Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dapat ba Akong Manirahan sa Ibang Bansa?
“Gusto kong manirahan sa ibang lugar.”—Sam.
“Ako’y sadyang mausisa. Nais kong makakita ng bagong bagay.”—Maren.
“Isang malapit na kaibigan ang nagsabi sa akin na ang paglisan sa tahanan nang paminsan-minsan ay makabubuti sa akin.”—Andreas.
“Gustung-gusto ko ng pambihirang karanasan.”—Hagen.
NANGANGARAP ka ba na manirahan sa isang banyagang bansa—marahil kahit pansamantala lamang? Taun-taon, libu-libong kabataan ang nakagagawa ng gayon. Ganito ang sabi ni Andreas hinggil sa kaniyang karanasan sa banyagang lupain: “Gusto kong ulitin ito.”
Ang ilang kabataan ay pansamantalang lumilipat dahil nais nilang kumita ng salapi o matuto ng isang banyagang wika. Halimbawa, sa maraming bansa ang mga programang au pair ay napakapopular. Ito ang nagpapahintulot sa mga banyagang kabataan na maging katulong ng isang pamilya kapalit ng pakikitira, at nagagamit nila ang kanilang libreng oras upang mag-aral ng lokal na wika. Mayroon ding mga kabataan na lumilipat sa ibang bansa upang mag-aral. Ang iba’y lumilipat upang makapaghanap ng trabaho upang sa gayo’y makatulong sila sa kanilang mga pamilya sa pinansiyal. Ang iba nama’y lumilipat dahil hindi nila tiyak kung ano ang gusto nilang gawin pagkatapos mag-aral at nais nilang magbakasyon sa ibang bansa.
Kapansin-pansin, ang ilang kabataang Kristiyano ay lumipat sa mga lupain kung saan may kakulangan sa mga ebanghelisador, upang sa gayo’y mapalawak nila ang kanilang ministeryo. Anuman ang dahilan sa paglipat, ang paninirahan sa isang banyagang bansa ay maaaring maging mahalagang aral sa pagiging malaya bilang adulto. Mapalalawak nito ang iyong mga karanasan sa mga kultura. Maaari ka pa ngang maging dalubhasa sa isang banyagang wika—isang bagay na makapagpapalaki sa posibilidad na makahanap ka ng trabaho.
Sa kabila nito, ang paninirahan sa ibang bansa ay hindi laging isang kasiya-siyang karanasan. Halimbawa, si Susanne ay gumugol ng isang taon bilang isang kapalitang estudyante (exchange student). Ganito ang sabi niya: “Natitiyak kong ito’y magiging lubos na kasiya-siya mula sa simula hanggang sa wakas. Hindi gayon.” Ang ilang kabataan ay napagsamantalahan o napasuong sa mapanganib na problema. Kaya bago mag-impake, makabubuting umupo ka muna at isaalang-alang ang mga kabutihan at mga di-kabutihan na nasasangkot.
Suriin ang Iyong mga Motibo
Tiyak na kabilang sa pagsasaalang-alang ng mga kabutihan at mga di-kabutihang nasasangkot ang pagsusuri sa iyong mga motibo sa pagnanais na mangibang bansa. Ibang bagay ang maglakbay upang itaguyod ang mga kapakanang espirituwal o upang asikasuhin ang mga pananagutang pampamilya. Ngunit tulad ng mga kabataang nabanggit sa pasimula, marami ang nagnanais lumipat dahil lamang sa gusto nila ng pambihirang karanasan, higit na kalayaan, o kasiya-siyang panahon. Hindi naman ito masama. Tutal, pinatitibay ng Eclesiastes 11:9 ang mga kabataan na ‘magsaya sa kanilang kabataan.’ Gayunman, ang talatang 10 ay nagbababala: “Alisin mo ang kaligaligan mula sa iyong puso, at ilayo mo ang kapahamakan mula sa iyong laman.”
Kung ang iyong motibo sa paglipat sa isang banyagang lupain ay upang iwasan ang mga paghihigpit ng mga magulang, maaaring naghahanap ka ng “kapahamakan.” Naaalaala mo ba ang talinghaga ni Jesus tungkol sa alibughang anak? Kasangkot doon ang isang binata na buong-kaimbutang naglakbay sa ibang lupain, marahil upang magkamit ng higit na kalayaan. Gayunman, hindi nagtagal ay sumapit ang kalamidad at natagpuan niya ang kaniyang sarili na gutom, nagdarahop, at may-sakit sa espirituwal.—Lucas 15:11-16.
