Ang Pangmalas ng Bibliya
Dekorasyon sa Katawan—Ang Pangangailangan ng Pagkamakatuwiran
“ANG banidad ay siyang bumibigo sa katuwiran,” ang sulat ng isang nobelistang Pranses. Tiyak na walang kinalaman ang katuwiran sa maraming bagay na ginawa ng mga tao sa kanilang sarili alang-alang sa banidad sa nakalipas na mga dantaon. Halimbawa, sa pagsisikap na magkaroon ng hangga’t maaari’y pinakamaliit na baywang, mahigpit na binibigkisan ng korset ng mga babae noong ika-19 na siglo ang kanilang mga tiyan hanggang sa sila ay halos hindi na makahinga sa higpit. Ang ilan ay nagsasabing may mga baywang na kasinliit ng 13 pulgada. Napakahigpit ng mga korset ng ilang kababaihan anupat ang kanilang mga tadyang ay aktuwal na naitulak paloob sa kanilang mga atay at naging sanhi ng kamatayan.
Bagaman naglaho na ang kausuhang iyon, ang banidad na pinagmulan nito ay makikita pa rin sa ngayon na gaya noon. Ang mga lalaki at babae ay sumasailalim pa rin sa mahirap at mapanganib pa nga na mga pamamaraan upang baguhin ang kanilang likas na hitsura. Halimbawa, ang mga parlor na nagtatatu at nagbubutas ng mga bahagi ng katawan, na dating madalas puntahan ng masasamang elemento sa lipunan, ay biglang nagsulputan sa mga shopping mall at sa mga labas ng lunsod. Sa katunayan, nito lamang nakalipas na taon, ang pagtatatu ang ikaanim na pinakamalakas na negosyong tingian sa Estados Unidos.
Nauuso rin ang mas bagong mga anyo ng dekorasyon sa katawan, lalo na sa mga kabataan. Ang mas malawak na pagbubutas sa mga bahagi ng katawan—pati na sa mga utong, ilong, dila, at maging sa mga ari—ay higit at higit na nauuso. Para sa mas maliit na grupo, ang gayong malawakang pagbubutas sa mga bahagi ng katawan ay hindi na kapana-panabik. Sinusubok naman nila ang mas bagong mga gawain na gaya ng paghehero, paghihiwa, * at paglililok sa katawan, kung saan may mga bagay na ipinapasok sa ilalim ng balat upang magkaroon ng malalaking butas at umbok.
Isang Sinaunang Gawain
Ang paglalagay ng dekorasyon o pagpapabago sa katawan ay hindi na bago. Sa ilang bahagi ng Aprika, ang ritwal na paghihiwa at pagtatatu ay ginagawa na sa loob ng mga dantaon upang makilala ang espesipikong mga grupo ng pamilya o mga tribo. Kapansin-pansin, sa marami sa mga lupaing ito, ang gayong mga gawain ay hindi na sinasang-ayunan ngayon at naglalaho na.
Ang pagtatatu, pagbubutas sa mga bahagi ng katawan, at paghihiwa ay umiral noong panahon ng Bibliya. Ang mga ito ay karaniwang ginagawa ng mga bansang pagano may kaugnayan sa kanilang relihiyon. Mauunawaan naman, pinagbawalan ni Jehova ang kaniyang bayan, ang mga Judio, na tularan ang mga paganong iyon. (Levitico 19:28) Bilang “pantanging pag-aari” mismo ng Diyos, ang mga Judio sa gayon ay naingatan mula sa nakasasamang mga gawain ng huwad na relihiyon.—Deuteronomio 14:2.
Kalayaang Kristiyano
Ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Batas Mosaiko, bagaman nagbibigay ito ng ilang simulain na naipagpatuloy sa Kristiyanong kongregasyon. (Colosas 2:14) Sa gayon ay maipahahayag nila ang kanilang sarili sa loob ng mga hangganan ng kagandahang-asal pagdating sa uri ng paggayak na pinipili nilang isuot. (Galacia 5:1; 1 Timoteo 2:9, 10) Gayunman, ang kalayaang ito ay may hangganan.—1 Pedro 2:16.
Isinulat ni Pablo sa 1 Corinto 6:12: “Ang lahat ng bagay ay kaayon ng batas para sa akin; ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang.” Naunawaan ni Pablo na ang kaniyang kalayaan bilang isang Kristiyano ay hindi nagbibigay sa kaniya ng pahintulot na gawin ang anumang maibigan niya nang hindi isinasaalang-alang ang iba. Ang pag-ibig sa iba ay nakaimpluwensiya sa kaniyang paggawi. (Galacia 5:13) Ituon “ang mata, hindi sa personal na interes ng iyong sariling mga bagay-bagay lamang,” ang himok niya, “kundi sa personal na interes din niyaong iba.” (Filipos 2:4) Ang kaniyang hindi makasariling pangmalas ay nagsisilbing isang mainam na halimbawa sa sinumang Kristiyano na nagbabalak ng ilang anyo ng dekorasyon sa katawan.
