Kung Ano ang Hindi Nakikita ng Basta Mata Lamang
Kung Ano ang Hindi Nakikita ng Basta Mata Lamang
ANG maliliit na butil (particle) ng alabok ay lumulutang nang di-nakikita sa hangin. Pagkatapos ay suminag ang liwanag ng araw sa bintana, at ang dating di-nakikita ay karaka-raka nang makikita. Isinisiwalat ng tumatagos na silahis ng liwanag ang mga particle sa paningin ng tao.
Pag-isipan pa ang tungkol sa nakikitang liwanag, na sa basta paningin lamang ay waring puti o walang kulay. Ano ang nangyayari kapag sumikat ang liwanag ng araw sa tamang-tamang anggulo sa maliliit na patak ng tubig? Ang tubig ay nagsisilbing isang prisma, at nakikita natin ang isang bahaghari ng magagandang kulay!
Sa katunayan, sinasalamin ng mga bagay na nakapalibot sa atin ang iba’t ibang wavelength ng liwanag na nakikita ng ating mata bilang kulay. Halimbawa, ang berdeng damo ay hindi siya mismong naglalabas ng berdeng liwanag, kundi, sa halip, tinatanggap nito ang lahat ng wavelength ng nakikitang liwanag maliban sa berde. Ipinaaaninag ng damo ang berdeng wavelength pabalik sa ating mga mata. Sa gayon, sa ating paningin, ang damo ay lumilitaw na berde.
Tinutulungan ng Gawang-Taong mga Instrumento
Nitong nakalipas na mga taon, maraming bagay na di-nakikita ng basta mga mata lamang natin ang nakita sa pamamagitan ng makabagong mga imbensiyon. Maaari nating silipin sa isang ordinaryong mikroskopyo ang waring walang-buhay na patak ng tubig at matutuklasan na ito’y punô ng lahat ng uri ng gumagalaw na mga kinapal. At ang isang hibla ng buhok, na sa normal na paningin ay tila madulas at pantay, ay nakikita na magaspang at baku-bako. Maaaring palakihin nang isang milyong ulit ng napakalakas na mga mikroskopyo ang mga bagay-bagay, ang katumbas ng pagpapalaki sa isang selyo ng koreo na maging kasinlaki ng isang maliit na bansa!
Ngayon, sa paggamit ng mas malalakas na mikroskopyo, ang mga mananaliksik ay nabibigyan ng mga larawan ng kabuuang anyo ng ibabaw ng mga bagay na kasinlalaki ng atomo. Nagpapangyari ito na makita nila kung ano ang kamakailan lamang ay hindi nakikita ng mata ng tao.
Sa kabilang panig naman, maaari tayong tumingala sa kalangitan sa gabi at makita ang mga bituin. Gaano karami? Sa pamamagitan ng basta mata lamang, mga ilang libo lamang sa pinakamarami. Subalit dahil sa pagkakaimbento ng teleskopyo mga 400 taon na ang nakalipas, mas marami pa ang nakita ng tao. Pagkatapos, noong dekada ng 1920, isiniwalat ng isang malakas na teleskopyo sa Obserbatoryo sa Bundok Wilson na may mga galaksi sa dako pa roon ng ating galaksi at na ang mga ito man ay punô ng di-mabilang na mga bituin. Sa ngayon, sa paggamit ng masalimuot na gawang-tao na mga paraan upang masuri ang sansinukob, tinataya ng mga siyentipiko na sampu-sampung bilyong galaksi ang umiiral, marami rito ay binubuo ng daan-daang bilyong bituin!
