Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Cenote—Likas na mga Kababalaghan ng Peninsulang Yucatán

Mga Cenote—Likas na mga Kababalaghan ng Peninsulang Yucatán

Mga Cenote​—Likas na mga Kababalaghan ng Peninsulang Yucatán

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

ANG Peninsulang Yucatán ay nag-aalok ng isa sa pinakamagagandang likas na kababalaghan sa Mexico at sa daigdig​—ang cenote. Ano ba ang cenote?

Ang termino ay galing sa salitang Maya na dz’onot, ang ibig sabihin ay “malaking kuweba na may tubig,” at ginagamit ito ng mga heologo upang ilarawan ang isang likas na balon ng batong apog, o sinkhole. Ang Peninsulang Yucatán ay binubuo ng batong apog na punô ng maliliit na butas, binutas noon pa ng tubig-ulan na tumagos sa ilalim ng lupa. Sa kalaunan, nang magkaroon ng mga butas, ang ibabaw na bahagi ng batong apog ay gumuho, anupat nalantad ang tubig sa malalalim na likas na balon na kulay berde at asul, na ang marami rito ay napalilibutan ng mayabong na pananim. Sa ilang balon ang tubig ay halos kapantay ng lupa, samantalang sa iba naman ang tubig ay malalim sa kapantayan ng lupa. Sinubok ng mga speleologist (mga siyentipikong nag-aaral tungkol sa mga kuweba) at ng mga maninisid na galugarin ang mga cenote subalit kadalasang hindi sila makarating sa ilalim dahil sa napakalalim ng mga ito.

Lumitaw ang mga lunsod at mga sentro ng seremonya ng mga Maya sa palibot ng mga cenote na ito, yamang ang mga ito ay isang mahalagang bukal ng tubig at itinuturing na tahanan ng diyos ng ulan, si Chac. Ang ilan sa gayong cenote ay masusumpungan malapit sa kilalang mga kaguhuan ng Chichén Itzá. Ang isa ay kilala bilang ang Sagradong Cenote, o ang Cenote ng mga Hain. Nahukay ng mga arkeologo sa ilalim ng tubig nito ang mga kalansay ng tao (lalo na ng mga bata) gayundin ang mahahalagang bagay, gaya ng jade, ginto, at tanso, anupat pinatutunayan ang alamat na ang mga haing tao at iba pang mga handog ay inihahagis sa mga cenote upang manawagan sa diyos ng ulan.

Ang Cenote Azul na malapit sa Chetumal, Quintana Roo, na kulay matingkad na asul at napalilibutan ng makapal na pananim, ay isa sa palaging pinupuntahan. Ang matarik na cenote na ito na nasa pagitan ng 200 at 300 metro ang diyametro, ay tinatayang mga 90 metro ang lalim, at pinag-uugnay ang maraming-kulay na Lawa ng Bacalar sa nakakubling mga lagusan. Ang paglangoy sa malinaw at malinis na tubig ng cenote ay isang di-malilimot na karanasan.

Bukod pa sa Mexico, masusumpungan ang katulad na mga balon ng batong apog sa Australia, Cuba, Turkey, at mga bahagi ng Europa. Subalit sa Peninsulang Yucatán, daan-daan ang natuklasan, samantalang sa labas ng rehiyong ito, bihira ang mga ito. Ikaw ay inaanyayahang dumalaw sa isang cenote at masiyahan mismo sa likas na kababalaghang ito.

[Mapa sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

PENINSULANG YUCATÁN

[Larawan sa pahina 23]

Cenote, X-Keken, Yucatán

[Larawan sa pahina 23]

Crystal Cenote, Quintana Roo

[Larawan sa pahina 23]

Lawa ng Bacalar at ang Cenote Azul (ibaba)

[Credit Line]

© Michael Friedel-Woodfin Camp and Associates