Maingat na Paggamit ng Telebisyon
Maingat na Paggamit ng Telebisyon
ANG telebisyon ay gumaganap bilang “ang pangunahing tagapagkuwento, tagapag-alaga ng bata at tagapag-impluwensiya sa opinyon ng publiko,” sabi ng Not in the Public Interest—Local TV News in America, isang ulat na tinipon ng isang grupong bantay-media sa Estados Unidos. “Napalilibutan tayo ng TV . . . Gaya ng usok na nanggagaling sa isang naninigarilyo, ito’y nasa hangin.” At kung paanong nakasasamâ ang paglanghap ng usok na galing sa isang naninigarilyo, ang maraming oras na panonood ng kung anu-anong programa sa TV ay may nakapipinsala ring epekto—lalo na sa mga bata.
Tungkol sa krimen at karahasan sa TV, sinabi sa ulat ding iyon na “ipinakikita ng maraming daan-daang pananaliksik na ang panonood ng mararahas na eksena ay may negatibong impluwensiya sa pagkatuto, kapusukan at empatiya ng mga bata.” Sinabi ng American Medical Association noong 1992 na “ang karahasan sa telebisyon ay isang panganib na nagbabanta sa kalusugan ng mga kabataan.”
Paano mo makokontrol ang impluwensiya ng negatibong mga programa sa TV sa iyong mga anak? Ang ulat ay nagtatala ng ilang mungkahi, na iniangkop mula sa mga rekomendasyon ng ilang organisasyon para sa pampublikong kalusugan, tungkol sa kung paano mas maingat na gagamitin ang telebisyon. Kabilang sa ilang mungkahing ito ang sumusunod.
◼ Planuhin at limitahan ang iyong panonood ng TV. Maglagay ng mga limitasyon kung kailan makapanonood ang mga bata. Huwag maglagay ng TV set sa mga kuwarto ng mga bata.
◼ Maglagay ng isang globo sa tabi ng TV para matingnan ng mga bata ang mga lugar na nakikita nila sa mga programa.
◼ Samahan ang mga bata sa panonood ng telebisyon upang maipaliwanag mo ang mga bagay na gaya ng pagkakaiba ng pantasya at ng realidad. Hindi ito laging napag-uunawa ng maraming bata na wala pang sampung taon.
◼ Ilayo ang telebisyon mula sa isang prominenteng lugar sa inyong bahay. Ilagay ang TV set sa loob ng kabinet, na may sarahan. Magiging mahirap nang kaunti na buksan ito at magpalipat-lipat sa mga channel.