Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kawili-wiling Daigdig ng mga Bulati

Ang Kawili-wiling Daigdig ng mga Bulati

Ang Kawili-wiling Daigdig ng mga Bulati

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

IDINEKLARA ni Reyna Cleopatra ng Ehipto na sagrado ang mga ito. Tinawag sila ni Aristotle na mga bituka ng lupa. Inakala ni Charles Darwin na gumanap sila ng mahalagang papel sa kasaysayan ng daigdig. Anong hayop ang hinangaan ng gayong tanyag na mga tao? Ang hamak na bulating-lupa.

Gaya ng malalaman mo, karapat-dapat hangaan ang mga bulati. Totoo, sila ay madudulas at kumikislut-kislot. Ngunit maging ang mga katangiang ito, na baka ituring nating di-kaakit-akit, ay maaaring pumukaw ng paghanga kapag lalo mong nakilala ang bulati. Ang tanging kailangan mong gawin ay yumukod at bungkalin ang isang kimpal ng lupa o kalkalin ang isang suson ng nabubulok na dahon, at nakapasok ka na sa kawili-wiling daigdig ng mga bulati.

Simpleng Utak, Ngunit Lubhang Kagila-gilalas na Talino

Suriin mong mabuti ang isang bulating-lupa, at mapapansin mo na ang katawan nito ay binubuo ng hugis-singsing na mga bahagi na parang hilera ng maliliit na doughnut na pinagsama-sama nang mahigpit. Ang bawat bahagi ay pinagagalaw ng dalawang grupo ng mga kalamnan. Ang isang grupo, na nasa ilalim lamang ng balat, ay parang argolya sa palibot ng bulati. Sa ilalim ng suson na ito ng kalamnan, ang ikalawang grupo naman ay nakalatag nang pahaba sa bulati. Gumagalaw ang bulati sa pamamagitan ng pagbabanat at paghihigpit sa magkasalungat na mga grupong ito ng kalamnan, anupat binabaluktot ang bawat bahagi ng buong katawan sa paraang sunud-sunod.

Kung ilalagay mo ang isang bulating-lupa sa iyong kamay, walang alinlangan na ito ay kikisay at kikislot. Ganito ang nagiging reaksiyon ng bulati dahil ang katawan nito ay punô ng mga sangkap na pandamdam​—kasindami ng 1,900 sa isa lamang bahagi ng katawan. Ang mga pandamdam na ito ay nagkakaloob sa bulati ng kakayahang makadama, makalasa, at makakita ng liwanag.

Kumakapit ang bulati sa lupa sa pamamagitan ng maliliit at tulad-buhok na mga usli na tinatawag na mga seta. Ang bawat bahagi ng bulati ay may mga set ng mga seta na kumikilos na parang mga sagwan ng isang bangkang de-sagwan. Ibinabaon ng bulati ang mga ito sa lupa, at saka nito binabatak ang sarili, at pagkatapos ay hinuhugot muli ang mga ito. Maaaring “sumagwan” ang bulati sa alinmang direksiyon na ginagamit ang isang set ng mga seta sa bawat pagkakataon o, kapag ito’y nagulantang, maaari nitong pakapitin ang isang dulo ng katawan nito samantalang mabilis na iniuurong ang kabilang dulo nito. Ang animo’y atletang kasanayan na naipamamalas sa magkakasabay na paggamit sa “mga sagwan” na ito ay kaiinggitan ng isang koponan sa pagsagwan sa Olympic.

Kapag pinutol ng ibon ang mga bahagi ng buntot ng bulati, basta pinatutubo lamang itong muli ng ilang uri ng bulati​—ngunit hindi nila mapatutubong muli ang higit pa sa bahaging nawala. Waring ang bawat bahagi ay naglalabas ng kaunting kuryente at pinatutubong muli ng bulati ang nawalang mga bahagi hanggang sa muling matamo ang takdang dami ng kuryente.

