Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Huling Balita Tungkol sa Pagkagutom sa Daigdig
“Tinataya ng The World Health Organization (WHO) na humigit-kumulang na kalahati ng populasyon sa lahat ng bansa—mayaman at mahirap—ang sa anumang paraan ay kumakain ng di-masustansiyang pagkain,” pag-uulat ng State of the World 2000. Tinatayang 1.2 bilyon katao sa buong daigdig ang dumaranas ng malnutrisyon. Bukod diyan, ilang bilyon pang mga tao ang sinasabing dumaranas ng ‘lihim na pagkagutom,’ na tumutukoy sa mga taong sa wari’y sapat namang pinakakain subalit mahihina dahil sa kakulangan ng kinakailangang bitamina at mineral. “Patuloy ang maling palagay na ang pagkagutom ay resulta ng kakulangan ng suplay ng pagkain,” sabi ng Worldwatch Institute, na gumagawa ng taunang State of the World na ulat. “Ang katotohanan ay na ang pagkagutom ay produkto ng kagustuhan ng tao . . . Alinman sa kung ang mga tao ay may disenteng ikinabubuhay, anong posisyon ang ipinagkakaloob sa mga kababaihan, at kung ang mga pamahalaan ay may pananagutan sa kanilang mamamayan—ang mga ito ay makapupong mas mabisa sa kung sino ang kumakain at kung sino ang hindi kaysa sa nagagawa ng produkto ng agrikultura ng isang bansa.”
Pagpapatiwakal sa Pransiya
“Tatlumpung porsiyento ng mga adultong Pranses ang nakapag-isip nang magpatiwakal,” pag-uulat ng pahayagang Le Monde. Sa mga tinanong sa unang surbey na naisagawa na may kinalaman sa pagpapatiwakal sa Pransiya, 13 porsiyento ang nagsabi na seryosong napag-isipan na nila na magpatiwakal at 17 porsiyento naman ang nagtapat na pahapyaw na napag-isipan nila ang tungkol dito. Gayunman, ayon kay Michel Debout, propesor sa forensic medicine sa ospital ng unibersidad sa Saint-Étienne, ang tunay na bilang ay mas mataas, yamang inililihim ng marami ang gayong pag-iisip dahil sa pang-uusig ng budhi. Minamalas ng karamihan sa mga sinurbey ang pagpapatiwakal bilang “isang gawa ng kawalan ng pag-asa” na dulot ng mga suliraning panlipunan sa halip ng mga kalagayang pampamilya. Bawat taon, 160,000 ang nagtatangkang magpatiwakal sa Pransiya at humigit-kumulang na 12,000 ang namamatay dahil sa pagpapatiwakal.
Relihiyong à la Carte
Ipinakikita ng pag-aaral ng tagasurbey na si George Gallup, Jr., na minamalas ng karamihan sa mga tao sa Estados Unidos ang relihiyon bilang “pinaghalu-halong ensalada.” Sa halip na sundin ang “mga sistema ng tradisyunal na paniniwala, ang mga Amerikano[ng taga-Hilaga] ay ‘pumipili at humihirang’ ng gusto nilang paniwalaan, na kadalasa’y pinaghahalo ang mga ideya mula sa isang relihiyon o pinagsasama ang dalawa o higit pang relihiyon tungo sa isang sistema ng personal na paniniwala,” pag-uulat ng pahayagang National Post sa Canada. Isinisiwalat din ng pag-aaral na “maliwanag na nakikita ang kawalan ng kaalaman tungkol sa Bibliya, sa saligang mga doktrina at mga tradisyon ng sariling relihiyon ng isa” at na “kadalasa’y panlabas lamang ang ipinakikitang pananampalataya, para sa mga taong hindi nakaaalam kung ano ang kanilang pinaniniwalaan o kung bakit nila pinaniniwalaan,” sabi ng pahayagan. Sinabi naman ni Reginald Bibby, isang propesor sa sosyolohiya sa University of Lethbridge, Alberta, Canada: “Ang napakalaking karamihan ay patuloy na nakikiisa sa nangingibabaw na mga tradisyon ng Katoliko at Protestante, subalit pihikang pumipili ng mga paniniwala, gawain, at propesyonal na mga serbisyo—gaya ng binyag, kasal at libing.”
Kape at Lason
Ayon sa kamakailang pagsasaliksik, naaalis ng kape mula sa tubig-gripo ang “78 hanggang 90 porsiyento ng natunaw na mabibigat na metal, gaya ng tingga at tanso, sapagkat ang butil ng kape, na may mga molekulang walang karga o negatibo ang karga, ay humihigop sa positibo ang karga na mabibigat na metal,” pag-uulat ng pahayagang Australian. “Habang tumatapang ang kape, lalong nagiging madali ang pag-aalis,” sabi ng pangkapaligirang kimiko na si Dr. Mike McLaughlin. Gayundin ang ginawang pag-eeksperimento sa mga bag ng tsa, subalit bagaman sangkatlo ng tingga ang naaalis ng tsa, sa wari’y walang gaanong epekto ito sa tanso.
Snowman sa Panahon ng Sabbath?
