Maaaring Makamatay ang Propaganda
Maaaring Makamatay ang Propaganda
“Maaaring kalahati na ang nalalakbay ng isang kasinungalingan sa pag-ikot sa daigdig samantalang ang katotohanan ay nagsasapatos pa lamang.”—Ipinalalagay na galing kay MARK TWAIN.
“IKAW na miserableng Judio!” bulyaw ng guro sa paaralan, sabay sampal sa kaniyang pitong-taóng-gulang na estudyante. Pagkatapos nito ay inanyayahan niya ang klase na pumila at duraan sa mukha ang estudyante.
Kapuwa ang guro at ang estudyante—pamangking lalaki ng guro—ay lubos na nakababatid na ang batang lalaki at ang kaniyang mga magulang ay hindi lahing Judio. Ni sila man ay kasapi sa relihiyong Judio. Sa halip, sila ay mga Saksi ni Jehova. Sinasamantala ang laganap na pagtatangi laban sa mga Judio, ang guro ay nagpapasimuno ng pagkapoot sa kaniyang estudyante. Sa loob ng maraming taon, kapuwa ang guro at ang kaniyang klase ay sinabihan ng kanilang pari na ang mga Saksi ni Jehova ay kasuklam-suklam. Ang mga magulang ng batang lalaki ay kapuwa tinaguriang mga Komunista at mga ahente ng CIA (Central Intelligence Agency). Kaya ang mga kaklase ng batang lalaki ay pumila, anupat gustung-gustong dumura sa mukha ng isang “miserableng Judio.”
Ang batang lalaking iyan ay nakaligtas upang isalaysay ang pangyayari. Hindi rin totoo ang tungkol sa anim na milyong Judio na naninirahan sa Alemanya at sa karatig na mga bansa mga 60 taon na ang nakararaan. Ang buktot na propaganda ay naging kasangkapan sa pagkitil sa buhay ng mga Judio sa mga gas chamber at mga kampong piitan ng mga Nazi. Ang laganap, matindi, di-siniyasat, at malupit na anti-Semitismo ay umakay sa marami upang ituring ang mga Judio bilang mga kaaway na ang paglipol sa kanila ay hindi lamang kailangan kundi talagang makatuwiran. Sa pangyayaring iyon, ang propaganda ay napatunayang isang sandata sa lansakang paglipol.
Oo, ang propaganda ay lantarang maitatanghal sa pamamagitan ng paggamit ng mga emblema ng pagkapoot na gaya ng swastika o sa di-halatang paraan sa pamamagitan ng di-magandang pagbibiro. Ang mapanghikayat na pamamaraan nito ay palaging ginagamit ng mga diktador, pulitiko, klerigo, tagapag-anunsiyo, mangangalakal, peryodista, mga tanyag na tao sa radyo at TV, tagapagpropaganda, at ng iba pa na interesado sa pag-impluwensiya sa kaisipan at paggawi.
Mangyari pa, ang mga makapropagandang mensahe ay maaaring gamitin upang makamit ang nakabubuting mga panlipunang tunguhin, gaya ng pangangampanya upang mabawasan ang pagmamaneho nang lasing. Ngunit maaari ring gamitin ang propaganda upang itaguyod ang poot sa minoryang etniko o relihiyoso o upang hikayatin ang mga tao na bumili ng sigarilyo. “Araw-araw tayong pinauulanan ng sunud-sunod na mapanghikayat na impormasyon,” ang sabi ng mga mananaliksik na sina Anthony Pratkanis at Elliot Aronson. “Ang mga panawagang ito ay nanghihikayat hindi sa pamamagitan ng palitan ng argumento at debate, kundi sa pamamagitan ng pagmamaniobra sa mga sagisag at sa atin mismong emosyon bilang tao. Sa ikabubuti man o sa ikasasama, ang panahon natin ay panahon ng propaganda.”
Paano ginamit ang propaganda upang impluwensiyahan ang pag-iisip at pagkilos ng tao sa nagdaang mga siglo? Ano ang magagawa mo upang maipagsanggalang ang iyong sarili mula sa mapanganib na propaganda? Mayroon bang mapagkukunan ng mapagkakatiwalaang impormasyon? Ang mga ito at ang iba pang mga tanong ay tatalakayin sa susunod na mga artikulo.
[Larawan sa pahina 3]
Ginamit ang propaganda upang biktimahin ang mga Judio noong panahon ng Holocaust