Depende sa Budhi
Depende sa Budhi
ANG klasikong pelikula noong 1944 na Arsenic and Old Lace ay nagsalarawan ng mabilis na pagkamatay ng matatandang lalaki matapos uminom ng alak na elderberry na tinimplahan ng arseniko. Ipinaghahalimbawa ng pelikula ang karaniwang paniniwala na ang arseniko ay laging isang mabilis at nakamamatay na lason. Sa katunayan, ang mabibilis na pagkamatay na isinalarawan sa pelikula ay hindi dahil sa arseniko, kundi dahil sa strychnine at cyanide na itinimpla rin sa alak.
“Ang sintomas ng pagkalason sa arseniko ay karaniwan nang hindi naman malubha,” isinulat ni Dr. Robert E. Gallagher sa The New England Journal of Medicine. Gayunman, idinagdag niya na “ang pagkalason sa arseniko mula sa maruming tubig na iniinom at mga duming nanggagaling sa industriya ay isang malubhang problemang pangkalusugan ng mamamayan sa maraming bahagi ng daigdig, kung saan inilalantad nito ang mga tao sa iba’t ibang sakit, lakip na ang sakit sa balat, pantog, baga, at mga kanser sa atay.”
Dahil sa impormasyong nasa itaas, mauunawaan na ang mga tagapaglaan ng pangangalaga sa kalusugan ay hindi karaniwang magrereseta ng arseniko bilang isang uri ng gamot. Subalit subaybayan mong mabuti ang karanasang ito mula sa Canada. Pansinin kung paanong nang imungkahi ang pagsasalin ng dugo at pagkatapos ay arseniko bilang gamot, nagkaroon ng pagkakasalungatan ng budhi sa pagitan ng pasyenteng nagngangalang Darlene at ng kaniyang sangkot na mga doktor, mga nars, at parmasyutiko. Ganito ang kuwento ni Darlene sa kaniyang kasaysayan.
“Noong Mayo 1996, nagkaroon ako ng malulubhang pasâ, labis na pagdurugo, at di-karaniwang pagdurugo ng gilagid. Lumabas sa pagsusuri ng aking hematologo, si Dr. John Matthews, sa Kingston, Ontario, na ang sakit ko’y isang pambihirang uri ng kanser na tinatawag na acute promyelocytic leukemia (APL). Pagkatapos ng sunud-sunod na pagsusuri, lakip na ang pagsusuri sa utak ng buto, buong kabaitang ipinaliwanag ni Dr. Matthews kung ano ang APL at kung paano gagamutin ang sakit na ito. Kasali sa karaniwang tuntuning sinusunod sa paggamot nito ay ang pagpapalit ng dugo kasabay ng chemotherapy, subalit tutol ang aking sinanay-sa-Bibliyang budhi na tumanggap ng pagsasalin ng dugo.
“Sa halip na sayangin ang napakahalagang panahon sa pagpilit na baguhin ang aking isip, buong-katalinuhang nagsaliksik ang mga doktor para sa ibang paraan ng paggamot. Kasali sa binagong paggamot ang paggamit ng sangkap ng bitamina-A, kasabay ng medyo malakas na chemotherapy. Humupa ang aking leukemia sa loob ng tatlong buwan, subalit lalo namang lumalâ nang ito’y umulit. Hindi ko matiis ang sakit ng aking ulo, sanhi ng pamamaga ng aking utak. Isa pa, hindi na ako tinatablan ng gamot. Sa pagkakataong iyon sinabi sa amin ng doktor na wala nang nalalabing gamot para sa akin kundi ang salinan ng dugo. Sinabihan kami na wala nang dalawang linggo ang itatagal ng buhay ko.
“Magulung-magulo ang sumunod na mga araw, dahil sa higit pang mga pagsusuri sa dugo, pagpunta sa abogado hinggil sa aking mga huling habilin, at mga kaayusan sa pagpapalibing. Nang mga panahong ito, binanggit sa amin ni Dr. Matthews ang tungkol sa isang naiibang paggamot na matagumpay na ginamit ng mga doktor sa Tsina para sa APL, na napaulat sa iginagalang na lathalain sa siyensiya na gaya ng Blood and Proceedings of the National Academy of Sciences. Habang nagsasaliksik, nabasa ng doktor at ng isa niyang kasamahan
sa isang lathalain sa medisina na ‘marahil ay magugulat ang marami na malaman na ang arsenic trioxide ay matagumpay na ginamit sa paraang itinuturok sa ugat, na may limitadong antas ng lason, para ipanggamot sa acute promyelocytic leukemia (APL).’“Dalawa na ngayon ang mapagpipilian—alinman sa labagin ko ang aking budhi at magpasalin ng dugo o subukin ang di-gaanong kilalang gamot na ito na arseniko. Pinili ko ang gamot na arseniko. * Hindi ko na napag-isip-isip ang pagkaligalig ng budhi na madarama ng mga doktor, mga nars, parmasiyutiko, at maging ng mga opisyal ng ospital.
