Ang mga Viking—Mga Mananakop at Manlulupig
Ang mga Viking—Mga Mananakop at Manlulupig
ISANG araw noong buwan ng Hunyo taóng 793 C.E. Ang mga monghe sa maliit na isla ng Lindisfarne, na tinatawag ding Banal, malapit sa baybayin ng Northumberland, Inglatera, ay abala sa kanilang mga gawain, anupat walang kamalay-malay sa mabilis na pagdating ng magagara at mabababang barkong naglalayag sa mga alon. Dumaong ang mga barko sa dalampasigan, at ang mga lalaking mukhang mababangis at balbas-sarado, na nagwawasiwas ng mga tabak at palakol, ay nagsitalon mula sa barko at tumakbo patungo sa monasteryo. Nilusob nila ang nahintakutang mga monghe at pinagpapatay ang marami. Ninakawan ng mga nanlusob ang monasteryo ng ginto, pilak, mga hiyas, at iba pang yaman. Pagkatapos ay naglayag na naman silang muli sa North Sea at naglaho.
Ang mga mananamsam ay mga Viking, at ang kanilang malulupit at mabilisang mga paglusob ang nakatawag pansin sa mga taga-Europa at siyang naging pasimula ng kapanahunan ng mga Viking. Di-nagtagal at gayon na lamang katindi ang inihasik na takot ng mga Viking anupat sa buong Inglatera ay umalingawngaw ang panalanging: “Mula sa kabagsikan ng mga Northman ay iligtas mo kami, O Panginoon.” *
Sino ba ang mga Viking na ito? Bakit sila biglang-biglang lumitaw sa mga pahina ng kasaysayan na hindi alam ang pinagmulan, naging tanyag sa loob ng tatlong siglo, at pagkatapos ay waring naglaho na lamang?
Mga Magsasaka at Mananamsam
Ang mga ninuno ng mga Viking ay ang mga Aleman na nagsimulang nandayuhan, mga 2,000 taon bago ng kapanahunan ng mga Viking, mula sa hilagang-kanluran ng Europa tungo sa Denmark, Norway, at Sweden—Scandinavia. Gaya ng kanilang mga ninuno, ang mga Viking ay mga magsasaka, maging yaong mga nakibahagi sa mga panlulusob. Sa mas malalamig na lugar ng Scandinavia, ang ikinabuhay nila ay pangangaso, pangingisda, at panghuhuli ng balyena. Nanirahan ang mga negosyanteng Viking sa mas malalaking komunidad, at mula rito ay binagtas nila ang mga ruta ng kalakalan sa Europa na lulan ng kanilang matitibay na sasakyang pandagat. Kung gayon, paano naging bantog sa kasamaan ang gayong mga tao na waring di-namiminsala at di-alam ang pinagmulan sa loob ng isang salinlahi lamang?
Ang isang posibilidad
ay labis na populasyon, ngunit ipinapalagay ng maraming istoryador na totoo lamang ito sa kanlurang Norway na may limitadong lupang masasaka. Sinasabi ng The Oxford Illustrated History of the Vikings: “Ang karamihan sa mga unang salinlahi ng mga Viking ay naghahanap ng kayamanan, hindi lupa.” Lalong totoo ito sa mga hari at pinuno na nangangailangan ng malaki-laking salapi upang mapanatili ang kanilang kapangyarihan. Maaaring nilisan naman ng ibang Viking ang Scandinavia upang makatakas sa mga alitan ng pamilya at sa lokal na mga digmaan.Maaaring ang isa pang salik ay na pangkaraniwan para sa mayayamang lalaking Viking na magkaroon ng higit sa isang asawa. Bilang resulta, marami silang naging mga anak. Gayunman, karaniwan na tanging ang panganay na anak na lalaki ang makatatanggap ng mana ng pamilya, anupat pinababayaan ang kaniyang nakababatang mga kapatid na suportahan ang kanilang sarili. Ayon sa aklat na The Birth of Europe, ang mga anak na lalaking walang mana ay “bumuo ng isang malaki at mapanganib na pangkat ng mga pilíng mandirigma na napilitang magsikap sa ganang sarili nila upang magtagumpay sa anumang pamamaraan, ito man ay sa panlulupig sa sarili nilang bayan o panunulisan sa ibang bansa.”
Taglay ng mga Viking ang angkop na sasakyan para sa kanilang mabilisang pananalakay—ang longship. Pinapurihan ng mga istoryador ang longship dahil sa ito’y isa sa mga pinakamainam na pagsulong sa teknolohiya noong mga unang bahagi ng Edad Medya. Yamang ang mga ito’y malanday at madaling lumutang at pinatatakbo ng layag o mga gaod, pinangyari ng magagarang sasakyang ito ang mga Viking na maging mga hari ng bawat dagat, lawa, at ilog na kanilang naaabot.