Pagkatapos ay mayroon ding yaong mga nagnanais lumipat dahil gusto nilang takasan ang mga suliranin sa tahanan. Ngunit, gaya ng isinulat ni Heike Berg sa kaniyang aklat na What’s Up, “kung nais mong umalis dahil lamang sa hindi ka masaya . . . at naniniwala kang magiging mas mabuti ang lahat ng bagay sa ibang lugar—kalimutan mo na ito!” Tunay, mas mabuti pa ang tuwirang harapin ang mga problema. Wala tayong mapapala sa pagtakas mula sa mga kalagayan na hindi natin nagugustuhan.
Ang iba pang mapapanganib na motibo ay kasakiman at materyalismo. Palibhasa’y naudyukan ng paghahangad na yumaman, maraming kabataan ang nagkaroon ng kahanga-hanga at di-makatotohanang mga ideya kung ano talaga ang buhay sa industriyalisadong mga lupain. Inaakala ng ilan na lahat ng mga taga-Kanluran ay mayaman. Ngunit hindi ito totoo. Pagkatapos lumipat, nakikini-kinita ng maraming kabataan ang kanilang sarili sa isang banyagang lupain, nakikipagpunyagi upang makaahon sa kahirapan. * Nagbababala ang Bibliya: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ang kanilang mga sarili ng maraming kirot.”—1 Timoteo 6:10.
Handa Ka na Ba?
May isa pang salik na isasaalang-alang: Talaga bang sapat na ang iyong pagkamaygulang upang maharap ang mga kahirapan, suliranin, at mga pagkakasalungatan na babangon sa ibang bansa? Malamang na kailanganin mong manirahan kasama ng isang kakuwarto o ng isang pamilya at makibagay sa kanilang rutin. Kaya gaano katagumpay ang kaugnayan mo sa iyong pamilya ngayon? Nagrereklamo ba ang iyong mga magulang na ikaw ay walang konsiderasyon at makasarili? May hilig ka bang maging mapili sa iyong kinakain? Gaano ka kahanda sa paggawa ng iyong bahagi sa gawaing bahay? Kung ang mga ito ay mahirap nang mga usapin sa iyo ngayon, gunigunihin kung gaanong higit na magiging mahirap ito para sa iyo sa isang banyagang bansa!
Kung ikaw ay isang Kristiyano, mapananatili mo ba ang iyong sariling espirituwalidad? O kailangan ka pang palaging paalalahanan ng iyong mga magulang na huwag mong pababayaan ang pag-aaral ng Bibliya, mga pulong Kristiyano, at ang gawaing pangangaral? Magiging matibay ka nga kaya sa espirituwal upang mapaglabanan ang mga panggigipit at mga tukso sa ibang bansa na maaaring hindi mapaharap sa iyo sa iyong sariling bayan? Sa kaniyang unang araw sa paaralan sa isang banyagang lupain, isang kabataang Kristiyano, na isang exchange student, ang sinabihan kung saan siya makakakuha ng ipinagbabawal na gamot. Hindi nagtagal ay inanyayahan siyang makipag-date ng isang kamag-aral na babae. Sa kaniyang tinubuang lupa, hindi kailanman ipapahayag ng isang babae ang kaniyang interes nang napakatuwiran. Isang kabataang Aprikano na lumipat sa Europa ang nakapansin din: “Sa aming bansa ay hindi ka makakakita ng imoral na mga larawan sa publiko. Pero dito ay makikita mo ang mga ito sa lahat ng dako.” Ang paglipat sa ibang bansa ay 1 Pedro 5:9.
maaaring humantong sa espirituwal na pagkawasak kung ang isa ay hindi “matatag sa pananampalataya.”—Alamin ang mga Katotohanan!