“Pagkatapos ay nagtanong ang ospital sa nangangasiwang awtoridad upang tiyakin kung puwede ngang gamitin ang arsenic trioxide. Saka lamang sila pumayag na ituloy ang gayong paggamot. Sa pasimula ay atubili ang parmasiyutiko na makipagtulungan, yamang taimtim siyang nag-aalinlangan sa pagiging ligtas nito. Kinailangan ng mga doktor na tumitingin sa akin, sina Dr. Matthews at Dr. Galbraith, na makagawa ng nakakakumbinsi at positibong pagpapaliwanag hinggil sa paggamot na ito. Nang maglaon, palibhasa’y naipaliwanag ang tungkol sa paggamot na ito sa pamamagitan ng paghaharap ng sapat na mga ebidensiya sa medisina, nadama ng mga awtoridad ng ospital at parmasiyutiko na maaari na silang makipagtulungan.
“Sumang-ayon ang parmasiyutiko na ihanda ang produktong arseniko at iisterilisahin ito para sa agarang pagtuturok. Subalit ang nagkakaisang budhi ng mga nars ay humadlang ngayon upang isabit nila ang intravenous bag na may kontrobersiyal na sangkap. Nanatili silang nakatayo lamang habang ang mga doktor na mismo ang nagsasabit ng ilang yunit ng tinimplang gamot. Nakiusap sa akin ang mga nars na pumayag na ako sa dugo. Kumbinsido silang mamamatay ako, kaya nakiusap naman ako sa kanilang pagkapropesyonal, anupat humihiling na igalang sana nila ang aking udyok-ng-budhing pagtanggi sa dugo. Ipinadama ko ang aking pasasalamat, niyakap sila, at hiniling sa kanila na isaisantabi muna ang kanilang personal na mga damdamin. Nanatili ang aming magandang relasyon. Ang paggamot sa pamamagitan ng arsenic trioxide ay nagpatuloy hanggang anim na buwan, at malaki ang ibinuti ng aking kalagayan. Pagkatapos ay napagkasunduan ng mga doktor na sa bahay na lamang tapusin ang natitirang gamutan.
“Ang mga kaayusan sa mga pagdalaw sa aming bahay ay ipinakipag-usap sa Victoria Order of Nurses, na nagsasagawa ng mga serbisyo para sa pag-aalaga ng maysakit sa bahay. Muli na namang pumasok sa eksena ang budhi. Sila man ay atubiling ibigay ang tinimplang gamot. Binago ng mga pulong, liham, at mga artikulo sa medisina mula sa iginagalang na lathalain sa medisina ang situwasyon. Pumayag na rin ang mga nars na makipagtulungan. Noong Setyembre 1997, natapos ang paggamot sa akin.
“Aba, oo, maaaring bumalik ang uring ito ng aking kanser. Sinabi ng doktor na para raw itong laging may dalang bomba na maaaring sumabog anumang oras. Subalit natutuhan ko nang makasumpong ng kaligayahan sa bawat paglipas ng araw, anupat hindi kailanman pinababayaan ang aking dako ng pagsamba at nananatiling abala sa pamamahagi ng salig-Bibliyang pag-asa ukol sa isang panahon na ‘walang sinumang tumatahan ang magsasabi: “Ako ay may sakit.”’”—Isaias 33:24.
Ang mga propesyonal sa panggagamot ay may mabigat na pananagutan sa paglalaan ng de-kalidad na pangangalaga sa kalusugan. Karaniwan nang dinidibdib nila ito at buong-ingat na gumagamot sa abot ng kanilang kakayahan at kasalukuyang kaalaman. Gaya ng pinatutunayan ng karanasang ito, ang mga doktor, mga nars, at iba pang propesyonal na nangangalaga ng kalusugan ay may malaking magagawa sa pamamagitan ng pananatiling nakikibagay at sensitibo sa mga pananalig at budhi ng may-kabatirang pasyente na nasa hustong gulang.
[Talababa]
^ par. 8 Sa pag-uulat ng karanasang ito, ang Gumising! ay hindi nagmumungkahi ng anumang uri ng medisina o paggamot.
[Larawan sa pahina 20]
Darlene Sheppard