Mga Nakatanim na Bomba—Tinataya ang Nagagawang Pinsala Nito
Mga Nakatanim na Bomba—Tinataya ang Nagagawang Pinsala Nito
Noong Disyembre 26, 1993, ang anim-na-taóng-gulang na si Augusto ay naglalakad sa isang malawak na parang malapit sa Luanda, ang kabisera ng Angola. Walang anu-ano ay napansin niya ang isang makintab na bagay sa lupa. Palibhasa’y gustong usisain ito, ipinasiya niyang pulutin ito. Ang kaniyang sumunod na ikinilos ang siyang nagpasabog sa nakatanim na bomba.
Bilang resulta ng pagsabog, kinailangang putulin ang kanang paa ni Augusto. Ngayon na siya ay 12 taóng gulang, madalas na nakaupo na lamang siya sa isang silyang de-gulong, at siya ay bulag.
SI Augusto ay nalumpo ng isang antipersonnel land mine (isang uri ng nakatanim na bomba), na gayon kung tawagin dahil sa ang pangunahing pinupuntirya ng mga ito ay mga tao sa halip na mga tangke o iba pang mga sasakyang militar. Tinataya na hanggang sa kasalukuyan, mahigit na 350 uri ng antipersonnel land mine ang ginawa sa di-kukulanging 50 bansa. Marami sa mga ito ay dinisenyo upang makapanakit, hindi upang pumatay. Bakit? Sapagkat ang nasugatang mga sundalo ay nangangailangan ng tulong, at ang isang sundalo na nalumpo ng isang nakatanim na bomba ay magpapabagal sa pagkilos ng militar—na siya mismong nais ng kaaway. Bukod dito, ang nakaaawang paghiyaw ng isang nasugatang mandirigma ay nakapaghahasik ng hilakbot sa puso ng kaniyang mga kasamahan. Sa gayon, ang mga nakatanim na bomba ay kadalasang itinuturing na mas epektibo kapag ang mga biktima ay nakaligtas—kahit na bahagya lamang.
Gayunman, tulad ng binanggit sa naunang artikulo, karamihan sa mga biktima ng mga pagsabog ng nakatanim na bomba ay mga sibilyan, hindi mga sundalo. Hindi ito laging di-sinasadya. Ayon sa aklat na Landmines—A Deadly Legacy, ang ilang pampasabog ay “tahasang ipinupuntirya sa mga sibilyan upang paalisin ang mga tao sa isang teritoryo, sirain ang mga imbakan ng pagkain, lumikha ng pagdagsa ng mga lumilikas na tao, o para lamang maghasik ng takot.”
Bilang isang halimbawa, sa isang labanan sa Cambodia, ang mga bomba ay itinanim sa palibot ng hangganan ng mga nayon ng kaaway, at pagkatapos ay sunud-sunod na kinanyon ang mga nayon na ito. Sa pagtatangkang makatakas, ang mga sibilyan ay tumakbong deretso sa mga lugar na tinamnan ng mga bomba. Samantala, sa pagsisikap na piliting makipag-areglo sa kanila ang pamahalaan, ang mga miyembro ng Khmer Rouge ay nagtanim ng mga bomba sa mga palayan, sa gayo’y naghasik ng takot sa mga puso ng mga magsasaka at halos nagpahinto sa agrikultura.
Maaaring lalo pang kakila-kilabot ang nangyari sa Somalia noong 1988. Nang bombahin ang Hargeysa, ang mga naninirahan doon ay napilitang magsilikas. Pagkatapos nito, ang mga sundalo ay nagtanim naman ng mga bomba sa iniwang mga tahanan.
Nang matapos ang labanan, bumalik ang mga nagsilikas, para lamang malumpo o mapatay ng nakakubling mga pampasabog.Ngunit hindi lamang pinsala sa buhay at sa paa’t kamay ang dulot ng mga nakatanim na bomba. Isaalang-alang ang iba pang epekto ng ubod-samang mga sandatang ito.
