Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Multiple Chemical Sensitivity—Isang Mahiwagang Sakit

Multiple Chemical Sensitivity—Isang Mahiwagang Sakit

Multiple Chemical Sensitivity​—Isang Mahiwagang Sakit

Ang tahanan ni Pam ay matatagpuan sa isang lugar ng pabahay na napalilibutan ng mga bukirin ng bulak. Regular na binubugahan ng mga eroplano ang mga bukirin ng pamatay ng halaman at pestisidyo; at madalas na tinatangay ng hangin ang mga latak ng kimikal sa kalapit na mga tahanan, kabilang na ang tahanan ni Pam.

NAGSIMULANG makaramdam si Pam ng matitinding sakit ng ulo at pagkaalibadbad, at humina ang kaniyang kalusugan. Nang maglaon, siya ay malubhang naapektuhan ng mga sangkap na sa wari’y wala namang kaugnayan sa mga pestisidyo: mga pabango, deodorant, lotion sa katawan, sangkap na panlinis, pintura, bagong alpombra, usok ng tabako, mga deodorizer para sa kuwarto, at iba pang mga sangkap. Ang mga sintomas ni Pam ay kabilang sa mga karaniwan nang iniuugnay sa isang nakalilitong sakit na tinatawag na multiple chemical sensitivity (MCS). *

“Kapag napapaharap ako sa pang-araw-araw na mga kimikal, nadarama kong ako’y pagod na pagod at nalilito, nahihilo, at naaalibadbaran,” ang paliwanag ni Pam sa Gumising! “Ang aking katawan ay namamaga, at nakararanas ako kung minsan ng pangangapos ng hininga, mga sumpong ng pagkataranta na may kasamang hindi mapigilang pag-iyak, mabibilis na pintig ng puso, bumilis na pulso, at pagdami ng tubig sa aking mga baga. Humantong pa nga ito sa pulmonya.”

Bagaman ang mga sintomas na nakikita sa MCS ay waring nagkakaiba-iba sa bawat tao, maaaring kabilang sa mga ito ang mga sakit ng ulo, labis na pagkahapo, kirot sa kalamnan, kirot sa kasukasuan, eksema, singaw sa balat, mga sintomas na tila-trangkaso, hika, mga suliranin sa saynus, kabalisahan, panlulumo, mga suliranin sa memorya, kahirapan sa pagpapako ng pansin, insomniya, di-regular na tibok ng puso, pamamaga, pagkaalibadbad, pagsusuka, mga suliranin sa bituka, at mga pagsumpong. Sabihin pa, karamihan sa mga sintomas na ito ay maaaring dahilan sa iba pang mga karamdaman.

MCS​—Isang Lumalaking Suliranin

Sa Estados Unidos, ipinahihiwatig ng mga surbey sa gitna ng iba’t ibang grupo sa populasyon na itinuturing ng mga nasa pagitan ng 15 at 37 porsiyento sa populasyon ang kanilang sarili na sadyang sensitibo o alerdyik sa pangkaraniwang mga kimikal at sa mga amoy ng kimikal, tulad ng usok ng awto, usok ng tabako, sariwang pintura, bagong alpombra, at mga pabango. Gayunman, 5 porsiyento lamang o mas mababa pa, depende sa grupo ng edad na sinurbey, ang nagsabi na ang MCS ay nakita sa resulta ng pagsusuri. Halos tatlong sangkapat sa mga ito ay mga babae.

Maraming nagdurusa ng MCS ang nagsabi na ang mga pestisidyo at mga solvent (bagay na nakalulusaw) ang dahilan sa kanilang kalagayan. Ang dalawang produktong ito ay karaniwan sa kapaligiran, lalo na ang mga solvent. Ang mga solvent ay mga sangkap na volatile (madaling sumingaw) na naghihiwalay o lumulusaw sa iba pang mga sangkap. Ang mga ito ay sangkap sa mga pintura, barnis, pandikit, pestisidyo, at mga solusyong panlinis.

Sa susunod na mga artikulo, mas masusi nating susuriin ang MCS, tatalakayin kung anong tulong ang makukuha para sa mga nagdurusa sa kalagayang ito, at tingnan kung paanong ang mga nagdurusa at mga di-nagdurusa ay maaaring magtulungan upang gawing mas kasiya-siya ang buhay para sa mga may MCS.

[Talababa]

^ par. 3 Ginamit namin ang terminong “multiple chemical sensitivity” dahil sa malawakang paggamit dito. Gayunman, marami pang ibang termino, kabilang na ang “environmental illness” at “chemical hypersensitivity syndrome.” Ang salitang “sensitivity” dito ay tumutukoy sa pagiging apektado ng mga kimikal sa dami na hindi naman nakaaapekto sa karamihan ng tao.