Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talaga Bang Komportable ang Iyong Sapatos?

Talaga Bang Komportable ang Iyong Sapatos?

Talaga Bang Komportable ang Iyong Sapatos?

“Walang sinuman ang nakaaalam kung masakit sa paa ang sapatos maliban sa nagsusuot nito.”​—DIUMANO’Y MULA SA ISANG PANTAS NA ROMANO.

KAILAN ka huling bumili ng isang pares ng sapatos? Tama ba ang sukat ng sapatos mo? Komportable ba iyon? Gaano mo katagal ito pinili? Matulungin ba ang dispatsador o tagasukat? Binili mo ba ang mga iyon dahil sa istilo sa halip na sa pagiging komportable nito? Ano ang pakiramdam mo ngayong medyo matagal mo na itong suot? Masakit ba ito sa paa?

Hindi gayon kasimple ang pagbili ng sapatos gaya ng akala natin. At ang paghahanap ng tamang sukat ay nakalilito at mahirap. Bakit gayon?

Paghahanap ng Tamang Sukat

Una sa lahat, aling paa mo ang mas malaki​—kanan o kaliwa? Sa palagay mo ba ay magkapareho ang mga ito? Mag-isip ka muli! Ang isa pang salik na dapat isaalang-alang ay ang apat na uri ng sukat ng bawat paa: ang static fit (sukat kapag nakaupo), weight-bearing fit (sukat kapag nakatayo), functional fit (sukat kapag gamit ang sapatos), at thermal fit (sukat kapag nagbabago ang temperatura). Anu-ano ang pagkakaiba nito?

May kinalaman sa static fit, ganito ang sabi ng aklat na Professional Shoe Fitting: “Ito ang sukat ng sapatos kapag nakarelaks ang paa (nakaupo ang kostumer).” Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “weight-bearing fit,” ito ang sukat kapag nakatayo ang isang tao. Binabago ng posisyong ito ang laki at hugis ng paa. Sinabi ng reperensiyang binanggit sa itaas: “Talagang nakarelaks ang mga buto at litid ng paang hindi ikinikilos, na bigla namang ‘tumitigas’ kapag nakatayo, anupat binabago nito ang sukat ng paa.” Subalit may dalawa pang uri ng sukat.

Ang functional fit ay ang sukat ng paa kung aktuwal na ginagamit ito​—kapag naglalakad, tumatakbo, tumatalon, o nag-eehersisyo. “Lumilikha [ito] ng magkakaibang laki, hugis at proporsiyon ng paa.” Ang ikaapat na uri ng sukat ay ang thermal fit, na tumutukoy sa mga pagbabagong nangyayari sa paa bunga ng init at halumigmig. Maaari nitong palakihin nang 5 porsiyento ang paa. Hindi nga kataka-taka na nakagiginhawang hubarin ang sapatos pagkatapos ng maghapon, lalo na kung hindi husto sa iyo ang sukat nito! At malimit na ganiyan ang nangyayari.

Paano Sinusukat ang Iyong mga Paa?

Sa loob ng maraming taon, ang sapatos na laging binibili ni Eric ay may sukat na 10 1⁄2 o 11, katamtaman ang lapad. Sa panahon ding iyan, lagi siyang pinahihirapan ng kalyo sa balikukong daliri niya sa paa at ingrown sa kaliwang hinlalaki sa paa. Iminungkahi ng kaniyang podiatrist (manggagamot sa paa) na magpasukat siya ng kaniyang paa sa isang propesyonal na tagasukat ng sapatos. Laking gulat ni Eric na malaman na ang dapat na sukat niya ay 12 12, A ang lapad! Ang “A” ay nagpapahiwatig ng makipot na paa. Subalit sapat na bang makuha ang dalawang sukat na ito, ang haba at lapad, para matiyak na komportable ang sapatos? Paano mo dapat sukatin ang iyong mga paa?

