Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Nababawasan ang Polusyon sa Siyudad Dahil sa mga Puno
“Sa kauna-unahang pagkakataon, nasukat ng mga eksperto kung paano nababawasan ng iba’t ibang uri ng puno ang polusyon,” ang ulat ng The Sunday Times ng London. Sa isang tatlong-taóng pagsusuri sa lugar ng West Midlands, nasukat ng mga siyentipiko mula sa Inglatera at Scotland ang mga sampol ng lupa na kinuha sa mga 32,000 puno upang makita kung aling uri ng puno ang sumisipsip ng pinakamaraming nakapipinsalang maliliit na butil (particles) sa atmospera. Nasukat din ng mga mananaliksik ang maliliit na butil sa atmospera at sa mga antas ng ozone. Nanguna sa listahan ang mga puno ng fresno, larch, at Scots pine; ang pinakamahinang sumipsip ng nakapipinsalang mga butil ay ang mga puno ng encina, sause, at alamo. Ipinakikita ng pag-aaral na “ang mga puno ay tatlong ulit na mas mabisa sa pag-aalis ng polusyon sa atmospera kaysa sa damuhan.” Oo, ipinakikita ng computer projection na kung kalahati lamang ng kaparangan sa West Midlands ay natamnan ng mga puno, mababawasan nang 20 porsiyento ang polusyon sa hangin dahil sa maliliit na butil.
Pagtuklas sa Bagong mga Uri
Di-sinasadyang natuklasan ng dalubhasa sa pag-aaral ng mga primate o mamal na si Marc van Roosmalen ang dalawang bagong uri ng mga unggoy sa maulang gubat ng Amazon, anupat nadagdagan ang walong uri na natuklasan sa rehiyong iyon mula noong 1990. Sa panayam sa National Geographic Today, sinabi ni Van Roosmalen: “Hindi ko natanto na walang gaanong nalalaman tungkol sa Amazon hanggang sa masumpungan ko ang lahat ng bagong mga hayop na ito.” Ang paghahanap sa hindi pa natutuklasang mga uri “ay walang kaugnayan sa karanasan,” ang sabi pa ni Van Roosmalen, na pinarangalan dahil sa limang bagong primate na natuklasan niya mula noong 1996. Maraming uri ang natuklasan sa pagdalaw lamang sa liblib na mga nayon ng Indian at pagsusuri sa kanilang mga alagang hayop. Sa pagkokomento sa pinakabagong mga tuklas na ito, sa Folha de S. Paulo ng Brazil, ganito ang sabi ng soologo na si Anthony Rylands: “Sa pagkasira ng mga tirahan sa Amazon, posibleng malipol ang iba pang uri bago pa man matuklasan ang mga ito.”
Tumitindi ang Kawalang-Pagpaparaya sa Relihiyon sa Georgia
“Ang mga Saksi ni Jehova ay nagpaplano ngayon dito ng isang pulong sa pag-eebanghelyo sa tag-araw sa isang bukid na malapit sa isang guwang ng ilog, subalit isang pangkat ng mga mang-uumog ang dumating kagabi,” ang sabi ng isang ulat sa The New York Times. “Dalawang dosenang kalalakihan na nakasuot ng mga krus ng Simbahang Ortodokso ng Georgia ang dumating sakay ng mga bus at nanamsam sa tahanan ng punong-abala, si Ushangi Bunturi. Ibinunton nila ang mga Bibliya, relihiyosong mga pamplet at mga ari-arian ni G. Bunturi sa bakuran at saka sinunog ang mga ito . . . Pinunô nila ng krudo ang pagbabautismuhan. Nagpunta rin ang mga pulis, pati na ang lokal na hepe ng pulisya . . . Walang naaresto. . . . Parang isinaplano ang ginawang mga pagsalakay.” Bagaman may relihiyosong mga kaigtingan “sa marami sa dating mga republika ng Unyong Sobyet, pati na sa Russia,” ang sabi ng Times, “pambihira ang tindi ng karahasan sa Georgia pagdating sa relihiyosong mga minorya, at ang kitang-kitang pagkakasangkot ng mga opisyal sa mga pagsalakay. Iginarantiya sa Konstitusyon ng Georgia ang kalayaan sa relihiyon pagkatapos ng pamamahalang Sobyet. Subalit sa tumitinding karahasan, nangyari ang napakaraming pagsalakay at panununog ng pangkat ng mga mang-uumog at pambubugbog.”