Paglawak ng Teritoryo ng mga Viking
Sinasabi ng ilang istoryador na nagsimula ang kapanahunan ng mga Viking noong kalagitnaan ng ikawalong siglo, bago nilusob ng mga Viking ang Lindisfarne. Anuman ang nangyari, nakilala ng madla ang mga Viking dahil sa paglusob sa Lindisfarne. Mula sa Inglatera ay nagtungo sila sa Ireland, anupat pinuntirya muli ang mga monasteryong punô ng kayamanan. Kapag ang kanilang longship ay punô na ng samsam at ng mga alipin, naglalayag pauwi ang mga Viking upang magpalipas ng taglamig. Gayunman, noong 840 C.E., hindi na nila sinunod ang tradisyon nila at nagpalipas ng taglamig sa mga lugar na kanilang sinamsaman. Sa katunayan, ang lunsod ng Dublin sa Ireland ay naging isang pamayanan ng mga Viking. Noong 850 C.E., nagpalipas na rin sila ng taglamig sa Inglatera, anupat ang kanilang unang himpilan ay ang Isle of Thanet na nasa bukana ng Ilog Thames.
Di-nagtagal at dumating kapuwa ang Danes at Norwegong mga Viking sa British Isles, hindi na bilang mga pangkat ng manlulusob kundi bilang mga hukbong nakasakay sa mga pangkat ng mga longship. Maaaring ang ilan sa mga barkong ito ay may habang 30 metro at maaaring naglulan ng hanggang 100 mandirigma. Nang sumunod na mga taon, sinakop ng mga Viking ang hilagang-silangang Inglatera, isang lugar na nakilala bilang Danelaw dahil sa nangibabaw roon ang kultura at batas ng Denmark. Gayunman, sa timog ng Inglatera sa Wessex, pinigil ni Haring Alfred ng mga Saxon at ng kaniyang mga kahalili ang mga Viking. Ngunit, pagkatapos ng matinding labanan sa Ashington noong 1016 at pagkamatay ni Haring Edmund ng Wessex nang huling bahagi ng taon ding iyon, ang pinunong Viking na si Canute—isang nag-aangking Kristiyano—ang naging nag-iisang hari ng Inglatera.
Sa Kaloob-looban ng Europa at sa Ibayo Pa
Noong 799 C.E., sinimulang lusubin ng Danes na mga Viking ang lugar na tinatawag noon na Frisia—ang baybaying dako ng Europa na halos umaabot mula sa Denmark hanggang sa Netherlands. Mula roon ay gumaod sila sa mga ilog na tulad ng Loire at ng Seine at nanamsam sa mga bayan at nayon sa mismong sentro ng Europa. Noong 845 C.E., maging ang Paris ay dinambong ng mga Viking. Binayaran sila ng 3,000 kilo ng pilak ni Haring Charles the Bald ng mga Frank upang lisanin ang lunsod. Ngunit sila’y bumalik at lumusob sa ibayo pa ng Paris hanggang sa Troyes, Verdun, at Toul.
Naglayag din ang mga Viking patungong Espanya at Portugal, kung saan naganap ang unang
nakilalang paglusob nila noong 844 C.E. Nilooban nila ang ilang maliliit na bayan at pansamantalang sinakop maging ang Seville. “Gayunman,” sabi ng Cultural Atlas of the Viking World, “buong bangis na nakipaglaban ang mga Arabong tagapagtanggol anupat madaling naitaboy ang mga Viking at halos napuksa ang mga puwersa ng mga ito.” Gayunpaman, bumalik sila noong 859 C.E.—na may kasama na ngayong plota ng 62 barko. Pagkatapos manalanta sa ilang bahagi ng Espanya, nilusob nila ang Hilagang Aprika; at bagaman punô na ng samsam ang kanilang mga barko, nagpunta pa sila sa Italya at nanloob sa Pisa at Lina (dating Luna).Ang mga Viking na nagmula sa Sweden ay naglayag pasilangan sa Baltic at sa ilan sa malalaking daanan ng tubig ng Silangang Europa—ang mga ilog ng Volkhov, Lovat’, Dnieper, at Volga. Nang maglaon ay dinala sila ng mga ito sa Black Sea at sa mayayamang lupain ng Imperyong Byzantine. Nakaabot pa nga ang ilang mangangalakal na Viking sa Baghdad sa pamamagitan ng pagbagtas sa Ilog Volga at Caspian Sea. Nang maglaon, ang mga pinunong Sweko ang naging mga tagapamahala sa malalaking lupain ng mga Slav sa Dnieper at sa Volga. Ang mga mananalakay ay tinawag na Rus, isang katagang pinaniniwalaan ng ilan na pinagmulan ng salitang “Russia”—ang “Lupain ng mga Rus.”
