Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pananampalatayang Sumailalim ng Pagsubok sa Poland

Pananampalatayang Sumailalim ng Pagsubok sa Poland

Pananampalatayang Sumailalim ng Pagsubok sa Poland

AYON SA SALAYSAY NI JAN FERENC

BATANG-BATA pa ako noon nang nagngangalit ang Digmaang Pandaigdig II. Tandang-tanda ko pa ang isang tiyo ko na isang Saksi ni Jehova. Pumupunta siya sa aming bahay noon at binabasa sa amin ang Bibliya. Hindi interesado ang aking mga magulang, subalit kami ng aking mga kapatid na sina Jósef at Janina ay talagang interesado. Di-nagtagal ay sinagisagan ng bawat isa sa amin ang aming pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo. Noong ako’y bautismuhan, ako’y 14 na taóng gulang pa lamang.

Palibhasa’y napagmasdan ang mabuting epekto sa aming buhay ng pag-aaral sa Bibliya, nagsimulang makinig ang aming mga magulang. Nang matanto ng aking ama na hinahatulan ng Bibliya ang idolatriya, sinabi niya: “Kung ito ang sinasabi ng Salita ng Diyos, pinanatili tayo na walang kaalam-alam ng mga pari. Anak, kunin mo ang lahat ng imahen sa dingding at itapon mo ang mga ito!” Pagkalipas ng mga dalawang taon, nabautismuhan ang aking mga magulang. Naglingkod sila nang tapat kay Jehova hanggang sa kanilang kamatayan.

Mga Problemang Napaharap sa Amin

Napaharap ang mga Saksi ni Jehova sa mahihirap na panahon pagkatapos ng digmaan. Halimbawa, sinalakay ng Office of Security ang tanggapan sa Lodz, at inaresto ang mga nagtatrabaho roon. May kalupitan namang sinalakay ang mga Saksi ni Jehova ng mga gerilya ng Pambansang Sandatahang Hukbo sa silangang Poland, sa ilalim ng impluwensiya ng klerong Katoliko. *

Halos kasabay nito, binawi ng mga Komunistang awtoridad ang pahintulot na idaos ang aming asamblea na dati nilang ipinagkaloob sa amin, at sinikap nilang gambalain ang ginaganap na mga asamblea noon. Gayunman, ang tumitinding pagsalansang ay lalo lamang nagpasidhi sa aming determinasyon na ipagpatuloy ang pangangaral ng Kaharian ng Diyos. Noong 1949, iniulat namin ang mahigit na 14,000 Saksi sa Poland.

Di-nagtagal, ako’y naging isang payunir, isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Ang unang atas ko ay mga 500 kilometro ang layo sa bahay. Gayunman, nang maglaon ako’y naatasang maglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa isang lugar sa silangan ng Lublin, hindi kalayuan sa tinitirhan ng aking mga magulang.

Inaresto at Pinag-usig

Noong Hunyo 1950, ako’y inaresto at pinaratangan ng mga Komunistang awtoridad ng paniniktik para sa Estados Unidos. Ako’y inihagis sa isang mamasa-masang bodega ng alak sa silong. Ako’y inilalabas sa gabi para pagtatanungin ng isang opisyal na nag-iimbestiga. “Ang samahang relihiyoso na kinabibilangan mo ay isang sekta at isang kaaway ng ating Estado,” ang sabi niya sa akin. “Ang inyong tanggapan ay nagtatrabaho para sa paniniktik ng Amerika. Mapatutunayan namin ito! Inamin na ng iyong mga kapatid na sila’y naglakbay sa ibayo ng bansa at nagtipon ng impormasyon tungkol sa mga pasilidad at mga pagawaang militar.”

Mangyari pa, ang mga akusasyong ito ay pawang kasinungalingan. Gayunpaman, pinayuhan ako ng opisyal na pumirma sa isang kapahayagan na nagtatakwil sa tinatawag niyang “inyong kahiya-hiyang organisasyon.” Paulit-ulit, sinikap niya akong pumirma. Sinikap pa nga niyang ipasulat sa akin ang mga pangalan at direksiyon ng lahat ng Saksing kilala ko at ang mga lugar kung saan ipinamamahagi ang aming mga publikasyon. Nabigo ang kaniyang mga pagsisikap.

