Ang Kuwento Tungkol sa Dalawang Ilog
Ang Kuwento Tungkol sa Dalawang Ilog
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA INDIA
Ang dalawang ilog na pangunahing pinagmumulan ng ikinabubuhay ng subkontinente ng India ang siyang tumutustos sa daan-daang milyon katao. Di-gaanong magkalayo ang pinagmumulan ng mga ito doon sa puro-yelong mga lugar ng pinakamatataas na kabundukan sa daigdig, bawat isa’y buong-karingalang umaagos nang mahigit sa 2,400 kilometro, na pangunahing bumabagtas sa dalawang bansa. Ang mga ito’y tumutuloy sa dalawang magkaibang dagat. Bawat ilog ay pinagsilangan ng isang sinaunang kabihasnan. Bawat isa’y nakasaksi sa pagsilang ng isang pangunahing relihiyon. Bawat isa’y pinasasalamatan ng tao dahil sa mga kaloob nito, at ang isa’y sinasamba, kahit sa ngayon. Ang kanilang mga pangalan? Ang Indus at ang Ganges, ang huli ay kilala rito sa India bilang ang Ganga.
PALIBHASA’Y kailangan ng sangkatauhan ang tubig upang mabuhay at sumagana, nabuo sa palibot ng mga ilog ang mga naunang kabihasnan. Dahil sa kinakatawan kung minsan ng mga ilog ang mga diyos at diyosa, ang sinaunang mga rekord ay maaaring mabalot ng mitolohiya. Ito’y totoong-totoo kung tungkol sa kasaysayan ng Indus at Ganga, na kilala rin sa India bilang Ganga Ma (Inang Ganga).
Kapuwa para sa mga Hindu at Budista, ang 6,714-metrong-taas na Mount Kailash at ang karatig na Lake Manasarovar ay mga tahanan ng mga diyos. Sa loob ng mahabang panahon, pinaniniwalaan na apat na malalaking ilog ang umagos mula sa lawa na lumalabas sa mga bibig ng mga hayop. Ang leong ilog ay ang Indus, at ang paboreal na ilog naman ay ang Ganga.
Hindi tinatanggap noon ng mga taga-Tibet ang mga dayuhang manggagalugad. Gayunman, noong 1811, isang Ingles na beterinaryong siruhano na nagtatrabaho sa East India Company ang naglakbay sa lupain sa likod ng iba’t ibang balatkayo. Iniulat niya na walang umaagos na mga ilog mula sa Manasarovar, bagaman may ilang batis na umaagos papasok doon. Noon lamang kaagahan ng ika-20 siglo natuklasan kung saan nanggagaling ang tubig ng Indus at ng Ganga. Ang Indus ay nanggagaling sa Tibet, gawing hilaga ng Himalayas, at ang Ganga naman ay nagmumula sa yungib ng yelo na nasa mga dalisdis ng Himalaya sa hilagang India.
Kung Saan Nagmula ang Sinaunang Kabihasnan
Ipinalalagay na ang pinakaunang nanirahan sa subkontinente ng India ay naglakbay pasilangan tungo sa Indus Valley. Dito, ang mga arkeologo ay nakatuklas ng mga guho ng isang napakaunlad na kabihasnan sa mga lugar na gaya ng Harappa at Mohenjo-Daro. Sa unang mga dekada ng ika-20 siglo, binago ng mga natuklasang ito ang pangmalas na ang mga naunang nanirahan sa India ay mga sinaunang tribo na pagala-gala. Mahigit na 4,000 taon na ang nakalilipas, ang Kabihasnan ng Indus ay kapantay noon, kung hindi man nakahihigit, niyaong sa Mesopotamia. Ang katibayan ng guhit-guhit na mga kalye, pala-palapag na mga bahay at bloke-blokeng mga paupahang bahay, napakahusay na paagusan ng tubig-kanal at posonegro, naglalakihang kamalig, mga templo, at mga paliguan para sa ritwal na paglilinis ay pawang palatandaan ng isang maunlad na kabihasnan sa lunsod. May mga palatandaan din ng pakikipagkalakalan sa Mesopotamia at sa Gitnang Silangan, yamang ang Indus ay dinaraanan patungong Arabian Sea daan-daang kilometro mula sa loobang bahagi ng lupain.
