Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ako Magtatagumpay sa Aking Paninirahan sa Ibang Bansa?

Paano Ako Magtatagumpay sa Aking Paninirahan sa Ibang Bansa?

“Pagdating ko sa paliparan, wala akong gustong gawin kundi ang umuwi! . . . Napawing lahat ang aking uhaw sa pakikipagsapalaran at lahat ng aking kagalakan sa pagtuklas. Sa madaling salita, ngayon lamang ako nasabik nang ganito na makauwi.”​—Uta.

TALAGANG nakatatakot na mag-isa sa isang banyagang lupain. Subalit gaya ng ipinakita sa isang nakaraang artikulo sa seryeng ito, maraming kabataan ang nagpapasiyang manirahan nang ilang panahon sa ibang bansa. Ang ilan ay pumupunta roon upang mag-aral o kaya’y tumanggap ng pantanging pagsasanay. Ang ilan naman ay gustong matutuhan ang isang wika. Ang ilan ay gusto lamang kumita ng salapi. Gayunman, ang iba ay lumipat upang maglingkod sa ibang lupain na nangangailangan ng mga mángangarál ng Kaharian.

Ipagpalagay nang naninirahan ka sa ibang bansa taglay ang wastong mga dahilan​—mga dahilang nagsasaalang-alang sa iyong espirituwal na mga pangangailangan at mga tunguhin *​—ano ang maaari mong gawin upang matiyak na magtatagumpay ang iyong paninirahan?

Maging Determinado na Makibagay

Una, dapat na maging handa kang makibagay. Hindi iyan nangangahulugan na iiwan mo na ang mga simulaing Kristiyano o ang iyong espirituwal na rutin. Ngunit maaaring iyan ay mangahulugan ng pagsasanay sa lasa ng mga bagong pagkain, pagkatuto sa ilang bagong tuntunin ng wastong paggawi, o pagsubok sa mga bagong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Ang mga bagong kostumbreng ito ay baka ibang-iba sa paraan ng paggawa mo ng mga bagay-bagay sa inyong lugar. Subalit ang utos ni Jesus na “tigilan na ninyo ang paghatol” ay mainam na maikakapit dito. (Mateo 7:1) Ang totoo, walang lahi o kultura ang may karapatang magsabi na sila ay nakahihigit sa iba. (Gawa 17:26) Kung paanong dapat umiwas ang mga nakatatanda sa mapamintas na paghahambing sa mga kabataan noon at sa mga kabataan ngayon, dapat din namang umiwas ang mga kabataan na nasa ibang bansa sa mapamintas na paghahambing sa banyagang bansa at sa kanilang sariling bansa. (Eclesiastes 7:10) Ipako ang pansin sa mga positibong bagay na iniaalok ng bagong lupain at kulturang ito. Gayundin, kung gaano kabilis ang pagkatuto mo sa wika ng lupaing ito, gayunding kabilis na madarama mong ikaw ay parang nasa sarili mong bansa.

Si apostol Pablo ay nagtagumpay sa pakikibagay sa iba’t ibang kultura sa kaniyang gawain bilang isang misyonero sapagkat handa siyang maging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.” (1 Corinto 9:22) Ang katulad na saloobin ay makatutulong sa iyo na makibagay. Si Adrianne ay isang au pair na nakatira sa Alemanya, na nagsisilbi bilang katulong ng isang pamilya kapalit ng tirahan at pagkain. Ipinaliwanag niya: “Kailangan kong makibagay sapagkat hindi ko maaasahan na ang iba pa ang makibagay sa akin.”

‘Gusto Ko Nang Umuwi!’

Sa unang ilang linggo, hindi kataka-takang makaramdam ng lungkot at pananabik na makauwi. Ipinakikita ng Bibliya na ‘masidhing minimithi [ni Jacob] ang bahay ng kaniyang ama,’ kahit si Jacob ay mahigit nang 20 taon sa ibang lupain! (Genesis 31:30) Kaya huwag kang magtaka kung paminsan-minsan ay mapaiyak ka. Mangyari pa, kung palagi mo na lamang iisipin ang iyong iniwan, patitindihin mo lamang ang iyong kalungkutan. (Bilang 11:4, 5) Ang pinakamagaling na paraan upang mapagtagumpayan ang kalungkutan ay ang pagsikapang masanay sa iyong bagong rutin at kapaligiran. Bagaman makabubuti na makipagtalastasan sa iyong pamilya sa pamamagitan ng mga liham o pagtawag sa telepono, ang napakadalas na pagtawag sa bahay ay makahahadlang sa iyo na makibagay sa iyong bagong tahanan.

