Limampung Taóng Pagpipinta ng Porselana
Limampung Taóng Pagpipinta ng Porselana
AYON SA SALAYSAY NI ALFRED LIPPERT
GUSTO sana ni Inay na ako’y maging isang karpintero. Subalit hinimok siya ng aking guro sa paaralan na ikuha ako ng trabaho sa pagawaan ng porselana na malapit sa bahay namin sa Meissen, Alemanya. Bakit kaya naging mapilit ang aking guro? Napansin ng kaniyang matalas na mata na ako’y may angking talino sa pagguhit. Mahal ko si Inay, ngunit natutuwa ako at napapayag siya ng aking guro. Kaya naman, sa edad na 14, natutuhan kong magpinta ng ilan sa pinakamagagandang yaring-kamay na porselana sa daigdig.
Ang porselana ay halos 300 taon nang ginagawa sa Meissen. Ang unang pagawaan sa Europa na gumagawa ng tunay na porselana ay naitayo rito noong 1710. Makalipas ang mga 30 taon, nagtayo ang pagawaan ng isang paaralan kung saan ang mga kabataan ay maaaring matuto ng sining ng pagpipinta ng porselana. Ang paaralang ito, na bukás pa rin at pinangangasiwaan ng Meissen Porcelain Manufactory, ang lugar kung saan ginawa ko ang aking unang kinakabahang pagguhit bilang isang pintor ng porselana.
Natutuhan ko rin sa paaralang iyon ang mahuhusay na katangian ng pagguhit at pagpipinta ng mga larawan ng bulaklak, punungkahoy, hayop, at mga ibon. Ang kursong ito ang naglatag ng pundasyon para sa aking magiging trabaho.
May Kintab o Walang-Kintab?
Ang porselana ay isang nanganganinag na seramik na maaaring pintahan sa dalawang pangunahing paraan. Ang pagpipinta ay maaaring gawin bago ihalo ang pampakintab sa seramik. Ngunit ang walang-kintab na porselana ay buhaghag at sumisipsip ng kulay, kaya kailangan ang lubusang pag-iingat sa pagpipinta, yamang hindi na maaaring iwasto ang karamihan sa mga mali. Sa kabilang dako naman, ang pintura ay maaaring ipahid matapos na mapakintab ang porselana. Ang pagpipinta ng mga dekorasyong bulaklak sa paraang ito ang aking naging espesyalidad. Ang trabahong ito ay hindi lamang nagsasangkot ng pagpipinta kundi ng pagdidisenyo rin naman sa bawat porselana ng iba’t ibang pumpon ng bulaklak. Kaya ang pintor, palibhasa’y marunong nang magtuon ng pansin at umiwas sa mga abala, ay natututong gumamit ng kaniyang imahinasyon upang makagawa ng isang bagay na maganda.
Pagkatapos ng pagpipinta ng mga dekorasyong bulaklak sa loob ng ilang taon, sa wakas ay umasenso ako tungo sa pinakamahirap na kategorya sa lahat—ang pagpipinta ng mga larawan ng buháy na mga kinapal. Dito ko napakinabangan nang husto ang aking pag-aaral noon ng pagpipinta ng mga hayop at mga ibon.
Isang Pinakakapana-panabik na Hamon
Ang pagpipinta ng mga hayop, isda, at mga ibon ay naghaharap ng kapana-panabik na hamon sapagkat bawat kinapal ay dapat na magmukhang buháy, hindi nakatigil na gaya ng isang bulaklak o isang punungkahoy. Dapat na may kabatiran ang pintor sa kayarian at sa mga ugali ng mga hayop at mga ibon na kaniyang ipinipinta. Halimbawa, marami sa mga tanawin na aking isinasalarawan ay nagtatampok ng mga hayop sa iláng, lakip na ang mga lalaking usa na may napakalalaking pares ng sungay.
