Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Maraming Gamit ng Hamak na Mani

Ang Maraming Gamit ng Hamak na Mani

Ang Maraming Gamit ng Hamak na Mani

Mahilig ka ba sa mani? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Napakaraming tao sa daigdig ang nasasarapan sa mani. Ang dalawang bansang may pinakamaraming tao sa lupa​—ang Tsina at India​—kung pagsasamahin ay umaani ng mahigit sa 50 porsiyento ng kabuuang ani ng mani sa buong daigdig.

Umaani ang Estados Unidos ng mahigit sa isang bilyong kilo ng mani taun-taon, anupat nagluluwal ng halos 10 porsiyento ng kabuuang ani sa buong daigdig. Malalaki rin ang ani ng mani sa mga bansang Argentina, Brazil, Malawi, Nigeria, Senegal, Sudan, at Timog Aprika. Paano naging napakapopular ang mani? May mga pagkakataon bang dapat umiwas sa pagkain ng mani?

Isang Mahabang Kasaysayan

Ipinalalagay na ang mani ay nagmula sa Timog Amerika. Ang isa sa pinakaunang nakilalang gawang-sining na nagpapakita ng pagpapahalaga ng tao sa mani ay ang isang plorera na nakita sa Peru at umiral bago matuklasan ang Columbia. Ang plorera ay hugis-mani at napapalamutian din ng hugis-maning mga disenyo. Natuklasan ng mga manggagalugad na Kastila, na siyang unang nakakita ng mani sa Timog Amerika, na ang mga ito ay isang mainam na pinagmumulan ng sustansiya para sa kanilang mga paglalakbay. Pagkatapos ay nag-uwi sila ng ilan nito sa Europa. Ginamit ng mga taga-Europa ang mani sa iba pang mga bagay, anupat ginawa pa nga itong kahalili sa butil ng kape.

Nang maglaon, nagdala ang mga Portuges ng mani sa Aprika. Kaagad na nabatid doon na ang mani ay isang mahalagang pinagmumulan ng pagkain na tumutubo sa lupang napakatigang para sa ibang mga pananim. Sa katunayan, pinatataba pa nga ng mga halamang mani ang di-magandang lupa sa pamamagitan ng pagbibigay rito ng lubhang-kinakailangang nitroheno. Nang dakong huli, nakarating ang mga mani mula sa Aprika tungo sa Hilagang Amerika noong panahon ng bentahan ng alipin.

Noong dekada ng 1530, dinala ng mga Portuges ang mani sa India at Macao at ng mga Kastila naman sa Pilipinas. Pagkatapos ay dinala ng mga mangangalakal ang mani mula sa mga lupaing ito tungo sa Tsina. Doon nabatid na ang mani ay isang tanim na makatutulong sa bansa na harapin ang problema sa taggutom.

Pinag-aralan ng mga botaniko ang mani noong ika-18 siglo, na tinatawag nilang gisantes sa ilalim ng lupa, at naisip na mainam na pagkain ito para sa mga baboy. Pagsapit ng unang mga taon ng ika-19 na siglo, itinanim ang mani sa South Carolina sa Estados Unidos upang ikalakal. Noong Digmaang Sibil ng Amerika, na nagsimula noong 1861, ang mani ay naging pagkain ng mga sundalo ng magkalabang panig.

Gayunman, noong panahong iyon, maraming tao ang nag-aakalang ang mani ay pagkain ng mahihirap. Ang impresyong ito ang nagpapaliwanag kung bakit ang mga magsasakang Amerikano noon ay hindi nagpapatubo ng mani nang gayon karami para kainin ng tao. Karagdagan pa, bago naimbento ang mga makina noong mga taóng 1900, ang pagpapatubo ng mani ay isang napakabigat na trabaho.

