Pag-iingat sa Maseselan na Ngipin
Pag-iingat sa Maseselan na Ngipin
ANO ang edad mo nang nagsimulang tumubo ang iyong mga ngipin? Baka magulat kang malaman na ang pagtubo nito ay nagsimula nang ikaw ay nasa sinapupunan pa lamang—malamang na bago pa man malaman ng iyong ina na siya’y nagdadalang-tao! Mahalaga kung gayon na ang isang magiging ina ay makakuha ng sapat na suplay ng sustansiya, kalakip na ang kalsiyum, phosphorus, mga protina, at mga bitamina.
Kumusta naman ang mga bagong silang na sanggol? Sinasabi ng mga eksperto na ang mga sanggol na pinasuso sa bote ay lalo nang madaling mabulok ang ngipin, na karaniwan nang nagsisimula sa mga ngipin sa harapan na nasa bandang itaas. Ngunit paano ito nangyayari? Ang ilang mga sanggol ay regular na nakakatulog habang sumususo sa bote na may gatas, juice, tubig na may asukal, o soda. Ang mga umaasim na likidong ito ay naglalaman ng mga carbohydrate kung saan dumarami ang baktirya. Ang mga baktirya naman ay gumagawa ng mga asidong nakasisira sa ngipin ng mga sanggol—lalo na kung ang mga asido ay nasa ngipin nang magdamagan. Ang ilang sanggol na malubha ang pagkabulok ng ngipin ay dumaranas ng maagang pagkawala ng ngipin, na maaaring lubhang makaapekto sa pagtubo ng kanilang permanenteng ngipin.
Paano maiingatan ng mga magulang ang maseselan na ngipin ng kanilang sanggol? Inirerekomenda ang pagpapasuso ng ina, lalo na dahil sa ang gatas ng ina ay isterilisado at mayaman sa mga antibody. Gayunman, kung gagamit ng bote, sinasabi ng mga eksperto na dapat ihinto ang paggamit nito kapag umabot na ang sanggol sa edad na 18 buwan. Mariin din nilang inirerekomenda na ang bote ay gamitin para lamang sa pagpapakain—at hindi bilang isang pacifier. Karagdagan pa, kapag pinatulog ang sanggol na may bote sa bibig, pinakamabuti kung ang laman ng bote ay tubig lamang. Pagkatapos ng bawat pagpapakain, maaaring gumamit ng isang malinis at malambot na tela upang linisin ang ngipin ng sanggol.
Maiiwasan ang maagang pagkabulok ng ngipin. Mahalaga ang tamang pag-iingat ng ngipin—oo, kahit na para sa isang sanggol!