Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Patmos—Ang Isla ng Apocalipsis

Patmos—Ang Isla ng Apocalipsis

Patmos​—Ang Isla ng Apocalipsis

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA GRESYA

PAMINSAN-MINSAN, tinititigan ng mga mamamayan ng Patmos sa kabila ng Dagat Aegean ang isang kumukuti-kutitap na ilaw sa itaas ng mga dalisdis ng isang bundok na nasa kalapit na isla ng Samos. Sinasabi ng ilan na ang kakaibang ilaw na ito ay kuryenteng static, ngunit ipinipilit ng mga relihiyosong residente ng Patmos na mas alam nila kung ano ito. Inaanunsiyo nila sa kanilang mga kapitbahay na nakatanggap sila ng isa pang tanda mula sa pinakakilalang residente noon ng isla, na siyang itinapon sa maliit na islang ito ng Gresya malapit lamang sa baybay-dagat ng Asia Minor halos 1,900 taon na ang nakaraan.

Ang kilalang taong iyon ay hinatulan, malamang ni Emperador Domitian ng Roma, na mamuhay sa Patmos “dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos at sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” Doon ay narinig niya ang tinig ng Diyos, “tulad ng sa trumpeta,” na nagsasabi: “Ako ang Alpha at ang Omega . . . Ang iyong nakikita ay isulat mo sa isang balumbon.”​—Apocalipsis 1:8-11.

Ang balumbon, o libro, na iyon ay ang huling bahagi ng pinakamabiling aklat kailanman. Inilarawan ito ng iba bilang isa sa mga pinakamahirap na maunawaang akda na naisulat​—ang aklat ng Bibliya na pinanganlang Pagsisiwalat, o Apocalipsis, ang huling aklat ng Bibliya. Ang manunulat ay si Juan, ang apostol ni Jesus. Ang mga pangitain na tinanggap ni Juan may kinalaman sa pangwakas na kapahamakan ng balakyot na sanlibutan ay nakapukaw ng interes sa mga mambabasa sa loob ng maraming siglo. *

Ang Patmos Ngayon

Maraming dayuhan ang sasang-ayon na ang Patmos​—ang pinakaliblib na lugar sa gawing hilaga ng Dodecanese Islands​—ay tamang-tamang kapaligiran para sa aklat na ito. Karatig ng matataas na tagaytay na likha ng bulkan at ng madidilim na banging malalalim ang bai-baitang na mga luntiang burol at namumulaklak na mga parang na naiinitan sa nakapapasong araw sa Aegean.

Upang makita kung ano na ang hitsura ng Patmos ngayon, naglayag ako mula Piraievs, ang pangunahing daungan ng Gresya. Pagkaraan ng hatinggabi, nang ang bangka ay makarating sa hugis-fjord na daungan ng Skála​—​daungan at pinakamalaking bayan ng Patmos​—nahawi ang mga ulap at tumambad ang isla sa tanglaw ng kabilugan ng buwan.

Kinaumagahan, habang umiinom ako ng walang-asukal na kapeng Griego, sinimulan kong galugarin ang isla. Ang tanawin ng umagang-umagang iyon ay kakikitaan ng mga lolang nakadamit ng itim mula ulo hanggang paa, na sumusunud-sunod sa malilikot na batang nag-uumpisa pa lamang maglakad. Pinapalo ng isang mabalbas na mangingisda na nakaupo sa malapit ang kanyang tanghalian​—isang pugita na kasasalapang lamang niya sa tubig​—habang ito’y nakapatong sa sementong pantalan upang palambutin ito.

Sa halip na sumakay sa bangka, nagpasiya akong umakyat sa tabi ng bundok sa likod ng Skála para makita ko ang kabuuan ng isla. Pambihira ang tanawin. Para bang nakalatag ang isla na gaya ng isang napakalaking topograpikong mapa na nakalutang sa dagat. Ang Patmos ay parang tatlong maliliit na pulo sa isa​—malalaking bunton ng lupa na pinag-uugnay ng mabababang ismus. Ang isa sa mga makitid na pirasong ito ng lupa ay nasa lugar ng Skála. Ang isa naman ay naroon sa angkop na pinanganlang Diakofti, na nangangahulugang “Ibinukod,” malapit sa hindi-tinitirhang timugang hangganan ng isla. Ang Patmos ay halos labintatlong kilometro lamang ang haba, at may isang lugar na magkalapit lamang ang magkabilang ibayo nito.

