Lindol!
Lindol!
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA TAIWAN
“Nakahiga akong nagbabasa sa aking apartment sa ika-siyam na palapag sa Taipei nang ang mga ilaw ay nagsimulang lumabo. Pagkatapos ay nagsimulang gumalaw ng malakas ang kuwarto. Para bang sinunggaban ng isang halimaw ang gusali at niyayanig ito sa magkabi-kabila. Nang marinig kong may nagbabagsakan sa palapag sa itaas, agad akong nagtago sa ilalim ng mesa dahil natakot akong baka bumagsak ang kisame. Waring walang katapusan ito.”—Isang peryodista na naninirahan sa Taiwan.
LINDOL. Ang basta pagbanggit lamang ng salitang iyan ay pumupukaw ng takot, at nitong kamakailan baka naririnig mo ang salitang ito sa nakababahalang dalas. Ayon sa U.S. Geological Survey, higit sa karaniwang bilang ng matitinding lindol ang naganap noong 1999, at ang bilang ng mga namatay bilang resulta ay doble sa taunang aberids.
Ang pinakamalaking lindol ng 1999 ay naganap sa Taiwan, kung saan nagtatagpo ang dalawang pangunahing plate ng kontinente ng pang-ibabaw ng lupa. Lahat-lahat, mayroong 51 linya ng fault ang bumabagtas sa Taiwan. Samakatuwid, hindi katakataka na mga 15,000 lindol ang iniuulat dito taun-taon. Gayunman, ang karamihan sa kanila ay napakahina para maramdaman.
Hindi gayon noong Setyembre 21, 1999. Noong 1:47 n.u., ang Taiwan ay niyanig ng isang lindol na napakalakas anupat tinawag ito ni Presidente Lee Teng-hui na “pinakamatinding lindol ng isla sa loob ng isang siglo.” Tumagal lamang ito ng 30 segundo pero naitala na 7.6 sa Richter scale. * Ang lalim ng lindol ay mahigit na isang kilometro lamang, at ang pagiging mababaw nito ang nagpangyaring lubos na maramdaman ang mga epekto nito. “Nagising ako sa matinding pagyanig,” sabi ni Liu Xiu-Xia, na naninirahang malapit sa pinakasentro ng lindol. “Nagtumbahan ang mga kagamitan, at maging ang ilaw sa kisame ay bumagsak. Hindi ako makalabas dahil ang pinto ay nabarahan ng bumagsak na mga bagay at basag na salamin.” Si Huang Shu-Hong, na nahulog sa kama dahil sa lindol, ay napaharap naman sa naiibang hamon. “Biglang nawalan ng kuryente, kaya napakadilim,” sabi niya. “Lumabas akong pasuray-suray at nagpalipas ng gabi sa daan kasama ang mga kapitbahay. Tila hindi na hihinto sa paggalaw ang lupa.”
Mga Pagsisikap sa Pagsagip
Nang magbukang-liwayway ay nakita ang mga epekto ng lindol. Mga 12,000 istruktura, mula sa mga bahay na isang-palapag hanggang sa matataas na mga gusaling apartment, ang bumagsak. Habang kumakalat ang balita tungkol sa sakuna, ang mga espesyalista sa pagsagip mula sa 23 bansa ay dumating sa Taiwan para tulungan ang lokal na mga boluntaryo. Marami pa ring biktima ang nakulong sa mga guho.
Ang unang 72 oras pagkatapos ng isang sakuna ay mahalaga sa paghahanap ng mga buhay pa, pero sa kasong ito napaharap ang mga sumasagip sa ilang di-inaasahang pangyayari. Halimbawa, isang anim-na-taóng gulang na batang lalaki ang nasagip matapos makulong nang 87 oras. At sa Taipei, habang gumagamit ang mga nagtatrabaho ng malalaking makina para alisin ang mga labí ng isang bumagsak na 12-palapag na gusaling tirahan, isang kabataang lalaki ang biglang lumitaw. Siya at ang kaniyang kapatid na lalaki ay nakulong sa loob nang mahigit na limang araw, at pareho silang nakaligtas sa matinding kalagayan!
Gayunman, nakalulungkot na hindi kayang iligtas ang lahat, at ang mga sumasagip ay napaharap sa mga nakalulumbay na pangyayari. Halimbawa, isang lider ng grupo ang may paghihinagpis na nagsabi: “Narinig namin ang isang bata na umiiyak sa loob ng nakalipas na walong oras. Pero huminto ito.” Sa katapusan, tumaas sa 2,300 ang bilang ng mga namatay sa Taiwan, at mahigit na 8,500 katao ang napinsala.