Sa pag-aaral ng tungkol sa mga hayop, wala nang tatalo pa sa personal na pagmamasid. Ilang taon na ang nakalilipas, binalak kong ipinta ang isang serye ng mga larawan ng isda, kaya bumili ako ng isang akwaryum na pambahay at nilagyan iyon ng lahat ng uri ng isda. Kaming mag-asawa ay umuupo noon sa tabi ng tangke ng isda sa loob ng mahahabang oras, habang pinagmamasdan ang mga galaw at ugali ng bawat uri ng isda. Matapos kong mapag-aralan ang mga ito sinimulan ko na ang pagpipinta.
Paano Nagiging Isang Magaling na Pintor?
Kung minsan ay tinatanong ako ng aking mga kaibigan kung paano nagiging isang magaling na pintor ng porselana. Maliwanag, ang pintor ay kailangang magkaroon ng artistikong talino, matalas na mata, at matatag na kamay. Subalit hindi lamang iyan. Upang magtagumpay bilang isang pintor, ang isang tao ay dapat na may tamang saloobin sa kaniyang sarili, sa kaniyang gawa, at sa ibang tao. Ang isang mahusay na pintor ay isang bihasang manggagawa na sinasanay ang sarili upang magsikap na mapasulong pa ang kaniyang kakayahan. Alam niya na ito’y alinman sa gamitin mo o iwala mo. Hindi siya tumitigil na matuto, sapagkat nakikinig siya sa sinasabi ng iba at tumatanggap ng kanilang payo.
Pinakahuling punto. Alam na alam ng makaranasang pintor ang mga hilig ng parokyano. Ayaw ng mga taong bumibili ng porselana ang isang pang-araw-araw na bagay na sandaling itatago at pagkatapos ay itatapon at papalitan. Ang gusto ng parokyano ay isang likhang sining, isang bagay na may halagang pangkultura—isang bagay na tatawag ng pansin, magpapasigla sa puso, at magpapataas sa kalidad ng buhay ng may-ari nito. Nalulugod ang pintor na magkaroon siya ng bahagi sa pagbibigay-kasiyahan sa mga naising iyon.
Ang Pagpipinta ay Umaakay Tungo sa Pananampalataya sa Diyos
Ang aking trabaho bilang isang pintor ang nagpasigla sa akin upang suriin ang Bibliya at magkaroon ng matatag na pananampalataya sa Diyos. Paano? Buweno, paminsan-minsan ay nakakasama ko sa trabaho ang mga eksperto sa ibon, anupat gumuguhit at nagpipinta ng mga ilustrasyon para sa mga aklat na ginagawa nila. Nang nagpapasimula ako sa paggawa ng gayong mga ilustrasyon, naniniwala pa ako noon sa ebolusyon. Subalit ang pakikipagdaupang-palad sa ilang awtor ay umakay sa pakikipag-usap hinggil sa pinagmulan ng buhay. At binago ng pakikipag-usap na iyan ang aking pananaw.
Ang nakapagpagising sa akin ay na bagaman ang mga eksperto ay pawang naniniwala sa ebolusyon, bawat isa’y may sariling teoriya, na kadalasa’y kontra naman sa ibang mga eksperto. Sa abot ng aking unawa, iba-iba ang teoriya sa ebolusyon. Kaya nga, natiyak ko na kung ang mga eksperto ay hindi magkaisa sa iisang paliwanag para sa ebolusyon, paano pa magagawa ito ng iba? Bilang resulta, nawala ang paniniwala ko sa ebolusyon. Ang tanging maipapalit sa ebolusyon ay na ang buhay sa lupa ay bunga ng paglalang. Dito nagsimula ang aking paniniwala sa ating Maylikha.
Tuwang-tuwa ako na ang mga tao’y nakadarama ng kaluguran sa aking gawa, at ito’y nakasisiya sa akin. Hindi kailanman magmamaliw ang aking pag-ibig sa pagpipinta ni ang aking pag-ibig sa porselana.
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Mga larawan sa pahina 16 at 17: Mit freundlicher Genehmigung der Staatlichen Porzellan-Manufaktur Meissen GmbH