Nasa Internet Na ang Pornograpya
Nasa Internet Na ang Pornograpya
SA BUONG DAIGDIG, MILYUN-MILYON ANG GUMAGAMIT ng Internet araw-araw. Marami ang kumokonekta para magnegosyo, para makibalita sa mga nangyayari sa daigdig, para alamin ang lagay ng panahon, para magsuri ng tungkol sa iba’t ibang bansa, para makakuha ng impormasyon hinggil sa paglalakbay, o para makipag-usap sa pamilya at mga kaibigan sa iba’t ibang panig ng daigdig. Ngunit ang ilan—may-asawa at walang-asawang adulto gayundin ang nakagugulat na dami ng mga bata—ay gagamit ng Internet para sa isang lubos na naiibang dahilan: PARA MANOOD NG PORNOGRAPYA.
ANG PORNOGRAPYA SA COMPUTER, tinatawag ding cyberporn, ay napakapopular anupat ito’y naging isa nang multimilyong-dolyar na negosyo. Sinabi ng The Wall Street Journal: “Humanap ng Web site na nasa itim [matubò] at, malamang, ang negosyo nito at nilalaman ay maliwanag na asul [pornograpya].”
Nagpatuloy ang Journal sa pagpapaliwanag kung bakit bumabaling ang mga tao sa Internet para sa pornograpya: “Maaaring panoorin ng mga kostumer ang mahahalay na materyal nang hindi na kailangang palihim na magtungo sa isang mababang-uring tindahan ng aklat o pumunta pa nga sa isang kuwarto sa likuran ng video shop sa kanilang komunidad. Maaaring usisain ng mga kostumer ang mahahalay na materyal na ito sa loob ng bahay—o opisina.”
Pornograpya at mga Bata
Nakalulungkot, marami sa mga nanonood ng cyberporn ay mga bata. Ang mga kabataan na pinagbabawalan ng batas na bumili ng mga babasahin tungkol sa pornograpya o umarkila ng mga video tungkol sa pornograpya ay maaari nang magkaroon ng mga ito sa kanilang sariling bahay sa pamamagitan lamang ng ilang klik sa mouse. Walang katapusan ang pagpipilian.
Maraming bata ang palaging nagbubukas ng mga Internet site nang lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang. Sa katunayan, sinasabi ng The Detroit News na “mahigit na dalawa sa limang bata ang nakapagsuskribe na sa isang web site o sa iba pang serbisyo sa Internet kahit na halos 85 porsiyento ng mga magulang ang may mga regulasyon na nagbabawal sa paggawa nito.”
Bagaman karamihan sa mga bata—at mga adulto rin naman—ay nag-iingat upang mailihim ang katotohanan na sila’y nanonood ng pornograpya, hindi lahat ay nagpapalagay na kailangang gawin ito. Itinuturing ng ilan na ang gawaing ito ay isang di-nakapipinsalang anyo ng paglilibang. Tinatanggap naman ng iba na ang pornograpya ay hindi mabuti sa mga bata ngunit nangangatuwiran na ang personal na ginagawa ng mga adulto ay hindi dapat pakialaman.
Sa ilang bansa, ang kontrobersiya hinggil sa pornograpya ay naging isang puspusang labanan sa pulitika. Sa isang panig ng pangangatuwiran, ang mga tagapagtaguyod ng malayang pagsasalita ay nangangampanya nang pabor sa pornograpya, at sa kabilang panig naman, hinihikayat ng mga tagapagtaguyod ng kagalingang pampamilya ang mga awtoridad na ipagbawal ang pornograpya.
Walang pinapanigan ang Gumising! sa mga isyung pampulitika. Ang layunin ng seryeng ito ay upang maipagbigay-alam sa aming mga mambabasa ang mga panganib ng panonood ng pornograpya, upang magmungkahi ng mga paraan para maingatan ang kanilang mga sarili at ang kanilang mga mahal sa buhay, at upang maglaan ng salig-Bibliyang mga mungkahi para sa sinumang nabitag na ng pornograpya at nagnanais na makawala rito.