Pagharap sa Resulta
Isang malawakang pagsisikap ang pinasimulan para paglaanan ng tirahan ang daan-daang libong
tao na nawalan ng tahanan dahil sa lindol. Noong una, ang ilang biktima ay nag-aalangan na bumalik sa loob ng bahay. Mauunawaan naman ito, dahil sa loob ng sampung araw pagkatapos ng unang pagyanig, halos 10,000 kasunod na mga pagyanig ang naitala! Isa sa mga ito ay naitalang 6.8 sa Richter scale, na nagpabagsak sa ilang gusaling humina na.Gayunman, nagpatuloy ang pagtulong. Ang ilang organisasyon na hindi mula sa gobyerno—kabilang ang banyagang mga grupo sa pagsagip, ang grupong Budista na Tzu Chi, at mga bombero—ay naglaan ng kanilang panahon at kakayahan sa napapaharap na gawain. Kasangkot din sa gawaing pagtulong ang mga Saksi ni Jehova. Sa espiritu ng payo ng Bibliya sa Galacia 6:10, mayroon silang dalawang tunguhin. Nais nilang (1) maglaan para doon sa kanilang mga kapananampalataya at (2) gumawa ng mabuti sa lahat, kasama na ang mga hindi nakikiisa sa kanilang mga paniniwala.
Sa katapusan ng unang araw, nagdala ang mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng trak nang pagkain, tubig, mga tolda, at kagamitan sa pagluluto sa labas ng bahay. Yamang lahat ng sistemang pangkomunikasyon ay nasira, ang matatanda mula sa anim na kongregasyon sa apektadong lugar ay nagsama-sama at nagsikap na hanapin ang mga kapuwa Saksi at ang kanilang mga kamag-anak gayundin ang mga estudyante sa Bibliya at mga taong interesado. Ang mga Saksing nawalan ng bahay ay pinasiglang magkampo nang magkakasama upang ang lahat ay maasikasong mabuti at madaling masumpungan. Ang naglalakbay na mga tagapangasiwa at mga miyembro ng Branch Committee sa Taiwan ay dumalaw sa bawat grupo at kongregasyon upang magbigay ng pampatibay-loob.
Ang sumunod na hakbang ay ang pagkukumpuni sa mga bahay at mga Kingdom Hall na nasira. Ang bawat kongregasyon ay gumawa ng listahan ng mga nangangailangan ng tulong. Pagkatapos, sa ilalim ng pangangasiwa ng Regional Building Committee, ipinadala ang mga grupo ng mga boluntaryo upang gumawa ng mga kinakailangang pagkukumpuni. Sa loob ng isang buwan pagkatapos ng lindol, natapos ang trabaho.
Tumulong din ang mga Saksi ni Jehova sa mga kapitbahay na di-Saksi. Halimbawa, ang mga Saksi ay dumalaw sa mga ospital at mga komunidad na naka-tolda para magbigay ng kaaliwan. Namahagi rin sila ng mga photocopy ng artikulong “Likas na mga Sakuna—Pagtulong sa Iyong Anak na Harapin Ito,” na inilathala sa Hunyo 22, 1996, isyu ng Gumising! Maraming tao ang nalugod na tanggapin ang impormasyong ito at agad na sinimulang basahin ito. Habang binubuksan ang mga daan, nagpadala ang mga Saksi ni Jehova ng mga trak ng mga panustos sa mga liblib na lugar na bulubundukin na matinding naapektuhan ng lindol.
Natatanto ng mga nag-aaral ng Bibliya na matagal nang inihula na ang mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay ay makikilala sa pamamagitan ng “mga lindol sa iba’t-ibang dako.” (Mateo 24:7) Ngunit naglalaan din ang Bibliya nang katiyakan na di-magtatagal, sa ilalim ng mapayapang pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ang sangkatauhan ay hindi na mabubuhay sa takot dahil sa likas na mga kasakunaan. Sa panahong iyon ang lupa ay tunay na magiging isang paraiso.—Isaias 65:17, 21, 23; Lucas 23:43.
[Talababa]
^ par. 6 Sa kabilang dako, ang nangyaring kalunos-lunos na lindol sa Turkey noong Agosto 1999 ay nagtala ng 7.4, pero kumitil ito ng buhay ng hindi bababa sa pitong beses ang dami kung ihahambing sa nangyari sa Taiwan.
[Mga larawan sa pahina 26]
Nagdaos ang mga Saksi ni Jehova ng kanilang mga pulong habang naninirahan sa mga kampo
[Larawan sa pahina 27]
Winasak ng lindol ang maraming daan
[Credit Line]
San Hong R-C Picture Company
[Picture Credit Line sa pahina 25]
San Hong R-C Picture Company
[Picture Credit Line sa pahina 27]
Seismogram on pages 2, 25-27: Figure courtesy of the Berkeley Seismological Laboratory