Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Pakikitunguhan ang Seksuwal na Panliligalig?
“Sumisipol ang mga lalaki at humihiyaw.”—Carla, Ireland.
“Paulit-ulit kang tatawagan ng mga babae sa telepono. Pipilitin ka nila hanggang sa bumigay ka.”—Jason, Estados Unidos.
“Palagi niyang hinahaplos ang aking braso at pinipilit hawakan ang aking kamay.”—Yukiko, Hapon.
“Nagpapahiwatig ang mga komento ng mga babae sa akin.”—Alexander, Ireland.
“Isang lalaki ang palaging sumisigaw ng kung anu-ano sa akin sa school bus. Ayaw naman niya talagang makipag-date sa akin. Nililigalig lamang niya ako.”—Rosilyn, Estados Unidos.
ISANG malagkit na titig, isang “papuri” na may seksuwal na pahiwatig, isang malaswang biro, isang hayagang seksuwal na paghipo—ang gayong pakikitungo, kapag di-ninanais at paulit-ulit, ay kadalasang katumbas ng tinatawag na seksuwal na panliligalig. Bagaman mahirap makuha ang pangglobong mga estadistika, ipinakikita ng mga pagsusuri na karamihan sa mga kabataan sa Estados Unidos na nasa edad na para mag-aral ay nakaranas na nito.
Ano nga ba ang seksuwal na panliligalig? Ang aklat na Coping With Sexual Harassment and Gender Bias, ni Dr. Victoria Shaw, ay nagbibigay-katuturan dito bilang “panggugulo sa iba sa isang seksuwal na paraan . . . Maaaring ito’y pisikal (gaya ng paghipo sa iba sa seksuwal na paraan), berbal (gaya ng paggawa ng di-ninanais na komento tungkol sa hitsura ng isa), o kaya’y di-berbal.” Kung minsan, kasali sa panliligalig ang malalaswang mungkahi.
Malamang na ang karamihan sa panliligalig sa paaralan ay gawa ng iyong mga kaedad. Gayunman, sa ilang mga kaso, ang nakasusuyang paggawi ay nanggagaling sa mga adulto, tulad ng mga guro. Ipinagpapalagay ng isang artikulo sa magasing Redbook na ang napakaliit na bilang ng mga guro na aktuwal na nahatulan dahil sa seksuwal na mga pagkakasala ay “malamang na kumakatawan lamang sa napakaliit na porsiyento ng aktuwal na bilang ng mga may sala.”
Ang mga babae—at kung minsan ang mga lalaki—ay nakaranas ng gayong masamang pagtrato kahit noon pa mang kapanahunan ng Bibliya. (Genesis 39:7; Ruth 2:8, 9, 15) At binanggit ng Bibliya ang ganitong nakalulumbay na hula: “Magkakaroon ng mahihirap na panahon sa mga huling araw. Ang mga tao’y magiging makasarili, masakim, mayayabang, at palalo; sila’y mang-iinsulto . . . ; sila’y magiging di-mabait, walang-awa, maninirang-puri, mararahas, at mabagsik.” (2 Timoteo 3:1-3, Today’s English Version) Kaya posible, malamang pa nga, na ikaw mismo’y mapaharap sa seksuwal na panliligalig.
Pangmalas ng Diyos
Totoo, hindi lahat ng kabataan ay nababagabag ng mapusok na paggawing seksuwal. Baka
itinuturing ito ng iba na nakatutuwa—o kaya’y pambobola pa nga. Ipinakita ng isang nakababahalang pagsusuri sa Estados Unidos na sa mga biktima ng seksuwal na panliligalig, 75 porsiyento ang umamin na sila mismo’y nanligalig din sa iba. Maaaring palalain ng ilang mga adulto ang problema sa pamamagitan ng di-pagpansin sa kaselangan ng mapusok na paggawing seksuwal, anupat binabale-wala ito na parang eksperimento lamang ng mga bata. Nguni’t paano ito minamalas ng Diyos?Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay maliwanag na humahatol sa lahat ng uri ng seksuwal na panliligalig. Sinasabihan tayo na huwag “manghimasok sa mga karapatan” ng iba sa pamamagitan ng paglabag sa mga seksuwal na hangganan. (1 Tesalonica 4:3-8) Sa katunayan, espesipikong inuutusan ang mga kabataang lalaki na ituring ang “mga nakababatang babae gaya ng sa mga kapatid na babae nang may buong kalinisan.” (1 Timoteo 5:1, 2) Karagdagan pa, hinahatulan ng Bibliya ang “malaswang pagbibiro.” (Efeso 5:3, 4) Samakatuwid, may karapatan ka na makaramdam ng galit, pagkabalisa, pagkalito, at kahit pa nga panghahamak, kapag ikaw ay nililigalig!