Mga Simulain sa Bibliya na Dapat Isaalang-alang
Ang isa sa mga utos para sa mga Kristiyano ay mangaral at magturo ng mabuting balita. (Mateo 28:19, 20; Filipos 2:15) Hindi nanaisin ng isang Kristiyano na hayaan ang anumang bagay, pati na ang kaniyang hitsura, na makahadlang sa iba sa pakikinig sa mensaheng iyan.—2 Corinto 4:2.
Bagaman ang mga dekorasyong iyon na gaya ng pagpapabutas sa mga bahagi ng katawan o pagpapatatu ay maaaring popular sa ilang tao, kailangang tanungin ng isang Kristiyano ang kaniyang sarili, ‘Anong uri ng reaksiyon ang pupukawin ng gayong dekorasyon sa lugar na aking tinitirhan? Ako ba’y iuugnay sa ilang kakatwang grupo ng lipunan? Kahit na kung ipinahihintulot ito ng aking budhi, ano ang epekto sa iba sa loob ng kongregasyon ng aking pagpapabutas sa mga bahagi ng katawan o pagpapatatu? Mamalasin kaya nila ito bilang isang katibayan ng “espiritu ng sanlibutan”? Maaari kayang pag-alinlanganan nila ang aking “katinuan ng pag-iisip”?’—1 Corinto 2:12; 10:29-32; Tito 2:12.
Ang ilang uri ng pagpapabago sa katawan ay may malulubhang medikal na panganib. Ang pagpapatatu na gumagamit ng hindi malinis na mga karayom ay nauugnay sa pagkalat ng hepatitis at HIV. Kung minsan ay nagkakaroon din ng mga sakit sa balat mula sa mga pangkulay na ginamit. Ang pagpapabutas sa mga bahagi ng katawan ay maaaring mangailangan ng mga buwan upang gumaling at maaaring sumakit sa loob ng panahong iyon. Maaari rin itong pagmulan ng pagkalason sa dugo, pagdurugo, pamumuo ng dugo, pinsala sa nerbiyos, at malubhang mga impeksiyon. Isa pa, ang ilang pamamaraan ay hindi madaling mabura. Halimbawa, depende sa laki at sa kulay, ang isang tatu ay maaaring mangailangan ng magastos at masakit na paggamot sa pamamagitan ng laser upang maalis. Ang pagpapabutas sa mga bahagi ng katawan ay maaaring mag-iwan ng habang-buhay na mga pilat.
Tanggapin man o hindi ng isang indibiduwal ang mga panganib na ito ay isang personal na pasiya. Subalit kinikilala ng isa na nagnanais na palugdan ang Diyos na ang pagiging isang Kristiyano ay nagsasangkot ng paghahandog ng kaniyang sarili sa Diyos. Ang ating mga katawan ay buháy na mga hain na inihaharap sa Diyos para sa kaniyang gamit. (Roma 12:1) Kaya, hindi itinuturing ng maygulang na mga Kristiyano ang kanilang mga katawan bilang kanilang pantanging pag-aari upang kusang pinsalain o sirain. Yaong mga kuwalipikadong manguna sa kongregasyon ay lalo nang kilala sa kanilang katamtamang pag-uugali, katinuan ng pag-iisip, at pagkamakatuwiran.—1 Timoteo 3:2, 3.
Ang paglinang at pagsasanay sa kakayahang mangatuwiran na sinanay sa Bibliya ay tutulong sa mga Kristiyano na umiwas sa labis at sadistang mga gawain ng daigdig na ito, na lubhang “hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos.” (Efeso 4:18) Sa gayon ay magagawa nilang sumikat ang kanilang pagkamakatuwiran sa lahat ng tao.—Filipos 4:5.
[Talababa]
^ par. 5 Isang malinaw na pagkakaiba ang ginawa sa pagitan ng paghiwa para sa layuning pangmedisina o maging sa pagpapaganda at ng di-mapigilang paghiwa sa sarili o pagputol sa mga bahagi ng katawan na ginagawa ng maraming kabataan, lalo na ng mga tin-edyer na babae. Ang huling banggit ay kadalasang isang sintomas ng malubhang emosyonal na kaigtingan o pang-aabuso, na nangangailangan ng tulong ng isang propesyonal.