Talagang kagila-gilalas na isiniwalat ng mga teleskopyo na ang bilyun-bilyong bituin, na lumilitaw na katulad ng galaksi na Milky Way dahil sa tila napakalapit ng mga ito sa isa’t isa, ay magkakahiwalay nang pagkalalayong distansiya. Sa katulad na paraan, natulungan din ng malalakas na mikroskopyo na makita ng basta mata lamang na ang mga bagay na waring solido ay, sa katunayan,
binubuo ng mga atomo na pangunahin nang walang laman na mga espasyo ang kayarian.Ang Ubod Liit na mga Bagay
Ang pinakamaliit na bagay na makikita sa ilalim ng isang ordinaryong mikroskopyo ay binubuo ng mahigit sa sampung bilyong atomo! Gayunman, natuklasan noong 1897 na ang atomo ay may maliliit na umiikot na particle na tinatawag na mga elektron. Nang maglaon, ang nukleo ng atomo, kung saan umiikot ang mga elektron, ay natuklasang binubuo ng mas malalaking particle—ang mga neutron at proton. Ang 88 iba’t ibang uri ng atomo, o mga elemento, na likas na nakikita sa lupa ay karaniwang magkakasinlaki, subalit ang mga ito’y nagkakaiba-iba sa timbang sapagkat ang bawat isa ay binubuo ng sunud-sunod na paraming bilang ng tatlong pangunahing particle na ito.
Ang mga elektron—sa kaso ng atomo ng hidroheno, nag-iisang elektron—ay umiikot sa espasyo sa palibot ng nukleo ng atomo nang bilyun-bilyong ulit sa bawat ikaisang-milyon ng isang segundo, sa gayo’y nagbibigay ng hugis sa atomo at nagpapangyari rito na kumilos na parang solido. Mangangailangan ng halos 1,840 elektron upang matumbasan ang masa ng isang proton o ng isang neutron. Kapuwa ang proton at ang neutron ay mga 100,000 ulit na mas maliit kaysa buong atomo mismo!
Upang magkaroon ng ideya kung gaano kahungkag ang isang atomo, sikaping ilarawan sa isip ang mga nukleo ng isang atomo ng hidroheno kung ihahambing sa atomo ng umiikot na elektron. Kung ang nukleo na iyon, na binubuo ng isang proton, ay kasinlaki ng isang bola ng tenis, ang umiikot na elektron nito ay magiging mga anim at kalahating kilometro ang layo!
Ganito ang komento ng isang ulat hinggil sa ikasandaang selebrasyon ng pagkatuklas sa elektron: “Kaunti ang nagdadalawang-isip tungkol sa pagdiriwang ng isang bagay na hindi naman nakita ng sinuman, na hindi mailarawan ang laki gayunma’y may nasusukat na timbang at karga ng kuryente—at umiikot na parang trumpo. . . . Sa ngayon, walang kumukuwestiyon sa ideya na ang mga bagay na hindi natin kailanman makikita ay talagang umiiral.”
Mas Maliliit Pang Bagay
Ang mga makinang dumudurog ng mga atomo, na may kakayahang maghagis ng mga particle ng materya sa isa’t isa, ay nagpapangyari ngayon sa mga siyentipiko na masulyapan ang loob ng nukleo ng atomo. Bunga nito, maraming particle na may kakatwang-tunog na mga pangalan ang naisulat—mga positron, photon, meson, quark, at gluon, upang banggitin lamang ang ilan. Ang lahat ay di-nakikita, kahit sa pinakamalakas na mga mikroskopyo. Subalit sa paggamit ng mga kasangkapang gaya ng mga cloud at bubble chamber at mga scintillation counter, napansin ang mga bakas ng kanilang pag-iral.
Nakikita na ngayon ng mga mananaliksik kung ano ang dating di-nakikita. Habang ginagawa nila ito, nauunawaan nila ang kahulugan ng pinaniniwalaan nilang apat na pangunahing puwersa—grabidad, puwersang elektromagnetiko, at dalawang puwersang subnuklear na tinatawag na “mahinang puwersa” at “malakas na puwersa.” Ang ilang siyentipiko ay patuloy na nagsasaliksik sa kung ano ang tinatawag na “teoriya ng lahat ng bagay,” na inaasahan nilang magbibigay ng isang nauunawaang paliwanag hinggil sa sansinukob, mula sa malalaking bagay na nakikita ng basta mata lamang hanggang sa pagkaliit-liit na mga bagay.
Anong mga aral ang matututuhan sa pagkakita sa hindi nakikita ng basta mata lamang? At batay sa natutuhan nila, ano ang naging mga konklusyon ng marami? Sinasagot ito ng sumusunod na mga artikulo.
[Mga larawan sa pahina 3]
Mga larawan ng mga atomo ng nickel (itaas) at atomo ng platinum
[Credit Line]
Courtesy IBM Corporation, Research Division, Almaden Research Center