Sa nakalipas na mga siglo waring pinahina na ng likas na mga kalamidad—marahil ng mga lindol o ng malalaking pagbaha ng ilog—ang kabihasnan sa lunsod sa Indus Valley. Humina tuloy ang kakayahan nitong labanan ang pagsalakay ng iba’t ibang mga tribong pagala-gala mula sa Gitnang Asia, na karaniwang tinutukoy bilang mga Aryan. Itinaboy nila ang karamihan sa mga tagalunsod papalayo sa ilog, kung kaya
ang sinaunang kultura na lumitaw noon sa palibot ng Indus ay lumipat na ngayon sa gawing timog ng India, kung saan ang lahing Dravidian sa kasalukuyan ay nagpapatuloy bilang isa sa pangunahing grupo ng mga etnikong Indian.Sa paglalakbay nang pasilangan sa India, nagsimulang manirahan ang ilang tribo ng Aryan sa mga kapatagan ng Ganga. Sa gayon ay lumitaw ang pambihirang kultura ng dibisyong Aryan ng subkontinente sa gawing hilaga ng India, na pangunahin nang kaugnay ng Ilog Ganga, na siyang kinaroroonan ng malaking bahagi nito sa ngayon.
Dalawang Ilog at Dalawang Relihiyon
Ipinakikita ng mga natuklasan ng mga arkeologo ang mga pagkakatulad ng relihiyong isinagawa sa Indus Valley at niyaong sa Mesopotamia. Ang ilang relikya ng Hinduismo, na matagal nang inakalang siyang relihiyon ng mga Aryan, ay natuklasan sa nagibang mga lunsod sa Indus. Dahil sa pinaghalu-halo ang mga diyos at mga relihiyosong paniniwala ng mga nauna sa mga Aryan at ng mga Aryan mismo, lumitaw ang relihiyong Hindu. Sa pasimula’y itinuring ng mga Aryan na sagrado ang Indus, subalit habang sila’y napapagawi sa silangan at nanirahan sa may Ganga, inilipat nila ang kanilang pagsamba sa ilog na iyan. Sa paglipas ng mga siglo, lumitaw sa Ganga ang mga lunsod na tulad ng Haridwar, Allahabad, at Varanasi. Ang mga ito’y nakasentro sa relihiyong Hindu. Sa ngayon ay milyun-milyong peregrino ang dumaragsa sa gayong mga lugar upang lumublob sa tubig ng Ganga, na itinuturing na nakapagpapagaling at nakapagpapadalisay.
Bagaman ang Hinduismo ay nagsimula sa palibot ng Indus, ang Budismo naman ay nag-ugat malapit sa Ganga. Sa Sarnath, malapit sa Varanasi, ipinangaral ni Siddhārtha Gautama, na tinawag na Buddha, ang kaniyang unang sermon. Sinasabing lumangoy siya patawid sa napakalawak na kalaparan ng Ganga noong siya’y 79 na taóng gulang.
Kumusta Na ang mga Ilog sa Ngayon?
Ang tubig sa ilog ay mas nanganganib ngayon kaysa noong 4,000 taon ang nakalilipas, nang ang mga tao ay nagdaragsaan pa sa mga pampang ng Indus at ng Ganga para sa ikabubuhay. Para matustusan ang napakalaking populasyon ng India, Pakistan, at Bangladesh, kailangang kontrolin ang mga ilog. (Tingnan ang mapa sa pahina 16-17.) Kinailangan ang internasyonal na mga kasunduan, yamang ang mga ilog ay hindi lamang sa isang bansa umaagos. Bukod sa iba pa, itinayo ng Pakistan ang Tarbela Dam, na may habang tatlong kilometro at taas na 143 metro, para sa irigasyon. Bilang isa sa pinakamalaki sa daigdig, ito’y naglalaman ng 148,500,000 metro kubikong panambak na lupa. Ang Farakka Barrage, sa may Ganga, ay gumarantiya ng isang sapat at tuluy-tuloy na suplay ng tubig patungo sa ilog para sa pagdami ng dumarating na mga barko malapit sa Calcutta Port.
Gaya ng nangyayari sa maraming ilog, ang polusyon ay isang malaking problema sa Ganga. Kaya naman, noong 1984, ang malakihang Ganga Action Plan ay ipinatupad ng pamahalaan ng India. Pinag-ukulan ng pansin na gawing abono o biyogas ang tubig sa imburnal, ilihis ang mga paagusan na tumutuloy sa ilog, at itayo ang mga planta para dalisayin ang mga basurang kemikal.
Subalit ang problema ng pagsasauli sa mga ilog ng lupa sa kanilang orihinal na kagandahan at kalinisan ay maliwanag na hindi kaya ng mga ahensiya ng tao. Subalit malapit nang lunasan ng Diyos ang kalagayan. Sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian, ‘ipapalakpak ng mga ilog ang kanilang mga kamay’ habang ang buong lupa ay nagiging isang paraiso.—Awit 98:8.