Ang karaniwang kasangkapan na ginagamit sa ilang bansa upang sukatin ang paa ay ang kagamitang Brannock. (Tingnan ang larawan.) Maaari itong gamitin upang makuha ang tatlong pangunahing mga sukat: ang kabuuang haba ng paa, ang distansiya sa pagitan ng sakong hanggang sa talampakan, at ang lapad ng talampakan. Pero siyempre pa, ang bawat paa ay may sariling hugis at laki. Iyan ang dahilan kung kaya isinusukat muna natin ang sapatos bago natin ito bilhin. Dito tayo madadaya. Naranasan mo na bang magsukat ng sapatos na talagang gusto mo, ngunit matutuklasan mong medyo masikip pala? “Luluwang din ang sapatos,” ang sabi ng dispatsador. Binili mo ito at nagsisi ka ilang araw o linggo pagkatapos mong isuot ang mga ito. At saka ka kakalyuhin uli, magkakaroon ka ng ingrown sa hinlalaki sa paa, o ng bukol sa paa (bunion)!

Makakakuha Ka ba ng Sukát na Sukát sa Iyo?

Posible bang makahanap ng sapatos na sukát na sukát sa iyo? Ang tahasang sagot ng aklat na Professional Shoe Fitting ay hindi. Bakit hindi? “Dahil sa ilang malalaking hadlang. . . . Walang tao na ang dalawang paa ay parehung-pareho ang laki, hugis, proporsiyon o sukat kapag suot na ito.” Kaya kung hustung-husto ang sapatos sa mas malaki mong paa, hindi naman iyon sukát sa kabilang paa. “Hindi ibig sabihin nito na imposibleng makakuha ng hustong sukat, kundi dapat lang tayong maging mas maingat sa kataga o ideya ng [sapatos na] ‘sukát na sukát.’ ”

Kung ibig mong malaman kung saang parte ng sapatos laging naroon ang bigat ng iyong mga paa, suriin mo ang iyong luma at gamít nang mga sapatos. Tingnan mo ang layning sa loob ng sapatos. Aling bahagi ang nakita mong pinakapudpod? Kadalasan, makikita na ang pinakapudpod ay ang sapin ng takong, likuran ng takong, at ang pinakatalampakan ng paa. Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na ang “ilang bahagi ng sapatos ay hindi tumutugma sa mga bahagi ng paa. Ang ilang bahagi ay labis na napupudpod samantalang ang ibang bahagi ay hindi man lamang nauupod.”

Maging ang throat ng sapatos ay mahalaga para maging komportable ang sapatos. Napansin mo bang iba’t iba ang istilo ng paggawa ng throat ng sapatos? Sa bal style, ang dalawang pang-ibabaw na entrada ay hinihigit hanggang sa pinakadulong ohetas. Gayunman, kung matambok ang iyong mga paa, mas komportable ang blucher style, yamang magkahiwalay ang dalawang tagiliran ng entrada ng sapatos hanggang sa pinakadulong ohetas. (Tingnan ang larawan.) Bakit mahalaga ang lahat ng detalyeng ito? Ganito ang sinabi ng reperensiya ring iyon: “Ang pinakakaraniwang dahilan ng pagsakit ng sakong dahil sa sapatos ay malimit na bunga mismo ng pagiging labis na masikip ng dila ng sapatos, anupat itinutulak nito nang husto ang sakong sa bandang kontrapuwerte.”

Paano Naman ang Matataas na Takong ng Kababaihan?

Ang pagkahilig ng kababaihan sa matataas na takong ay nagdudulot ng iba’t ibang puwersa sa katawan. Binabago ng matataas na takong ang pustura ng katawan, anupat malimit na pasubsob ang posisyon ng katawan, na higit na nagpapabaluktot naman sa tuhod upang tumuwid ang katawan. Pinatitigas din ng matataas na takong ang kalamnan sa binti, anupat umuumbok ito nang husto.

