Matalino Bang Mamuhunan sa Stock Market?
Matalino Bang Mamuhunan sa Stock Market?
“Maraming tao ngayon ang namumuhunan sa stock market.”—Newsweek, Hulyo 5, 1999.
ANG kinaroroonan mismo ng tradisyunal na stock exchange o palitan ng stock ay parang isang magulong palengke. Mahiwaga (sa isang tagalabas) ang mga senyas ng kamay na ginagamit, may kodigong mga mensahe sa mga electronic ticker na lumilitaw at mabilis na nagbabago, at ang mga naroroong broker o ahente na namamagitan sa pagbili o pagbenta ng ari-arian ay humihiyaw upang marinig sa maingay na kapaligiran.
Gayunman, maraming tao ngayon na dati’y nalilito sa stock market ang namumuhunan sa mga stock. Bakit? Una sa lahat, nagawa ng Internet na makita ng mga mamumuhunan sa loob lamang ng ilang saglit ang pinansiyal na mga balita, payo sa pamumuhunan, at ang mga stockbroker. Ganito ang isinulat ni Paul Farrell, punong-patnugot ng Wall Street News: “Para [sa indibiduwal na mga mamumuhunan], ang pamumuhunan sa Internet ay ang bagong larangan para sa pag-unlad, ang bagong paghanap ng biglang-yaman, ang pagkakaroon ng sariling pagpapasiya, taglay ang pagkakataon na makatayong mag-isa sa pinansiyal habang nagtatrabaho sa bahay.”
Sa kabilang dako naman, ang ilang pinansiyal na tagapayo ay nangangamba sa kasabikan ng marami na mamuhunan sa isang pamilihan na maaaring wala silang kaalam-alam. Ganito ang sinabi sa Gumising! ng isang negosyante sa pamumuhunan na may mahigit nang 38 taóng karanasan sa industriya ng mga panagot (securities): “Parami nang paraming tao ang bumibili ng mga sosyo o parte sa stock market bilang mga nagbabaka-sakali, hindi mga mamumuhunan. Maaaring tawagin ito ng ilan na pamumuhunan, subalit wala silang kaalam-alam tungkol sa [stock ng] kompanya na kanilang binibili at ipinagbibili.”
Anu-anong salik ang dapat mong alamin bago mo ipuhunan ang iyong salapi? Yamang may bahagyang panganib na nasasangkot sa pangangalakal ng mga stock, ito ba’y pagsusugal? Una muna, isaalang-alang natin kung paano tumatakbo ang stock market.
Pagbili ng Isang Parte
Kailangan ng mga kompanya ang kapital, o salaping puhunan, upang ito’y tumakbo nang matagumpay. Kapag umuunlad ang kompanya at nangangailangan ng malaking halaga ng kapital, maaaring piliin ng pangasiwaan nito na mag-alok ng stock nito sa publiko. Ganito ito inilalarawan ng isang giya tungkol sa stock market: “Ang mga stock ay mga parte o sosyo sa korporasyon. Kapag bumibili ka ng mga stock, o parte, nagiging kaparte ka ng kompanya.”
Sa isang pamilihan sa kalye, nagtatagpo at nangangalakal ang mga bumibili at mga nagbebenta. Sa katulad na paraan, ang palitan ng stock ay isang pamilihan para sa mga bumibili at nagbebenta ng mga stock. Bago magkaroon ng palitan, ang mga stock ay ikinakalakal sa pamamagitan ng mga broker sa mga kapihan at sa mga tabi ng kalye. Ang kalakalan sa ilalim ng punong buttonwood sa 68 Wall Street ang humantong sa pagkatatag ng New York Stock Exchange. * Ngayon ay mayroon nang mga palitan ng stock sa maraming bansa. Sa anumang araw ng negosyo, anumang oras, may stock market na bukás saanman dako sa daigdig.
