Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Hinihiling ba ng Kristiyanong Pagkakaisa ang Pagkakapare-pareho?

Hinihiling ba ng Kristiyanong Pagkakaisa ang Pagkakapare-pareho?

ANG relihiyon sa ngayon ay waring kilalá sa pagkakabaha-bahagi. Maging sa gitna ng magkakarelihiyon, maaaring magkaroon ng sari-sari at nagkakasalungatang paniniwala ang mga tao pagdating sa doktrina at paggawi. Ganito ang pagkasabi ng isang manunulat: “Mas mahirap pa ngang makasumpong ng dalawang tao na magkatulad na magkatulad ang paniniwala sa iisang Diyos. Waring sa panahon ngayon, ang bawat tao ay may kani-kaniyang teolohiya.”

Salungat naman dito, pinayuhan ni apostol Pablo ang unang-siglong mga Kristiyano sa Corinto na “magsalita nang magkakasuwato” at “magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Corinto 1:10) Pinupuna ngayon ng ilan ang payo ni Pablo. ‘Magkakaiba ang mga tao,’ ang pangangatuwiran nila, ‘at maling igiit na dapat mag-isip at kumilos sa iisang paraan ang lahat ng Kristiyano.’ Subalit talaga bang iminumungkahi ni Pablo ang pagiging sunud-sunuran na gaya ng robot? Pinahihintulutan ba ng Bibliya ang personal na kalayaan?

Pagkakaisa, Hindi Pagkakapare-pareho

Sa isa pa niyang sulat, hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na maglingkod sa Diyos taglay ang kanilang “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Kung gayon, tiyak na hindi niya sinisikap na gawing di-nag-iisip na mga tau-tauhan ang mga miyembro ng kongregasyon sa Corinto. Ngunit bakit niya sinabi sa kanila na “magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan”? Ito ang ipinayo ni Pablo dahil sa may malubhang problema ang kongregasyon sa Corinto. Nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi, anupat itinuring ng ilan si Apolos bilang kanilang lider samantalang ang iba naman ay pabor kay Pablo o Pedro o naniniwala lamang kay Kristo. Hindi maliit na bagay ang pagkakabaha-bahaging iyan, sapagkat isinasapanganib nito ang kapayapaan ng kongregasyon.

Ibig ni Pablo na “ingatan [ng mga taga-Corinto] ang pagkakaisa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan,” gaya ng ipinayo niya nang dakong huli sa mga Kristiyano sa Efeso. (Efeso 4:3) Hinimok niya ang mga kapatid na sundan nang may pagkakaisa si Jesu-Kristo, na hindi magkakahiwalay sa nagkakabaha-bahaging mga grupo, o mga sekta. Sa ganitong paraan, masisiyahan sila sa pagkakaroon ng mapayapa at nagkakaisang layunin. (Juan 17:22) Kaya naman ang payo ni Pablo sa mga taga-Corinto ay nakatulong upang maibalik sa ayos ang kanilang pag-iisip at maitaguyod ang pagkakaisa, hindi ang pagkakapare-pareho.​—2 Corinto 13:9, 11.

Mahalaga rin ang pagkakaisa pagdating sa doktrina. Natanto ng mga tagasunod-yapak ni Jesus na talagang may “iisang pananampalataya” lamang, kung paanong may “isang Diyos at Ama” lamang. (Efeso 4:1-6) Kaya naman, tinitiyak ng mga Kristiyano na ang kanilang pinaniniwalaan ay kasuwato ng katotohanan na isiniwalat ng Diyos sa kaniyang Salita tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga layunin. Nagkakaisa sila sa kanilang paniniwala tungkol sa kung sino ang Diyos at kung ano ang kaniyang mga hinihiling. Namumuhay rin sila ayon sa malinis na mga pamantayang moral na nakasaad sa Salita ng Diyos. (1 Corinto 6:9-11) Sa ganitong paraan, ang mga Kristiyano ay nananatiling nagkakaisa, kapuwa sa doktrina at moral.