Patungong Iceland, Greenland, at Newfoundland
Pinagtuunan ng pansin ng mga Norwegong Viking ang karamihan sa mga islang nasa bungad. Halimbawa, sinakop nila ang Orkneys at ang Shetlands noong ikawalong siglo at ang Faeroes, Hebrides, at silangang Ireland naman noong ikasiyam na siglo. Nalupig pa nga ng mga Viking ang Iceland. Doon ay itinatag nila ang isang parlamentong lupon, ang Althing. Yamang umiiral pa rin ito bilang ang namamahalang lupon sa Iceland, ang Althing ang pinakamatandang parlamentong asamblea sa Kanluran.
Noong 985 C.E., nagtatag ng isang kolonya sa Greenland ang isang Viking na nagngangalang Erik the Red. Nang maglaon nang taon ding iyon, umalis sa Iceland ang isa pang Norseman na si Bjarni Herjolfsson upang sumama sa kaniyang mga magulang sa Greenland. Ngunit napadpad siya ng hangin sa ibang direksiyon at sumablay sa Greenland. “Malamang na si Bjarni ang kauna-unahang Norseman na nakakita sa Hilagang Amerika,” sabi ng Cultural Atlas of the Viking World.
Salig sa ulat ni Bjarni, at malamang na pagkatapos ng taóng 1000, si Leif Eriksson, anak ni Erik the Red, ay naglayag pakanluran mula Greenland tungo sa Baffin Island at pagkatapos ay pababa sa baybayin ng Labrador. Nakarating siya sa isang nakausling lupa na tinawag niyang Vinland, na ipinangalan sa mga tumutubong ubas o mga berry roon. * Doon nagpalipas ng taglamig si Leif bago bumalik sa Greenland. Nang sumunod na taon, pinangunahan ng kapatid na lalaki ni Leif na si Thorwald ang isang ekspedisyon sa Vinland, ngunit napatay siya sa isang pakikipagsagupaan sa mga katutubo. Gayunman, pagkalipas ng ilang taon, mga 60 hanggang 160 Viking ang nakapagtatag ng isang pamayanan sa Vinland, ngunit dahil sa patuluyang pakikipaglaban sa mga katutubo roon, namalagi lamang sila roon nang mga tatlong taon, anupat hindi na bumalik kailanman. Halos 500 taon pa ang lumipas bago inangkin ng isang Italyanong manggagalugad na naglilingkod para sa Inglatera, si John Cabot, ang Hilagang Amerika para sa Inglatera.
Ang Wakas ng Kapanahunan ng mga Viking
Sa pagwawakas ng kanilang kapanahunan, nakapagtatag ang mga Viking ng ilang bagong pulitikal na estado kung saan namahala ang mga dinastiya ng Scandinavia. Ngunit hindi sila nanatiling dayuhan, dahil sa kalaunan ay napahalo ang maraming Viking sa kanilang bagong-tuklas na mga kultura, maging sa relihiyon. Halimbawa, nakumberte sa Katolisismo ang pinunong Viking na si Rollo, na sumakop sa bahagi ng teritoryo sa baybayin ng Pransiya na ang tawag ay Normandy (na nangangahulugang “Lupain ng mga Northman,” o mga Norman). Ang isa sa kaniyang mga inapo ay si William, Duke ng Normandy. Pagkatapos ng labanan sa Hastings noong 1066, kung saan naglaban-laban ang mga inapo ng mga Viking na Norman at ang mga Viking na Ingles, naging hari ng Inglatera ang nagwaging si Duke William.
Kaagad na hinadlangan ni William ang lahat ng karagdagang impluwensiya ng Scandinavia sa Inglatera at ipinakilala ang isang bagong kapanahunan ng peudalismo na nagsasangkot sa mga sistema ng pamahalaan sa Pransiya noong Edad Medya, pag-aari ng lupa, at ekonomiya. Kaya, “kung may isang petsa na pipiliin upang maging palatandaan ng pagwawakas ng Kapanahunan ng mga Viking,” sabi ng aklat na The Vikings, ni Else Roesdahl, “dapat na ang petsang ito ay 1066.” Nakita rin noong ika-11 siglo ang pagbabago ng mga orihinal na kaharian ng mga Viking sa Scandinavia na naging malayang mga estadong bansa.
Puno ng aksiyon ang tatlong siglo ng kasaysayan ng mga Viking. Gayunman, hindi buo ang larawan ng mga Viking na basta mga nanlulusob na mga barbaro na may iwinawasiwas na tabak at palakol. Napatunayan din na sila’y madaling makibagay dahil sa sunud-sunod na pananakop sa malalayong lupain at sa pagiging bahagi pa nga ng lokal na mga kultura. Bilang mga magsasaka, namalagi sila sa mga permanenteng tirahan, at namuno sila sa mga banyagang trono bilang mga tagapamahala. Oo, napatunayan na ang mga Viking ay hindi lamang mga hari ng paglalayag at ng tabak kundi ng pagsasaka at pulitika rin naman.