Dumaragsa ang mga Kabataan sa “Katuwaang Simbahan”
Sa ilalim ng pamagat na “Tinanggap ng mga Kabataan ang ‘Katuwaang Simbahan,’ ” iniulat ng pahayagang Nassauische Neue Presse sa Alemanya ang tungkol sa unang kapistahan ng Church Youth Day na isinaayos ng relihiyong Protestante sa Hesse at Nassau. Mga 4,400 ang dumalo sa limang-araw na kapistahan. Kasali sa programa ang mga workshop at mga talakayan ng grupo, mga serbisyo sa gabi na may nakasinding mga kandila at mga awitan, at maraming isports, sosyal na mga pagtitipon, at tugtugan. “Wala sa mahigit na 220 pangyayari ang karaniwang mga pag-aaral sa Bibliya at tradisyonal na mga serbisyo sa simbahan,” ang sabi ng pahayagan. Laking gulat ng isang kabataang pastor “na ang ilang kabataan ay humiling mismo ng mga pag-aaral sa Bibliya, na kilalang-kilala sa pagiging nakababagot nito.” Ganito ang sabi ng isang tin-edyer: “Sa katunayan, ang programa ay walang gaanong kaugnayan sa simbahan, subalit maganda ang kapaligiran.”
Relihiyon at Digmaan
“Ang pinakamadugo at ang pinakamapanganib sa mga pagtatalo sa ngayon . . . ay may kinalaman sa relihiyon,” ang sabi ng pahayagang USA Today. Napakahirap din nitong lutasin. “Ang pamantayang mga pamamaraan sa diplomasya—halimbawa, ang pagiging handang makipagkompromiso at magpatawad ng dating mga hinanakit—ay maaaring mas mahirap ikapit kapag ang magkakalaban ay nag-aangking nasa kanilang panig ang Diyos,” ang susog ng pahayagan. “Totoo iyan kahit na ang relihiyon ay mas kinakasangkapan upang makakuha ng suporta kaysa sa ugat mismo ng alitan, na maaaring nakasentro sa hindi gaanong relihiyosong labanan hinggil sa lupa o sa kapangyarihan.” Pinahihirap pa nga ng mga pagkakaiba sa relihiyon na magkaroon ng pansamantalang tigil-putukan. Ang isang halimbawa ay ang digmaan kamakailan sa Kosovo. Isinaalang-alang ang isang tigil-putukan noong Pasko ng Pagkabuhay subalit hindi ito maipatupad dahil magkaiba ang mga petsa ng pagdiriwang ng mga Katoliko at mga Ortodokso sa Pasko ng Pagkabuhay. “Sa katapus-tapusan, wala talagang tigil-putukan,” ang sabi ng USA Today.
“Di-makontrol” na Epidemya ng HIV/AIDS
“Sa buong daigdig, 40 milyon katao ang nahawahan ng HIV, 20 milyon ang namatay na dahil sa AIDS, at 750 000 sanggol ang ipinanganganak na nahawahan ng HIV taun-taon,” ang ulat ng babasahin sa medisina na The Lancet sa Britanya. Noong taóng 2001 lamang, limang milyon ang bagong mga nahawahan at tatlong milyon ang namatay dahil sa AIDS. Ayon kay Peter Piot, ehekutibong direktor ng Joint United Nations Programme on HIV/AIDS, ang epidemya ay “di-makontrol,” subalit ito’y nasa “panimulang mga yugto” pa lamang. Tinataya niya na sa susunod na 20 taon, 70 milyon katao ang mamamatay dahil sa AIDS. Sa timugang bahagi ng Sahara sa Aprika, nasa pagitan ng 30 at 50 porsiyento ng populasyon sa ilang lunsod ang positibo sa HIV. Palibhasa’y napakaraming dalaga’t binata ang namamatay dahil sa AIDS, ang ikinababahala ay na pagsapit ng 2020, mahigit sa 25 porsiyento ng mga manggagawa ang mamamatay. “Napakalaki ng mga epekto nito sa mga bata para makabawi sa kabuhayan sa hinaharap,” ang sabi ng The Lancet. Sa Zimbabwe, “sa panahong ang mga batang ito’y maging tin-edyer na, isa sa lima ang inaasahang mamamatayan ng isang magulang.”
