“Ang Tambol na May Sari-saring Tunog”
“Ang Tambol na May Sari-saring Tunog”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA SENEGAL
“ITO’Y pumapalahaw, umiingit, umiiyak at humihiyaw. Ito’y bumubulong at umaawit. . . . Ito ang tambol na nakaaabot ng pagkarami-raming nota, ang tambol na may sari-saring tunog.” Ano ang pumukaw sa imahinasyon ng manunulat na ito? Ang Aprikanong tambol na pinatutunog lamang sa pamamagitan ng kamay na tinatawag na djembe.
Mahalaga ang djembe sa tradisyon ng pagtatambol ng ilang tribo sa Kanlurang Aprika. Karaniwan na, ang indayog ng djembe ay nauugnay sa mga pangyayaring pangkultura ng buhay sa nayon, mula sa mga pag-aasawa, kamatayan, at mga kapanganakan gayundin sa mga kapistahan, pag-aani, at maging sa pagbili ng bagong damit.
Iba-iba ang hugis at laki ng mga djembe. Sa katunayan, ang Burkina Faso, Guinea, Mali, at Senegal ay may kani-kaniyang natatanging istilo ng djembe. Ang instrumento ay gawa mula sa isang buong kahoy, na inuka ang loob at hinubog na gaya ng balangkas ng tambol. Ang ilan ay may simpleng dekorasyon, samantalang ang iba naman ay maraming pampalamuting mga ukit.
Kapag nabuo na ang balangkas, ginagawa ito ng bihasang tagagawa ng tambol na isang natatanging instrumento sa musika. Una, pinapaít, kinakayas, at nililiha ng tagagawa ng tambol ang balangkas hanggang sa maging eksakto ang sukat nito na lilikha ng ninanais na tunog. Maaari ring pahiran ng artisanong ito ng langis-palma ang loob ng tambol at saka ito patutuyuin sa araw. Nakatutulong ito upang maingatan ang kahoy.
Ang uluhan ng tambol na djembe ay yari sa balat ng kambing at nakakabit ito sa isang anilyong metal at inilalagay sa ibabaw ng tambol. Pinananatili ito sa lugar nito sa pamamagitan ng mga panaling nakakabit sa dalawa pang anilyo. Gaano kahigpit hinihila ng tagagawa ng tambol ang mga panali? Depende ito sa tunog na gusto niyang palabasin. Habang itinotono ng artisano ang tambol, sinusuri niya ito sa pana-panahon sa pamamagitan ng pagtugtog sa kaniyang paboritong tiyempo.
Kapuwa nabibighani sa djembe ang mga Aprikano at ang mga bisita. Oo, kapag nakarinig ka ng tugtugan na itinatanghal ng bihasang mga musikero, hindi mo malilimutan “ang tambol na may sari-saring tunog.”