[Mga talababa]
^ par. 3 Sa labas ng Scandinavia, karaniwan nang tinatawag ang mga Viking na pagano, mga Danes, mga Northman, o mga Norseman. Yamang ginagamit ng karamihan sa mga makabagong istoryador ang katagang “Viking” para sa lahat ng mga taga-Scandinavia noong kapanahunan ng mga Viking, ginamit namin ang katagang iyan sa artikulong ito. Hindi maliwanag ang pinagmulan ng katagang “Viking.”
^ par. 20 Sa L’Anse aux Meadows na nasa hilagang dulo ng Newfoundland, muling itinayo ang mga gusaling Norse na nababalutan ng mga damo, salig sa ebidensiya ng arkeolohiya na natagpuan doon noong kaagahan ng dekada 1960. Ipinahihiwatig ng ebidensiyang ito ang pagkanaroroon ng mga Viking isang libong taon ang kaagahan, ngunit pinag-aalinlanganan kung ang pamayanang ito nga ay bahagi ng maalamat na Vinland.—Tingnan ang Gumising!, Hulyo 8, 1999.
[Kahon sa pahina 27]
RELIHIYON NG MGA VIKING
Sumamba ang mga Viking sa maraming maalamat na diyos, kasama na rito sina Odin, Thor, Frey, Freya, at si Hel. Si Odin, na diyos ng karunungan at pakikipagdigma, ang nangunguna sa mga diyos. Ang asawa niya ay si Frigga. Si Thor ay pumapatay ng mga higante at tagapamahala ng hangin at ulan. Si Frey ang imoral na diyos ng kapayapaan at pagkapalaanakin. Ang kaniyang kapatid na babae na si Freya ang diyosa ng pag-ibig at pagkapalaanakin. Si Hel ang diyosa ng daigdig ng mga patay.
Ang Norwegong mitolohiya ang saligan ng mga pangalan ng ilang araw ng sanlinggo sa Ingles at sa ibang wika. Ang Tuesday (Martes) ay mula sa pangalan ni Tyr, anak ni Odin (na kilala rin bilang Woden); ang Wednesday (Miyerkules) ay Woden’s day (araw ni Woden); ang Thursday (Huwebes), Thor’s day (araw ni Thor); at ang Friday (Biyernes), Frigga’s day (araw ni Frigga).
Tulad ng kanilang mga mananamba, pinaniniwalaan na nakamit ng mga diyos ng mga Viking ang kanilang kayamanan sa pamamagitan ng pagnanakaw, katapangan, at katusuhan. Ipinangako ni Odin na yaong mga namatay nang may kagitingan sa labanan ay magkakaroon ng posisyon sa makalangit na lugar ng Asgard (isang tirahan ng mga diyos), sa dakilang bulwagan ng Valhalla. Doon ay maaari silang magpista at makipaglaban hangga’t gusto nila. Kadalasang inililibing ang mga maharlikang Viking na may kasamang bangka o mga batong inilatag sa anyo ng isang bangka. Ang pagkain, mga armas, palamuti, pinatay na mga hayop, at marahil, isang inihandog na alipin pa nga ay inililibing din. Maaaring inililibing kasama ng reyna ang kaniyang katulong.
Naunang umiral nang mahigit na 1,000 taon ang may-sungay na helmet na kadalasang iniuugnay sa mga Viking at maliwanag na isinusuot lamang ito kapag may seremonya. Isinusuot ng mga mandirigmang Viking ang simple at patulis na mga helmet na gawa sa metal o katad, kung nais man nilang magsuot ng helmet.
[Mapa sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
PAGLAWAK NG TERITORYO NG MGA VIKING
NORWAY
↓
ICELAND
GREENLAND
Baffin Island
Labrador
Newfoundland
DENMARK
↓
INGLATERA
IRELAND
NETHERLANDS
PRANSIYA
PORTUGAL
ESPANYA
APRIKA
ITALYA
SWEDEN
↓
RUSSIA
Caspian Sea
Baghdad
UKRAINE
Black Sea
Istanbul
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 24]
Isang replika ng longship ng mga Viking
[Credit Line]
Pahina 2 at 24: Antonion Otto Rabasca, Courtesy of Gunnar Eggertson
[Mga larawan sa pahina 25]
Mga kasangkapang pandigma ng mga Viking
Isang helmet ng Viking
[Credit Line]
Mga kasangkapang pandigma at helmet: Artifacts on display at the Museum of National Antiquities, Stockholm, Sweden
[Larawan sa pahina 27]
Si Leif Eriksson