Bago lumipat, kailangan mong alamin ang lahat ng mga katotohanan. Huwag kang umasa sa impormasyong sabi-sabi. Halimbawa, kung isinasaalang-alang mo ang isang student-exchange program, magkano ang magagastos mo? Maaaring magulat kang malaman na kadalasang nagsasangkot ito ng libu-libong dolyar. Kailangan mo ring alamin kung ang edukasyon na tatanggapin mo sa ibang bansa ay kikilalanin sa iyong bayan. Gayundin, magtipon ka ng maraming impormasyon tungkol sa bansang iyon hangga’t magagawa mo—ang mga batas nito, ang kultura nito, at mga kaugalian nito. Anong mga gastos ang nasasangkot sa paninirahan doon? Anong mga buwis ang kailangan mong bayaran? May mga panganib ba sa kalusugan na kailangan mong isaalang-alang? Makatutulong sa iyo ang makipag-usap sa mga taong talagang nakapanirahan doon.
Pagkatapos ay nariyan din ang tungkol sa titirhan. Ang mga magulang na punong-abala ng mga exchange student ay kadalasang hindi umaasa ng anumang materyal na kabayaran. Gayunpaman, ang paninirahan kasama ng mga taong hindi gumagalang sa mga simulain ng Bibliya ay maaaring magdulot ng matitinding kaigtingan at mga kahirapan. Ang pakikitira sa mga kaibigan o mga kamag-anak ay maaaring isang alternatibo. Ngunit tiyakin na hindi ka magiging pabigat sa kanila—kahit na himukin ka nilang tumira. Maaari itong makasamâ o makasira pa nga sa iyong kaugnayan sa kanila.—Kawikaan 25:17.
Kung plano mong kumita ng salapi habang nasa ibang bansa, huwag mong kalimutan ang iyong Kristiyanong obligasyon na sundin ang sekular na mga awtoridad. (Roma 13:1-7) Pinahihintulutan ka ba ng batas na magtrabaho sa lupaing iyon? Kung oo, sa ilalim ng anong mga kondisyon? Kung magtatrabaho ka nang ilegal, isasapanganib mo ang iyong katayuan bilang isang matapat na Kristiyano at pinababayaan mo ang iyong sarili nang walang mahahalagang proteksiyon, gaya ng seguro sa aksidente. Kahit na legal ang magtrabaho, kailangan mong maging maingat at matalino. (Kawikaan 14:15) Ang walang konsiyensiyang mga nagpapatrabaho ay kadalasang nagsasamantala sa mga dayuhan.
Pagpapasiya
Maliwanag kung gayon, na ang pagpapasiya na lumipat sa isang banyagang lupain ay mahalaga—at hindi dapat ipagwalang-bahala. Makipag-usap sa iyong mga magulang, at maingat na isaalang-alang ang inaasahang mga pakinabang at posibleng mga panganib. Sikaping huwag matabunan ng iyong kasabikan ang iyong kaunawaan. Maging matapat kapag sinusuri ang iyong mga motibo. Makinig na mabuti sa iyong mga magulang. Tutal, madarama pa rin nilang may pananagutan sila sa iyo, kahit na daan-daang milya ang layo mo. Malamang na kakailanganin mo ang kanilang pinansiyal na suporta upang mabuhay.
Pagkatapos isaalang-alang ang lahat ng mga salik, maaaring hindi katalinuhan ang lumipat—sa paano man sa kasalukuyan. Ito’y maaaring nakasisira ng loob, ngunit marami pang ibang kapana-panabik na mga bagay na maaari mong gawin. Halimbawa, napag-isipan mo na ba ang posibilidad na pumasyal sa kawili-wiling mga lugar sa iyong sariling bansa? O bakit hindi magpasimula ngayon na mag-aral ng isang banyagang wika? Pagdating ng panahon, marahil magbubukas ang pagkakataon upang makapaglakbay sa ibang bansa.
Gayunman, ano kung ipinasiya mong lumipat? Tatalakayin ng isang artikulo sa hinaharap kung paano ka magtatagumpay sa pamamalagi mo sa ibang bansa.
[Talababa]
^ par. 15 Tingnan ang artikulong “Pagkuwenta sa Magagasta sa Paglipat sa Mayamang Bansa,” sa Abril 1, 1991, isyu ng Ang Bantayan, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 13]
Lumilipat ang ilang kabataan upang palawakin ang gawaing pangangaral ng Kaharian
[Larawan sa pahina 14]
Ipakipag-usap sa iyong mga magulang ang tungkol sa mga pakinabang at mga panganib ng paglipat