Pagkatapos niyan, pinaghahampas ako ng mga opisyal ng isang pamalo hanggang sa ako’y mawalan ng malay. Pagkatapos, binuhusan nila ako ng tubig upang ako’y magkamalay, saka ipinagpatuloy na naman ang pagtatanong. Nang sumunod na gabi, binugbog nang husto ang aking mga sakong. Nagsumamo ako sa Diyos sa malakas na tinig na bigyan ako ng lakas upang makapagbata. Nadama kong pinalakas niya ako. Ang mga pagtatanong na iyon sa gabi ay nagpatuloy sa loob halos ng isang taon.

Ako’y pinalaya sa bilangguan noong Abril 1951, subalit maraming Saksi ang nakakulong pa rin. Nagpunta ako sa isang responsableng Saksi at humingi ng isang bagong atas. “Hindi ka ba natatakot na muling maaresto?” ang tanong niya sa akin. “Lalo pa nga akong determinadong gumawa kung saan mas malaki ang pangangailangan,” ang tugon ko. Binalikan ko ang aking gawain bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, at nang maglaon ako ay inanyayahang organisahin ang pag-iimprenta at pamamahagi ng ating mga publikasyon sa Poland.

Noon, ginamit namin ang lumang mga makinang pangmimyograp at mga wax stencil upang kopyahin Ang Bantayan. Hindi kagandahan ang aming pag-iimprenta, at kailangan naming magbayad nang napakalaking halaga para sa papel, na kung minsan ay kakaunti ang suplay. Ang pagkopya ay kailangang gawin sa tagóng mga lugar, gaya ng mga kamalig, silong, at mga atik. Sa mga nahuli, ang parusa ay pagkabilanggo.

Tandang-tanda ko pa ang isang tuyong balon na ginamit namin. Sa dingding nito, mga 35 piye sa ilalim ng lupa, may isang bukasan na patungo sa isang maliit na silid kung saan minimimyograp ang mga magasin. Upang makarating doon, kailangang ibaba kami sa pamamagitan ng lubid. Isang araw, ako’y ibinaba sa balon sakay sa isang malaking baldeng kahoy nang walang anu-ano ay nalagot ang lubid. Nahulog ako sa ilalim at nabali ang aking paa. Pagkatapos kong maospital, nagbalik ako sa pagpapatakbo ng makinang pangmimyograp.

Noong mga panahong iyon ay nakilala ko si Danuta, isang masigasig na ministrong payunir. Nagpakasal kami noong 1956, at sa sumunod na apat na taon, magkasama kaming gumawa sa ministeryo sa gitna ng Poland. Noong 1960, nagkaroon kami ng dalawang anak, at nagpasiya kami na huminto si Danuta sa buong-panahong ministeryo upang pangalagaan sila. Di-nagtagal, muli akong inaresto, at sa pagkakataong ito, ako’y inilagay sa isang selda na maraming daga. Pagkalipas ng pitong buwan, ako’y nahatulan ng dalawang taon na pagkabilanggo.

Labas-Pasok sa Bilangguan

Mahigit na 300 bilanggo ang nasa piitan sa Bydgoszcz, at ako’y nanalangin kay Jehova na maibahagi ko sana ang mensahe ng Kaharian sa tapat-pusong mga tao. Kinausap ko ang direktor ng bilangguan at iminungkahing maaari akong maglingkod bilang isang barbero. Sa pagkagulat ko, siya’y sumang-ayon. Di-nagtagal ay inaahitan ko na ang mga bilanggo, ginugupitan ang kanilang buhok, at nagpapatotoo sa mga tila pabor dito.

Ang bilanggo na kasa-kasama kong nagtatrabaho bilang isang barbero ay tumugon nang maglaon sa aming mga usapan. Sinimulan pa nga niyang ibahagi sa iba ang mga bagay na kaniyang natutuhan mula sa Bibliya. Di-nagtagal, inutusan kami ng direktor ng bilangguan na ihinto namin ang pagpapalaganap ng tinatawag niyang “subersibong propaganda.” Ang aking kasamang barbero ay nanindigang matatag. Siya’y nagpaliwanag: “Dati akong nagnanakaw, subalit hindi na ako nagnanakaw ngayon. Dati akong sugapa sa nikotina, subalit huminto na ako sa paninigarilyo. Nasumpungan ko ang layunin ng aking buhay, at gusto kong maging isa sa mga Saksi ni Jehova.”