Ngunit pagsapit ng 1903, ang tagapangunang si George Washington Carver, isang Amerikanong kimiko sa agrikultura, ay nagsimulang magsaliksik hinggil sa kung saan pa magagamit ang halamang mani. Nang dakong huli, nakagawa siya ng mahigit sa 300 produkto mula rito, kasama na ang mga inumin, kosmetik, tinà, gamot, sabong panlaba, pestisidyo, at tinta sa paglilimbag. Pinasigla rin ni Carver na ihinto ng lokal na mga magsasaka ang kanilang kaugalian na bulak lamang ang itanim, na siyang umuubos sa sustansiya ng lupa, at salitan ito ng mani. Noong panahong iyon, sinisira ng boll weevil (isang uri ng uwang) ang mga tanim na bulak, anupat naudyukan ang maraming magsasaka na sundin ang payo ni Carver. Ano ang resulta? Lubhang matagumpay ang mani anupat naging isang pinakamabiling tanim ito sa timugang bahagi ng Estados Unidos. Sa ngayon, isang monumento para kay Carver ang nakatayo sa Dothan, Alabama. At ang bayan ng Enterprise, Alabama, ay nagtayo pa nga ng isang monumento para sa boll weevil, yamang ang pagsira ng insektong ito ay nakatulong upang mapakilos ang mga magsasaka na magtanim ng mani.

Pagpapatubo ng Mani

Ang mani ay hindi naman talaga mga nuwes kundi mga buto mismo ng mani. Habang lumalaki ang halamang mani, nagluluwal ito ng dilaw na mga bulaklak na nagsasagawa ng polinisasyon sa ganang sarili nito.

Sa dulo ng isang tulad-tangkay na kayariang tinatawag na peg, ang pertilisadong obaryo ng halaman, na siyang kinalalagyan ng bilig, ay nagsisimulang tumagos sa lupa. Sa ilalim ng lupa, ang bilig ay gumagapang nang pakalat hanggang sa gumulang at mabuo tungo sa popular na korte ng isang mani. Hanggang 40 mani ang maaaring tumubo sa isang halaman.

Gusto ng mani ang mainit at maaraw na klima na may katamtamang pag-ulan. Ang panahon ng pagtatanim hanggang sa pag-aani ay maaaring 120 hanggang 160 araw, depende sa uri ng mani at lagay ng panahon. Upang maani ang mga mani, dapat dukalin ng mga nagtatanim ang buong halaman pati na mga ugat nito, baligtarin ang mga ito, at hayaang matuyo upang hindi mabulok sa pagkakaimbak. Sa ngayon, gumagamit ang maraming nagtatanim ng makabagong kagamitang pambukid na nakabubunot ng mga ugat nito, nakapapagpag ng lupa mula sa mga ito, at nakababaligtad ng mga halaman, nang minsanan lamang.

Ang Maraming Gamit ng Mani

Kahanga-hanga ang sustansiyang makukuha sa mani. Mataas sa fiber ang mani, at mayroon itong 13 bitamina at 26 na mineral, na marami sa mga ito ay wala sa makabagong mga pagkain. “Mas maraming protina, mineral, at bitamina ang isang libra ng mani kaysa sa isang libra ng atay ng baka,” ang sabi ng The Encyclopædia Britannica. Ngunit mag-ingat kayong maseselan sa inyong timbang! Ang mani ay may “higit na taba kaysa sa purong krema” at “mas maraming nakukuhang enerhiya (mga kalori) kaysa sa asukal.”

Ginagamit ang mani sa iba’t ibang lutuin ng maraming bansa. At napapansin agad ang kakaibang lasa nito. “Napakalakas at lubhang kapansin-pansin ang lasa ng mani anupat anumang lutuin na tinimplahan ng mani ay nagkakalasang mani,” ang sabi ng awtor sa pagluluto na si Anya von Bremzen. “Kaya may pagkakapareho ng lasa ang peanut sauce ng Indonesia, sopas ng Kanlurang Aprika, pansit ng mga Tsino, nilaga ng Peru, at tinapay na pinalamnan ng peanut butter.”