Upang mangalakal ng mga stock, karaniwang nagbubukas ng kuwenta ang isang mamumuhunan
sa isang broker at pumipidido. Sa ngayon ang mga pidido upang bumili o magbenta ng stock ay maaaring gawin sa telepono, sa Internet, o sa tao mismo. Pagkatapos, ang broker ay kailangang pumidido alang-alang sa mamumuhunan. Kung ang stock ay ikinakalakal sa isang tradisyunal na kinaroroonan mismo ng stock market, inuutusan ng tanggapan ng broker ang isa sa mga broker nito na naroroon mismo na bumili o magbenta ng stock para sa mamumuhunan. Mga ilang taon lamang ang nakalilipas, lubusang ginamit ng ilang palitan ang isang elektronikong sistema ng pangangalakal, kung saan maaaring gawin ang kalakalan sa loob lamang ng mga segundo pagkatapos pumidido sa isang broker. Ang kalakalan ay saka iniuulat sa alok na halaga ng stock—ang kasalukuyang presyo at mga detalye sa kalakalan na makikita sa isang electronic ticker.Ang presyo ng pagkakabili o pagbebenta ng mga stock ay karaniwang pinagpapasiyahan sa pamamagitan ng pakikipagtawaran, gaya sa isang subasta. Ang mga balita sa negosyo, mga kita ng kompanya, at ang mga pag-asa sa hinaharap ng isang negosyo ay maaaring makaimpluwensiya sa halaga ng stock. Ang mga mamumuhunan ay umaasang makabili ng kanilang stock sa mababang halaga at maibenta ang kanilang parte na may pakinabang pagkatapos tumaas ang halaga nito. Ang isang parte ng tubo ng kompanya ay maaari ring hatiin sa mga kaparte bilang mga dibidendo. Ang ilang tao ay bumibili ng mga stock bilang pangmatagalang puhunan; ang iba naman ay regular na nangangalakal ng mga stock, na umaasang tumubo mula sa mga presyo ng stock na lubhang tumataas sa loob ng maikling panahon.
Habang ang kalakalan ng mga stock ay tradisyunal na ginagawa sa telepono, ang on-line na kalakalan (pamimili at pagbibili ng mga stock sa pamamagitan ng Internet) ay lalong nagiging popular. Ang The Financial Post ay nag-uulat na ang bilang ng on-line na kalakalan sa Estados Unidos ay “dumami mula sa halos 100,000 sa isang araw noong 1996 tungo sa halos 500,000 sa katapusan ng Hunyo [1999] na halos 16% ng lahat ng kalakalan sa Estados Unidos ay ginawa sa elektronikong paraan.” Sa Sweden, mga 20 porsiyento ng lahat ng kalakalan ng stock ay ginawa sa Internet.
Mamuhunan Nang May Katalinuhan
Ang waring madaling kalakalan ng mga stock sa pamamagitan ng computer at ang pagkakamit ng impormasyon na dati’y para lamang sa mga broker at propesyonal na mga mangangalakal ay nag-udyok sa maraming indibiduwal na mamumuhunan na pumasok sa day trading, ang buong-panahong pamimili at pagbebenta ng mga stock. Iniwan ng ilan ang kapaki-pakinabang na mga karera upang maging mga buong-panahong mangangalakal ng mga stock. Bakit? “Maliwanag ang pang-akit,” ang paliwanag ng magasing Money. “Walang mga amo, may ganap na kontrol sa kung paano at kailan ka mangangalakal at ang potensiyal—o sa pakiwari—na magkaroon ng maraming pera.” Isang 35-anyos na lalaki na nagbitiw sa kaniyang $200,000-isang-taon na trabaho upang mangalakal ng mga stock sa bahay ay sinipi na nagsasabing: “Mayroon pa bang ibang hanapbuhay na walang imbentaryo at walang mga empleado, walang upa na babayaran, at papindut-pindot ka lamang sa isang keyboard?”
Ang mga eksperto ay nagbababala na ang kalakalan ng mga stock ay hindi madali na gaya ng palagay ng isang bagong mamumuhunan. Ganito ang sabi ng isang saykayatris na espesyalista sa mga kaigtingan ng kalakalan: “Ang kalakalan ay waring madali, subalit gusto kong sabihin na ito ang pinakamahirap na paraan upang kumita ng madaling pera.” Ang walang-katapusang daloy ng pinansiyal na mga balita at payo ay mayroon ding masasamang epekto. Ganito ang sabi ni Paul Farrell, na sinipi kanina: “Ang walang katapusang pagpasok ng impormasyon na simbilis ng kidlat sa bawat mamumuhunan—kapuwa sa indibiduwal na mamumuhunan at sa nangangalakal na institusyon—ay may malaking epekto sa isipan: nerbiyos, kabiguan, kaigtingan.”
Maaari ring maging isang silo ang sobrang kumpiyansa. Ganito ang babala ng kolumnista sa pananalapi na si Jane Bryant Quinn hinggil sa mapanganib na mga saloobin ng mga mangangalakal: “Iniisip mo na kung ikaw ang nasa posisyon ng pangangasiwa—o ang kumokontrol ng mouse ng computer—walang masamang bagay na mangyayari.