Nang ako’y mapalaya sa bilangguan, ako’y isinugo sa Poznan upang pangasiwaan ang isang “panaderya,” gaya ng tawag namin sa aming lihim na mga palimbagan. Sa pagtatapos ng dekada ng 1950, malaki na ang isinulong ng aming pag-iimprenta. Natutuhan naming paliitin ang mga pahina sa pamamagitan ng potograpiya​—isang malaking pagsulong sa aming teknolohiya​—at patakbuhin ang mga Rotaprint offset press. Noong 1960, nagsimula rin kaming maglimbag at mag-bind ng mga aklat.

Di-nagtagal, isinumbong ng isang kapitbahay ang pagpapatakbo namin ng palimbagan, at inaresto na naman ako. Nang ako’y mapalaya noong 1962, tumanggap ako ng atas na maglingkod sa Szczecin kasama ng iba pa. Subalit bago kami umalis, tumanggap kami ng utos na magtungo na lamang sa Kielce, na pinaniniwalaan naming mula sa matapat na mga Kristiyanong kapatid. Subalit, inaresto kami roon, at ako’y nahatulan ng karagdagang isa at kalahating taon na pagkabilanggo. Kami’y ipinagkanulo ng nagkukunwang mga kapatid. Nang maglaon, sila’y nahuli at inalis mula sa ating mga kapatid.

Sa wakas, nang ako’y mapalaya sa bilangguan, ako’y inatasang mangasiwa sa ating mga palimbagan sa buong Poland. Noong 1974, pagkaraan ng sampung taon ng pag-iwas na mahuli, ako’y nasubaybayan at naaresto sa Opole. Di-nagtagal pagkatapos niyan, ipinabilanggo ako sa Zabrze. “Tapos na ang mga tungkulin mo bilang obispo,” ang sabi sa akin ng direktor sa bilangguan. “Kung patuloy mong ibabahagi ang inyong propaganda, pupunta ka sa bartolina.”

Pangangaral sa Bilangguan

Sabihin pa, ang aking gawain bilang isang ministro ay hindi talaga nagtapos. Sa katunayan, napasimulan ko ng isang pag-aaral sa Bibliya ang aking dalawang kapuwa bilanggo. Sa wakas, sila ay sumulong hanggang sa punto na binautismuhan ko sila sa isang malaking banyera sa loob ng bilangguan.

Ang iba pang mga bilanggo ay tumugon din sa aming pangangaral, at noong Abril 1977, sama-sama kaming nagtipon upang ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. (Lucas 22:19) Pagkaraan ng dalawang buwan, noong Hunyo 1977, ako’y pinalaya, at hindi na muling inaresto.

Ang mga awtoridad ay naging mas mapagparaya na noon sa aming gawain. Walang alinlangang malaki ang naitulong ng mga pagdalaw ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Noong 1977, tatlo sa mga ito ang nakipag-usap sa mga tagapangasiwa, mga payunir, at matagal nang mga Saksi sa iba’t ibang lunsod. Nang sumunod na taon, dalawa sa kanila ang nagtungo sa Office for Religious Affairs. Gayunman, noon lamang 1989 naalis ang pagbabawal sa ating gawain. Sa kasalukuyan, mga 124,000 Saksi ang aktibo sa Poland.

Dahil sa hindi mabuting kalusugan, hindi na nakasasama sa akin si Danuta nitong nakalipas na mga taon, subalit pinalalakas-loob niya ako at gusto niyang patuloy akong dumalaw sa mga kongregasyon. Walang-hanggan akong magpapasalamat sa kaniya sa nakapagpapatibay na tulong niya noong panahon na ako’y laging nabibilanggo.

Ang pasiyang ginawa ko 50 taon na ang nakalipas na maglingkod sa Diyos na Jehova ay tiyak na tama. Nakasumpong ako ng malaking kagalakan sa paglilingkod sa kaniya nang buong puso. Naranasan naming mag-asawa ang katotohanan ng pananalitang nakaulat sa Isaias 40:29: “Siya [si Jehova] ay nagbibigay ng lakas sa pagod; at ang isa na walang dinamikong lakas ay pinasasagana niya sa lubos na kalakasan.”

[Talababa]

^ par. 6 Tingnan ang 1994 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 213-22.

[Mga larawan sa pahina 20]

Gumamit kami ng makinang pangmimyograp at nang maglaon ay isang Rotaprint offset press upang maimprenta ang mga publikasyon

[Mga larawan sa pahina 21]

Ang aking asawa, si Danuta, at ako