Natuklasan ng maraming kabataang Kristiyano na ang pagbalik sa kanilang espirituwal na rutin ang pinakamainam na gamot sa kalungkutan. (Filipos 3:16) Nagunita ni Amber ang kaniyang unang mga linggo sa ibang bansa: “Napakahirap kung gabi, kapag wala ka nang ginagawa, kaya sinikap kong gumawa ng ekstrang pag-aaral o pagbabasa ng isang aklat.” Ang kabataang si Rachel, isang Britanong au pair sa Alemanya, ay nagsasalita mula sa sariling karanasan nang ipayo niya: “Kaagad na makihalubilo. Kaagad na dumalo sa mga pulong.” Sa pasimula, baka kailanganin mo ang tulong para makarating sa mga pulong. Subalit sa loob ng kongregasyong Kristiyano, makasusumpong ka ng mabubuting kaibigan na maaaring maging parang “mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina.”​—Marcos 10:29, 30.

Ang pakikibahagi sa Kristiyanong gawain na pag-eebanghelyo ay isa ring mahalagang bahagi ng isang mahusay na espirituwal na rutin. Ang pangangaral ay hindi lamang magdudulot sa iyo ng espirituwal na kapakinabangan kundi tutulong din sa iyo na makibagay sa bagong kultura at wika.

Pinakahuli, panatilihin ang isang rutin ng pananalangin at personal na pag-aaral. Ang mga ito’y napakahalaga sa iyong pananatiling malusog sa espirituwal. (Roma 12:12; 1 Timoteo 4:15) Dahil dito, tiniyak ni Adrianne, binanggit kanina, na nakapagdala siya ng literatura sa Bibliya sa kaniyang sariling wika.

Paninirahan sa Tinutuluyang Pamilya

Isinaayos ng ilang kabataang Kristiyano na makituloy sa mga kapananampalatayang pamilya habang sila’y nasa ibang bansa. Bagaman hindi naman maaasahang aakuin ng tinutuluyang pamilyang ito ang tungkulin ng pagiging magulang, sila’y maaaring maging mabubuting kasama at mapagmumulan ng espirituwal na pampatibay.​—Kawikaan 27:17.

Magkagayunman, ang bukás na pakikipagtalastasan sa tinutuluyang pamilya ay mahalaga sa pagpapanatili ng isang mabuting pagsasamahan. (Kawikaan 15:22; 20:5; 25:11) Sinabi ni Amber: “Dapat ay alam mo kung ano ang mga kakailanganin mong gawin. Dapat mong malaman ang inaasahan sa iyo ng iyong tinutuluyan. At dapat din nilang malaman ang iyong mga inaasahan.” Alamin ang mga tuntunin ng pamilya sa bahay at kung hanggang saan ka inaasahang tutulong sa gawaing bahay. Ang mga bagay na iyan ay dapat na pag-usapang mabuti.

Ang iyong kalagayan ay higit na magiging hamon kung, halimbawa, ikaw ay nagtatrabaho sa isang tinutuluyang pamilya na hindi mo kapananampalataya. Yamang maaaring hindi maunawaan ng pamilya ang iyong paninindigan sa mga simulain ng Bibliya, baka masumpungan mo ang iyong sarili sa isang alanganing kalagayan. (Kawikaan 13:20) Ang mga tungkulin sa bahay na kailangang gampanan ay maaaring makahadlang sa espirituwal na mga obligasyon, gaya ng pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Kaya kung dahil sa di-maiiwasang kalagayan ay mapilitan kang manuluyan sa isang pamilyang hindi mo kapananampalataya, kung gayon ay marami kang dapat pag-ingatan.

Si Rachel ay nagmungkahi: “Tiyakin mong alam nila na ikaw ay isang Kristiyano. Pinakamabuting tapatin mo na agad sila.” Ang pagpapaliwanag tungkol sa iyong mga pamantayan sa relihiyon at sa moral ay maaaring magsilbing proteksiyon. Gayundin, dapat mong liwanagin sa iyong amo kung gaano kahalaga sa iyo ang mga Kristiyanong pagpupulong at pangangaral. Pinakahuli, isang katalinuhan na tiyakin mo munang nakasulat ang mahahalagang bagay gaya ng mga oras ng pagtatrabaho, pahinga, at kabayaran bago ka magsimula. Mahahadlangan nito ang pagkasiphayo sa dakong huli.