Sa Magugulong Panahon

Ang Patmos ay itinuring na sagrado halos simula pa noong dumating ang mga unang nanirahan doon galing sa Asia Minor mga 4,000 taon na ang nakararaan. Pinili ng mga sinaunang residenteng iyon ang pangalawa sa pinakamataas na lugar ng isla bilang dako ng kanilang templo para kay Artemis, diyosa ng pangangasó.

Noong mga 96 C.E., nang si apostol Juan ay ipinalalagay na ipinatapon sa Patmos, ito ay sakop noon ng imperyo ng Roma. Noong ikaapat na siglo, ang isla ay naging bahagi ng “naging Kristiyanong” Imperyong Byzantine. Pagkatapos, sa pagitan ng ikapito at ikasampung siglo, ito’y napangibabawan ng Islam.

Nang maglaon, ang Patmos ay nawalan ng tao at naging tiwangwang. Pagkatapos, nang magwawakas na ang ika-11 siglo, sinimulang itayo ng isang monghe ng Griegong Ortodokso ang pinatibay na monasteryo ni “San” Juan sa kinaroroonan ng paganong templo ni Artemis. Unti-unting nagbalik ang mga dating naninirahan at nagtayo ng nakahanay na mga hugis-kubikong bahay na puti sa Hora, ang bayan na hanggang ngayon ay nakasiksik sa nagsasanggalang na mga pader ng monasteryo.

Nagtamasa ang isla ng isang maikling yugto ng karilagan noong bandang katapusan ng siglo ng 1800, nang ang ilan sa mga mamamayan nito ay nagmay-ari ng isa sa pinakamayamang plota na pang-komersiyo sa Mediteraneo. Ang plotang iyan ang di-tuwirang dahilan ng isang panibagong pananakop. Noong dekada ng 1970, natuklasan ng ilan sa pinakamayayaman sa daigdig ang maganda at di-mahal na lupain ng isang talagang nalimutan nang isla. Kanila muling inayos ang maraming lumang mansiyon ng mga mangangalakal sa dagat, at ito kasama ang bagong mga pasilidad ng daungan ay nakatulong sa Patmos para muling makaakit ng mga turista.

Hanggang sa ngayon ay nakaiiwas ang Patmos sa pagdagsa ng mga turista na halos nakasira sa ibang mga isla ng Gresya. Ang pangunahing mga dahilan ay ang kawalan ng isang paliparan at ang pamimilit ng mga monghe na manatili ang kalakhang bahagi nito bilang isang banal na dako.

Pinaghalo ang Kasaysayan at Tradisyon

Habang tinutulungan akong magplano ng aking paggalugad sa isla, itinuro sa akin ng weyter ang 400-taóng-gulang na daanang nilatagan ng bato sa likod ng bayan ng Skála, na bumabagtas sa isang mabangong kagubatan ng pino patungo sa pinaniniwalaang kuweba ni Juan at gayundin sa monasteryo ni “San” Juan. Sa dakong labas ng bayan, nadaanan ko ang isang nakatatakot na sulat na kapipintura pa lamang ng pula sa isang pader na bato: “Ohi sto 666” (Mag-ingat sa 666), isa sa mga di-wastong naunawaan na simbolo sa Apocalipsis.

Ang Monasteryo ng Apocalipsis, na may isang napakaliit na kapilya ni “Santa” Ana, ay itinayo noong 1090 upang mabakuran ang pasukan ng groto na kung saan, ayon sa tradisyon, tinanggap ni Juan ang kaniyang mga pangitain. Pinagmasdan ko ang isang babae na lumuhod at nagdikit ng isang tama (handog) sa imahen ni “San” Juan. Ang mga tapat na Ortodokso, na naniniwalang makagagawa ang imahen ng mga himala, ay naghahandog dito ng tamata​—maliliit na yaring-bakal na kahawig ng mga tao, mga bahagi ng katawan, mga bahay, at maging ng mga kotse at bangka. Naalaala kong nakakita ako ng nakakatulad na mga handog na gawa sa luwad malapit sa Corinto sa templo ng sinaunang Griegong diyos-na-manggagamot na si Asclepius. Nagkataon lamang ba ito?

