Huwag Magpabiktima sa Propaganda!
Huwag Magpabiktima sa Propaganda!
“Ang isang mangmang ay maniniwala sa lahat ng bagay.”—KAWIKAAN 14:15, TODAY’S ENGLISH VERSION.
MAY pagkakaiba—isang malaking pagkakaiba—ang edukasyon at propaganda. Ipinakikita sa iyo ng edukasyon kung paano mag-isip. Sinasabi naman sa iyo ng propaganda kung ano ang iisipin. Itinuturo ng mabubuting edukador ang lahat ng panig ng isang isyu at pinasisigla ang talakayan. Ang mga propagandista ay walang-lubay na pumipilit sa iyo na pakinggan ang kanilang pangmalas at hindi pinasisigla ang talakayan. Kadalasan ay hindi nahahalata ang kanilang tunay na motibo. Pinipili nila ang mga katibayan, anupat kinakasangkapan ang mga mapapakinabangan at ikinukubli naman ang iba. Iniiba rin nila at pinipilipit ang mga katotohanan, anupat nagpapakadalubhasa sa pagsisinungaling at di-lubusang pagsasabi ng katotohanan. Pinupuntirya nila ang iyong emosyon, hindi ang iyong mga kakayahang mag-isip ayon sa katuwiran.
Tinitiyak ng propagandista na ang kaniyang mensahe ay magtitinging matuwid at naaayon sa moral at na magpapadama sa iyo na mahalaga ka at may kapanalig ka kung susundin mo iyon. Ikaw ay isa sa matatalino, hindi ka nag-iisa, ikaw ay panatag at tiwasay—ayon sa kanila.
Paano mo ipagsasanggalang ang iyong sarili mula sa mga uri ng tao na tinatawag ng Bibliya na “mga nagsasalitang walang pakinabang” at “manlilinlang ng isipan”? (Tito 1:10) Kapag pamilyar ka na sa kanilang mga pamamaraan, mas nasa mabuti kang katayuan na suriin ang anumang mensahe o impormasyon na ihaharap sa iyo. Narito ang ilang paraan upang magawa ito.
Maging mapamili: Ang isang lubusang bukás na isipan ay maaaring itulad sa isang tubo na libreng daluyan ng anuman—kahit na ng tubig-kanal. Walang sinuman ang nagnanais na malason ang kaniyang kaisipan. Si Solomon, isang hari at edukador noong sinaunang panahon, ay nagbabala: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Kaya kailangang maging mapamili tayo. Kailangan nating suriing mabuti ang anumang inihaharap sa atin, anupat pinagpapasiyahan kung ano ang tatanggapin at kung ano ang tatanggihan.
Gayunman, ayaw nating maging masyadong makitid ang isip anupat tinatanggihan na nating isaalang-alang ang mga bagay na makapagpapaunlad sa ating pag-iisip. Paano natin masusumpungan ang tamang pagkakatimbang? Sa pamamagitan ng paggamit ng isang pamantayan na sa pamamagitan nito’y masusuri ang bagong impormasyon. Dito, ang isang Kristiyano ay may bukal ng dakilang karunungan. Taglay niya ang Bibliya bilang isang tiyak na patnubay para sa kaniyang pag-iisip. Sa kabilang panig, ang kaniyang isip ay bukás, alalaong baga, madaling tumanggap ng bagong
impormasyon. May kawastuan niyang tinitimbang-timbang ang bagong impormasyon na iyon salig sa pamantayan ng Bibliya at iniaangkop sa kaniyang paraan ng pag-iisip kung ano ang totoo. Sa kabilang panig, nakikita ng kaniyang isip ang panganib ng impormasyon na lubusang di-kasuwato ng kaniyang salig-Bibliyang mga simulain.Gumamit ng kaunawaan: Ang kaunawaan ay ang “katalinuhan sa pagpapasiya.” Ito ay “ang kapangyarihan o kakayahan ng isip na nakakakilala sa pagkakaiba ng mga bagay-bagay.” Napagwawari ng isang taong may kaunawaan ang katusuhan ng mga ideya o mga bagay at mahusay siyang magpasiya.
Sa paggamit ng kaunawaan, makikilala natin yaong mga gumagamit lamang ng “madulas na pangungusap at mapamuring pananalita” upang ‘madaya nila ang mga puso ng mga walang katusuhan.’ (Roma 16:18) Pinangyayari ng kaunawaan na maiwaksi mo ang walang kaugnayang impormasyon o nakapanlilinlang na mga katibayan at maunawaan ang diwa ng isang bagay. Ngunit paano mo mahihinuha kung ang isang bagay ay nakapanlilinlang?