[Kahon/Mapa sa pahina 16, 17]
Ang Napakalaking Indus
Dahil sa dami ng mga batis na nagsasanib upang mabuo ang Indus, nagkaroon tuloy ng mga debate hinggil sa kinaroroonan ng aktuwal na pinagmumulan ng ilog. Subalit ang tiyak ay na nagpapasimula ang napakalaking ilog na ito sa itaas ng Himalayas. Sa pag-agos nito nang pahilagang-kanluran at pagsanib sa iba pang mga batis na nadaraanan, ang ilog ay bumabagtas ng 320 kilometro patawid sa mataas na talampas ng Tibet, “ang pinakabubong ng daigdig.” Habang papalapit ang ilog sa mga hangganan ng India sa rehiyon ng Ladakh, namamalisbis ito sa mga bundok, anupat umuuka sa paanan ng matatarik na dalisdis na nagiging lagusan sa pagitan ng mga kabundukan ng Himalaya at Karakoram. Ngayon sa teritoryo ng India, umaagos itong pababa ng halos 3,700 metro sa habang 560 kilometro. Sa pagbabang ito ay naglalakbay itong pahilaga at pagkatapos ay biglang liliko sa kanluraning gilid ng Himalayas, kung saan sumasanib ang Gilgit, isang malaking ilog na umaalimbukay mula sa Hindu Kush. Pagkatapos ay umaagos naman ang tubig patimog sa Pakistan. Sa pagsisikap na makalusot ito sa pagitan ng mga bundok, anupat buong-puwersang nagpapaliku-liko at nagpapaikut-ikot, sa wakas ay nakararating din ang Indus sa kapatagan at umaagos ito sa Punjab. Ang pangalang ito ay nangangahulugang “Limang Ilog,” yamang ang limang malalaking ilog—ang Beas, ang Sutlej, ang Ravi, ang Jhelum, at ang Chenab—ay umaagos na gaya ng nakabukang mga daliri ng isang higanteng kamay upang sumanib sa Indus at umagos na kasama nito hanggang sa dulo ng maringal na pagbagtas nito nang mahigit na 2,900 kilometro.
Ang Sinasambang Ganga
Mga 100 kilometro sa gawing timog ng Himalaya na pinagmumulan ng Indus, nagsisimula ang pagbagtas ng Ganga sa mahigit na 2,500 kilometro patungo sa Loók ng Bengal. Sa taas na 3,870 metro, ang tubig ay bumubulwak mula sa isang nakausling yelo na tulad ng isang bibig ng baka, na tinatawag na Gaumukh sa wikang Hindi, anupat ito’y nagiging batis na pinanganlang Bhagirathi. Mga 214 na kilometro mula sa pinagmumulan nito, sumasanib dito ang isa pang batis, ang Alaknanda, sa Devaprayag. Ang dalawang batis na ito, kasama ang Mandakini, ang Dhauliganga, at ang Pindar ang siyang nagiging Ganga.
Sa pag-agos nito nang patimog-silangan patawid sa subkontinente, sumasanib sa Ganga ang iba pang malalaking ilog na gaya ng Yamuna sa Allahabad sa India at pagkatapos ay ang napakalaking Brahmaputra sa Bangladesh. Sa pagkakabukang parang isang pamaypay, ang Ganga at ang mga sanga-sangang ilog nito ang dumidilig sa ikaapat na bahagi ng kabuuang lupain ng India, ang matabang mga kapatagan ng Ganga. Sumasanib sa ilog ang mga tubig mula sa isang dako na may sukat na 1,035,000 kilometro kuwadrado at tumutustos sa humigit-kumulang sangkatlo ng populasyon ng India, na ngayo’y mahigit nang isang bilyon, sa isa sa pinakamataong lugar sa daigdig. Sa Bangladesh, ito’y nagiging napakaluwang, na parang isang dagat sa gawing loob ng lupain, na dinaraanan ng iba’t ibang uri ng sasakyang-dagat. Pagkatapos ay nahahati-hati ang Ganga sa ilang malalaking ilog at maraming ilug-ilugan anupat nagiging ang pinakamalaking nagkabaha-bahaging ilog sa daigdig.
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Tibet
PAKISTAN
Indus
Jhelum
Chenab
Sutlej
Harappa
Mohenjo-Daro
INDIA
Ganga
Yamuna
Brahmaputra
Allahabad
Varanasi
Patna
Calcutta
BANGLADESH
NEPAL
BHUTAN
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Mga larawan]
Naliligo ang mga Hindu sa Ganga
[Credit Line]
Copyright Sean Sprague/Panos Pictures