Pakikitungo sa Pagkakaiba

Gayunman, hindi ito nangangahulugan na eksaktong sinasabi sa bawat Kristiyano kung paano dapat mag-isip at kung ano ang dapat gawin sa lahat ng kalagayan sa buhay. Ang karamihan ng mga bagay ay personal na pinagpapasiyahan ng mga tao. Isaalang-alang ang isang halimbawa. Nag-alinlangan ang maraming Kristiyano sa Corinto noong unang siglo tungkol sa pagkain ng karne na baka nanggaling sa templo ng mga idolo. Matibay ang paniniwala ng ilan na ang pagkain sa karneng iyon ay katumbas na rin ng isang gawa ng huwad na pagsamba, samantalang inaakala naman ng iba na hindi na mahalaga kung saan galing ang karne. Sa pagharap sa mabigat na usaping ito, hindi gumawa si Pablo ng isang tuntunin na magsasabi sa mga Kristiyano kung ano ang dapat gawin. Sa halip, kinilala niya na maaaring magkaiba-iba ang pasiya ng mga tao hinggil sa bagay na iyon. *​—1 Corinto 8:4-13.

Sa ngayon, maaaring magkaiba-iba ang pasiya ng bawat Kristiyano pagdating sa trabaho, kalusugan, paglilibang, o iba pang larangan na nagsasangkot ng personal na kagustuhan. Maaaring ikabahala ng ilan ang gayong iba’t ibang kapasiyahan. Baka isipin nila na maaaring humantong sa pagtatalu-talo o pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon ang gayong pagkakaiba ng pangmalas. Subalit hindi maiiwasan ang gayong kahihinatnan. Bilang paglalarawan: Limitado lamang ang mga nota na maaaring tugtugin ng mga kumakatha ng musika, subalit walang katapusan ang mga posibilidad sa paggawa ng magandang musika. Sa katulad na paraan, nagpapasiya ang mga Kristiyano ayon sa mga hangganan ng makadiyos na mga simulain. Gayunman, malaya silang makapipili kapag gumagawa ng personal na mga desisyon.

Paano posibleng mapanatili ang Kristiyanong pagkakaisa samantalang patuloy na iginagalang ang personal na pasiya ng iba? Ang susi ay pag-ibig. Ang pag-ibig sa Diyos ay nag-uudyok sa atin na handang sumunod sa kaniyang mga utos. (1 Juan 5:3) Ang pag-ibig sa kapuwa ay nag-uudyok sa atin na igalang ang mga karapatan ng iba na magpasiya ayon sa kanilang budhi pagdating sa personal na mga bagay. (Roma 14:3, 4; Galacia 5:13) Nagbigay ng mabuting halimbawa si Pablo sa bagay na ito nang magpasakop siya sa awtoridad ng unang-siglong lupong tagapamahala hinggil sa isang bagay na may kinalaman sa doktrina. (Mateo 24:45-47; Gawa 15:1, 2) Kasabay nito, hinimok niya ang lahat na igalang ang budhi ng kanilang kapuwa mga Kristiyano pagdating sa mga bagay na ipinaubaya na sa personal na pagpapasiya.​—1 Corinto 10:25-33.

Maliwanag, walang sinuman ang dapat hatulan sa pagpapasiya nang salig sa kaniyang budhi kapag hindi naman ito salungat sa mga simulain ng Bibliya. (Santiago 4:12) Sa kabilang dako naman, hindi dapat igiit ng matapat na mga Kristiyano ang kanilang personal na mga karapatan na makapipinsala naman sa budhi ng iba o magiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon. Ni dapat man nilang igiit na may kalayaan silang gawin ang isang bagay na maliwanag na ipinagbabawal ng Salita ng Diyos. (Roma 15:1; 2 Pedro 2:1, 19) Ang pag-ibig sa Diyos ang dapat magpakilos sa atin na iayon ang ating budhi sa kaisipan ng Diyos. Pananatilihin naman nito ang pagkakaisa natin at ng ating mga kapananampalataya.​—Hebreo 5:14.

[Talababa]

^ par. 10 Halimbawa, posible na ang ilan na dating sumasamba sa mga idolo bago naging mga Kristiyano ay walang nakikitang pagkakaiba sa pagitan ng pagkain ng karne at ng pakikibahagi sa isang gawang pagsamba. Ang isa pang lubhang ikinababahala ay baka magkaroon ng maling impresyon at matisod ang mas mahihinang Kristiyano.