Ang Pangmalas ng Bibliya
Sino ang Ministro?
NOONG gabi bago ang sakripisyong kamatayan ni Jesus, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang kaniyang pinakamatatalik na kaibigan. Ayon sa Lucas 22:24, may ‘bumangong isang mainitang pagtatalo sa gitna nila tungkol sa kung sino sa kanila ang waring pinakadakila.’ Hindi ito ang unang pagkakataon na bumangon ang gayong pagtatalo sa gitna ng mga apostol ni Jesus. Di-kukulangin sa dalawang nakalipas na pagkakataon, kinailangang ituwid ni Jesus ang kanilang pag-isip.
Nakalulungkot nga na sa mapanganib na gabing ito, nasumpungan ni Jesus ang kaniyang sarili na kailangang magpaalaalang-muli sa kanila kung ano talaga ang dapat makita sa isang ministrong Kristiyano. Sabi niya: “Siya na pinakadakila sa inyo ay maging gaya ng pinakabata, at ang gumaganap bilang pinuno ay maging gaya ng isang naglilingkod.”—Lucas 22:26.
Hindi natin dapat ipagtaka kung ang mga apostol ay nagkaroon ng maling ideya hinggil sa kahalagahan ng posisyon at katanyagan. Bago si Jesus, ang kanilang pangunahing halimbawa may kinalaman sa pangunguna sa relihiyon ay inilaan ng mga eskriba at mga Fariseo. Sa halip na bigyan ang mga tao ng espirituwal na patnubay at direksiyon, inirekomenda ng huwad na mga ministrong ito ang mahihigpit na tradisyon at mga alituntunin na ‘nagsara sa kaharian ng mga langit sa harap ng mga tao.’ Sila’y tumitingin sa posisyon, mahilig sa katanyagan at makasariling mga indibiduwal na gumaganap ng kanilang mga gawain “upang makita ng mga tao.”—Mateo 23:4, 5, 13.
Isang Bagong Uri ng Ministro
Gayunman, ipinabatid ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang isang bagong konsepto ng espirituwal na ministeryo. Itinuro niya: “Huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid. Isa pa, huwag ninyong tawagin ang sinuman na inyong ama sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isa na makalangit. . . . Ngunit ang pinakadakila sa inyo ay magiging inyong ministro.” (Mateo 23:8-11) Hindi dapat tularan ng mga alagad ni Jesus ang mga lider ng relihiyon noong kanilang kaarawan. Kung nais nilang maging tunay na mga ministro, kailangan nilang tularan si Jesus. Ano bang uri ng halimbawa ang kaniyang iniwan?
Madalas na ginagamit ng Bibliya ang salitang Griego na di·aʹko·nos para sa “ministro.” Ipinaliliwanag ng The Encyclopedia of Religion na ang salitang ito ay kumakatawan “hindi sa katayuan kundi sa ugnayan ng paglilingkod ng ministro sa isa na pinaglilingkuran: ang pagsunod sa halimbawa ni Kristo . . . ang pinakadiwa ng Kristiyanong pagkaunawa sa ministeryo.”
Kasuwato ng tamang kahulugan ng salitang “ministro,” ibinigay ni Jesus ang Mateo 20:28) Walang-pag-iimbot na ginamit ni Jesus ang kaniyang panahon, lakas, at kakayahan upang tulungan ang iba sa pisikal at espirituwal na paraan. Bakit? Sapagkat nahabag siya sa inabuso-sa-espirituwal na mga pulutong na dumagsa upang makita siya. Nais niyang makatulong. Saganang pag-ibig ang siyang nagpakilos sa kaniyang ministeryo, at nais niyang magpakita ang kaniyang mga alagad ng gayunding mapagbigay na saloobin.—Mateo 9:36.
lahat-lahat para tulungan ang iba. “Ang Anak ng tao ay dumating,” ang matiyaga niyang paliwanag, “hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Sa buong buhay niya, si Jesus ay nagpakita ng parisan para sa magiging mga ministro sa hinaharap. “Ang pag-aani ay malaki,” sabi niya, “ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Samakatuwid, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mateo 9:37, 38) Oo, ang mga ministro ni Kristo ay magiging mga manggagawa sa pinakadakilang gawain na nakita kailanman sa daigdig—ang paglalaan ng espirituwal na kaaliwan sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 28:19, 20.