Subukin ang impormasyon: “Mga iniibig,” ang sabi ni Juan, isang Kristiyanong guro noong unang siglo, “huwag ninyong paniwalaan ang bawat kinasihang pahayag, kundi subukin ang kinasihang mga pahayag.” (1 Juan 4:1) Ang ilang tao sa ngayon ay parang mga espongha; sinisipsip nila ang anumang madiit sa kanila. Napakadali ring tanggapin ang anumang nasa palibot natin.
Ngunit makapupong mas mabuti para sa bawat indibiduwal na personal na piliin kung ano ang ipapasok niya sa kaniyang isip. May kasabihan na nakikita sa atin ang ating kinakain, at ito ay maaaring ikapit kapuwa sa pagkain para sa katawan at isipan. Anuman ang iyong binabasa o pinanonood o pinakikinggan, subukin upang makita kung ito’y nagpapahiwatig ng propaganda o ito’y makatotohanan.
Bukod dito, kung gusto nating maging makatuwiran, kailangang handa tayo na patuloy na subukin ang ating sariling mga opinyon habang kumukuha tayo ng bagong impormasyon. Tutal, kailangang maunawaan natin na ang mga ito ay mga opinyon lamang. Ang pagkamaaasahan ng mga ito ay nakasalalay sa katotohanan ng ating mga katibayan, sa kalidad ng ating pangangatuwiran, at sa mga pamantayan o mga simulain na napili nating ikapit.
Magtanong: Gaya ng nakita na natin, marami sa ngayon ang nagnanais na ‘luminlang sa atin taglay ang mapanghikayat na mga argumento.’ (Colosas 2:4) Kung gayon, kapag inihaharap sa atin ang mapanghikayat na mga argumento, dapat tayong magtanong.
Una, suriin kung may pinapanigan. Ano ang motibo sa mensahe? Kung ang mensahe ay punô ng pagbabansag ng pangalan at may-pasaring na mga
salita, bakit kaya? Kung ipupuwera ang may-pasaring na mga salita, ano ang mga kabutihan ng mismong mensahe? Gayundin naman, kung posible, sikaping siyasatin ang rekord ng mga nagsasalita. Kilala ba sila sa pagsasabi ng totoo? Kung ginagamit ang “mga awtoridad,” sinu-sino o anu-ano ang mga ito? Bakit mo ituturing ang ganitong tao—o organisasyon o publikasyon—bilang may ekspertong kaalaman o maaasahang impormasyon hinggil sa paksang pinag-uusapan? Kung mapansin mo na ang ilan ay pumupukaw ng emosyon, tanungin ang iyong sarili, ‘Kapag minalas sa paraang walang kinakatigan, ano talaga ang mga kabutihan ng mensahe?’Huwag kang basta susunod sa karamihan: Kung napagtatanto mo na hindi bawat iniisip ng lahat ay laging tama, masusumpungan mo ang lakas na magtaglay ng ibang kaisipan. Bagaman waring lahat ng iba pa ay pare-pareho ang iniisip, nangangahulugan ba na dapat ay gayon ka rin? Ang opinyon ng nakararami ay hindi isang maaasahang sukatan ng katotohanan. Sa nakalipas na mga siglo, ang lahat ng uri ng mga ideya ay tinanggap ng nakararami, subalit nang maglaon ay napatunayang mali pala ito. Gayunpaman, nananatili pa rin ang hilig na makisabay sa nakararami. Ang utos na ibinigay sa Exodo 23:2 ay nagsisilbing isang mabuting simulain: “Huwag kang susunod sa karamihan ukol sa masasamang pakay.”
Tunay na Kaalaman Laban sa Propaganda
Nauna rito, binanggit na ang Bibliya ay isang tiyak na patnubay para sa malinaw na pag-iisip. Ang mga Saksi ni Jehova ay lubusang sumasang-ayon sa sinabi ni Jesus sa Diyos: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Totoo ito dahil ang Diyos, ang Awtor ng Bibliya, ang siyang “Diyos ng katotohanan.”—Awit 31:5.
Oo, sa panahong ito ng makabagong propaganda, may-pagtitiwala tayong makaaasa sa Salita ni Jehova bilang ang bukal ng katotohanan. Sa dakong huli ay ipagsasanggalang taỳo nito mula sa mga nagnanais ‘magsamantala sa atin sa pamamagitan ng huwad na mga salita.’—2 Pedro 2:3.
[Larawan sa pahina 9]
Pinangyayari ng kaunawaan na maiwaksi mo ang walang kaugnayan o nakapanlilinlang na impormasyon
[Mga larawan sa pahina 10]
Subukin ang anumang binabasa o pinanonood mo, upang makita kung ito’y totoo
[Larawan sa pahina 11]
Ang opinyon ng nakararami ay hindi laging maaasahan
[Larawan sa pahina 11]
May-pagtitiwala tayong makaaasa sa Salita ng Diyos bilang ang bukal ng katotohanan