Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

DST—Isa Bang Ideya Bago Pa Man ang Panahon Nito?

DST—Isa Bang Ideya Bago Pa Man ang Panahon Nito?

DST​—Isa Bang Ideya Bago Pa Man ang Panahon Nito?

Bakit ba binabago ng maraming tao ang kanilang mga orasan dalawang beses sa isang taon? Talagang nakayayamot para sa ilan kapag ang mga orasan ay kailangang baguhin nang paabante at paatras. At kailan mo gagawin ang alin sa dalawa? Sa Ingles ang pariralang “spring forward and fall back” ay nagpapaalaala sa mga tao kung kailan nagaganap ang bawat pagbabago, sa tagsibol at sa taglagas. Paano nagsimula ang daylight saving time (DST)? Sino ang nagpasimula nito?

Ang Encyclopædia Britannica ay nagsasabi na si Benjamin Franklin ang unang nagmungkahi sa ideya ng pagtitipid sa pamamagitan ng liwanag ng araw noong 1784. Pagkalipas ng mahigit na isang dantaon, isang Ingles na nagngangalang William Willett ang aktibong nangampanya para sa paggamit nito. Gayunman, namatay si Willett bago pa napagtibay sa Parlamento ang isang batas.

Ayon sa Britanong manunulat na si Tony Francis, natuklasan ni Willett, isang bihasang tagapagtayo mula sa Chislehurst, Kent, ang kapakinabangan ng pagbabago sa oras habang nangangabayo siya maaga isang umaga ng tag-araw sa Petts Wood. Sa panahon ng kaniyang pangangabayo, napansin niya na sarado pa ang mga panara ng bintana na may persiyana ng maraming tahanan. ‘Kay laking pag-aaksaya sa liwanag ng araw!’ ang maaaring naisip niya. Nagsimula siyang mangampanya para sa isang panukalang batas sa Parlamentong Britano upang baguhin ang orasan. Ang basta pag-aabante sa lahat ng orasan nang 80 minuto, sa apat na tig-20 minuto bawat isa, sa mga buwan ng tagsibol at tag-init at pagkatapos ay paatras naman sa taglagas ay magpapahintulot sa mga tao na higit na magamit ang liwanag ng araw sa gabi.

Si Francis ay nag-ulat na si Willett ay sumulat sa isa sa kaniyang mga pulyeto: “Ang liwanag ay isa sa pinakadakilang kaloob ng Maylalang sa tao. Habang nakapalibot sa atin ang liwanag ng araw, namamayani ang pagkamasayahin, ang mga kabalisahan ay hindi gaanong mabigat at nagkakaroon tayo ng lakas ng loob para makipagpunyagi sa buhay.”

Si Haring Edward VII ay hindi naghintay para sa isang batas ng Parlamento. Ipinahayag niya ang Sandringham, ang kaniyang maharlikang mansiyon na may 7,900 ektarya, na isang daylight saving zone. Nang maglaon ay ikinapit niya ang gayunding pagbabago sa maharlikang mga estado sa Windsor at sa Balmoral.

Ano sa wakas ang humikayat sa mga pulitiko na pagbigyan ang ideya at gamitin ang DST? Gusto nilang magtipid ng gatong noong Digmaang Pandaigdig I sa pamamagitan ng pagbawas sa pangangailangan para sa artipisyal na liwanag! Di-nagtagal ay ginamit din ng iba pang mga bansa ang ideya sa katulad na mga kadahilanan. Sinunod pa nga ang dobleng panahon ng tag-araw sa Inglatera noong Digmaang Pandaigdig II. Ito’y nagtaan ng diperensiyang dalawang oras sa tag-araw at isang oras sa taglamig.

May monumento sa Petts Wood para kay William Willett, na nasa larawan sa kanan. Ito’y inialay sa “walang-tigil na tagapagtaguyod ng ‘panahon ng tag-araw.’ ” Ang inskripsiyon sa ibaba ng sundial ay nagsasabi: “Horas non numero nisi aestivas,” na ang ibig sabihin, “Hindi ko binibilang ang mga oras malibang [ang mga ito ay] mga oras ng tag-araw.”

[Picture Credit Line sa pahina 31]

Ang aming pasasalamat sa National Trust