Ang pagpapakong ito ng pansin sa pagbibigay at paglalaan ng mga pangangailangan ng iba ang nagpaging lubhang kakaiba sa paraan ng pagmiministeryo ni Kristo. Tinuruan niya ang kaniyang mga ministro na maging mga manggagawa, espirituwal na mga mangingisda at mga pastol, hindi mga mistiko at akademiko na may pantanging pananamit at insigniya.—Mateo 4:19; 23:5; Juan 21:15-17.
Ang Pangmalas ng Bibliya
Nakalulungkot, sa paglipas ng mga siglo, ang kapuri-puri at di-mapag-imbot na konseptong ito hinggil sa mga ministro bilang mapagsakripisyo-sa-sariling mga mangangaral at mga guro ay napilipit. Ang pinasimulan bilang ministeryong Kristiyano ay nagbago tungo sa pagiging isang pormal at makaherarkiyang institusyon. Nagkaroon ng mga orden at mga ranggo, at sila’y pinagkalooban ng karangalan at kapangyarihan at karaniwan nang nagkakamal ng malaking kayamanan. Lumikha ito ng mga pagkakabaha-bahagi. Nagkaroon ng isang uring klero na kadalasa’y nakatalaga sa pagbibigay ng relihiyosong mga sakramento at sa pagpapayo sa mga nagkakasala. Ang unang-siglong Kristiyanismo ay nagbago nang sumunod na mga siglo mula sa isang aktibong relihiyon na kung saan ang lahat ay ministro tungo sa isa na di-aktibo kung saan iilan lamang sa mga tao na pantanging sinanay at binigyang-kapangyarihan ang makapangangaral at makapagtuturo.
Gayunman, ipinakikilala ng Bibliya ang isang ministrong Kristiyano, hindi sa pamamagitan ng pagkakakilanlang kagayakan, masalimuot na ritwal, suweldo, o dekreto ng estado, kundi sa pamamagitan ng kaniyang walang-pag-iimbot na pagpapagal. Binalangkas ni apostol Pablo ang saloobin na dapat ipamalas ng mga ministrong Kristiyano. Pinatibay niya sila na gumawa ‘hindi dahil sa egotismo, kundi nang may kababaan ng pag-iisip.’—Filipos 2:3.
Tiyak na isinagawa ni Pablo kung ano ang kaniyang ipinangaral. Palibhasa’y maingat na sinusunod ang parisan ni Kristo, hindi niya kailanman hinanap ang kaniyang “sariling kapakinabangan kundi yaong sa marami, upang sila ay mailigtas.” Kaniyang naunawaan at masidhing nadama ang kaniyang pananagutan na ‘mailaan ang mabuting balita nang walang bayad,’ gaya ng sinabi niya, “upang hindi ko maabuso ang aking awtoridad sa mabuting balita.” Hindi siya ‘naghahanap ng kaluwalhatian mula sa tao.’—1 Corinto 9:16-18; 10:33; 1 Tesalonica 2:6.
Tunay ngang isang natatanging huwaran ng isang tunay na ministrong Kristiyano! Yaong mga tumutulad sa kaniyang mahusay na halimbawa at lumalakad sa walang pag-iimbot na parisang ipinakita ni Jesu-Kristo, anupat kusang-loob na ginagamit ang kanilang mga sarili upang maglaan ng espirituwal na tulong at ng kaaliwang dulot ng mabuting balita sa iba, ay nagpapamalas na ang kanilang mga sarili’y tunay na mga ministro ng Diyos.—1 Pedro 2:21.