Ang malakas na pag-ulan ng niyebe sa Israel noong nakaraang taglamig ay nagharap ng mahirap na mga tanong sa lokal na mga Ortodoksong Judio: Puwede kayang magbatuhan ng snowball kung Sabbath? Kumusta naman ang paggawa ng isang snowman? Ayon sa serbisyo ng pagbabalita na IsraelWire, ang dating punong rabbi ng Israeli na si Mordehai Eliyahu ay gumawa ng ilang panuntunan para sa mga mananamba na hindi nakatitiyak kung ano ang pinahihintulutan at kung ano ang hindi. Ipinaliwanag
ng rabbi na ang paggawa ng snowman ay “pagtatrabaho,” kahit na iyon ay katuwaan lamang. Kaya naman ang gawaing ito ay sakop sa mga ipinagbabawal sa panahon ng Sabbath. Sa kabilang dako naman, ang pagbabatuhan ng niyebe ay hindi nagsasangkot ng pagtatrabaho at sa gayon ay ipinahihintulot. Subalit, may isang kondisyon. Lahat ng kasali ay dapat na nagkasundong maglaban, na hindi isinasama dito ang pagbato sa mga nagdaraan.Nakagagawa ba ng mga Bagong Selula ng Nerbiyo ang Utak ng Adulto?
“Sa loob ng mga dekada, karaniwan nang ipinalalagay na ang mga tao’y ipinanganak na taglay ang lahat ng mga selula ng nerbiyo na matataglay nila,” sabi ng The New York Times. Kahit noon pa mang 1965, ipinakita ng mga eksperimento sa ilang hayop na ang kanilang utak ay gumagawa ng mga bagong selula ng nerbiyo, maraming neurologo ang naniniwala na ito’y hindi nangyayari sa mga tao. Gayunman, noong nakaraang dekada, lumitaw ang patotoo na ang utak ay gumagawa ng mga bagong selula ng nerbiyo at maaaring ito’y nagbabago sa ganang sarili. Nitong nakaraang taon, natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga bagong selula ay nabuo sa isang bahagi ng utak ng tao na may kinalaman sa pangmaikliang-panahong memorya. Naniniwala ngayon ang ilang siyentipiko na “maaaring inaayos ng utak ang sarili nito sa lahat ng panahon.”
May Kaugnayan sa Pang-aabuso sa Bata ang Matinding Kaigtingan
“Ang mga babae na pisikal at seksuwal na inabuso noong mga bata pa ay maaaring habang-buhay na magkaroon ng maling pagtugon sa kaigtingan,” pag-uulat ng The Dallas Morning News. Pinaghambing ng mga mananaliksik sa Emory University sa Atlanta ang mga antas ng hormone sa kaigtingan at tibok ng puso ng mga babaing inabuso at ng mga babaing di-inabuso, habang ang mga babae ay nagtatrabaho nang mabigat. Yaong dumanas ng pang-aabuso noong bata pa ay nagpakita ng mataas na antas ng hormone sa kaigtingan at mas mabilis na tibok ng puso dulot ng kaigtingan. Ipinalagay ng mga mananaliksik na “baka magkaroon ng permanenteng biyokemikal na pagkakagulo sa paraan ng pagtugon at pagsasaayos ng kanilang katawan sa kaigtingan,” sabi ng pahayagan.
Mabibigat na Backpack
Ipinakita ng pag-aaral na ginawa ng American Academy of Orthopedic Surgeons na may malapit na kaugnayan ang pangingirot ng likod at balikat ng mga bata at ang mabibigat na backpack na dinadala ng ilang bata. Matapos lagyan ang kanilang mga backpack ng mga aklat-pampaaralan, pagkain at maiinom, mga instrumento sa musika, at pamalit na damit, ang ilang bata ay bumubuhat ng mga kargada na may bigat na 18 kilo. Nagbababala ang mga pediatrician na darating ang panahon na ang mga batang mág-aarál sa elementarya ay magkakaroon ng malulubhang problema sa likod, kasali na ang pagbaluktot ng gulugod, kung araw-araw na bubuhatin nila ang gayong kabigat na kargada patungo sa paaralan. Iminumungkahi ng ilang espesyalista sa mga prinsipal at mga guro na ang bigat ng mga backpack na dinadala ng mga estudyante ay katumbas ng di-hihigit sa 20 porsiyento ng bigat ng katawan ng bata o na ang mga backpack ay dapat na “de-gulong, may sinturon para sa mga balakang, at may malambot na sapin sa likod,” pag-uulat ng pahayagang Excelsior sa Mexico City.
Alak—Tatlong Siglo ang Edad
Dalawang bote ng alak ang natuklasan sa gumuhong gusali sa London na nawasak noong 1682, pag-uulat ng The Times sa London. Nabulok na ang tapón ng isa, at naging sukà na ang alak sa loob nito; subalit napanatili naman ng isang tapón, na nakapasak pa rin dahil sa kawad at pagkit, ang napakahigpit na pagkakasara nito. Sa isang pantanging pagtikim ng alak na itinanghal ng Museum of London, tinikman ng mga eksperto sa alak ang siglo-siglong edad na alak na sinipsip mula sa bote sa pamamagitan ng isang heringgilya. Ipinalagay nila na malamang na dry Madeira ito, at ipinahayag nila na ang lasa nito’y “sariwa, suwabe, bumubula-bula at balanseng-balanse.”
Namimiligro ang mga Ilog ng Daigdig
“Mahigit sa kalahati ng malalaking ilog sa daigdig ang natutuyo o narurumhan,” pag-uulat ng pahayagang USA Today. Maraming agusan ng tubig ang “malubhang natutuyo at narurumhan” dahil sa labis at maling paggamit sa lupa at tubig, sabi ng World Commission on Water for the 21st Century. Ang pagpaparumi sa mga likas na yamang ito ay “nagbabanta sa kalusugan at kabuhayan ng mga tao na umaasa sa mga ito para sa irigasyon, inumín at industriya,” sabi ng komisyon. Kapansin-pansin, sa 500 malalaking ilog sa buong daigdig, ang dalawang “pinakamalusog” na ilog ay ang Amazon sa Timog Amerika at ang Congo sa Aprika. Ang dahilan? “Walang gaanong sentro ng industriya na malapit sa mga pampang ng dalawang ito,” sabi sa ulat.