Ang libu-libong sangkap na pandamdam at ang masalimuot na mga sistema ng kalamnan ay pawang nakakonekta sa cerebral ganglion, na matatagpuan sa dulo ng bulati kung saan naroroon ang bibig. Ipinakikita ng mga eksperimento na bukod sa kanilang pisikal na mga talino, ang mga bulati ay may kakayahang magmemorya at maaari pa nga nilang matutuhang iwasan ang panganib.

Bakit Napakadulas Nila?

Ang totoo, ang madulas na balat ng bulati, na nakapandidiri sa marami, ay nagpapahintulot sa maliit na nilalang na ito na makahinga. Ang balat ng bulati ay may maraming butas, at ang mga ugat na malapit sa balat ay sumisipsip ng oksiheno mula sa hangin o mula sa may oksihenong tubig samantalang naglalabas ng carbon dioxide. Ngunit maaari lamang magpalitan ang mga gas na ito kung mamasá-masâ ang balat ng bulati. Kapag natuyo ang balat ng bulati, mahihirapan itong huminga hanggang sa mamatay.

Sa kabilang panig, kapag ang bulati ay nakulong sa lungga nito sa panahong maulan, ang suplay ng oksiheno sa tubig ay madaling mauubos. Iyan ang isang dahilan kung bakit gumagapang tungo sa ibabaw ng lupa ang mga bulati pagkatapos ng malakas na pag-ulan. Kung hindi sila lalabas sa lungga, mauubusan sila ng hininga.

Isang Planetang Sagana sa Mabibisang Tagapag-araro

Mahigit sa 1,800 uri ng bulating-lupa ang matatagpuan sa ating planeta. Tumitira sila kahit saan maliban sa pinakatuyo at pinakamalamig na mga bahagi ng lupa. Sa ilalim ng mga sabana sa Timog Aprika, maaaring may 70 bulati lamang sa bawat metro kuwadrado ng lupa, samantalang sa pinakasahig ng kagubatan sa Canada, maaaring may mahigit sa 700 bulati sa bawat metro kuwadrado ng lupa.

Sa New Zealand, ang mga bulati ay nahahati sa tatlong pangunahing uri. Ang unang uri ay binubuo ng mabilis-magparami at mabilis-kumilos na mga bulati na nabubuhay sa nabubulok na mga organikong bagay sa ibabaw ng lupa. Ang ikalawa at mas nakakalat na uri naman ay binubuo ng mga bulati na pahalang na naghuhukay ng lungga sa pang-ibabaw na mga suson ng lupa. Ang ikatlong uri ng mga bulati ay humuhukay nang palalim sa lupa at maaaring gumugol ng ilang taon​—ang buong haba ng buhay ng isang bulati​—sa isang lungga. Ito ang malalakas na uri sa daigdig ng mga bulati. Mayroon silang malalakas na malaargolyang mga kalamnan sa palibot ng kanilang ulo na nagpapangyari sa kanila na makalagos sa lupa. Ang isa sa pinakamalaking bulati sa daigdig ay matatagpuan sa timugang Australia. Ang higanteng bulati na ito ay maaaring humaba nang mahigit sa 1.5 metro at tumimbang nang 500 gramo.

Habang nag-aalumpihit ang mga bulati sa pang-ibabaw na suson ng lupa, nagmimistula silang maliliit na tagapag-araro. Habang ngumangata-ngata at lumalagos sa dumi, lupa, at nabubulok na mga halaman, naglalabas sila ng tinatawag na dumi ng bulati​—isang produkto na inilalabas nila nang napakarami. Tinataya na ang mga bulati na nagtatrabaho sa ilalim ng luntiang kaparangan ng Inglatera ay naglalabas taun-taon ng mga 20 tonelada ng dumi sa bawat ektarya. Ang lalong kahanga-hanga ay ang mga bulati na nakatira sa Libis ng Nilo. Ang mga bulating ito ay makapaglalabas ng hanggang 2,500 tonelada ng dumi sa bawat ektarya. Habang binubungkal ng mga bulati ang lupa, lalo itong nagiging buhaghag at madaling napapasok ng hangin at nakasisipsip ng tubig anupat higit itong napapataba.