Ano ang Aking Sasabihin?
Kung gayon, paano ka kikilos kapag may nanggugulo sa iyo sa ganitong paraan? Kung minsan, ang isang mahina o malabong tugon ay lalo lamang magpapaibayo sa pagsisikap ng nanliligalig. Sinasabi sa atin ng Bibliya na nang magmungkahi kay Jose ang asawa ng kaniyang pinaglilingkuran, hindi niya siya basta ipinagwalang-bahala. Sa halip, matatag na tinanggihan niya ang kaniyang mahalay na mga pang-aakit. (Genesis 39:8, 9, 12) Sa ngayon, ang pagiging matatag at tuwiran ang siya pa ring pinakamagaling na paraan para mahadlangan ang panliligalig.
Totoo, maaaring hindi sinasadya ng manggugulo na galitin ka. Baka ang inaakalang panliligalig ay isa lamang palang magaspang na pagtatangkang pukawin ang iyong pansin. Kaya huwag mong isipin na kailangang maging magaspang ka rin upang mahinto ang di-kanais-nais na pagsasamantala. Ang basta pagsasabi lamang ng, ‘Hindi ko gusto ang ganiyang pananalita’ o, ‘Pakialis mo ang kamay mo’ ay maaaring sapat na upang maintindihan ang iyong niloloob. Kung paano mo man iyon sasabihin, huwag mong pagagaanin ang ibig mong ipabatid. Hayaang ang iyong hindi ay mangahulugang hindi! Ganito ang sabi ng kabataang si Andrea: “Kapag hindi nila maintindihan ang iyong mabait na pagpaparamdam, dapat na deretsahin mo na sila. Madalas na nauuwi sa ganoon.” Ang isang matatag na ‘Tama na!’ ay maaaring maging mabisa.
Kung sakaling lumala ang situwasyon, huwag subuking lutasin ang mga bagay-bagay nang ikaw lamang. Sikapin mong ipakipag-usap ito sa iyong
mga magulang o sa iba pang maygulang na mga adulto. Baka mayroon silang praktikal na mga mungkahi kung paano haharapin ang situwasyon. Bilang huling kalutasan, baka madama pa nga nilang kailangang kausapin ang mga namamahala sa paaralan. Bagaman tila nakahihiya ang iyong gagawin, ito’y maaaring magsanggalang sa iyo sa higit pang pambibiktima.Pag-iwas sa Panliligalig
Mangyari pa, ang pinakamagaling ay iwasang mabiktima sa pasimula pa lamang. Ano ang maaaring makatulong hinggil dito? Ipinapayo ni Andrea: “Huwag kailanman magbigay ng pahiwatig na para kang interesado. Mababalitaan ito ng iba, at magpapatuloy ang panggigipit.” Malaki ang nagagawa ng iyong paraan ng pananamit. Sabi ng kabataang si Mara: “Hindi ako nagdadamit tulad ng isang lola, subalit iniiwasan ko ang mga damit na itinatawag ng pansin ang aking katawan.” Ang pagtanggi sa seksuwal na mga pagsasamantala samantalang nagsusuot naman ng mga damit na nakapupukaw sa sekso ay maaaring magbigay ng nakalilitong impresyon. Inirerekomenda ng Bibliya ang pananamit “na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.”—1 Timoteo 2:9.
Ang iyong napiling mga kaibigan ay nakaaapekto rin sa kung paano ka pakikitunguhan. (Kawikaan 13:20) Napansin ni Rosilyn: “Kapag gusto ng ilan sa mga babae sa grupo na mapansin sila ng mga lalaki, maaaring isipin ng mga lalaki na lahat ng mga babae sa grupo’y magkakatulad ang nadarama.” Ganiyan din ang sabi ni Carla: “Kapag nakikisama ka sa mga nagpaparahuyo sa mga papuri o mahilig magpapansin, kung gayon ay liligaligin ka rin.”
