Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Alamat na Hindi Mapawi-pawi

Ang Alamat na Hindi Mapawi-pawi

Ang Alamat na Hindi Mapawi-pawi

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PRANSIYA

GUSTUNG-GUSTO siya ng mga bata sa buong daigdig. Sa isang nakaraang taon kamakailan, tumanggap ang koreo ng Pransiya ng halos 800,000 liham para sa kaniya​—na karamihan ay galing sa mga bata na tatlo hanggang walong taon ang edad. Ang palakaibigang katangian ni Santa Claus, lakip na ang kaniyang makapal na puting balbas at pulang mahabang damit na may puting mabalahibong laylayan, ay waring isa sa pinakapopular na bahagi ng kapistahan. Iisipin mo ba, kung gayon, na susunugin ang larawan niya? Ganiyan mismo ang nangyari mahigit na 50 taon pa lamang ang nakalilipas sa Dijon, Pransiya. Noong Disyembre 23, 1951, “pinatay” si Santa Claus sa harap ng mga 250 bata.

Ano ang nagawa niyang krimen? Iniulat ng pahayagang France-Soir na ang pagpatay na ito ay “ipinasiya taglay ang pagsang-ayon ng klero, na humatol kay Santa Claus bilang mang-aagaw at erehe” at nagparatang sa kaniya na “ginagawa [niyang] pagano ang Pasko.” Ito ay “isang makasagisag na gawa,” isang pagpapahayag. “Ang kabulaanan ay hindi makapupukaw ng relihiyosong damdamin sa mga bata at tiyak na hindi isang paraan ng pagtuturo.”

Inakala ng mga klerigo na ang mga tao ay inilalayo ng mga kaugaliang may kaugnayan kay Santa Claus mula sa “tunay na Kristiyanong kahulugan” ng Kapanganakan ni Jesus. Sa katunayan, sa Marso 1952 na isyu ng Les Temps Modernes (Makabagong Panahon), tinawag ng etnologong si Claude Lévi-Strauss ang paniniwala kay Santa Claus na “isa sa pinakaaktibong pugad ng paganismo sa gitna ng mga tao” at sinabi niya na tama ang simbahan sa pagtuligsa sa paniniwalang ito. Sinabi rin ni Lévi-Strauss na ang mga pinagmulan ni Santa Claus ay matatalunton sa hari ng Saturnalia. Ang kapistahang Saturnalia ay ipinagdiriwang sa sinaunang Roma mula Disyembre 17 hanggang 24. Sa sanlinggong iyon, pinapalamutian ng luntiang dahon ang mga gusali at nagpapalitan ng regalo ang mga tao. Tulad ng Pasko, mamamalas sa Saturnalia ang pagsasaya.

Sa ngayon, mahigit na 50 taon na ang nakalipas matapos sunugin ang larawan ni Santa Claus, paano minamalas ng mga Katoliko sa Pransiya si Santa Claus? Ang matagal nang tagapagmanang ito ng Saturnalia sa Roma ay bahagi pa rin ng Pasko na gaya ng paglalarawan kay Jesus sa isang sabsaban. Paminsan-minsan, tutuligsain ng isang pari si Santa Claus bilang kumakatawan sa isang anyo ng komersiyalismo na nag-aalis sa papel ni Kristo sa Pasko. Gayunman, sa kalakhang bahagi, anumang pag-aalinlangan hinggil sa makapaganong pinagmulan ni Santa Claus ay naglalaho dahil sa pagtangkilik sa kaniya ng publiko.

[Picture Credit Line sa pahina 13]

DR/© Cliché Bibliothèque nationale de France, Paris