Paglutas sa mga Suliranin

Sa kabila ng iyong lubusang pagsisikap, maaari pa ring bumangon ang suliranin. Halimbawa, paano kung paalisin ka ng iyong tinutuluyan sa kanilang bahay? Ito’y magdudulot ng napakalaking problema. Kung magkaroon ng di-pagkakaunawaan, maaari mong sikaping ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa iyong mga tinutuluyan sa isang mahinahon at makatuwirang paraan. (Kawikaan 15:1) Maging handa ka na aminin ang anumang pagkakamali na maaaring nagawa mo. Bakasakaling magbago ang kanilang isip. Kung hindi, kailangan mo na ngang humanap ng ibang matutuluyan.

Baka kailanganin mong humingi ng tulong sa iba dahil sa iba pang mga problema. Halimbawa, baka kapusin ka sa pinansiyal o kaya’y magkasakit ka. Palibhasa’y nangangamba kang baka sunduin ka ng iyong mga magulang para iuwi, maaaring mag-atubili kang ipaalam sa kanila ang nangyayari. Bukod diyan, kilu-kilometro ang kanilang layo at baka hindi nila alam kung paano haharapin ang gayong kalagayan sa ibang lupain. Gayunman, ang lokal na matatanda sa kongregasyon ay baka may karanasan na sa pagharap sa gayong mga problema at maaaring makapagbigay ng praktikal na payo. Baka matulungan ka rin nila na magpasiya kung dapat ngang ipaalam sa iyong mga magulang ang bagay na ito.

Pag-uwi

Sa kabila ng mga problema at mga hamon, ang pangingibang-bansa ay maaaring maging kapaki-pakinabang na karanasan, lalo na kung nagtungo ka roon dahil sa espirituwal na mga kadahilanan. Mangyari pa, maaaring dumating ang panahon na kailangan mo nang umuwi. Ganito ang sabi ni Andreas: “Dahil sa napakaraming magagandang alaala​—madaling nalilimutan ang di-magaganda​—napakahirap para sa akin na umalis.” Magkagayunman, huwag mong asahan na ang iyong mga kaibigan o pamilya sa inyong lugar ay biglang magbabago ng kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ngayong bumalik ka na taglay ang bagong paggawi na natutuhan mo sa ibang bansa. Karagdagan pa, huwag mo silang inisin sa iyong madalas na pagpapaalaala kung paano ginagawa ang mga bagay-bagay sa ibang lugar. Mangyari pa, nanaisin mong ikuwento sa lahat ang iyong mga karanasan, subalit huwag sasamâ ang iyong loob kung hindi lahat ay makikibahagi sa iyong pananabik.

Maliwanag, ang pagpapasiya na manirahang pansamantala sa ibang lupain ay isang bagay na dapat pag-isipang mabuti. Kung matapos ipakipag-usap ang bagay na ito sa iyong mga magulang, ipinasiya mo na may makatuwirang mga dahilan upang umalis, maging handa ka na mapagtagumpayan ang mga hamon na iyong haharapin. Gaya ng anumang mahalagang desisyon na kinakaharap mo sa buhay, isang katalinuhan na pag-isipan muna ang magiging kapalit nito.​—Lucas 14:28-30.

[Talababa]

^ par. 5 Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Manirahan sa Ibang Bansa?” na lumabas sa isyu ng Hunyo 22, 2000.

[Kahon/Larawan sa pahina 27]

Mga Payo sa Pag-iingat

● Itago sa isang ligtas na lugar ang iyong pasaporte, pera, at tiket na pabalik.

● Gumawa ng kopya ng iyong pasaporte gayundin ng iyong pahintulot na makapasok at/o bisa, ng iyong tiket na pabalik, at ng iba pang mahahalagang dokumento. Ingatan mo ang isang set ng mga kopyang iyon, at ipadala ang isang set sa iyong mga magulang o mga kaibigan sa inyong lugar.

● Palagi mong dalhin ang mga numero ng telepono ng iyong mga magulang o mga kaibigan sa inyong lugar at ng pamilya na iyong tinutuluyan.

● Panatilihin ang isang malinis na paggawi sa harap ng mga hindi mo kasekso, ang mga ito man ay kabilang sa pamilyang tinutuluyan mo, sa paaralan, sa pinagtatrabahuhan, o sa iba pang lugar.

● Pag-aralan ang kahit man lamang ilang pangunahing mga salita at parirala sa wika ng bansang tinutuluyan mo.

● Magpatingin muna sa doktor bago ka umalis. Tiyakin mong may dala kang sapat na suplay ng anumang gamot na kakailanganin.

[Larawan sa pahina 26]

Kung magkaroon kayo ng di-pagkakaunawaan ng iyong tinutuluyang pamilya, ipakipag-usap ito sa mahinahong paraan