Mga Labí ng Kultura at mga Manuskrito

Nang pumasok na ako sa looban ng monasteryo ni “San” Juan, lumabas ang isang taong palakaibigan mula sa madidilim na pasilyong sala-salabat. Ipinagmalaki ni “Papa Nikos” (Father Nick) ang mga yaman ng monasteryo habang ipinakikita ito sa ilang mga turista at sa akin. Ang monasteryo, na nagmamay-ari sa kalakhan ng Patmos, ay isa sa pinakamayaman at pinakamaimpluwensiya sa buong Gresya.

Namasyal kami sa loob ng isang malamig na kapilya na nangitim dahil sa usok ng mga kandila, kung saan naroon ang labí ng tagapagtatag ng monasteryo, at pagkatapos ay sa loob ng Kapilya ng Birhen, na ang ilang bahagi’y yari sa bato na galing sa templo ni Artemis. Sa loob ng museo, nakita namin ang napakaraming ginto at mga alahas na inabuloy ng mga czar; ang ika-11 siglong titulo ng lupa ng mga monghe sa isla, na pinirmahan ni Emperador Alexius I Comnenus ng Byzantine; at isang magandang ika-6-na-siglong kaputol ng Ebanghelyo ni Marcos, na isinulat sa purpurang katad (vellum) sa pamamagitan ng pilak sa halip na tinta. Bilang karagdagan sa kaputol na ito, taglay ng monasteryo ang isang malaking koleksiyon ng mga manuskrito ng Bibliya at teolohiya.

Mga Tanawin ng Isla

Ang isla ay mayroon ding likas na kagandahan. Mga ilang milya patimog ng Skála, isang malinis na dalampasigan ang sumusunod sa hubog ng kahabaan ng isang pinangangalagaang baybayin. Ang dalampasigan ay pantay at walang maitatampok maliban sa Kalikatsou, na nangangahulugang “Cormorant,” isang napakalaking bato sa gitna ng dalampasigan, na may taas na lima o anim na palapag at puno ng nakalilitong mga kuweba gaya ng isang napakalaking kesong Swiso.

Ang pinakamagaling na paraan upang masiyahan sa Patmos ay basta maglakad-lakad sa isla. Baka nais mong maupo sa ilalim ng nakapapasong araw sa gitna ng mga hindi pa nahuhukay na labí ng sinaunang moog sa Kastelli at makinig sa malalayong kampanilyang pantupa at sa matinis na sipol ng pastol. O kaya naman sa isang hapon kapag kumalat sa kalangitan ang tulad-gasang hamog ng Aegean, baka nais mong maupo at panoorin ang mga dalampasigan kung saan ang mga bangka na naglalayag sa sumisingaw na hamog ay tila umaakyat patungong kalangitan.

Sa huling araw ko roon, ang napakagandang paglubog ng kulay-pulang araw ay tila nakapagpalaki sa bayan na nasa ibaba. Malayo sa dalampasigan, inihahanda ng mga mangingisdang may dalang lampara ang kanilang maliliit na bangkang walang motor, na kilala bilang gri-gri, mga sisiw ng pato, sapagka’t sila’y nakahanay na hinihila ng isang “inang” barko.

Parang namumula ang buong isla. Nanganganib ang gri-gri dahil sa pagsiklot ng malamig na hangin at matataas na alon. Pagkalipas ng mga ilang oras, muli kong nakita ang mga bangka, mula sa palapag ng barkong pabalik sa Piraievs habang mabilis na lumagpas ito sa kanilang mga dakong pinangingisdaan mga ilang kilometro mula sa baybayin. Sinindihan ng mga lalaki ang napakaliwanag na mga ilaw na ginagamit nila upang makaakit ng mga isda. Nang gabing iyon, hanggang sa sila at ang isla sa likod nila ay mawala sa aking paningin, nanatili sa aking isipan ang larawan ng ipinatapong si Juan na nagsusulat ng kaniyang mga pangitain sa Patmos.

[Talababa]

^ par. 5 Para sa isang detalyadong paliwanag, tingnan ang Apocalipsis​—​Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 27]

Ang monasteryo ni “San” Juan

[Picture Credit Line sa pahina 26]

© Miranda 2000