Natuklasan ng mga siyentipiko na binabago ng sistema ng panunaw ng mga bulati ang mga sustansiya anupat ginagawa itong mga pagkain ng mga halaman, kaya ang dumi ng bulati ay saganang pagkain ng halaman. Bukod dito, maraming nakapipinsalang mikroorganismo na masusumpungan sa nabubulok na dumi at pananim ang napupuksa kapag dumaan sa bituka ng bulati. Sa gayon, nililinis ng mga bulati ang lupa habang kumakain ang mga ito. Sila ay nabubuhay sa dumi habang gumagawa ng masutansiyang pagkain, anupat parang mainam na makinang nagreresiklo.

Paggamit sa Kapakinabangang Dulot ng Bulati

Ang kamangha-manghang mga kakayahan ng bulati sa pagreresiklo ay ginagamit ng industriya sa pagtatapon ng dumi. Isang kompanya sa Australia ang gumagamit ng kabuuang bilang na 500 milyong bulati sa iba’t ibang plantang nagpoproseso ng dumi. Ang mga bulati ay inilalagay sa isang pantanging dinisenyong kural at nilalagyan ang mga ito ng alinman sa dumi ng baboy o tao na hinaluan ng ginutay-gutay na basurang papel at iba pang organikong bagay. Ang mga bulating ito ay nakakakain nang mula 50 hanggang 100 porsiyento ng sariling timbang ng kanilang katawan araw-araw at gumagawa ng masustansiyang pagkain ng halaman na malaganap na ikinakalakal.

Isiniwalat ng mga pag-aaral ang isa pang posibleng gamit ng mga bulati​—bilang pagkain. Ang mga bulati ay nagtataglay ng kapaki-pakinabang na mga amino acid na gaya ng karneng-baka. Kapag pinatuyo at tinimbang sa takdang sukat, nagtataglay ang mga ito ng 60 porsiyento ng protina at 10 porsiyento ng taba at nagtataglay rin ito ng calcium at phosphorus. Sa ngayon, sa ilang lupain, kumakain na ang mga tao ng empanadang bulati. Sa ibang bahagi ng daigdig, piniprito nila ang mga bulating-lupa at kinakain pa nga nang hilaw ang mga ito.

Bagaman ang mga bulati ay maaaring hindi kailanman magiging pinakapopular na hayop sa daigdig, tiyak na hindi magiging ganito ang daigdig kung wala ang mga ito. Kaya sa susunod na hangaan mo ang tahimik na tanawin sa kabukiran, gumugol ka ng kaunting panahon para pag-isipan ang napakaraming bulating-lupa na nasa ilalim ng tinatapakan mo, na abalang nag-aararo, nagpapataba sa lupa, at nag-aalaga sa magandang tanawing iyan.

[Dayagram/Mga larawan sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang Anatomiya ng Isang Bulating-Lupa

Epidermis

Pahabang kalamnan

Kalamnan ng mga seta

Mga seta

Malaargolyang kalamnan

Pantog

Bituka

Nerve cord

[Credit Lines]

Lydekker

J. Soucie © BIODIDAC

[Larawan sa pahina 20]

Ang mga bulati ay “sumasagwan” sa lupa sa pamamagitan ng kanilang mga “seta”

[Larawan sa pahina 21]

Binubungkal ng mga bulati ang lupa, anupat pinatataba ito

[Larawan sa pahina 21]

Ang higanteng bulati na Gippsland, isang papaubos na uri sa Australia, ay maaaring humaba nang mahigit sa 1.5 metro

[Credit Line]

Courtesy Dr A. L. Yen

[Larawan sa pahina 22]

Ginagawa ng bulati na masustansiyang pagkain ng halaman ang dumi