Lagi kang maaaring mamagitan sa tamang panahon.” Sabi pa niya: “Dahil sa mapapasok natin ang mga impormasyong ginamit ng mga propesyonal, iniisip natin na tayo rin ay mga propesyonal.” Sa kabila ng malawakang nailathalang mga kuwento hinggil sa mga mamumuhunan na yumaman sa stock market sa loob ng magdamag, ang kalakalan ng mga stock ay may kaakibat na mga panganib. Ang ilang mamumuhunan ay naging lubhang matagumpay. Ang iba naman ay nalugi nang malaki.Ang mga tagapayo sa pamumuhunan ay humihimok sa potensiyal na mga mamumuhunan na isaalang-alang ang dating rekord at ang mga pag-asa sa hinaharap ng isang kompanya, ang pangangailangan sa mga produkto nito, kompetisyon mula sa ibang mga negosyo, at ilan pang mga salik bago piliin ang stock ng isang kompanya. Ang impormasyong ito ay karaniwang makukuha sa pamamagitan ng mga stockbroker at ng iba pang institusyon sa pananalapi. Maraming mamumuhunan ang sumasangguni sa pinansiyal na mga tagaplano bago bumili ng stock. * Sa pagsasaalang-alang sa pinagmulan ng isang kompanya, makatitiyak din ang isang mamumuhunan na ang kaniyang pera ay hindi gagamitin upang tustusan ang isang negosyo na labag sa etika.—Tingnan ang Awake!, Pebrero 8, 1962, pahina 21-3.
Isang Loterya ng Korporasyon?
Dahil sa mga panganib na nauugnay sa stock market, ang pagbili ba ng stock ay katulad ng pagsusugal? May nasasangkot na panganib sa halos lahat ng pinansiyal na pamumuhunan. Ang ilang tao ay bumibili ng mga ari-arian, nang hindi nalalaman kung ang halaga ng ari-arian ay tataas o bababa sa paglipas ng panahon. Idinedeposito naman ng iba ang kanilang pera sa bangko at nagtitiwala na ang kanilang mga naimpok ay magiging matatag. Bagaman mas masalimuot ang stock market, ang isa na namumuhunan sa mga stock ay bumibili ng mga parte ng isang kompanya sa pag-asang uunlad ang negosyo at tataas ang halaga ng mga stock.
Ang gayong pamumuhunan ay naiiba sa pagsusugal sapagkat ang mga kasosyo ay bumibili ng isang parte ng kompanya. Ang mga parteng ito ay maipagbibili sa ibang tao o maitatabi para sa pag-unlad sa hinaharap. Hindi ganito ang kalagayan sa isang tao na tumataya ng salapi sa isang pasugalan o sa isang laro na sapalaran. Malamang, hinuhulaan ng sugarol ang isang di-tiyak na kalalabasan at nananalo sa mga ipinusta ng mga talunan.
Gaano kalaking panganib ang dapat tanggapin ng isang mamumuhunan? Nasa bawat isa ang pagpapasiya. Sabihin pa, hindi matalinong isapanganib ang mas maraming salapi sa isang pamumuhunan kaysa sa handa niyang ipalugi.
Isang Timbang na Saloobin sa Salapi
Sa pagnanais na maglaan para sa kanilang mga pangangailangan sa ngayon at sa hinaharap, ang ilan ay nagpasiyang mamuhunan sa stock market. Ang motibo ng isa sa paggawa ng gayong pinansiyal na mga pagpapasiya ay mahalaga. Si Jane Bryant Quinn, na sinipi kanina, ay nagsabi: “Ang mainggit sa masuwerteng mga tao ay maaaring mag-udyok sa atin na magkaroon ng pinakamasamang motibo bilang mga mamumuhunan.” Waring inuulit ng mga salitang ito ang payo na ibinigay sa isang liham na isinulat sa isang binata mga 2,000 taon na ang nakalipas: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming walang-kabuluhan at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkasira. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ang kanilang mga sarili ng maraming kirot.”—1 Timoteo 6:9, 10.
Kung paano gagamitin ng isang tao ang kaniyang pera sa pamumuhunan ay isang personal na desisyon. Ginagabayan ng isang matinong pag-iisip at pagiging kontento sa mga pangangailangan sa buhay, makabubuting ilagay ng isang mamumuhunan ang pinansiyal na mga pagkabahala sa dako nito, anupat hindi pinababayaan ang kaniyang mga pananagutan sa pamilya at mga espirituwal na pangangailangan.
[Mga talababa]
^ par. 9 Ang katagang “Wall Street” ngayon ay kadalasang tumutukoy sa pinansiyal na mga pamilihan sa pangkalahatan.
^ par. 17 Hindi lahat ng payo ay mabuti. Dapat na may-kabatiran ang mga mamumuhunan na ang isang pinansiyal na tagaplano o isang stockbroker ay maaaring basta nagbebenta ng kaniyang sariling mga serbisyo o minamaneobra ang kaniyang parokyano para sa pakinabang.