Paborito ring meryenda ang mani sa buong daigdig. Halimbawa, sa India, ang mga mani ay inihahalo sa iba pang tuyong butong-gulay at ipinagbibili sa lansangan bilang meryenda. Kapansin-pansin, ang peanut butter, isang kilalang palaman sa tinapay sa ilang bansa, ay iniulat na “inimbento ng isang manggagamot sa St. Louis [E.U.A.] noong mga 1890 bilang isang nakapagpapalusog na pagkain para sa mga may-edad na,” ayon sa publikasyong The Great American Peanut.

Ngunit maraming iba pang gamit ang mani bukod pa sa pagiging pagkain nito. Sa buong Asia, ang mani ay isang mahalagang pinagmumulan ng mantikang panluto. Maaaring gamitin ang mantika ng mani upang makapagluto sa napakainit na mga temperatura, at hindi nito nakukuha ang lasa ng mga pagkaing niluluto.

Sa Brazil, ang peanut meal, pangalawahing produkto sa paggawa ng mantika ng mani, ay ipinakakain sa mga hayop. At makikita rin ang mga produkto ng mani sa maraming araw-araw na paninda.​—Tingnan sa itaas.

Mag-ingat​—Alerdyi sa Mani!

Maaaring imbakin ang mani sa loob ng matagal na panahon nang hindi inilalagay sa repridyeretor. Gayunman, dapat mag-ingat. Ang mga maning may amag ay may aflatoxin, isang malakas na kemikal na nagdudulot ng kanser. Karagdagan pa, alerdyik ang ilang tao sa mani. Ang alerdyi ay “maaaring magdulot ng mga sintomas mula sa parang tumutulong-tubig na sipon at mga singaw sa katawan tungo sa nakamamatay na anaphylactic shock,” ang sabi ng magasing Prevention. Ipinahihiwatig ng ilang pagsusuri na nagiging karaniwan na sa mga bata na magkaroon ng alerdyi sa mani.

Kung ang mga magulang ng isang bata ay parehong may hika, allergic rhinitis, o eksema, mas malaki ang panganib na magkaroon ng alerdyi sa mani ang bata, ang ulat ng Prevention.

Totoo rin iyan sa mga sanggol na ang mga ina ay may mga alerdyi, at sa mga sanggol na nagkaroon ng alerdyi sa gatas sa kanilang unang taon. “Makabubuti para sa mga pamilyang ito na iwasan munang bigyan ng peanut butter ang mga sanggol sa unang taon nito hanggang sa ikatlong taon man lamang,” ang sabi ni Dr. Hugh Sampson, propesor ng pediatrics sa Johns Hopkins University Medical Center, E.U.A.

Mahilig ka man sa mani o hindi, ang pagtalakay na ito tungkol sa maraming gamit ng mani ay marahil nakapagpasidhi sa iyong pagpapahalaga sa hamak, ngunit napakapopular na butong ito.

[Kahon/Larawan sa pahina 24]

Maaaring Masumpungan ang mga Pangalawahing Produkto ng Mani sa Maraming Araw-araw na Paninda

• Pohas pandingding

• Panggatong sa apuyan

• Pansapin sa pusa

• Papel

• Sabong panlinis

• Pamahid

• Pampakintab ng metal

• Pangkula

• Tinta

• Grasa sa ehe

• Krema na pang-ahit

• Krema sa mukha

• Sabong pampaligo

• Linolyum

• Goma

• Kosmetik

• Pintura

• Pampasabog

Shampoo

• Gamot

[Credit Line]

Reperensiya: The Great American Peanut

[Dayagram/Larawan sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mga dahon

Peg

Kapantayan ng lupa |

Mga ugat Mani

[Credit Line]

The Peanut Farmer na magasin

[Larawan sa pahina 22]

Isang monumento para kay George Washington Carver

[Larawan sa pahina 23]

Estados Unidos

[Larawan sa pahina 23]

Aprika

[Larawan sa pahina 23]

Asia

[Credit Line]

FAO photo/R. Faidutti

[Larawan sa pahina 23]

Ilang uri ng meryendang gawa sa mani

[Larawan sa pahina 24]

Isang kilalang pagkain sa ilang lupain ang “peanut butter”