang makipag-usap kay Jehova tungkol sa kung ano ang nadarama at naiisip nating ugat ng suliranin. Kailangan nating humingi sa kaniya ng lakas upang alalayan tayo sa bawat araw. Taglay natin ang katiyakan na: “Ang nasa ng mga may takot sa kaniya [kay Jehova] ay kaniyang isasagawa, at ang kanilang paghingi ng tulong ay kaniyang diringgin, at ililigtas niya sila.”—Awit 145:19.
Bukod pa sa pananalangin, dapat nating labanan ang pagbubukod ng ating sarili. (Kawikaan 18:1) Nasumpungan ng ilan ang lakas sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang panahon at lakas sa pagtulong sa iba. (Kawikaan 19:17; Lucas 6:38) Isaalang-alang ang isang babaing nagngangalang Maria, * na hindi lamang nakipagbaka sa kanser kundi dumanas din ng pagkamatay ng walong miyembro ng pamilya sa loob lamang ng isang taon. Kinailangang pilitin ni Maria ang kaniyang sarili na bumangon at magbalik sa dating rutin. Halos araw-araw siyang lumalabas upang magturo sa iba tungkol sa Bibliya, at regular siyang dumadalo sa mga pulong Kristiyano. Pag-uwi niya, matinding nagbabalik ang mga damdamin ng kabagabagan ni Maria. Gayunman, sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa kung paano siya makatutulong sa iba, nakapagbata si Maria.
Subalit kumusta naman kung nahihirapan tayong manalangin o waring hindi natin magawang makihalubilo sa iba? Sa gayong kalagayan, dapat tayong magpatulong. Hinihimok tayo ng Bibliya na bumaling sa “mga nakatatandang lalaki ng kongregasyon.” (Santiago 5:13-16) Ganito ang sabi ng isang lalaking kinakaharap ang kasalukuyang matinding panlulumo: “Kung minsan ang pakikipag-usap sa isa na pinagkakatiwalaan mo ay nakatutulong upang paginhawahin ang isipan at pakalmahin ang espiritu, anupat umiiral ang makatuwirang pag-iisip.” (Kawikaan 17:17) Sabihin pa, kapag ang nagtatagal at tumitinding kalungkutan ay nagpapahiwatig ng isang medikal na problema, baka kailanganin din ang angkop na propesyonal na tulong. *—Mateo 9:12.
Bagaman walang madaling mga lunas, hindi natin dapat maliitin ang kakayahan ng Diyos na tumulong sa atin upang maharap natin ang ating mga problema. (2 Corinto 4:8) Ang pagtitiyaga sa pananalangin, pag-iwas na ibukod ang sarili, at pagkuha ng propesyonal na tulong ay tutulong sa atin na matamong-muli ang katatagan. Ang Bibliya ay nangangako na lubusang wawakasan ng Diyos ang pinakaugat na mga sanhi ng ating matinding pagkasiphayo. Ang mga Kristiyano ay determinadong manalig sa kaniya samantalang hinihintay ang araw kapag ang “mga dating bagay [na ito] ay hindi aalalahanin.”—Isaias 65:17; Apocalipsis 21:4.
[Mga talababa]
^ par. 11 Hindi niya tunay na pangalan.
^ par. 12 Ang Gumising! ay hindi nag-iindorso ng anumang partikular na paggamot. Dapat tiyakin ng mga Kristiyano na ang anumang paggamot na itataguyod nila ay hindi salungat sa mga simulain ng Bibliya. Para sa higit pang impormasyon, tingnan Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1988, pahina 25-9.