Pinsala sa Kabuhayan at sa Lipunan
Si Kofi Annan, ang kalihim-panlahat ng United Nations, ay nagsabi: “Ang presensiya—o kahit ang pangamba sa presensiya—ng isang nakatanim na bomba ay maaaring humadlang sa pagsasaka sa isang buong bukirin, magpahinto sa hanapbuhay ng isang buong nayon, at maglagay ng isa na namang hadlang sa muling pagtatayo at pag-unlad ng isang bansa.” Kaya sa Afghanistan at Cambodia, mga 35 porsiyento pa ang lupain na maaari sanang sakahin kung hindi lamang natatakot ang mga magsasaka na maglakad sa lupa. Ang ilan ay sumusuong sa panganib. “Natatakot ako sa mga nakatanim na bomba,” ang sabi ng isang magsasakang taga-Cambodia. “Subalit kung hindi ako lalabas upang pumutol ng damo at kawayan, hindi kami mabubuhay.”
Kadalasan, ang mga nakaligtas sa mga pagsabog ng nakatanim na bomba ay napapaharap sa isang nakapanlulumong pabigat sa pinansiyal. Halimbawa, sa isang papaunlad na bansa, ang isang bata na naputulan ng binti sa edad na sampu ay maaaring mangailangan ng hanggang 15 artipisyal na binti sa kaniyang buong buhay, na bawat isa ay nagkakahalaga, sa katamtaman, ng $125. Ipagpalagay nang hindi naman gaanong mahal ito para sa ilan. Subalit para sa karamihan sa populasyon ng Angola, ang $125 ay katumbas na ng mahigit na tatlong buwan na sahod!
Isaalang-alang din ang napakasaklap na pinsala nito sa lipunan. Halimbawa, ang mga mamamayan sa isang bansa sa Asia ay umiiwas na makihalubilo sa mga may putol na bahagi ng katawan sa pangamba na baka sila “malasin.” Baka maging isang mailap na pangarap na lamang ang pag-aasawa para sa isa na naputulan ng bahagi ng katawan. “Wala akong balak mag-asawa,” ang malungkot na sinabi ng isang lalaking taga-Angola na kinailangang putulan ng binti pagkatapos na mapinsala siya sa pagsabog ng isang nakatanim na bomba. “Gusto ng isang babae ang isang lalaki na nakapagtatrabaho.”
Mauunawaan naman, maraming biktima ang nagdurusa sa pagkadama ng mababang pagpapahalaga sa sarili. “Hindi ko na mapakain ang aking pamilya,” ang sabi ng isang lalaking taga-Cambodia, “at dahil dito ay nahihiya ako.” Kung minsan ang gayong mga damdamin ay higit na nakapagpapahina kaysa sa pagkaputol ng isang paa o kamay. “Sa palagay ko, ang pinakamalaking pinsala na aking naranasan ay sa emosyon,” ang sabi ni Artur, isang biktima sa Mozambique. “Maraming beses na nagagalit ako dahil lamang sa tinitingnan ako ng iba. Akala ko ay wala nang gumagalang sa akin at na hindi na ako maaari pang magkaroon ng isang normal na buhay.” *
Kumusta Naman ang Pag-aalis sa mga Nakatanim na Bomba?
Nitong nakalipas na mga taon lamang, gumawa ng puspusang mga pagsisikap upang pasiglahin ang mga bansa na ipagbawal ang paggamit ng mga itinatanim na bomba. Karagdagan pa, sinimulan na ng ilang pamahalaan ang mapanganib na gawain ng pag-aalis sa mga bombang iyon na naitanim na. Ngunit may ilang mga hadlang. Ang isa ay may kaugnayan sa panahon. Ang pag-aalis sa mga nakatanim na bomba ay napakatagal. Sa katunayan, tinataya ng mga tagaalis ng mga nakatanim na bomba na sa katamtaman, sandaang ulit na mas matagal mag-alis ng isang nakatanim na bomba kaysa sa maglagay nito. Ang isa pang hadlang ay ang gastusin. Ang isang nakatanim na bomba ay nagkakahalaga ng $3 hanggang $15, ngunit ang pag-aalis sa kahit isa lamang ay maaaring magkahalaga ng hanggang $1,000.
