Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pang-aalipin Hindi ko maapuhap ang tamang mga salita upang ipahayag ang aking pasasalamat para sa seryeng itinampok sa pabalat na “Kapag Nagwakas Na ang Lahat ng Uri ng Pang-aalipin!” (Hunyo 22, 2002) Tinulungan ako ng artikulo na matalos na ang mga tao ay maaaring maging alipin ng iba’t ibang bagay, gaya ng droga, paninigarilyo, at pagsisinungaling. Alipin ako noon ng pagsusugal. Alam kong mali ito, subalit napakahirap kontrolin ang simbuyo na gawin ito. Napaluha ako sa isinalaysay ninyong karanasan ni Ricardo. Tinulungan ako nito na maunawaan na kung magsisikap ang isang tao, ang isang lalaki o babae ay matagumpay na makalalaya sa gayong mga uri ng pagkaalipin. Salamat sa paglalathala ng gayong nakaaaliw na mga artikulo na tumatalakay sa tunay-sa-buhay na mga situwasyon.
M. W., Estados Unidos
Trinidad Salamat sa artikulong “Isang Mapagparayang Kaharian sa Panahon ng Kawalan ng Pagpaparaya.” (Hunyo 22, 2002) Kapana-panabik na basahin ang tungkol kay Sigismund, na nagtanggol sa mga anti-Trinitaryo sa kanilang mga debate, at ang tungkol sa kung paano naibigay ang legal na pagkilala sa Unitarian Church. Nabighani ako sa ginawang pagpapabulaan ni Francis Dávid sa Trinidad sa nakakukumbinsing paraan. Ipinaalaala nito sa akin ang katapangan ni apostol Pablo. Karaniwan nang hindi ako interesado sa mga artikulong pulós kasaysayan, subalit sinisikap kong palawakin ang aking interes at linangin ang aking gana sa lahat ng inilalaan ng “tapat at maingat na alipin” sa pamamagitan ng ating mga magasin. (Mateo 24:45-47) Napakahusay ng pagkakasulat at pagkakasaliksik ng artikulong ito. Talagang nasiyahan ako rito.
M. C., Estados Unidos
Nabasa ko ang inyong kawili-wiling artikulo na mariing nagpapabulaan sa doktrina ng Trinidad. Kasalukuyan naming tinatalakay ang paksang ito sa aming simbahan. Matagal ko nang pinaniniwalaan na mali ang doktrina ng Trinidad, at nais kong humiling ng 15 kopya ng isyung ito upang ipamahagi.
A. O., Alemanya
Damo Salamat sa artikulong “Damo—Hindi Lamang Isang Luntiang Bagay sa Ilalim ng Iyong mga Paa.” (Hunyo 8, 2002) Napalawak ko ang aking kaunawaan hinggil sa bagay na sinusustinihan ng Diyos na Jehova ang lahat ng buhay sa lupa sa pamamagitan ng damo. Gaya ng sinabi ng isang botaniko, “tulad ito ng isang prinsa na nagsasanggalang sa sangkatauhan mula sa taggutom.” Si Jehova ang Dakilang Dalubsining, at natulungan akong maunawaan ang mga katangian ni Jehova na pag-ibig, karunungan, katarungan, at kapangyarihan na lubusang nababanaag sa pamilya ng mga damo.
K. O., Hapon
Mula sa Isang Kabataan Ako po ay siyam na taóng gulang, at nasa ikaapat na grado. Gusto ko po kayong pasalamatan sa magagandang artikulo na inililimbag ninyo sa inyong mga magasin. Isang serye na lalong naging kapaki-pakinabang po sa akin ay ang pinamagatang “Popular na mga Pagdiriwang—May Natatago Bang mga Panganib?” (Oktubre 8, 2001) Matapos ko pong iwan ang magasin sa aking guro sa Ingles, nagamit niya ang impormasyon sa ilalim ng subtitulong “Pakikipagpaligsahan ng Relihiyon” sa gawain ng aming klase. Tuwang-tuwa siya sa kawastuan ng mga nilalaman ng mga artikulo. Salamat po sa lahat ng mga bagay na inyong isinusulat upang patibayin at ipagsanggalang kami.
N. R., Italya
Pagpapahalaga Lubos akong nasisiyahan sa inyong paraan ng paglalathala ng mga artikulo para sa pantanging interes, gaya niyaong tungkol sa mga hayop. Ako lamang ang Saksi ni Jehova sa aming pamilya, at wala man lamang isa sa aming pamilya ang mahilig na magbasa ng alinman sa ating mga literatura na tila may kaugnayan sa relihiyon. Subalit ang mga artikulong ito ay lubhang kaakit-akit na basahin, at inilalarawan ng mga ito ang ating Maylalang sa paraan na kalugud-lugod sa mga hindi Saksi. Salamat sa inyong kahanga-hangang gawain at sa kaakit-akit na mga magasing inilalathala ninyo.
T. C., Estados Unidos