Kaya malimit na ang takong ang pinakamahalagang bahagi ng sapatos ng babae at ang pangunahing pinagmumulan ng kaginhawahan o pananakit ng kaniyang mga paa. Sinabi ng Professional Shoe Fitting na may tatlong pangunahing dahilan ang mga takong sa sapatos: ‘(1) “katayuan,” gaya ng pagdaragdag nito sa tangkad ng isa, (2) palamuti sa sapatos​—ang karagdagang disenyo o istilo na ipinakikita sa sapatos, at (3) pampaganda​—yamang nagkakaroon ng korte ang mga binti dahil sa matataas na takong ng kababaihan.’

Dapat lalong magbigay-pansin ang kababaihan sa taas ng kanilang takong, na tumitiyak sa bigat ng katawan na napupunta sa takong. Kapag ang bigat na iyan ay nasa likuran o sa bandang unahan ng takong, mapanganib ito. Bakit gayon? Sapagkat maaari nitong mabali ang takong at maging sanhi ng delikadong pagkatapilok.

Sa maikling pagtalakay na ito, maliwanag na nangangailangan ng panahon upang makuha ang tamang sukat ng sapatos at marahil karagdagang gastos pa nga, yamang mas matagal gawin ang isang mahusay na sapatos. Subalit malaki ang magagawa ng sapatos sa kaginhawahan mo at maging sa iyong kalusugan. Kaya huwag magmadali. Hanapin mo ang iyong tamang sukat. Magtiyaga ka. Huwag kang padaya sa kausuhan o kagandahan nito.

[Kahon sa pahina 20]

Mahahalagang Salik na Dapat Isaalang-alang sa Pagpili ng mga Sapatos

Ang sumusunod na mga mungkahi ay ibinigay nina William A. Rossi at Ross Tennant mula sa kanilang aklat na Professional Shoe Fitting.

“Gaya ng alam ng isa, ang layunin ng pagsukat ng paa ay upang matiyak ang eksaktong laki ng sapatos.” Bakit? Sapagkat ang mga sukat ng sapatos ay naaapektuhan ng maraming salik, gaya ng taas, istilo, disenyo, materyales na ginamit, at tatak ng takong. Lalo nang totoo ito sa ngayon yamang ginagawa ang sapatos sa maraming bansa na may iba’t ibang pamantayan.

Kapag sinusukat ang iyong paa, hilahin ang dulo ng medyas o stocking upang hindi nakabalikukô ang mga daliri sa paa na nagiging dahilan ng maling sukat.

Paano ka dapat sukatan​—nakaupo o nakatayo? “Mas madaling sukatan ang kostumer kapag nakaupo.” Hindi tama ang pagsukat na ito. Kaya, tumayo ka kapag ikaw ay sinusukatan. Oo, dapat sukatin ang pareho mong paa. Huwag mong ipalagay na mas malaki ang kaliwang paa. Sukatin mong pareho!

“Ang propesyonal na pagsukat ng sapatos ay isang kasanayan at serbisyo ng grupo ng mga indibiduwal na eksperto sa larangang ito na kaugnay sa napakaraming kilaláng mga tindahan ng sapatos na nakauunawa at nakakikilatis sa de-kalidad na pagsukat ng sapatos.”

[Dayagram sa pahina 19]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mga bahagi ng sapatos

sapin

entrada

“throat”

eskarpin

“heel breast”

“top lift”

nguso

suwelas

ribete

entrada

“throat line”

“bar” ng dila

“quarter”

sapin ng takong

takong

[Mga larawan sa pahina 20]

Kagamitang “Brannock”

[Larawan sa pahina 21]

Ang lahat ng disenyo ng sapatos ay nakasalig sa pitong pangunahing istilong ito

[Mga larawan sa pahina 21]

Mga istilo ng “throat line”

“Blucher”

“Bal”