Kaya, ang lubusang pag-aalis sa mga nakatanim na bomba ay waring halos imposible. Halimbawa, para maalis ang lahat ng nakatanim na bomba sa Cambodia, kailangang iukol ng bawat isa sa bansang iyon ang kaniyang buong kita sa gawaing ito sa loob ng susunod na ilang taon. Tinataya na kahit mayroong pondo, ang pag-aalis sa lahat ng nakatanim na bomba roon ay gugugol ng isang siglo. Ang pandaigdig na situwasyon ay lalong nakapanlulumo. Tinataya na sa paggamit sa makabagong teknolohiya, ang pag-aalis sa mga nakatanim na bomba sa planeta ay magkakahalaga ng $33 bilyon at gugugol ng mahigit sa isang libong taon!
Totoo, iminungkahi na ang mga bagong pamamaraan sa pag-aalis ng mga nakatanim na bomba—mula sa paggamit ng mga fruit fly (isang uri ng langaw) na binago ang henetikong kayarian upang makahanap ng mga pampasabog hanggang sa paggamit ng dambuhalang mga sasakyang kinokontrol ng radyo na makapag-aalis ng mga nakatanim na bomba sa dalawang ektarya sa loob ng isang oras. Gayunman, baka ilang panahon pa ang kailangan bago magamit nang malawakan ang gayong mga pamamaraan, at malamang na ang mayayamang bansa lamang ang makagagamit sa mga ito.
Kaya naman, sa nakararaming lugar, ang pag-aalis sa mga nakatanim na bomba ay isinasagawa sa makalumang paraan. Ang isang lalaki ay padapang gumagapang samantalang sentimetro por sentimetro niyang kinakapa ang lupa sa pamamagitan ng isang patpat, anupat nalilinis niya ang lawak na 20 hanggang 50 metro kuwadrado sa isang araw. Mapanganib? Oo! Sa bawat 5,000 nakatanim na bomba na naaalis, isang tagaalis ng nakatanim na bomba ang namamatay at dalawa ang napipinsala.
Mga Pagsisikap Upang Magkaisa sa Paglaban sa mga Nakatanim na Bomba
Noong Disyembre 1997, ang mga kinatawan mula sa ilang bansa ay lumagda sa Kombensiyon Hinggil sa Pagbabawal sa Paggamit, Pag-iimbak, Paggawa at Paglilipat ng mga Anti-Personnel Mine at sa Pagwasak sa mga Ito, na kilala rin bilang ang kasunduan sa Ottawa. “Ito ay isang tagumpay na wala pang katulad o kaparis sa internasyonal na batas hinggil sa pag-aalis ng sandata o sa internasyonal na batas hinggil sa pagkamakatao,” ang sabi ni Jean Chrétien, ang punong ministro ng Canada. * Gayunman, halos 60 bansa pa rin—kasali na ang ilan sa pinakamalakas gumawa ng mga itinatanim na bomba—ang hindi pa lumalagda sa kasunduan.
Magtatagumpay kaya ang kasunduan sa Ottawa na pawiin ang pagdurusang dulot ng mga nakatanim na bomba? Marahil sa isang antas. Ngunit marami ang nag-aalinlangan. “Kahit na ang lahat ng mga bansa sa daigdig ay sumunod sa mga pinagkasunduan sa Ottawa,” ang idiniin ni Claude Simonnot, isa sa mga direktor sa Handicap International, sa Pransiya, “isa lamang iyong hakbang sa proseso ng pagpapalaya sa planeta mula sa lahat ng panganib ng mga nakatanim na bomba.” Bakit? “Milyun-milyong nakatanim na bomba ang nananatiling nakabaon sa lupa, na matiyagang nag-aabang ng mga mabibiktima,” ang sabi ni Simonnot.