Mga Pakinabang ng Pagpapasuso ng Ina
“Talagang wala nang mas mainam na pagkain para sa mga bagong-silang” kaysa sa gatas ng ina, ang sulat ng neurosiruhano na si Dr. Sanjay Gupta sa magasing Time. “Mas kaunti ang bilang ng mga sanggol na naoospital, nagkakaroon ng impeksiyon sa tainga, nagtatae, nagkakabutlig, nagkakaalerdyi at nagkakaroon ng iba pang problema sa paggamot kung sila ay pinasuso sa ina kaysa sa mga sanggol na pinasuso ng itinimplang gatas sa bote.” Iniulat ding proteksiyon laban sa mga karamdaman sa palahingahan ang pagpapasuso sa ina. Ang konklusyon ng isang pagsusuri ng mga Danes ay na “ang mga adultong pinasuso sa ina mula pito hanggang siyam na buwan noong sila’y mga sanggol pa ay mas matatalino kaysa sa mga pinasuso lamang sa ina sa loob ng dalawang linggo o wala pa.” Inirerekomenda ng American Academy of Pediatrics na ang bata ay dapat pasusuhin sa ina sa loob ng anim na buwan at, kung maaari, sa loob ng isang taon o mahigit pa. “Sa katunayan hindi lamang ang mga sanggol ang nakikinabang mula sa pagpapasuso sa ina,” ang sabi ng U.S.News & World Report. Isinisiwalat ng isang pagsusuri sa 150,000 kababaihan sa 30 bansa na “taun-taon ay 4.3 porsiyento ang nababawas sa panganib na magkaroon ng kanser ang isang babaing nagpapasuso.” Gayunman, “kalahati lamang ng mga inang Amerikano ang nagpapasuso, sa loob ng humigit-kumulang dalawa hanggang tatlong buwan.”
Nakatutulong ang Ugnayan ng Pamilya Upang Maiwasan ang Pag-abuso sa Droga
Isang pagsusuri sa mga tin-edyer sa Britanya, Alemanya, Ireland, Italya, at Netherlands ang “nagpapakita na ang kalidad ng buhay pampamilya, o ang kawalan nito para sa maraming kabataan, ang pinakaugat ng problema sa droga sa Kanluraning lipunan,” ang sabi ng mananaliksik na si Dr. Paul McArdle ng Newcastle University, Inglatera. Gaya ng iniulat ng The Daily Telegraph sa London, kapag ang mga kabataan ay nakatira na kasama ng ama’t ina at nagtatamasa ng napakahusay na ugnayan sa pamilya, lalo na sa kani-kanilang ina, 16.6 porsiyento lamang ang nasangkot sa bisyo ng droga. Subalit kung wala ang mga salik na ito, 42.3 porsiyento ang gumamit ng droga. “Tahasan naming binanggit sa mga bata ang mga panganib ng pag-abuso sa droga sa TV at naglunsad kami sa mga paaralan ng mga pamamaraan upang maiwasan ang droga subalit waring wala talagang bumabanggit sa isyu ng pananagutan ng mga magulang,” ang sabi ni McArdle. “Naniniwala akong ang mabisang pag-iwas sa paggamit ng droga ay higit na nakadepende sa ugnayan ng pamilya kaysa sa anumang iba pang salik.”