Binabanggit ng Bibliya ang isang kabataang babae na nagngangalang Dina na nakisama sa mga babae mula sa Canaan—kung saan kilala ang mga babae sa kanilang imoral na paggawi. Ito’y humantong sa paghalay sa kaniya. (Genesis 34:1, 2) May mabuting dahilan na sabihin ng Bibliya: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng mga taong marurunong.” (Efeso 5:15) Oo, ang pagiging “mahigpit” sa kung paano ka manamit, magsalita, at sa kung kanino ka nakikisama ay malaki ang magagawa upang maipagsanggalang ka sa panliligalig.
Gayunman, para sa mga kabataang Kristiyano, isa sa pinakamabisang paraan para mahadlangan ang panliligalig ay basta ipaalam lamang sa iba ang iyong relihiyosong paninindigan. Naalaala ng kabataang si Timon, isa sa mga Saksi ni Jehova: “Alam ng mga kabataan na ako’y isang Saksi, kaya iyan ang nagpahinto sa halos lahat ng panliligalig.” Napansin ni Andrea: “Malaki ang nagagawa kapag sinabi mong isa kang Saksi. Matatanto nila na iba ka sa kanila sa maraming paraan at na may mahigpit kang mga pamantayang moral.”—Mateo 5:15, 16.
Kapag Ikaw ay Nililigalig
Kahit na anong pagsisikap mo, hindi mo lubusang matatakasan ang mga magaspang at abusadong tao. Pero kung biktima ka ng isang nanliligalig, walang dahilan para pahirapan ang iyong sarili sa pagkadama ng pagkakasala—hangga’t gumagawi kang tulad ng isang Kristiyano. (1 Pedro 3:16, 17) Kapag nababagabag ang iyong damdamin dahil sa situwasyon, magpatulong ka sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa iyong mga magulang o sa mga maygulang sa Kristiyanong kongregasyon. Inaamin ni Rosilyn na mahirap malugod sa iyong sarili kapag nililigalig ka. “May makasama ka lamang,” sabi niya, “isa na makakausap mo, ay talagang makatutulong na.” Tandaan din na “si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya.”—Awit 145:18, 19.
Ang paninindigan laban sa masamang pagtrato ay hindi madali, ngunit sulit naman. Halimbawa, isaalang-alang ang ulat ng Bibliya tungkol sa isang kabataang babae mula sa Sunem. Bagaman hindi naman talaga siya niligalig na gaya ng karaniwang pagkaunawa sa ginagamit na termino ngayon, nakaranas siya ng di-kanais-nais na mga pagsasamantala mula kay Solomon, ang mayaman at makapangyarihang hari ng Juda. Dahil sa may mahal siyang ibang lalaki, kaniyang tinanggihan ang gayong mga pagsasamantala. Maaari niyang sabihin kung gayon nang may pagmamalaki, “Ako ay isang pader.”—Awit ni Solomon 8:4, 10.
Ipakita mo rin ang gayong katatagan sa moral at tibay ng loob. Maging isang “pader” kapag napapaharap sa di-kanais-nais na mga pagsasamantala. Gawing malinaw ang iyong paninindigang Kristiyano sa lahat ng kasama mo. Sa paggawa nito, maaari kang manatiling “walang kapintasan at inosente” at magkaroon ng pagtitiwala na pinaluguran mo ang Diyos.—Filipos 2:15. *
[Talababa]
^ par. 27 Ang karagdagang payo tungkol sa seksuwal na panliligalig ay inilalaan sa mga isyu ng Gumising! ng Mayo 22, 1996; Agosto 22, 1995; at Mayo 22, 1991.
[Larawan sa pahina 26]
Ang hayagang pagsasabi tungkol sa iyong mga paniniwalang Kristiyano ay maaaring maging isang sanggalang
[Larawan sa pahina 26]
Sa pamamagitan ng hindi pakikisama sa maling grupo, maaari mong maiwasan ang panliligalig