Itinawag-pansin ng istoryador sa militar na si John Keegan ang isa pang dahilan. Ang pakikidigma, ang sabi niya, “ay umaabot hanggang sa kaloob-loobang mga dako sa puso ng tao, . . . kung saan namamayani ang pagmamataas, kung saan nangingibabaw ang emosyon, kung saan naghahari ang likas na ugali.” Hindi mababago ng mga kasunduan ang gayong mga katangian ng tao na malalim ang pagkakaugat, tulad ng pagkapoot at kasakiman. Ngunit nangangahulugan ba ito na ang mga tao ay lagi na lamang magiging walang kalaban-laban na mga biktima ng mga nakatanim na bomba?
[Mga talababa]
^ par. 13 Para sa higit pang impormasyon para makayanan ang pagkaputol ng isang paa o kamay, tingnan ang seryeng itinampok sa pabalat na pinamagatang “Pag-asa Para sa mga May Kapansanan,” na lumabas sa pahina 3-10 ng Hunyo 8, 1999 na isyu ng Gumising!
^ par. 20 Ang kasunduan ay nagkabisa noong Marso 1, 1999. Mula noong Enero 6, 2000, nilagdaan na ito ng 137 bansa at pinagtibay ng 90 sa mga iyon.
[Kahon sa pahina 6]
Dalawang Beses na Kumikita ng Salapi?
Ang isang saligang simulain sa negosyo ay na mananagot ang mga kompanya kapag nakapinsala ang kanilang mga produkto. Kaya naman, si Lou McGrath, ng Mines Advisory Group, ay nangatuwiran na ang mga kompanyang nakinabang sa paggawa ng mga itinatanim na bomba ay dapat na obligahin na magbigay ng bayad-pinsala. Gayunman, kakatwa na marami sa mga manggagawa ang siya mismong nakikinabang sa pag-aalis ng mga nakatanim na bomba. Halimbawa, iniulat na isang dating gumagawa ng mga itinatanim na bomba sa Alemanya ang nakakuha ng isang $100-milyong kontrata para alisin ang mga nakatanim na bomba sa Kuwait. At sa Mozambique, isang $7.5-milyong kontrata para alisan ng nakatanim na bomba ang pangunahing mga lansangan ang napunta sa isang grupong binubuo ng tatlong kompanya—na dalawa sa mga ito ay gumawa ng mga itinatanim na bomba.
Ang ilan ay nakadaramang napakaimoral na ang mga kompanyang gumagawa ng mga itinatanim na bomba ang siya mismong kumikita dahil sa pag-aalis sa mga ito. Sa isang diwa, ang sabi nila, ang mga tagagawa ng mga itinatanim na bomba ay dalawang beses na kumikita ng salapi. Anuman ang kalagayan, kapuwa ang mga negosyo sa paggawa at pag-aalis ng mga nakatanim na bomba ay patuloy na lumalago.
[Dayagram sa pahina 5]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Katamtamang bilang ng mga nakatanim na bomba sa bawat 2.5 kilometro kuwadrado sa siyam na mga bansang may pinakamaraming nakatanim na bomba
BOSNIA at HERZEGOVINA 152
CAMBODIA 143
CROATIA 137
EHIPTO 60
IRAQ 59
AFGHANISTAN 40
ANGOLA 31
IRAN 25
RWANDA 25
[Credit Line]
Pinagmulan: United Nations Department of Humanitarian Affairs, 1996
[Mga larawan sa pahina 7]
Sa Cambodia, ang may-larawan na mga paskil at karatula ay nagbababala hinggil sa mga nakatanim na bomba
Sa bawat 5,000 nakatanim na bomba na naaalis, isang tagaalis ng nakatanim na bomba ang namamatay at dalawa ang napipinsala
[Credit Lines]
Larawan sa likuran: © ICRC/Paul Grabhorn
© ICRC/Till Mayer
© ICRC/Philippe Dutoit